“Senorita, sigurado po ba kayo sa inyong gagawin baka po kung mapano kayo kapag naglayas kayo at saka si Don Eliseo po paano na po ang lolo ninyo kapag naglayas po kayo. Alam ninyo naman ako na kayo lamang ang lakas ng inyong lolo.” Wika ng yaya ni Isabel.
Kasalukuyan kasing nag-iimpake ng kanyang mga damit si Isabel dahil nais niyang takasan ang kanyang lolo. Ilang araw na lang kasi ay kasal na niya sa lalaking hindi naman niya nagugustuhan.
Ang mayabang na lalaking iyon ay anak ng isa sa mga business partner nito.
Mabuti man lang sana kung matino iyong lalaki at talagang sa tingin niya ay magugustuhan din niya at matututunan din niyang mahalin pagdating ng panahon. Kaya lang kasi, hindi na nga ito kagwapuhan ay sobrang sama pa ng ugali at napakayabang.
Hindi niya maintindihan ang kanyang lolo na kahit pinapaliwanag niya dito na hindi niya ito nagugustuhan, pero hindi pa rin siya pinapakinggan. Basta ang concern lamang nito ay ang maipakasal siya sa apo ng kaibigan nitong businessman.
Simula ng namatay ang kanyang mga magulang mula sa car accident ay ang kanyang Lolo Eliseo na ang nag-alaga sa kanya at nagpalaki. Oo utang na loob niya ang bagay na iyon dito pero hindi naman ibig sabihin noon ay susunod na lamang siya palagi.
Hindi biro ang pag-aasawa at saka ilang taon pa lang siya, hindi pa niya nai-enjoy ang kanyang pagkadalaga. Tapos nais ng nito na ipakasal siya sa wala namang kwentang lalaki.
Minsan na kasi niya itong nakaharap at talagang napakayabang, akala mo eh hawak na nito ang mundo. At akala mo eh mapapaikot na siya nito.
Kaya kahit na nag-aalala siya para sa kanyang lolo, lalo na at mag-isa na lang ito kapag umalis siya. Itutuloy pa rin niya ang kanyang balak.
Marami namang mag-aalaga dito eh, pero iyon nga lang mas okey pa rin sana na nandiyan siya para alagaan ito. Mahal na mahal naman siya ng kanyang lolo kahit na masyado itong istrikto sa kanya. Kahit papaano ay nagiging masaya ito kapag nakikita siya.
Kaya lang kasi hindi naman maaari na isakripisyo niya ang kanyang sariling kaligayahan para lamang mapagbigyan ang kagustuhan nito.
Tsaka 23 years old na siya at maaari na siyang magdesisyon para sa kanyang sarili nakapagtapos na rin naman siya ng pag-aaral.
Pero hindi siya maaaring mag-apply sa mga kompanya dahil siguradong mati-trace lang siya ng kanyang lolo. Hindi rin siya maaaring gumamit ng kanyang mga credit card at ng kahit na mga bagay na maaaring ma-trace ng kanyang lolo. Lalo na ang kanyang sports car na regalo pa nito sa kanya noong debut niya.
May mga sasakyan din naman na iba na regalo din ng kanyang lolo pero hindi na maaaring gamitin ang kahit na isa doon. Kahit pa ang favorite niyang sasakyan.
Kung nais niyang matahimik at hindi siya mahanap ng kanyang lolo, kailangan niyang maglaho na parang bula.
Mahal na mahal niya ito pero kung gano'n lang din ang mangyayari sa kanya. Mas mainam pang umalis na lamang kesa naman manatili siya sa poder ng kanyang lolo tapos pipilitin siya na magpakasal sa gusto nitong lalaki para sa kanya.
Mas nanaisin na lamang niya na manirahan sa malayo, ahit mamuhay siya na hindi katulad ng pamumuhay niya sa poder ng kanyang lolo ay okay lang.
Kung sana marami lamang siyang hawak na cash kahit na bumili man lamang sana siya ng maliit na bahay para matirahan niya kaya lang kasi hindi sasapat ang hawak niyang pera, nasanay kasi siya na palagi na lamang card ang gamit.
“Kayo na lang po sana ang bahala kay lolo, yaya hindi ko na po kasi maaaring pantayan pa siya dahil hindi ko po kayang sikmurain ang nais niyang pagkuha sa akin kaya aalis na po ako at mamumuhay na lamang na mag-isa at malayo sa lugar na ito, malayo sa aking lolo.” bilin niya sa butihin niyang yaya.
Kung nasisiguro lamang niya na magiging maayos ang kanyang buhay sa labas eh di isinama sana niya ang kanyang yaya. Kaya lang kasi hindi sasapat ang baon niyang pera kaya bahala na.
Mabuti ng siya na lamang ang mahirapan kesa isama pa niya ang kanyang yaya. Wala naman siyang maipapasweldo dito at isa pa, sigurado din kasi siya na hindi ito makakatiis.
Baka magsumbong pa ito sa kanyang lolo kung nasaan siya nakatira kaya okay na yung gano'n, na siya na lamang.
“Pero Señorita ayaw ninyo ba akong isama na lang wala kayong alam sa gawaing bahay. Hindi kayo marunong magluto kaya papaano naman kayo mabubuhay na mag-isa. Kahit nga sa pagsasaing hindi kayo marunong kaya papaano naman kayo? O kahit ipaalam mo lang sa akin kung nasaan kayo para kahit papaano mapupuntahan kita at makukumusta.” wika ulit ng kanyang yaya.
