Zoe Sullivan POV
“Dito po ba nakatira si Ms. Zoe Sullivan?” Ang tanong ng isang lalaking bumungad sa aking harapan ng buksan ko ang aming gate.
Nakasuot ito ng uniporme na pang-pulis habang sa ulo nito ay suot ang isang itim na sumbrero. Seryoso ang mukha nito habang nakatitig sa aking mukha ang mga mata nito.
Sa bandang likuran ng lalaki ay nakatayo ang isa pang lalaki na kaparehas ng suot nito.
“Ako nga po, bakit po?” Ang magalang kong sagot na may bahid ng pagtataka ang tinig ko. Hindi ko alam pero tila masama ang pakiramdam ko ng mga oras na ito.
Simula kasi kagabi ay hindi ko pa makontact sina daddy. Umalis sila kahapon ng bandang 6:30 na ng gabi at hanggang ngayon ay umaga na hindi pa rin sila bumabalik. Magdamag na akong hindi makatulog dahil sa labis na pag-aalala.
Sinamahan pa ng pagdating ng mga pulis na mukhang hindi magandang senyales na nagbibigay ng matinding takot sa puso ko.
“Ms. Sullivan, Huwag po sana kayong mabibigla ngunit bumangga ang minamanehong sasakyan ng iyong mga magulang.
Dead on arrival ang mga magulang mo, habang ang kapatid mo ay kasalukuyang nag-aagaw buhay sa hospital.” Ang malungkot na pahayag ng pulis habang diretso itong nakatingin sa aking mukha, nag-aalala sa magiging reaksyon ko.
Pakiramdam ko ay lumaki ang aking ulo at tila huminto sa pag-inog ang mundo ko. Nang mga sandaling ito ay para akong pinagsakluban ng langit at lupa, kusa na lang pumatak ang aking mga luha.
Hindi ko maigalaw ang aking katawan at iisa lang ang tumatak sa aking utak, patay na ang mga magulang namin.
“Ms. Sullivan.” Natauhan ako ng marinig ko ang pagtawag sa akin ni officer na bahagyang niyugyog ang aking balikat.
“S-sir nakikiusap po ako dalhin niyo po ako kung nasaan ang pamilya ko.” Anya dito na bahagyang gumaralgal na ang boses ko.
Nanlalabo na rin ang paningin ko dahil sa patuloy na pag-agos ng masaganang luha mula sa aking mga mata kaya halos hindi ko na makita ang aking dinadaanan.
Inalalayan ako ng mga pulis hanggang sa makarating kami ng morgue, hindi pa rin ako makapaniwala na nangyari ito sa pamilya ko.
Hanggang sa tumambad sa aking harapan ang dalawang katawan ng tao na natatakpan ng puting kumot.
Dahan-dahan akong humakbang papalapit sa dalawang katawan na nakahimlay sa isang metal na higaan na kulay silver. Nanginginig ang mga kamay ko habang inaangat ang kumot sa bandang ulunan nito. Sa totoo lang ay natatakot akong makita ang nasa likod ng mga kumot na ito.
Nang tuluyang matanggal ang kumot ay tumambad sa akin ang duguang mukha ng aking ina, kaya tuluyan na akong napahagulgol ng iyak at biglang nanghina ang aking mga tuhod kaya paluhod akong bumagsak sa sahig.
“Mommy! Daddy! Ahhhhh... M-mom! Dad!” Anya sa pagitan ng aking pagtangis.
Mabilis akong tumayo at lumapit sa kanila niyakap ko ng mahigpit ang malamig na bangkay ni Mommy at doon ay pumalahaw ng iyak.
Hindi matanggap ng sistema ko na tuluyan na kami nitong iniwan. Hindi ko kinaya ang matinding emosyon kaya nagdilim ang aking paningin hanggang sa nawalan na ako ng malay.
Isang linggo na ang nakalipas simula ng mailibing ang aming mga magulang, wala ng lamay pang naganap. Dahil wala namang mag-aasikaso sa labi ng aking mga magulang, tanging ako lang ang nag-ayos ng lahat.
May tatlong kapatid ang aking Ama at alam ko na nakarating sa kanila ang balita, ngunit magpasa hanggang ngayon ay ni isa sa kanila wala man lang nagpahatid ng kanilang pakikiramay.
Aware na ako sa sigalot ng mga magulang ko sa kanilang mga pamilya dahil sa mga ari-ariang naipundar ng aking mga magulang kaya hindi na ako magtataka kung hindi sila magparamdam sa amin.
Para sa aking bunsong kapatid na si Collin ay sinisikap ko na magpakatatag. Nilabanan ko ang labis na kalungkutan sa pagkawala ni mommy at daddy.
Kasalukuyan pa ring critical ang lagay ng aking kapatid at patuloy pa ring nakikipaglaban ito kay kamatayan.
“Collin... parang awa mo na huwag mong iiwan si ate dahil kaw na lang ang meron ako, kapag nawala ka mabuti pang mamatay na rin ako.” Ang humihikbi kong wika habang pinupunasan ng aking kamay ang mga luhang hindi maawat sa pagpatak.
