Lucinda
Matapos naming pumunta sa tree house na pinagawa ni Clark ay sinama ko ito sa bago kong vlog at marami ako ulit naging mga comments at followers. Nang dahil din sa pagv-vlog ko ay marami nanaman akong naidadagdag sa aking ipon para naman hindi lang si Papa ang palaging nagbibigay sa akin ng pera. Simula nang naging kami ni Clark ay walang araw na hindi niya ako binibigyan ng bulaklak at chocolate.
Palagi rin siyang dumadaan sa aking bintana kaya naman hinahayaan ko na lamang itong nakabukas. Hindi ko rin alam kung bakit gustong-gusto niyang umaakyat kaysa ang pumunta rito sa mismong pinto ko katulad ng isang normal na tao. Pero hindi rin naman siguro sweet ang gano’n kung nagkataon.
“Good morning, chérie.” Nakaramdam ako ng halik sa aking mga labi habang nakapikit ako.
Napangiti naman ako dahil hindi ko na kailangang hulaan kung sino ito. Iisang tao lang naman ang tumatawag sa akin ng chérie at hinahalikan ako kahit tulog ako. Pagmulat ko ng aking mga mata ay napangiti ako nang ibigay niya sa akin ang isang bulaklak at isang bar ng sneakers.
“Hindi kaya ako magkaroon ng diabetes dahil sa kabibigay mo sa akin ng tsokolate?” tanong ko.
“Nope. Isa lang naman kada araw at isa pa maalaga ka naman sa katawan mo kaya imposibleng mangyari na magka-diabetes ka.” Nagtawanan kaming dalawa sabay muli niya akong hinalikan sa aking mga labi. “Ano ang gagawin mo ngayon?” tanong niya.
“Hmm…Mag-eedit ako ng mga videos ko ngayon dahil marami pa akong hindi naaayos. Ikaw ba?” Umayos siya ng upo sa aking kama.
“Magpapaalam sana ako na baka mawala ako ng dalawang linggo.” Napaupo ako agad dahil sa kanyang sinabi.
“Dalawang linggo? Bakit?” tanong ko.
“Oo. May kailangan lang kasi akong asikasuhin sa America lalo na at family matters ito na hindi ko kailangang ipagpaliban.” Medyo nalungkot ako sa sinabi niya.
Paano kasi ay kaaayos lang namin pero aalis nanaman siya at mawawala pa siya ng sobrang tagal na halos abutin pa ito ng dalawang linggo. Hays. Paano na iyan? Napatingin naman ako sa kanya at kahit pilitin ko ang sumaya ay nalulungkot ako na hindi ko siya makikita ng gano’n katagal.
“Sama na lang ako sa iyo,” biglang naibulalas ko at pareho pa kaming nagulat sa aking sinabi.
“What? Are you serious?” Tumango ako. “Pwede sana pero ayaw kitang idamay sa problema namin. Don’t worry dahil babalik naman ako rito pagkatapos ng dalawang linggo chérie.”
“Bakit ayaw mo akong isama? May kikitain ka bang iba roon at ayaw mong makita ko siya?” Pagmamaktol ko at imbes na seryosohin niya ako ay tinawanan lang niya ako. “Bakit ka ba tumatawa? May nakatatawa ba sa mga sinasabi ko ha?”
“Haha…Sorry, chérie. You are just so cute when you are jealous.” Hinaplos niya ang aking pisngi sabay kinintalan ako ng halik sa aking noo. “Wala akong ibang babae dahil simula nang naging akin ka ay ikaw na lang palagi ang laman ng utak ko. Hindi na nga ako makatulog kaiisip sa iyo dahil hindi na ako makapaghintay ng umaga para lang makita ka.”
“Promise?” Tumango siya sabay pinisil ang tungki ng aking ilong na aking ikinasimangot.
“I promise. Kaya habang wala ako ng dalawang linggo ay huwag na huwag kang makikipag-usap sa ibang lalaki, okay? Kahit wala ako rito ay makikita at makikita ko ang bawat galaw mo.” Tinaasan ko naman siya ng aking kilay.
“Stalker.” Ngumiti lang siya.
“Only to you, chérie. Lalo na sa Kenneth na iyon at Ian at kahit sa kaninong lalaki. Ayaw kong dumami pa lalo ang kaagaw ko sa iyo.” Kinilig ako sa kanyang sinabi kaya naman tumango ako.
Pagkatapos nun ay nagluto siya ng aming almusal at naligo naman ako bago ako magsimulang mag-edit ng aking mga videos. Dumito siya ng maghapon at hindi ko alam pero hindi siya naging manyak o malibog ngayon. Ang ginawa lang niya ay yakapin ako at halikan ako tuwing may pagkakataon siya habang nag-eedit ako.
