Chapter 1
“Ngayon ay ikatlong araw ng Oktubre sa taong 2015, at nandito ako ngayon sa aking pinagtatrabahuan. Ako’y nag-aaral palang sa high school pero ito ako ngayon, isang waitress sa isang karenderya…”
“Yani…”
“Wala eh. Kailangan kong gawin ito para mabayaran ang tuition fee ko sa paaralan, pero siguro ito na talaga ang trabaho para sa akin. Mukhang mabait naman ang boss ko…”
“Yani…”
“Sinisigawan ako pag na-la-late galing sa school o di kaya pag may konting pagkakamali, pinapahugas ka ng kabundok na hugasan, pinapalinis ang kanilang CR at mapipilitan kang ngumiti sa harap ng mga customer kahit pagod ka na. Hayaan mo, sanay naman na ako pero yun lang ang inaakala ko dahil mayamaya—”
“YANI!”
“Ay anak ng palaka!” gulat kong saad at hinarap ang tumawag ng pangalan ko.
“Anong sinusulat mo diyan?! Nakikinig ka ba sa mga sinasabi ko?” galit na mga tanong ni Aling Nena. Well, pasensya na Aling Nena. Alam kong boss kita pero kailangan ko ring sulatan ang journal ko eh.
“Opo nakikinig po ako,” sagot ko naman.
“Eh ano pang hinihintay mo diyan. Magpalit ka na at umalis rito sa karenderya ko! Sesante ka na.”
Imbis na magulat, naglabas na lang ako ng buntong hininga at ginawa ang sinabi niya.
“Kamalasan lang dinadala mo rito,” huli niyang saad bago ako tuluyang nakaalis.
Alam ko po yun. Hay, hanap na naman ako ng bagong trabaho mamaya, ano pa bang bago.
Alam kong hindi ako tumatagal ng dalawang linggo sa isang karenderya pero anong magagawa ko. Fourth year high school palang ako at malapit na mag-graduate pero baon ako sa utang kaya kailangan ko ng perang pagkikitaan. Balak ko pa namang mag kolehiyo.
Dahil sa wala naman na akong ibang mapupuntahan, pumunta na lang ako sa paaralan. Buti na lang recess time na. Naglalakad palang ako papasok, marami nang nagbubulungan.
“Siya ba si Yani?”
“Oo bakit? Ano bang meron sa kanya?”
“Sabi nila dati biglang may apoy na lumitaw sa kamay niya tapos may nakakita na lumulutang din yung tubig sa kamay niya.”
“Naniwala ka naman dun. Paano mangyayari yun? Isa lang siyang normal na studyante rito.”
Normal? Kailan pa naging normal na magkaroon ng kapangyarihang kontrolin ang apoy, tubig, hangin, lupa, kuryente, mga halaman, metal at yelo?
Hindi ako normal, at dahil doon hindi rin normal ang buhay ko. Napatay ko ang mga magulang ko – este PEKENG mga magulang, nakatira ako sa isang bahay sa loob ng isang gubat na ginawa ko lang at palagi akong nasesesante sa trabaho dahil lagi akong nakakagawa ng eksena na hindi naman dapat mangyari.
Hiniling ko na sana panaginip lang ang lahat ng ito at hanggang ngayon iniisip ko pa rin na hindi pa ako nagigising sa katotohanan pero kahit ilang sampal ko na sa mukha ko at kurot sa mga braso ko, talagang totoo nga ito.
Sinusubukan kong isipin na biyaya ang magkaroon ng ganitong kapangyarihan dahil dito, buhay pa rin ako ngayon pero anong mararamdaman mo pag mag-isa ka lang na may ganito sa mundong ginagalawan mo?
Dumiretso ako sa locker ko para kunin ang mga notebook ko pero pagkarating ko palang, may mga tumambad na nakapatong-patong na mga libro kaya nagtaka ako. May nakita akong papel sa ibabaw ng libro at may nakasulat.
Pakidala nito sa library.
Napabuntong hininga na lang ako. Kahit wala siya rito, alam ko kung sino ang nang-uutos nito – ang president ng classroom namin na gusto lang akong pahirapan.
Wala akong nagawa kundi dalhin ang mga libro sa library pero sa sobrang bigat, nahulog ko ang mga ito. Napaluhod ako agad at isa-isa itong pinulot.