Nakaupo ako sa may gilid ng kama habang mahigpit kong hawak ang kanang kamay nito.
Sa lakas ng pagkakabangga ng kanilang sinasakyan ay himalang nabuhay pa ito mula sa pagkakaipit sa loob ng sasakyan.
Bago mangyari ang aksidenteng iyon ay nanggaling sila sa isang Mall upang bumili ng mga susuotin sana ni Collin para sa graduation nito.
Fourth year high school na ang kapatid ko at ngayong araw gaganapin ang graduation nito.
Dapat ay nagse-celebrate kami ng mga oras na ito, ngunit kabaligtaran ang nangyari.
Dahil nagluluksa ako sa pagkamatay ng aming mga magulang habang ang kapatid ko naman ay walang kasiguruhan kung kailan magigising.
Maingat kong hinimas ang buhok nito bago dinampian ng isang magaan na halik sa noo nito.
Wala akong magawa sa kalagayan nito ngayon, tanging sa Diyos na lang ako kumakapit. Nananalangin na sana ay huwag muna niyang kunin sa akin si Collin.
Tanging tunog ng aparato ang naririnig sa loob ng kwarto habang tahimik na nililinis ko ang katawan ng aking kapatid.
Personal kong inaalagaan ito at hindi inaasa sa mga nurse.
Never na iniwan ko ito maliban na lang kapag kailangan kong umuwi sa bahay upang kumuha ng mga damit pamalit. Dahil gusto ko na sa kan’yang pag-gising ako kaagad ang una niyang masilayan.
Dalawa lang kaming magkapatid at ako ang panganay. Bata pa lang ako ay maaga na akong namulat sa pagpapatakbo ng aming mga negosyo.
Naalala ko pa ang madalas na sabihin sa akin ni daddy noong nabubuhay pa ito.
“Kailangan mong matutunan ang pasikot-sikot sa ating mga negosyo anak. Kapag dumating ang panahon na mawala ako sa mundo, ikaw na ang bahalang mamahala nito at alagaan mo rin ang iyong kapatid.” Ang nakangiti nitong wika habang hinihimas ang aking buhok.
“Dad, huwag nga po kayong magsalita ng gan’yan dahil hindi kayo mawawala.” Anya sa pinalambing na boses bago yumakap sa aking ama na tanging ngiti lang ang itinugon nito sa akin.
Hindi ko sukat akalain na darating ang panahon na magkakatotoo ang lahat ng kan’yang sinabi at hindi lang siya ang nawala, sabay pa sila ni Mommy.
Muling pumatak ang aking mga luha ng maalala ko na naman ang aking mga magulang at ilang sandali pa ay tahimik na akong napahagulgol ng iyak.
Dahan-dahan akong napaupo sa sahig at isinandal ko ang aking likod sa gilid ng kama.
Niyakap ko ang aking mga tuhod bago ipinatong ang ulo sa ibabaw nito saka nagpatuloy sa pag-iyak.
Sa totoo lang hindi ko alam kung ano ang gagawin. Dahil wala akong ibang masasandalan ng mga sandaling ito kundi tanging sarili ko lamang. Hindi ako pwedeng sumuko alang-alang sa aking kapatid, fifteen years old pa lang si Collin at masyadong bata pa ito.
Huminga ako ng malalim at sinikap na kalmahin ang aking sarili ng mahimasmasan ay tumayo na ako at inayos ang nagusot kong damit.
Darating kasi ang nurse na pansamantalang magbabantay sa kapatid ko. Kailangan ko munang umuwi sa bahay upang makapag ligo at kumuha ng mga bagong damit.
Kasalukuyan akong nagmamaneho ng aking sasakyan, tinatahak ko ang daan patungo sa aming bahay. Bata pa lang ako ay nag-aral na akong mag drive kaya ng mag 18 ako ay niregaluhan ako ni daddy ng kotse.
Ipinaradan ko ang sasakyan sa tapat ng gate ng aming bahay. Hindi ko na ito ipapasok sa loob ng bakuran dahil hindi ako maaaring magtagal at kailangan ko kaagad na makabalik ng hospital. Nagtaka ako ng makita kong bukas ang gate at hindi na ito nakalock.
Sa pagkatanda ko ay bago ako umalis noong nakaraan ay sinigurado ko muna itong nakalock kaya paano itong nabuksan?
May naririnig akong mga ingay na nangagaling sa loob ng bahay.
Kinabahan akong bigla dahil baka pinasok na kami ng magnanakaw.
Mabilis ang mga hakbang na pumasok ako sa loob ng bahay. Gumuhit ang galit sa’king mukha ng madatnan ko na prenteng nakaupo ang Tita Marga sa single sofa. Siya ang nakatatandang kapatid ng aking ama.
Habang ang maldita nitong anak ay umiinom ng juice na abala sa panonood ng TV, nakataas pa ang paa nito sa center table.
Kung titingnan mo ang mga ito ay parang nasa sariling pamamahay nila kung kumilos.
