Masaya si Fina sa buhay nila ng kaniyang Inay kahit simple lamang at silang dalawa lang. Para sa isang paslit ay sapat na ito lahat. At dahil din sa kaniyang ina kaya siya nangangarap na balang araw ay makapagtapos siya sa pag-aaral para hindi na kailangan mag-tinda ng kaniyang ina sa simbahan.
Simple lang ang bahay nila, kahit maliit ay cemento naman ang dingding at may bakuran na yari sa kawayan. Minana pa ng kaniyang Inay ang bahay na ito mula sa mga magulang nito. Paunti-unti na ginagastusan upang mapaganda kahit pa na kapos sila sa pera. Dahil sabi sa kaniya ng kaniyang Inay na balang araw ay siya ang magmamana ng munting bahay na ito.
Hindi pa sumisikat ang araw ay gising na siya. Kailangan niyang gumising ng maaga lalo pa at kailangan niyang tulungan ang kaniyang Inay.
"Magandang umaga, Inay." Bati ni Fina sa kaniyang ina nang makita niya ito sa may sala. Inaayos nito ang mga sampaguita na tinuhog nila kagabi. Iyon kasi ang ibebenta nito sa simbahan, kasama ang mga samu't-saring candy at sigarilyo.
Napa-ubo ang kaniyang ina at napalingon sa kaniya. Tipid na ngumiti ito bago nagsalita. "Magandang umaga, anak. Bakit ang aga mo nagising? Bumalik ka muna roon at matulog ulit. Gigisingin na lang kita bago ako pumunta sa simbahan."
Umiling si Fina at nilapitan ang kaniyang inay. "Hindi, Inay. Ako na lang po ang pupunta at magbebenta ng mga sampaguita at mga iyan. Dahil magpapahinga ka po rito sa bahay ngayon. Hindi ka po aalis."
Umiling ang kaniyang Inay at napa-ubo ulit. Halata na nahihirapan ito at may iniinda. Oo, isang bata lang si Fina, ngunit ramdam niya na hindi maayos ang lagay ng kaniyang Inay. Ang totoo ay ayaw siya nitong pag-bentahin sa may simbahan dahil nag-aalala ang Inay niya na tampuhan siya ng tukso ng kaniyang mga ka-klase kapag siya ay pumasok na sa eskwelahan. Pero para kay Fina ay hindi iyon importante. Aanhin niya ang papuri ng iba kung alam niya naman na nahihirapan ang kaniyang Inaya. "Nay, kaya ko naman po. Kailangan mong magpahinga, nag-aalala po ako sa ubo mo. Iba na po ang tunog. Gusto mo po, punta tayo sa center ngayon? Mamaya po pagkaubos na ng mga paninda natin," nag-aalala pa niyang sabi bago inilagay ang mga sampaguita sa maliit na kariton na hihilain nila.
"Hindi na, gastos lang," pag-tanggi ng kaniyang Inay at napatayo upang pag-timplahan siya ng mainit na gatas para sa kaniya. Likas na maalaga ang kaniyang ina, at walang inaalala kundi siya.
"Sige na, Inay. Balita ko ay wala naman pong bayad sa center eh. Sige na, Nay."
Napabuntong si Silvia, tila naiintindihan din ang pag-aalala ng kaniyang anak. "Oh, siya! Sige na, mamaya pupunta tayo roon, matigil ka lang."
Dahil sa kaniyang sinabi ay lumapad ang mga ngiti sa labi ni Fina. Kahit papaano ay napalagay siya lalo pa at magpapatingin na ito sa wakas.
Ngunit hindi pa man naisasalin ng ginang ang mainit na tubig sa tasa ni Fina nang muli itong umubo. Sa sandaling ito ay hindi na halos huminto. Tuloy-tuloy na halos ay mauubususan na ng hininga. Dahil doon ay labis na nag-alala si Fina. Binitawan niya ang kaniyang ginagawa at nilapitan ito.
"Nay? Ayos ka lang po ba?" Nag-aalalang sabi niya sa Inay.
Hindi ito sumagot, nagpatuloy lang sa pag-ubo hanggang sa tila mas lalong lumala. Nakakabahala pa ang dugo na lumalabas sa bibig nito. Napakabilis nang pangyayari, lalo pa at ilang sandali lamang ay bumulagta na ito sa sahig at nawalan ng malay.
"Inay! Tulong!"
---
Napailing ang matandang manggagamot sa kanila, lalo na sa kaniya. Matapos na matumba ang kaniyang Inay ay humingi siya ng tulong sa manggagamot na nakatira malapit sa kanila. Nag-punta rin rito sa kanila ang kaniyang Tita Babeng niya upang tignan ang kalagayan ng kaniyang ina.