Bakit parati na lang ganito? Kapag may ganitong eksena na nangyayari sa akin, iniisip ko pa rin na tulad na nangyayari sa mga romance stories na biglang may gwapong lalaki na tutulong sa iyo magbuhat ng mga librong ito? Pero ilang beses na rin ba na nabigo ako, na isang cliché na ang pangyayaring yan at kahit kailan, hindi yun mangyayari sa akin dahil ni isang lalaki dito sa campus na ito o kahit mga babae pa yan ay lumalayo sa akin? Isang himala lang kapag nangyari yun.
Naglabas muli ako ng buntong hininga at nang pupulutin ko na ang huling libro, napatingin ako ng diretso pero nagulat ako sa nakita ko.
May nakatingin na lalaki sa akin na puti ang buhok at maputing abo ang mga mata. Mukhang foreigner ang itsura at ang lamig ng tingin sa akin. Nakipagtitigan ako sa kanya at binabalikan ko siya ng tinging pagtataka.
Sino siya? Saka bakit sa akin lang siya nakatingin? Para kaming may sariling mundo. Bakit hindi nararamdaman ng mga taong dumadaan sa tabi niya ang presensya niya?
Creepy naman nito. Lumingon ako sa aking kaliwa’t kanan at pati na rin sa likod ko para siguraduhin pero, wala talagang nakakapansin. Binalik ko ang tingin ko kung saan siya nakatayo at...
Naglaho siya na parang bula. Sandali… shacks. Shacks! Ibig sabihin ba nun… SHACKS! Multo ata yung nakita ko kanina! Shacks! Bigla akong nakaramdam ng kung anong malamig na hangin na hinawakan ako. Waahh!!
Sandali, sandali. Breathe in, breathe out. Kalma lang Yani. Kalimutan na lang natin yun okay? Pero sa hindi ko alam na kadahilanan may naramdaman ako habang nakatitig siya sa akin... na parang may gusto siyang sabihin sa akin.
Heh! Guni-guni ko lang yun. Sadyang ang dami ko lang atang fantasy stories na binasa kaya nag-ha-halucinate na ako. Tama. Yun lang ang rason.
Binuhat ko na ang mga libro papunta sa library at bumalik ako ulit sa locker ko para kunin ang iba kong notebook at libro at pumunta agad sa classroom ko. Pagkaupo ko, nagbukas ako ng isang notebook at nagsimulang magsulat.
Ano ba naman yan. Bakit hindi ako maka get-over sa nangyari kanina? Sino ba kasi yun? Parang hindi kasi siya gawa-gawa lang ng utak ko eh.
Saka bakit ganun, masyado siyang kakaiba sa mga taong nakikita ko dito sa Pilipinas kasi puti ang buhok niya at maputing abo ang mga mata? May Pilipino bang nabubuhay na ganun? Ano yun, nagpakulay siya at naglagay ng contact lens? O baka nga foreigner talaga?
Napabuntong hininga na lang ako muli at tinuloy ang pagsusulat. Nakakalahati ko na ang journal ko nang napalingon ako ng di oras sa bintana na katabi ko lamang.
O teka, bakit biglang ang kulimlim ng langit? May bagyo bang paparating?
Biglang kumulog na naging dahilan para magulat kami ng mga kaklase ko na nandito sa classroom namin ngayon, pero hindi na namin pinansin iyon at bumalik din kami sa aming mga gawain. Nagpatuloy akong magsulat.
Parang big deal naman kasi na may kulog lang. Masanay na kayo dahil climate change lang yan. Tumigil ako para mag-isip sa susunod kong isusulat at pinaglaruan ang aking ballpen sa aking daliri.
Clank! Nabitawan ko ang aking ballpen at napahawak sa aking dibdib dahil bigla na lang itong nanikip. Napatigil ako na puno ng gulat ang aking mukha at nagsimulang kabahan. Bakit ganito?
Umihip ang hangin mula sa labas papasok sa classroom namin. “Bakit ang lamig?” pansin ng isa kong kaklase.
Oo nga. Bakit biglang lumamig? Andito kami sa Pangasinan ngayon kaya imposibleng biglang lalamig dito, well unless merong—
Boogsh! Blang! Blang!
Lumakas ang ihip ng hangin na dahilan para magsara ang pinto at lahat ng bintana namin kasabay na nagsigawan ang iba dahil sa takot.
“Kyaahh! Anong nangyayari?!” panic nila.
Kahit nakakatakot na ang nangyayari, bakas naman sa mukha ko ang pagkalito at hawak-hawak pa rin ang nanikip kong dibdib. May salitang sumagi sa utak ko at hindi ko alam kung bakit.
Hangin!
