Lucinda
Habang naghuhugas siya ng pinggan ay kinuha ko ang aking cellphone dahil nakita ko na may apat akong text galing kay Paris, Papa, Angel, at Kenneth. Binuksan ko isa-isa ang kanilang mga text at isa-isa ko rin silang sinagot. Pero nang akmang sasagutin ko na iyong kay Kenneth ay nagulat na lang ako nang may kumuha ng aking cellphone at nakita ko ang naiinis na Clark.
“C-Clark… akin na iyong cellphone ko please.”
“Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na huwag kang makikipag-usap sa ibang lalaki, chérie. Gusto mo ba talagang sa susunod ay tuluyan ka nang hindi makapaglakad?” sigaw niya sa akin.
“Pwede ba Clark. Hindi pa nga kita sinasagot pero kung makaasta ka ay parang may karapatan ka na sa akin!” sigaw ko pabalik sa kanya.
“May karapatan talaga ako sa iyo dahil akin ka lang!”
“Hindi ako bagay Clark kaya pwede ba huwag kang maging super bossy sa akin? Ano ba ang masama kung makipag-text ako kay Kenneth? E kaibigan lang naman ang turingan namin sa isa’t isa ah!” Naiinis na talaga ako sa kanya dahil masyado na siyang nagiging possessive sa akin.
“You. Are. Mine.” May diin sa bawat sabi niya nito at tuluyan na siyang nakalapit sa akin. “Hindi ako papayag na agawin ka nila sa akin dahil akin ka lang. Akin ka lang, chérie.” Hinawakan niya ako ng sobrang higpit sa magkabila kong braso.
“C-Clark…n-nasasaktan na ako. Clark, ano ba?” Tinabig ko ang kanyang mga kamay at nakita ko siyang huminga ng sobrang lalim.
Ramdam ko pa ang mga kamay niya sa aking braso at nang makita niya yatang nasaktan nga talaga ako ay nawala ang galit sa kanyang ekspresyon. Napalunok siya at akmang lalapitan ako ay hindi ko alam kung bakit bigla na lamang akong napaatras. Napatigil din siya at may guilt sa kanyang mukha at napahilamos na lang sa kanyang mukha.
“I’m so sorry, chérie. Hindi ko sinasadya. Fu*k!” sabi niya at dumiretso na lang lumabas mula sa aking kwarto.
Mga ilang minuto rin siguro akong nakatayo habang nakatitig sa linabasan niyang pinto pero nagtaka na lang ako dahil ang tahimik na sa labas. Nang mawala ang aking takot ay lumabas ako at nakita kong wala nang Clark sa loob ng aking condo. Medyo nadismaya ako dahil hindi man lang niya ako sinuyo o subukang halikan man lang. ‘Halos layuan mo nga siya ‘di ba? Magpahalik pa kaya?’ sigaw ng aking utak.
Nakita kong wala na iyong mga damit niya rito pati na rin ang kanyang sapatos ay wala na rin. Lumabas ako sa pinto at tumingin sa aking kanan at kaliwa pero wala na rin akong makitang Clark. Bumaba talaga ako at nakita kong wala na rin ang kanyang sasakyan kaya alam ko na tuluyan na siyang umalis.
Hindi ko alam pero bigla akong nakaramdam ng pagsisisi sa aking ginawa kanina dahil hindi dapat ako natakot sa kanya. Alam ko naman na hindi niya ako sasaktan at marahil ay talagang napahigpit lang ang hawak niya sa aking mga braso. Napatingin ako sa magkabila kong braso at nakita ko na halos magmarka ang mga kamay niya roon at nagsisimula na rin itong mangitim.
Kung sinunod ko lang ang utos niya at hindi siya sinagot-sagot kanina ay hindi na sana siya umalis. Pumanhik na lamang ako sa taas at inisip na marahil ay nagpalamig lamang siya ng kanyang ulo at babalik din siya mamaya. Sinabi niya na may pupuntahan kami kaya sigurado ako na babalik din siya mamaya.
Lumipas ang ilang oras at sumapit na ang hapon hanggang sa tuluyan nang maggabi pero walang Clark ang nagparamdam sa akin. Ilang beses akong napapatingin sa aking pinto pero ni minsan ay hindi man lang ito nagbukas. Hinayaan ko rin na bukas ang aking bintana dahil madalas siyang umaakyat doon at marahil ay doon siya dumaan.
Pero mag-a-alas otso na ay wala pa ring Clark na nagpakita sa akin at medyo nag-aalala na ako. Sinubukan ko siyang tawagan sa kanyang cellphone ay palagi lang akong dumidiretso sa kanyang voicemail. Hanggang sa sumapit ang hatinggabi ay hindi siya nagpakita at halos makatulog na ako sa sofa kahihintay.
Kinabukasan ay nagising ako dahil sa lamig kaya naman binuksan ko ang heater ng aking condo para hindi ako lamigin. Pagtingin ko sa aking orasan ay alas-sais na ng umaga at bigla kong naalala si Clark. Napatingin ako sa pinto at sinilip ko na rin ang aking kwarto pero wala talaga siya.
Nasa gano’n akong pag-aalala nang makarinig ako ng doorbell sa aking pinto. Halos liparin ko ang pagitan ng kwarto ko sa pinto upang pagbuksan ito na hindi na sinisilip kung sino ito. Pagbukas ko ay excited pa sana akong makita at mabungaran si Clark pero gano’n na lamang ang aking pagkadismaya nang malaman kung si Paris lang pala ito.