"Nag-hihingalo na siya, hindi na rin tatagal ang buhay niya kaya pumasok na kayo sa loob upang maibigay na niya ang kaniyang habilin." Sabi pa nang manggagamot na tumingin sa kaniyang Inay.
Hindi siya nakapag-salita. Hindi pumapasok sa kaniyang isipan ang mga sinabi nito. Hindi niya maintindihan, lalo pa at maayos pa ang kaniyang Inay kanina. Ngunit alam niya rin naman ang ibig-sabihin nito.
"Ano po ang nangyari sa Inay ko?" Umiiyak niyang tanong sa manggagamot.
"Matagal ng may problema sa lalamunan ang Inay mo. Ang sabi ko nga sa kaniya noon ay ipatingin niya na sa doktor doon sa bayan, lalo pa at hindi na madadaan ng pinigaang oregano ang ubo niya," buntong-hiningang sabi pa nang manggagamot kay Fina. "Hay, kawawang bata, napakaliit mo pa para maiwan ng Nanay mo. Mahabaging diyos tulungan mo ang batang ito."
Paano na ang isang ubo lang ang magiging dahilan nang pag-panaw nito?. Alam niyang matagal ng may ubo ito pero sabi naman ng kaniyang Inay na wala lang iyon. Na hindi dapat ipag-alala. Kaya paanong hindi na tatagal ang buhay nito ngayon?
"Fina," rinig niyang tawag sa kaniya ng kaniyang Inay mula sa loob ng silid.
Nagmadali siyang pumasok sa silid at nakita na nakaratay ang kaniyang ina kagaya nang iwan niya ito kanina. Ngunit tila mas lalong lumala ang kalagayan nito. May mga dugo ang damit nito, ang mga unan pati na rin sa may sahig.
Ngunit hindi iyon alintana ni Fina. Mabilis niyang niyakap ang kaniyang inay na napakahigpit na tila ayaw bitawan ito. Humahagulgol na tila isang sanggol na ayaw mawalay sa kaniyang ina. Kahit sino namang anak, hindi gugustuhin na pumanaw ang kanilang mga magulang. Para kay Fina, ang kaniyang Inay ang natatangi niyang magulang na nakilala, hindi niya kaya na mawala pa ito sa kaniya.
"Inay! Ano itong sinasabi nila? Anong mamamatay ka na?!" Tanong niya sa ina habang yakap ito.
Tipid na ngumiti ang kaniyang ina, masakit man sa kaniya na makita at lisanin ang anak ay wala siyang magawa. "Fina, makinig ka. Kumalma ka muna anak, pakinggan mo ako," ani nito.
Hinarap ni Fina ang kaniyang inay, patuloy pa rin ang kaniyang pagtangis dahil hindi niya matanggap ang sasapitin nito.
"Anak, huwag kang umiyak. Hindi naman ako mawawala habambuhay. Magbabakasyon lamang ang, Nanay."
Umiling siya, alam niya angmangyayari rito. Hindi siya mauuto nito. Alam niyang isang kasinungalingan iyon. Oo, bata pa lamang siya ngunit malawak na ang pang-unawa niya.
"Pasensya ka na, Anak. Mahal na mahal kita, anak. At sana kahit na wala si Nanay ay maging mabuting bata ka. Lumaki ka na mabuti at may malaking puso. Na matupad ang mga pangarap mo, na kahit na nasa iyo na ang lahat ay hindi mo ibebenta ang bahay na ito dahil marami tayong ala-ala rito. Ang panalangin ko lagi ay ang kaligtasan mo, at ang kasiyahan. Na sana kahit wala na si Nanay ay hindi mo pa rin kalimutan na ngumiti at magpatuloy sa buhay. Bata ka pa, Josefina. Malayo pa ang mararating mo anak, at sana maging masaya ka."
"Hindi ako magiging masaya ina, kung wala ka," hagulgol niya pa sa ina habang hindi binibitawan ito.
"Huwag kang mag-alala, nandito naman ang Tiya Babeng mo, aalagaan ka niya." Bilin nito at tumango ang Tiya Babeng niya. Ngumiti ang kaniyang ina, "Babeng salamat. Pasensya ka na kung iiwanan kita ng responsibilidad. Huwag kang mag-alala may kaunti akong ipon para kay Josefina, para sa pag-aaral niya.
"Huwag kang mag-alala ako na ang bahala kay Fina." Malungkot pa na sabi ng Tiya Babeng niya na pinsan ng kaniyang ina.
Sa sandaling iyon ay hindi na pumasok sa kaniyang isipan ang mga sumunod na sinabi ng kaniyang ina. Ang mga bilin nito sa Tiya Babeng niya. Wala siyang naramdaman kundi galit dahil lilisan siya nito.
