Chapter One: As The Youngest Brother
Midtown, Manhattan
Ilang taon na nga ba akong naninirahan dito sa maliit na espasyong ito sa Amerika? Anim na taon na marahil. Dito na rin kasi ako nagkaroon ng sariling ipon at ako na rin mismo ang naging sandigan ng pamilya ko dito sa buhay.
Maliban sa pagiging mabait at malambing na anak sa aking magulang ay mapagmahal din akong bunso sa aking dalawang kuya at mga pamangkin na sina Quennie at Gelo.
Wala akong choice kung hindi ang magtrabaho noon nang sunod-sunod na maospital si kuya Prince at nang mabulag naman si kuya Angelo. Ako na ang umako ng responsabilidad nila... pansamantala.
Noong una ay nahirapan akong mag-adjust bilang Information Technology Specialist dahil hindi ako sanay sa mabilisang trabaho abroad. Nasanay kasi akong happy-go-lucky at kaunting spoiled ika nga sa mga kuya. Pero hindi naman ako talaga spoiled na bunso. Nagkataon lang na mahal na mahal nila ako at mahal na mahal ko rin ang mga kuya ko.
Kaya nagpursige din akong iangat ang sarili ko gamit ang kakayahang mayroon ako. Sa awa ng Diyos, mabilis ang pag-usad ko sa trabaho. Kalaunan pa nga ay nadiskubre din akong maging modelo ng isang sikat na magazine. Hindi iyon alam ng magulang ko at ng mga kuya ko. Ang alam lang nila ay malaki ang sahod ko sa isang big time na International Business Management sa Amerika kaya natutulungan ko rin sila.
Ramdam ko na rin ang pagod at stress kapag nagtatrabaho. Naintindihan ko na rin kung bakit ganoon na lamang kung kumayod si kuya Prince dati dito sa Amerika. Pero ang pagod kong iyon ay nasusuklian naman ng saya kapag nakikita ko ang mga magulang ko at ang mga kuya ko pati na ang mga pamangkin ko.
Hindi ako naho-homesick kapag nakikita ko sila. Kagaya ngayon, napagpasiyahan kong bisitahin si kuya Prince sa kanilang flat sa 5th street dito sa New York. Sabik na sabik na akong muli silang makita.
Nang maiparada ko ang sasakyan sa tapat ng flat nila ay umakyat na ako. Kakatok na sana ako nang marinig ko ang sagutan ng dalawang tao sa loob.
"Payagan mo na kasi akong muling magtrabaho, Prince," kung hindi ako nagkakamali, boses iyon ni ate Charie.
"Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na kaya ko namang ako ang kumayod sa pamilyang ito, Charie," malambing pa rin ang boses ni kuya pero may halong inis na rin kung papakinggan mo.
"Lumalaki na si Quennie, Prince. At mataas ang cost of living dito sa Amerika. I don't think na masusustentahan mo ang lahat ng basic needs natin. Isang taon na lang at mag-aaral na ang anak natin. Payagan mo na kasi ako. Please?"
Marahan kong pinihit ang door knob para pumasok sa loob nang hindi nila napapansin.
"Kung magtatrabaho ka, sino ang maiiwan dito at mag-aalaga kay Quennie? Don't tell me na iiwan natin siya kina nanay at tatay?" medyo tumataas na ang boses ni kuya at nasisigawan na niya si ate.
"Magagawan ko naman ng paraan iyan. Hindi ko naman sinabing iiwan ko ang anak natin sa magulang mo. Gusto lang kitang tulungan. Ina ako ng anak natin at asawa mo ako. Kaya alam ko ang ginagawa ko. Matagal na rin akong walang trabaho, Prince. Pero kung hindi ka papayag, okay fine. Choice mo iyan e," may punto din naman si ate. Kaya bago pa mauwi sa kadramahan ay nagparamdam na ako.
"Tama si ate Charie, kuya. Hello?" ngingiti-ngiti akong palipat-lipat ng tingin sa kanilang dalawa.