Sa tinagal-tagal na panahon ay ngayon lang ulit ito muling nagpakita.
Nakakapagtaka kung bakit nandito ito ngayon, dahil hindi ito kasundo ng aking ama at madalas mag-away ang mga ito noon kaya mas pinili ng aking ama ang lumayo at magsumikap ng kan’ya upang maitaguyod ang sarili niyang pamilya.
“Anong ginagawa ninyo dito!? Paano kayo nakapasok!?” Ang galit kong tanong sa kanila.
Sabay na lumingon sa akin ang mga ito at nakita ko ang pagtaas ng kaliwang kilay ng pinsan ko kasunod ang pagtalim ng tingin nito, tumayo naman ang aking tiyahin at humarap sa akin.
“Dito na kami titira, Since wala na ang parents n’yo mag mula ngayon ay ako na ang magiging guardian n’yo.” Sa tono ng pananalita nito ay tila confidence ito na ang gusto niya ang masusunod at walang makakahindi.
“Hindi namin kailangan ang kahit na sino dahil kaya naming tumayo sa sariling paa ng walang sinasandalan, kaya makakaalis na kayo.” Ang mariin kong wika na siyang ikinadilim ng mukha nito.
“Ang yabang mong magsalita, nakatikim ka lang ng konting yaman naging matapobre ka na!” Ang galit na sigaw ng anak nito. Ngunit hindi ako nagpatinag sa kanila, kilala ko ang ugali nila hindi titigil ang pamilya ng aking ama hanggat hindi nila nakukuha ang mga naipundar ng aking mga magulang.
Dahil minsan na nilang niloko ang aking ama. Maraming beses na ninakawan nila ito at dahil sa pagtanaw ng utang na loob ng aking ama ay pinili na lang nito na manahimik at patawarin ang mga ito.
Ampon lang si daddy at ang gusto nila ay habang buhay na magbabayad ng utang na loob ang aking ama sa kanilang pamilya.
Kung tutuusin ay matagal ng bayad ang aking ama, dahil ginawa nilang alila ito sa kanilang tahanan.
At ngayong wala na ang aming mga magulang marahil ay iniisip siguro ng mga ito na madali na nilang makakamkam ang mga ari-arian na naiwan ng mga magulang namin.
“Nasa tamang edad na ako, kaya may karapatan na akong mag-desisyon para sa amin ng kapatid ko, hindi ko na kailangan ng kahit na sinong mag-aalaga para sa amin.” Ang may penalidad kong wika sa kanila.
Pinanatili kong seryoso at kalmado ang aking mukha upang ipakita sa kanila na determinado ako sa aking mga sinasabi. Hindi ko na pinansin pa ang pinsan ko na kung makatingin ay kulang na lang kainin ako nito ng buhay.
“Ganyan ka ba pinalaki ng iyong mga magulang!? Ang maging bastos sa nakakatanda sa iyo? Tiyahin mo ako at ako ang tumatayong pangalawang magulang mo!” Ang galit nitong wika, habang nakaturo ang hintuturo nito sa akin.
“Huwag n’yong idadamay ang mga magulang ko dito, respeto man lang kahit hindi na isang kapamilya n’yo kahit bilang tao na lang.” Anya sa nanggigigil na tinig, nanginginig na ang aking katawan dahil sa pagpipigil ng matinding galit.
“Kung inyong mamarapatin ay maaari na kayong umalis dahil kailangan ko pang bumalik sa hospital para sa aking kapatid.” Anya sa kanila sa seryosong tinig.
“Pagsisisihan mo itong kalapastanganan na ginawa mo sa akin.” Ang galit na wika ng aking tiyahin. Hindi ko na ito pinatulan pa at tahimik na nakamasid lang sa kanila.
Galit na dinampot ng aking pinsan ang kan’yang bag, tinapunan muna ako nito ng matalim na tingin bago ito tuluyang lumabas ng pinto.
Dumaan sa gilid ko ang aking tiyahin at bahagya pa nitong binangga ang kaliwa kong balikat na siyang ikinaatras ko habang hila-hila sa kanang kamay nito ang isang itim na maleta.
Nang mawala na ang mga ito sa aking harapan ay nagpupuyos sa galit na na-upo ako sa sofa.
Kahit isa sa kanila ay wala man lang nagparamdam upang makiramay sa pagkamatay ng aking mga magulang.
Tapos ngayon ay bigla silang magpapakita para akuin ang lahat ng responsibilidad sa aming magkapatid.
Para ano!? Para magkaroon sila ng rights sa naipinundar ng mga magulang ko!?
Hindi ako katulad ni Daddy na mabilis nilang maloloko.
Bata pa lang ako ay nasaksihan ko na ang lahat ng mga pananamantala at pang-aalipusta ng mga ito sa amin, lalo na noong mga panahong walang-wala pa kami.
Kaya alam ko na pera lang ang habol ng mga ito sa aming magkapatid at hindi ako papayag na mapunta sa wala ang pinaghirapan ng aking mga magulang.”