Sa araw rin na iyon ay namatay ang kaniyang Inay. At sa sandaling maiwan siya mag-isa para bantayan ang bangkay nito sa loob ng kabaong. Na siya lang ang natatangging nakaupo sa harapan dahil siya ang naiwang pamilya, ay, doon niya naramdaman ang labis na lungkot. Pagka-ulila dahil bukod sa kaniyang ina ay wala nang naiwan para sa kaniya.
Hindi naman niya kasundo ang Tiya Babeng niya, wala nga siyang maalala na sandali na nagmalasakit ito o nag-imbita sa kanila kung kaarawan, pasko o bagong taon kahit pa na mas may kaya ito. At kung hindi siya nagkakamali ay isang matapobre ang Tiya Babeng niya. Dahilan din kaya hindi sila nagpupunta sa bahay nito. Na kapag nagtatanong siya tungkol sa mga kamag-anak nila na si Tiya Babeng lang ang nasa malapit ay iniiba ng Nanay niya ang pinag-uusapan nila. Na kapag nakikita niya ang mga pinsan niya sa plaza ay iniiwasan siya na tila ibinilin ng magulang nito na huwag lalapit sa kaniya. Ngunit ngayon, nagpapasalamat pa rin siya lalo pa at ang Tiya Babeng niya lang ang tumutulong sa kaniya. Marahil dahil kaya lumapit dito ang kaniyang ina, ay dahil wala na rin itong mapagbibilinan sa kaniya.
Ibinurol ang kaniyang Inay sa bahay nila. May mga pumunta para makiramay, may iba naman na iba ang habol sa gabi ng lamay. Nagpalagay kasi ng sugalan ang kaniyang Tiya Babeng, at tumagal ang dalawang linggo ang burol ng kaniyang Nanay, dahil kailangan daw na kumita ng sugalan para may pampalibing.
Nang matapos ang libing nang kaniyang inay ay akala niya titigil na rin ang kaniyang pagdadalamhati, ngunit ito pa lang pala ang umpisa. At least nung burol nito ay nakikita niya ang bangkay ng kaniyang ina, kahit paano ay nasa tabi niya ito. Ngunit ngayon, tanging siya na lamang mag-isa ang naiwan. Na ang dating bahay na puno ng saya at tawanan mula sa kanila ng kaniyang ina, ay napakatahimik na.
Subalit, ito pa lang ang simula ng suliranin ni Fina, ito pa lang pala ang umpisa nang magiging kalbaryo niya sa buhay.
Isang umaga ay napa-dungaw siya sa labas. Nakita niya na may isang lalaki na pumasok sa gate kasama ang Tiya Babeng niya. Kaya naman ay lumabas siya upang alamin kung sino ang lalaki at ang sadya nito ngayon.
"Mabuti naman, pareho sa mga litrato na pinadala mo." Rinig niyang sabi ng lalaki sa kaniyang Tiya na malapad ang ngiti.
"Kung ganoon ay kukunin mo na?" Tanong ni Babeng.
Tumango ang lalaki at dumukot ng pera sa bulsa at inabot kay Babeng. Mas lalong lumaki ang ngiti nito habang bininilang ang libo-libong pera na ibinigay ng lalaki.
"So? Ano na? Kailan ba pwedeng lumipat kami? Sana ay mabilis lang lalo pa at mabilis ko rin na binayaran."
"Oo naman! Walang problema, bukas na bukas ay puwede na kayong lumipat dito sa bahay." Sabi ni Babeng habang nasa mga salapi pa rin ang kaniyang mga tingin.
"Ano pong lilipat? Tiya? Sino po sila?" Hindi mapigilan na itanong ni Fina sa kaniyang Tiya.
"Kami iha, lilipat kami nang mag-anak ko sa magandang bahay na ito. Maganda ang lupa at pwedeng taniman sa paligid. Teka Babeng? Sino ba itong bata na ito? Anak mo?"
Umiling si Fina. "Hindi niya po ako anak, ako po ang nakatira sa bahay na ito. Kaya hindi rin po kayo lilipat."
"Teka," putol ni Babeng at sinamaan siya ng tingin. Hinarap nito ang lalaki at ngumiti. "Ako na ang bahala, aayusin ko na ang mga kailangan na alisin. Basta pangako bukas, maari na kayong lumipat. Ako na ang bahala sa batang ito. Sadyang ganiyan lang talaga iyan, may pagka-bastos at sakit sa ulo talaga namin."
Pumayag ang lalaki sa sinabi ni Babeng. At nang umalis ito ay doon na nga hindi napigilan ni Fina ang nararamdaman na galit.
"Ikaw! Pinapahiya mo ako sa buyer ha! Mamaya pera na nga, maging bato pa!" Inis na sabi sa kaniya ni Babeng bago hinatak siya sa papasok ng bahay.