Pinagmasdan ko ang buong paligid. Hindi ko alam kung bakit ganito pero pakiramdam ko na may mga taong gumagawa nito na hindi ito basta-bastang gawa ng klima lamang... na may mga tao dito na katulad ko.
Tinignan ko bawat estudyante na nandito sa loob ng classroom sakaling isa sa kanila ang hinila ko.
Pero sa ilang buwan at araw kong nag-aral at nanatili rito, wala pa akong nakilala ni isa na tulad ko. Bakas sa bawat mukha nila ang takot at kaba dahilan rin na hindi sila makagalaw sa kanilang lugar. Ano ba yan. Wala ba silang balak lumabas?
Malamang natatakot na sila dahil bigla na lang sumara ang pinto at ang mga bintana ng classroom namin dahil lang sa lakas ng hangin.
Nawala na ang sakit sa aking dibdib kaya naglakas loob akong tumayo at lumapit sa pinto. Hahawakan ko na sana ang doorknob pero nagulat kaming lahat sa nangyari.
“Oh My Gosh! May yelo ang pinto!” panic ng isa.
Nanigas muna ako sa aking kinatatayuan at bumalik lang ako sa katotohanan nang may sumagi muli na salita sa aking utak.
Yelo!
Mukhang nagiging tama ang hinala ko. Imposibleng klima ang gumawa ng yelo sa pintuan namin.
Thunder! Lightning! Muli, kumulog at may kasama pang mga kidlat. Lumingon ako at tinignan ang makulilim na langit.
Kuryente!
Biglaang lumindol kaya napaupo ako ng di oras.
“Kyaahhh! End of the world na!” sigaw ng isang babae.
“Natatakot na ako. Ayaw ko pang mamatay!”
Mas lumakas ang lindol dahilan na nagsihulugan ang mga ilaw.
“Everyone! Takpan niyo ang mga ulo niyo! Punta kayo sa ilalim ng mga mesa!” sigaw ng isa sa kanila.
Lupa! Kung titignan natin, parang nagagalit si Mother Nature at parang end of the world na nga talaga pero sigurado akong hindi si Mother Nature ang may kagagawan nito.
Tinignan ko sila na nasa ilalim ng mga mesa na bakas sa kanilang mga mukha ang takot at ang iba ay umiiyak pa. Sa ngayon, ako lang ang may kakayahang mailigtas sila pero kailangan kong mag-isip ng ibang paraan na makaalis kami rito na hindi kailangang gamitin ang kapangyarihan ko.
Napalingon lang ako sa aking paligid sakali ngang may pwede akong gamitin pero napapikit na lang ako ng mga mata at muli hindi ko alam kung bakit.
“Yani! Takpan mo ulo mo!” sigaw ng isa kong kaklase dahil sa nakaupo lang ako na walang takip ang ulo habang gumagalaw ang lupa.
Sandali lang hah kuya. Alam ko ang ginagawa ko. Dahil sa kaya kong kontrolin ang lupa, sinusubukan kong itigil ang lindol pero sa halip ay may nahagilap ako na may lalaking nakahawak sa lupa na pinagmumulan ng lindol.
Hindi lang yun, may dalawang lalaki sa bubong na ang isa ay kinokontrol ang kuryente habang ang isa ay kinokontrol ang hangin. Silang tatlo lang ang nakita ko pero habang ginagawa ko ito, nagpakita ang mukha ng lalaki na nakita ko kanina sa hallway na puti ang buhok.
Nang tumigil ang lindol, agad kong binuksan ang aking mga mata at ito lang ang tanging paraan na naisip ko. Lumapit ako sa pinto na may yelo at agad pinahid ang palad ng aking kamay sabay na ring hinipan ito.
Elemento, maki-isa kayo sa akin.
Naglabas ako ng apoy mula sa aking mga kamay para matunaw ang yelo sa pinto. Nang tuluyan na itong natunaw, tumigil din ako habang humihingal. Agad kong kinuha ang door knob at binuksan ang pinto.
“O, labas na kayo—” pero naputol ang aking sasabihin dahil pagkabalik ko ng tingin sa kanila, bakas sa mukha nila ang pagkagulat... na para silang nakakita ng multo sa takot habang nakatingin sa akin.
Bumalik lang sila sa katotohanan nang magkaroon ng aftershock. Nag-panik silang lumapit sa pinto pero nakaharang ako kaya agad silang tumigil at nagtutulakan pa. Hindi sila makapagsalita pero alam ko naman na kung ano ang gusto nilang sabihin.
Nakakainis ang mga tingin niyo.
