UMAKTO si Charlene na confident sa araw ng interview niya para sa personal assistant position ni Director Art Mendez. Kahit sa loob niya ay nag-pa-panic na siya at nanlalamig na sa tensiyon at kaba. Hindi lang dahil si Art ang personal na mag-i-interview kung hindi dahil sa mga kasabay niyang mga aplikante na parang audition yata para sa commercial o pelikula ang pinunta kung pagbabasehan ang mga hitsura. Pero kahit na simpleng simple siya kompara sa mga kasabayan niya ay hindi magpapatalo si Charlene. Kahit pa nang siya na ang tinawag para harapin si Art ay nabingi siya sa kabog ng dibdib niya. Nanginginig pa nga ang mga tuhod niya habang naglalakad. Pero bago siya makalapit nang tuluyan sa silid kung saan ginaganap ang interview ay biglang bumukas na ang pinto.