Ang ganda lang dahil para tuloy kaming bagong kasal at gusto ko lang maging ganito kami palagi. Napatingin ako sa kanya dahil mukhang inantok siya at naisipan niyang matulog sa ibabaw ng aking kama habang nag-eedit ako. Napangiti ako habang nakatitig sa kanya dahil ang payapa ng kanyang mukha na para bang wala siyang problema.
Habang nagtitipa ako at ginagalaw ko ang aking mouse ay naisip ko bigla na wala pa akong masyadong alam sa personal na buhay niya. Hindi ko alam kung ano ang kanyang trabaho, kung saan siya nakatira rito sa Paris at marami pang iba na tungkol sa kanya. Kung sabagay ay hindi nga rin niya alam kung sino ang aking mga magulang at ang aking pamilya.
Pero siguro oras na bumalik siya mula sa America ay ipakikilala ko na lang siya sa kanina Papa at kuya. Maya-maya ay nakarinig ako ng sunod-sunod na doorbell kaya naman agad akong napatayo at nagtungo sa pinto. Pagbukas ko ng pinto ay halos napasinghap ako at tumili ng sobrang lakas sabay yinakap ang taong nakatayo sa aking pinto ngayon.
“Angel!”
“Hi, Lucinda.”
Niyakap ko siya ng sobrang higpit at agad na pinapasok siya sa aking condo.
“Oh my! Hindi mo man lang sinabi na darating ka para sana nakapaghanda ako. Kumain ka na ba?” tanong ko sa kanya.
“It’s okay. Katatapos lang namin nila Lucifer ang kumain at nasa hotel sila ngayon naka-check in kasama ang aming kambal. Ikaw? Kumusta ka na? Mukhang hindi mo masyadong pinalitan ang mga gamit dito sa dati kong condo ah.” Sabay iniikot niya ang kanyang paningin sa kabuuan nito.
“Yup. Simula naman noong umalis ka ay hindi ko na ito pinalitan pa noh. Kahit naman binigay mo na ito sa akin ay ayaw ko naman itong ibahin dahil gusto kong maalala na nandito ka pa. Na-miss kita, Angel.” Yakap ko muli sa kanya. “Ano nga pala ang ginagawa niyo rito sa Paris?”
Akmang sasagot siya ay napakunot bigla ang kanyang noo sa kung sino. Sinundan ko naman kung sino ang tinitignan niya at nakita kong gising na pala si Clark at nagkakamot pa siya ng kanyang ulo. Bagong gising kasi siya kaya naman napangiti ako nang makita ko na lalo siyang gumwapo dahil sa buhok niyang magulo.
“Sakto lang pala ang gising mo. May bisita ako at hindi ko alam kung naaalala mo pa siya.” Lumapit ako kay Clark at binigyan niya ako agad ng halik sa aking mga labi.
Napansin kong napatingin si Clark kay Angel at seryoso lamang na nakatingin si Angel sa kanya na para bang nangungusap ang kanilang mga mata.
“Uhm, may naiwan pa naman akong meryenda at baka gusto ninyong kumain muna?” Putol ko sa pagtititigan nilang dalawa dahil medyo ang awkward.
“Hindi na Lucinda. Ang totoo niyan ay bumisita lang talaga ako para makita kung kumusta ka na. May dinaanan lang kasi kami ni Lucifer dito at baka ngayon din ang lipad namin pabalik ng London.” Napatango naman ako sa sinabi ni Angel.
“Gano’n ba?” Ngumiti siya.
“Aalis na ako, Lucinda. Baka kasi hinahanap na rin ako ng kambal lalo na at hindi ko sinabi sa kanila na sa iyo ang punta ko. Baka kapag nalaman nila na pumunta ako rito ay baka magtampo pa sila sa akin,” paliwanag niya at pansin ko ang panaka-nakang tingin niya kay Clark.
“Sasamahan na kita sa baba. Clark…” Baling ko sa kanya. “Hintayin mo na lang ako rito at ihahatid ko lang si Angel sa baba.”
“Sure, chérie. I’ll wait for you here.”
Sabay na kaming lumabas ni Angel at agad na kaming sumakay ng elevator pababa sa first-floor ng gusali. Tinanong ko kung susunduin ba siya ni kuya pero sinabi niya na magt-taxi na lang daw siya. Nang nasa baba na kami ay muli akong yinakap ni Angel at nagpaalam sa akin pero bago iyon ay may sinabi muna siya sa akin.
“Kayo na ba ni Clark?” Tumango ako. “Masaya ako para sa iyo, Lucinda. Pero huwag ka munang padalos-dalos sa desisyon mo ha? Mag-iingat ka pa rin lalo na at hindi mo masyadong kilala si Clark.”