Tumigil ang aftershock bago ako tumabi. Agad silang tumakbo ng mabilis palabas ng silid na para bang hinahabol sila ng isang halimaw.
Ako na lang ang natira sa loob ng silid. Matagal ko na itong alam at tanggap na hindi ako nararapat sa lugar na ito. Kahit maganda nga magkaroon ng ganitong kapangyarihan, naiinis ako na meron ako nito. Ngayon namang pinagmamasdan ko ang silid kung saan ako nakatayo, mas lalo kong kinaiinisan ang sarili ko at ang sumpa na taglay ko. Wala pa ata itong nagawa kundi magdala ng malas sa buhay ko.
Bumalik lang ako sa katotohanan nang may biglang malakas na kidlat na tumama mismo sa tabi ng kwarto namin.
Ano bang gusto nila? Hindi pa ba nila nakikita ang nangyayari sa loob? Kung gaano kagrabe ang pinsala na nagawa nila?
Lumabas ako agad ng silid para makalabas sa mismong paaralan at makausap sila pero hindi ko alam kung saan ako dadaan. Pupunta ba ako sa aking kaliwa kung saan andoon ang lahat ng mga estudyante at guro o dito na lang sa kanan dahil may...
Nanlaki ang mga mata ko sa nakita ko. Andoon siya ulit. Ang lalaking puti ang buhok na mukhang foreigner. Walang nagbago sa mukha niya at malamig pa rin ang tingin niya sa akin.
Teka, guni-guni ko rin ba ito ulit? Totoo bang andito siya ulit sa harap ko? Kinamot ko pa ang aking mga mata sakali ngang namamalik mata lang ako pero kahit ilang ulit ko itong gawin, hindi siya nawawala.
Ibig sabihin totoong nakita ko siya kanina? Pero bakit pa siya nandito? Hindi niya ba nararamdaman ang nangyayari?
“Uhm si-sino po sila?” tanong ko ngunit hindi siya umimik.
“Uhm okay uhh andoon po sila sa kabila,” magalang kong sabi at tinuro ko pa kung saan. “Delikado po kung nandito po kayo. Mabuti pong tumakbo na kayo papunta doon para ligtas po kayo,” pero hindi pa rin siya umimik ni isang salita at tinitigan lang ako.
Okay? Creepy talaga siya. May problema ba siya? Naririnig niya ba ako o ano?
Teka, baka naman dahil sa mukha siyang foreigner, baka hindi niya ako naiintindihan. Magsasalita na sana ako pero bigla siyang tumalikod at naglakad sa daang ibang tinutukoy ko.
“Sandali po! Mali yang daan mo! Ang ibig sabihin kong kabila ay doon!” sigaw ko at tinuro muli ito pero hindi niya naman ito pinansin at tuloy-tuloy lang sa paglalakad.
Eish ang kulit naman ng isang to. Bakit hindi siya nakikinig? Ay oo nga pala, baka foreigner nga kasi.
“Wait! It’s dangerous out there!” sigaw ko habang sinusundan siya.
Binasag niya pa rin ako. Pusang gala, ano ba ang naiintindihan niya? Nakita ko siyang lumabas ng pinto. Nung nasa harapan na ako ng pinto, tumigil ako.
Hinawakan ko muna ang door knob habang humihingal. Parang bigla kasi akong kinabahan. Binuksan ko rin ito at nakita siyang nakatayo mga ilang metro ang layo sa akin na malamig pa rin ang mga tingin pabalik sa akin.
Sa totoo lang, nakakaasar na ang tingin niya tapos hindi man lang magsalita. Sigurado ka ba Yani na kailangan mo siyang kausapin?
“Kuya, narinig mo ba ang mga pinagsasabi ko kanina? Sinisigawan na kita na andoon sila sa kabila pumipilit ka pa rin na pumarito. Delikado kaya rito,” naaasar kong sabi.
Hindi siya umimik. Tsk. Try nga natin ulit ang English. “Excuse me but can’t you understand Filipino?” tanong ko.
Hindi siya nagsalita pero inangat niya ang kanang kamay niya na parang nag-aalok. Sandali, baka naman hindi siya makapagsalita.
“Uhm are you mute?” tanong ko.
“Sumama ka sa akin,” malamig na sabi niya.
Nagulat ako. O, yun naman pala eh. Nakakapagsalita naman pala siya at Filipino pa kaya nakakaintindi siya pero sandali lang... ano raw? Sumama sa kanya?