"Tiya, ano po iyon? Talagang binenta mo po ang bahay namin ng Nanay ko?" Tanong niya habang masama ang tingin sa kaniyang Tiya.
"Oo! Binenta ko! Kaya kunin mo na ang mga gamit mo! At lumayas ka rito dahil na-benta ko na ang bahay na ito!" Mataray na sigaw ng kaniyang Tiya pagkatapos ay hinatak ang isang bag na mukhang lalagyan ng mga gamit niya.
Umiling si Fina. "Hindi! Hindi ako aalis! Bahay ko ito! Bahay namin ni Nanay! Paano mo nagawa ito Tiya?! Nangako ka sa Nanay ko! Sabi mo ikaw ang bahala sa akin, na aalagaan mo ako?"
"Ano ako? Utusan nang Nanay mo? Siya ang lalandi-landi at mapagpapa-buntis sa kung sino tapos ako ang mag-aalaga pag namatay siya? Ano siya sinisuwerte?" Sumbat nito at tumungo sa cabinet niya at kinuha ang ilan sa mga damit niya at inilagay sa plastic. "Saka, ako naman dapat talaga ang magmamana ng bahay na ito, ano! Dapat sa Nanay ko ito ibibigay ng mga Lola namin ngunit sipsip iyang Nanay mo noon sa Lola namin kaya sa mga magulang niya ipina-mana ang bahay na ito. Walang minana ang Nanay ko sa Lola ko, kaya naghirap ang Nanay ko na magtrabaho at mag-pundar ng magandang bahay para sa amin, samantalang ang Nanay mo nagpasarap lang! Ngayon na wala siya, walang dapat na mag-mana nito kundi ako!"
"Pero sa akin po ang bahay! Ako po ang anak!" Sigaw niya pa dahil wala siyang balak na bitawan ang bahay na ito na natatangging iniwan ng kaniyang ina.
"Sino nangsabi na iyo ito? Haha! Wala akong paki-alam kung anak ka pang kutong lupa ka!" Dunuro siya nito sa may noo. "Anong alam ng isang paslit ha?! Saka isa pa, akala mo ba kung magkano ang nagastos ko sa pampapalibing diyan sa Nanay mo? Akala mo ba mura lang ang kabaong? Ha?! Kung tutuusin ay may utang pa kayo, na kulang ang pinambayad sa bahay na ito sa utang niyo sa akin."
Umiling si Fina, "May ipon si Nanay, hindi ba may binigay siyang pera sa iyo? Yung kita po sa sugal nung lamay niya, saka abuloy po? Hindi po ba sumapat iyon?"
Sinampal siya nang kaniyang Tiya. "Sasagot ka pa?! Akala mo ba ay mura lang magpalibing? Hindi lang iyon! Yung pagod ko, pang-aabala sa akin ng Nanay mo! ah basta! Buo na ang desisyon ko at na-benta ko ang bahay na ito. Kaya lumayas ka na!" Sigaw n Bebang pagkatapos ay kinaladkad siya sa labas.
Itinulak siya nito palabas ng bakod na kawayan at ihinagis ang kaniyang bag, ngunit dahil hindi iyon nakasara ay nagkalat ang mga damit niya sa lupa.
"Lumayas ka na! Ayoko na makita ang mukha mo rito!"
"Po? Paano na po ako? Saan po ako titira? Paano po pag-aaral ko?" Umiiyak niyang tanong sa tiyahin niya.
"Wala akong paki! Saka itigil mo iyang illusyon mo na makakapag-aral ka! Ang kapal ng mukha mo o ng Nanay mo na isipin na dalhin ka sa paaralan!"
Galit man ang nararamdaman ni Fina sa kaniyang Tiya ay alam niyang hindi niya kakayanin na mag-isa lang. Wala siyang mapupuntahan maliban sa kaniyang Tiya, kaya naman ay lumuhod siya at nagmaka-awa.
"Tiya, maawa ka po, hindi ko po alam kung saan ako titira. Kaya kahit kupkupin niyo po ako ayos lang." Pagmamakaawa niya sa ginang, gumapang siya at hinawakan ang mga paa nito.
Sinipa siya ni Bebang at dinuraan pa, "Hindi ko na kailangan ng isa pang palamunin sa bahay! Kaya umalis ka na! Pag sinabi kong umalis ka na, umalis ka na!"
Kinaladkad siya nito palayo. At wala na lamang siyang nagawa kundi ang humagulgol habang bitbit ang na-isalba niyang gamit. Naglakad papalayo dala sa kaniyang isipan kung paano na nga ba ang mangyayari sa kaniya? Kung ano ang magiging buhay ng isang 8 taong gulang na batang babae, ulila at walang mapuntahan.