Tipid naman akong napangiti sabay tumango na lang. “Oo naman.”
Sige. Mauna na ako. At sana ay makapasyal ka sa London dahil nami-miss ka na ni Papa.” Sumakay na siya ng taxi at kumaway naman ako sa kanya.
Nang wala na sa aking paningin iyong sinakyan niyang taxi ay biglang nawala ang aking ngiti at napapaisip ako sa sinabi ni Angel. Alam ko kasi na hindi noon gusto ni Angel kay Clark para sa akin. Hindi ko naman natanong sa kanya ang dahilan pero ang pakiramdam ko noon ay may alam siya tungkol kay Clark na hindi ko alam.
Hindi ko maiwasang mainggit kay Angel lalo na noong nagkita sila at para bang nangungusap silang dalawa gamit lang ang kanilang mga mata. Nakaramdam ako kanina na para bang hindi ako belong sa anumang sikreto na meron sila. Nakaramdam tuloy ako ng inggit dahil parang may sikreto silang dalawa na ayaw nilang sabihin sa akin.
Umakyat na ako sa aking kwarto at hindi maalis sa isip ko kung paano titigan ni Clark si Angel kanina. Naalala ko kasi noon na si Clark ang ginamit noon ni Angel para pagselosin noon si kuya. Hindi kaya sa muli nilang pagkikita ay may naramdaman ulit si Clark kay Angel?
Hindi naman iyon maitatanggi dahil kung tutuusin ay maganda si Angel at aaminin ko na kung ikukumpara kaming dalawa ay wala akong panama sa kanya. Nasa gano’n akong pag-iisip hanggang sa makapasok ako sa condo kung saan ay tapos nang magluto si Clark ng pananghalian namin. Agad akong umiwas ng tingin nang magtama ang aming mga mata sabay umupo na sa harapan ng mesa.
Tahimik lamang kaming kumain at ipinagpapasalamat ko na hindi ako tinatanong ni Clark tungkol kay Angel. Dahil oras na mangyari iyon ay baka maging tama lang ang mga naging hinala ko na baka may gusto nga si Clark sa kanya.
“Nakaalis na ba siya?” tanong niya na nagpaangat ng aking tingin.
“Uhm, oo.”
“Mabuti naman kung gano’n. Hindi ba siya sinundo ng kuya mo?” Umiling ako. “Kung sabagay ay kaya naman niya ang sarili niya at independent naman siya. Siya ang nagturo sa iyo ng mga household chores ‘di ba?” Tumango ako at napansin ko na napangiti siya kaya para akong nasaktan doon.
Ano’ng ibig niyang sabihin sa ngiti na iyon? Hindi ko na natapos iyong kinakain ko dahil bigla akong nawalan ng ganang kumain pagkatapos ng aking mga nakita.
“You didn’t like the food? Busog ka pa ba, chérie?”
“Medyo biglang sumama iyong pakiramdam ko.” Tumayo na ako at linagay ko sa lababo ang plato na ginamit ko.
Hinugasan ko ito ng tahimik nang bigla kong maramdaman sa aking tabi si Clark. Ayaw ko siyang tignan dahil oras na ginawa ko iyon ay baka bigla na lang akong maiyak. Maya-maya ay bigla ko na lang naramdaman ang yakap niya sa akin mula sa likuran at natigil ako sa aking ginagawa sabay tumulo na ang aking luha. Bigla namang naalarma si Clark kaya pinaharap niya ako at pinahid ang aking mga luha.
“Hey, why are you crying, chérie? May masakit ba sa iyo? Gusto mo bang idala na lang kita sa hospital?” Umiling lang ako. “Tell me what’s wrong.”
Napatingin ako sa kanya habang pinapahid niya ang aking mga luha. Alam ko pagiging childish itong inaakto ko ngayon pero kailangan kong sabihin sa kanya. Sinabi ko sa kanya kung ano ang aking napansin kanina at nang matapos ay bigla naman siyang natahimik.
“It’s true then. You still like her.” Napatungo naman ako at narinig kong natawa siya ng mahina.
“You are imagining things, chérie. Wala akong gusto sa kanya dahil ikaw lang ang gusto ko, chérie. Ikaw lang ang mahal ko.” Nagulat ako sa kanyang sinabi.
“U-Ulitin mo nga.”
“I love you, chérie. Mahal kita.”
“I-I love you too.” Napangiti siya at inalo ako sabay sinabi sa akin na wala akong dapat pagselosan dahil ako lang ang mahal niya.
Hinalikan ko siya at muli kong pinaulit-ulit sa kanya ang salitang mahal kita. Ang sarap lang pakinggan na magmula ito sa kanyang mga bibig at sigurado ako na ako nga lang ang gusto niya. Maysado lang akong paranoid sa aking mga iniisip.