Halata ang pag-aalala nito sa kanya kasi halos ito na ang nagpalaki sa kanya. Kinakainis lang niya dito dahil tinatawag pa rin siya nitong senorita kahit na palagi niyang ipinapaalala dito na sa pangalan na lamang siya nito tawagin. Pero hindi ito sumusunod dahil napapagalitan daw ito ng kanyang lolo.
“Yaya hindi ko po alam kung ano ang magiging kapalaran ko sa labas ng mansion na ito at hindi ko rin po alam kung saan ako magtutungo. Alam ninyo naman po na wala na akong ibang kaibigan at kung meron man, iyong mga kaklase ko lang. Pero natitiyak ko kasi na mahahanap din ako ng aking lolo doon kaya kailangan ko po talagang magtago. At isa pa wala po akong maipagpasahod sa inyo. Wala po akong sariling pera at kung meron naman po ay sasapat lamang sa pang araw-araw ko siguro. Kaya dito na lang po kayo yaya para naman kahit papaano ay may titingin-tingin pa rin po kay lolo. Huwag na po kayong mag-alala dahil kakayanin ko naman po, kaysa naman manatili ako dito at maging asawa ang mayabang na iyon." paliwanag niya sa kanyang yaya.
“Sige ikaw ang bahalang bata ka, pero sana naman kapag pwede na, bumalik ka na dito sa mansion ha. Alam mo naman na hindi ako sanay na hindi kita nakikita. Basta palagi ka lang mag-iingat ha at ako na ang bahala sa lolo mo. Sabihin ko na lang na pagising namin eh wala ka na. Basta hihintayin ko ang pagbabalik mo anak.” Maluha-luhang turan ng kanyang yaya.
Hindi siya mahihirapan sa pag-alis dahil ang gwardya niya ay kasama ng kanyang lolo sa ngayon at sa likod siya ng bahay dadaan. Inihatid nga lang siya ng kanyang yaya para matiyak nito na okay siya pag-alis niya.
Isang backpack lang na damit ang dala-dala niya at ilang personal na gamit at syempre ang kaunting perang naipon niya.
Sa totoo lang hindi niya sigurado kung anong mangyayari sa kanya sa labas ng mansyon at sa tuluyang paglaya niya sa pangangalaga ng kanyang lolo.
Pero kaya naman siguro niya, kakayanin niya para sa ikabubuti ng buhay niya kaysa naman manatiling siya dito. Lahat ng kagustuhan nito ang nasusunod kahit na iyon ay labag sa kanyang kalooban.
Hindi niya alam kung anong mararamdaman ng kanyang lolo sa kanyang paglisan na iyon pero bahala na, at kung magalit man, wala na siyang magagawa doon. Tiyak iyon, dahil mapapahiya ito sa kaibigan nito.
Siguro naman kahit papaano ay mag-aalala ito sa kanya kaya lang kasi hindi naman maaaring isaalang-alang niya ang mararamdaman ng kanyang nito, tapos ang nararamdaman niya ay isasantabi lang nito.
Ni minsan hindi niya pinangarap na makapag-asawa ng lalaking katulad ng nais nitong ipakasal sa kanya. Napakayabang arrogante at feeling ay lahat ng makikita nito at magustuhan nito ay pag-aari na nito.
Ngunit sorry na lang ito, hindi siya ganong babae na basta na lang papatol sa katulad nito. Kahit ubod ito ng yaman, pero kung tutuusin mayaman pa dito ang kanyang lolo. Iyon nga lang, kasunduan na pala ng mga ito na ipapakasal ang mga apo nito.
Isa pa hinahanap niya sa isang lalaki ay hindi mayabang, kahit na anong estado sa buhay basta maramdaman niya yung magic. Kagaya ng laging ikinikwento sa kanya dati ng kanyang mommy noong nabubuhay pa ito.
Noong first time daw nitong makita ang kanyang daddy noong unang makilala dito na tila ba magic daw na nakaramdam ito ng kakaiba ng makita ang kanyang namayapang ama.
Samantalang kapag nakakaharap niya ang lalaki ay galit ang nararamdaman niya at pagkairita dahil nga sa kayabangan nito at talagang wala itong pakialam sa mga taong nakapaligid dito.
Walang respeto sa matatanda at kung umasta ay pag-aari na siya nito. At ang hinding-hindi niya matatanggap ay ang pagka-matapobre din nito ng sobra.
Kahit na ang kanyang yaya ay ilang beses na nitong nabulyawan at ininsulto pero pinapalampas lamang niya iyon dahil siguradong magagalit ang kanyang lolo kapag sinupalpal niya ang lalaki.
Tuluyan na siya nagpaalam sa kanyang yaya tumapak siya sa upuan para makaakyat siya sa puno ng mangga sa likuran. At mula doon ay aapak naman siya sa pinaka-sementong bakod ng bakuran ng kanyang lolo at tatalon naman siya mula doon para makapunta siya sa kalsada sa kabila.
Medyo hirap na hirap siya pero pinilit niyang makaalis dahil iyon na lamang ang nag-iisang pagkakataon niya para makawala sa pangangalaga ng kanyang lolo. Dahil kapag nahuli siya nito baka ikulong pa siya nito sa silid at baka madaliin na nito ang kasal.
ITUTULOY