“Uhm sumama? Sa iyo? Ano pong pinagsasabi niyo?” nagtataka kong tanong. Akala ko sasagot siya pero hindi na naman siya umimik. Okay? Nalilito na ako.
“Sa-sandali lang hah kuya. Bakit ba ako sasama sa iyo?” nautal kong tanong.
Hindi siya umimik. Sinimulan akong kabahan. Anong sa tingin niya, na sasama ako agad sa kanya pagsinabi niya yun? Like hello po, kakakita lang natin at kahit pangalan niya hindi ko alam tapos bigla niya akong aalukin? Kahit gwapo ka kuya, hindi ako tulad ng mga malalanding babae diyan na basta-basta na lang sasama sa mga lalaking tulad mo.
Teka, baka mamaya may masamang balak pala ang taong ito. “Hindi ko alam kung anong binabalak mo pero—”
Hindi ko natapos ang sasabihin ko dahil nagulat ako sa ginawa niya. Bigla siyang gumawa ng snowflake mula sa kamay niyang nakaangat at lumulutang ito mula sa palad niya.
“Sumama ka na sa akin para tapos na ang lahat,” sambit niya.
Nanigas ako saglit sa kinatatayuan ko at tinitigan ang ginawa niyang snowflake, sabay na ring prinoseso ko sa aking utak ang nangyayari. Sa hindi ko alam na kadahilanan, bigla kong tinabing ang kamay niya. Nagulat din ako sa ginawa ko.
“Sorry, sorry. Uhm kasi— I mean, ano ka ba?” naasar kong saad. “Hindi mo ba alam kung anong mangyayari kung may makakita sa ginawa mo?”
Binalikan niya lang ako ng tinging malamig. Mukhang nagalit ata. “Pe-pero kahit ginawa mo yun, hindi kita kilala kaya hindi,” mariin kong saad. “Hindi ako sasama sa iyo.”
Tinitigan niya muna ako bago nagsalita muli. “Kahit lahat ng tao rito ayaw na sa iyo?”
Napatigil ako bigla sa sinabi niya. “A-anong gusto mong iparating?” sumeryeso ako.
“Bakit hindi ba totoo?”
I clicked my teeth sa galit. “Tumahimik ka!” Sa sobrang galit ko, hindi ko napigilan ang sarili ko at nagbuga ng malakas na apoy mula sa aking kamay.
Nang may namuong makapal na usok saka ko lang tinigil ang pagbuga ng apoy. Shacks. Baka nasaktan ko talaga siya!
Unti-unting nawala ang usok ngunit nanlaki ang mga mata ko sa nakita ko.
Nasa harap ko ngayon ay isang bakod na gawa sa yelo. So, kaya niya palang gamitin ang yelo para harangin ang apoy. E di ibig sabihin ba nun, siya ang may kagagawan ng yelo sa pintuan ng classroom namin kanina? Kung ganun, sino yung mga lalaking nakita ko kanina na nakakakontrol ng hangin, kuryente at lupa?
Alam kong tama ang kutob ko pero hindi ko aakalain na makikita ko ang kahit isa lang sa kanila sa mismong harapan ko pero, “Bakit ka nandito?” seryoso kong tanong sa kanya.
Unti-unting lumaho ang yelo sa harap ng mukha niya. “Mahabang kwento kaya sumama ka na lang,” malamig niyang sagot.
“Tsk, sa tingin mo mapipilit mo ako ng ganyan?” And the usual, hindi siya umimik.
Hindi ko talaga maintindihan. Alam kong may kapangyarihan siya ng parang sa akin pero ayaw kong sumama sa kanya dahil isa siyang estranghero… pero sa kabila ng lahat ng nangyari, part of me ay gustong sumama sa kanya. Ano ba, sasama ba ako o hindi?
“Uulitin ko,” sabay inangat niya muli ang kanyang kamay. “Sumama ka na sa akin.”
Wala na ba siyang ibang masabi bukod doon? Binalikan ko siya ng tinging seryoso.
“Hindi,” mariin kong sagot sabay na ring kinontrol ang hangin at gumawa ng maliit na ipu-ipu sa aking mga paa. “Ngunit, pag-iisipan ko yan,” at lumipad paalis.
Sino ba siya? Bakit nakokontrol niya ang yelo? Bakit ang lamig ng tingin at boses niya? Bakit niya ako sinasama? Saan ba kami pupunta? Ang dami kong tanong na alam ko ang lalaking yun ang makakasagot lang ng mga ito pero kahit papaano…
…naisip ko rin na hindi ako nag-iisa sa mundong ito.