"Tito Aries!" Patakbong sinalubong naman ako ng aking anim na taong gulang na pamangkin palabas ng kaniyang kuwarto. Agad ko siyang binuhat at hinalikan niya ako sa pisngi at niyakap nang mahigpit.
"Tito Aries, nag-aaway po ba sina mommy at daddy?" marunong na rin pala itong mag-Tagalog. Akala ko iinglesin na naman ako. Natigilan naman ang mag-asawa sa narinig nila mula sa bata.
"Hindi, Quennie. Hindi nag-aaway ang mommy at daddy mo. Nag-iisip lang sila para sa future mo. Kaya, huwag mo ng pansinin ang narinig mo ha?" Tumango naman ang bata sa sinabi ko. "Why don't you go back to your room and play for a while. Kakausapin ko lang mommy at daddy mo ha?" Bumaba na siya at dumiretso sa kaniyang silid.
Sinundan lang namin ng tanaw ang bata. Napabuntong-hininga na lamang ako. Niyakap ko na lamang si kuya at hinalikan sa pisngi si ate.
Sa sala ay kinausap ko sila nang masinsinsan. Ang siste, parang ako ang magulang ng dalawa. Kidding aside.
"Kuya Prince, payagan mo na si ate Charie sa gusto niya. Hindi niya naman gagawin iyon para lang sa pansarili niyang gusto. Gagawin niya iyon para makatulong sa iyo at sa lumalaking anak ninyo," tahimik lang sila pareho habang nagsasalita ako. "Kung ang problema mo ay si Quennie, mas pabor nga sa magulang natin kung naroon sa kanilang poder ang apo nila. Hindi ba?" Minsan lang ako magseryoso kaya itutuloy ko na.
"Gaya ng sinabi ni ate Charie, magagawan niya iyon ng paraan. Puwede siyang mag-online jobs without going out of your house. Kung hindi man, puwede niyang iiwan ang bata sa umaga kina nanay at tatay, kung umaga ang magiging pasok niya at susunduin na lang ang bata sa gabi. The same goes if night shift siya," dagdag ko pa.
"Pero mapapagod siya. Ayaw kong mapagod kami pareho at mawalan ng oras sa anak namin, Aries," buwelta ni kuya. Point taken.
"Puwede naman nating hatiin ang oras natin pareho sa bata, Prince. Kung pang-gabi ka at pang-umaga naman pasok ko, makakatulog ka sa umaga kung iiwan mo si Quennie kina nanay at tatay o puwede ka ring doon matulog tapos sabay ko na kayong sunduin para makapaghanda ka naman sa work mo. Tiwala at time management lang kailangan natin. Para sa future din naman nating pamilya ito," segunda ni ate. Mukhang naliwanagan naman si kuya kaya tinodo ko na.
"Anim na taon na kayong kasal. At malapit na ang 7th year ninyo. Ngayon pa ba kayo mag-a-argue sa simpleng bagay lang? Lumalaki na si Quennie at matalas ang pandinig ng bata. Alam niya kung nag-aaway kayo o hindi. Okay na ba kuya ko?" Pakindat-kindat at yakap-yakap ko pa sa kaniya. Napangiti ko naman nang wala sa oras ang kuya Prince ko. Hays, hirap talaga maging bunso na open minded.
"Oo na. Pumapayag na ako. Pag-uusapan na lang naming mag-asawa kapag may trabaho na siya. Salamat sa iyo ha? Pero bakit tila ibang Aries ka na yata? Sinapian ka ba?" biglang kambyo niya.
"Sinaniban kamo? Ha-ha. Ang seryoso e." Napailing na lang ako. Sanay na ako sa biglaang shift nila ng topic sa akin.
Nasa kalagitnaan kami ng pagtawa nang marinig naming may nag-door bell sa labas. Sabay pa kaming nagkatinginang tatlo nang makitang lumabas si Quennie ng room niya at binuksan ang pinto sa labas.
"What the hell!" umasim bigla ang mukha ko nang makita ang hindi inaasahang bisita.
"Surprise!"