“Oh? Bakit naman halatang-halata na nadismaya ka na ako ang bisita mo?” tanong niya.
“H-Ha? Hindi naman sa gano’n.” Pinapasok ko siya at agad niyang inalis ang kanyang scarf at coat.
“Hindi gano’n pero pansin na pansin sa ekspresyon ng mukha mo noh. Wag mo na akong lokohin Lucinda dahil kahit siguro ibang tao ang bumisita sa iyo ay mahahalata na hindi sila ang inaasahan mong bisita.” Pumunta siya sa kusina upang magtimpla ng kanyang kape.
Kahit ilang buwan pa lang kaming magkaibigan ni Paris ay parang taon na kung kilala ko siya. Halos masanay na nga siya na kumuha na lang ng kung anu-ano sa aking kusina dahil hindi naman siya kung sino-sino lang. Habang nagtitimpla ng kanyang kape ay tinanong niya ang tungkol sa naging date namin ni Kenneth.
“Okay lang naman. Mabait siya at mukha lang siyang bastos pero hindi naman,” sagot ko na kanyang ikinangiti.
“Hmmm. Buti nga dahil may sasabihin ako sa iyo. Bisexual si Kenneth.” Maang akong napatingin sa kanya habang sumisimsim siya ng kanyang kape.
“W-What? Ibig sabihin ay may chance na magkaroon siya ng gusto sa isang lalaki?” tanong ko at tumango naman si Paris.
“Oo. Ang totoo niyan ay puro lalaki ang mga naging ka-relasyon niya at humingi siya sa akin ng tulong na kung may mairereto raw ba ako sa kanya na babae. Gusto niya raw ang magkaroon naman ngayon ng ka-relasyon sa opposite s*x,” sabi nito.
“Kung gano’n ay alam mo na gano’n siya pero hindi mo ito sinabi sa akin? Bakit?” tanong ko dahil kung gano’n naman pala ay walang kailangang ika-selos si Clark. Baka nga nagkaroon na ng crush si Kenneth kay Clark dahil gwapo ito at maganda ang pangangatawan.
“E di nasaan ang thrill doon kapag sasabihin ko?” Inirapan ko naman siya. “Sa totoo lang ay sasabihin ko naman sana sa iyo. Ang kaso ay noong malaman ko na may nangliligaw sa iyo ay hindi ko na sinabi dahil mas lalong magiging malayo ang loob mo sa kanya at hindi mo siya makikilala ng mabuti. Akala ko nga napansin mo e. Mas nagkakagusto kasi iyon sa lalaki kaysa sa babae at dahil wala pa siyang karanasan ay hiningi niya ang aking tulong.”
“Nakakainis ka. Alam mo ba na pinagseselosan siya ni Clark dahil ang buong akala ko ay straight siya. Hays.” Natawa naman siya ng mahina.
“Speaking of Clark, nasaan siya at hindi ko siya nakikita ngayon dito na tumatambay?” Napatungo naman ako dahil nga hindi pa siya bumibisita hanggang ngayon simula ng nangyari kagabi sa amin.
“Wala siya. Baka mamaya pa dadating iyon dahil para naman siyang kabute na palagi na lang susulpot kung saan-saan,” sagot ko na lang pero ang totoo ay si Kenneth ang pinag-awayan namin kaya hanggang ngayon ay wala pa siya.
Ay nakakaloka dahil bisexual pa pala si Kenneth at ngayon na nakilala na niya si Clark ay baka nga agawin niya pa ito sa akin. Tsk! Nasaan na ba kasi si Clark at bakit hanggang ngayon ay wala pa siya? Nang matapos uminom ng kape si Paris ay nagpaalam na siya dahil may trabaho pa siya.
Kahit kailan talaga ang babaeng iyon ay uunahin niya muna ang maki-tsismis kaysa ang pumunta sa trabaho niya. Ang layo pa man din ng trabaho niya mula rito sa condo hanggang sa kompanya niya. Nang makaalis siya ay pilit kong hinintay si Clark pero ni anino niya ay hindi ko na makita pa.
Bored na bored na ako kaya naman lumabas na muna ako ng aking condo at naisipang maglakad-lakad na lang sa mall. Mgv-vlog na lang din ako total ay wala na rin naman akong magawa pa. Nang makarating ako sa mall ay agad akong nag-vlod at sinubukan kong maging masaya kahit alam kong iniisip ko si Clark.
Alam ko naman na marahil ay nasaktan ko siya sa paglayo ko pero natakot lang ako sa ginawa niya sa akin. Pero ready naman akong patawarin siya dahil nagulat lang din naman ako sa mga nangyari. Nang matapos akong mag-vlog ay naupo na muna ako sa may fountain kung saan ay parang nananadya ang mga tao dahil halos magkaka-pareha talaga ang mga nandito.
Napapairap na lang ako sa hangin dahil nakikita ko kung gaano sila ka-sweet. Sasabihin ko pa man din sana na sinasagot ko na siya sa panliligaw niya pero hindi man lang siya nagpakita sa akin. Nang mainis ako sa mga taong nasa paligid ko ay naisipan kong maglakad-lakad na lang dahil mas naiirita lang ako.
Nag-window shopping ako kahit na hindi naman ako bibili para pampalipas lamang ng oras. Nang makaramdam ako ng gutom ay pupunta na sana ako sa mga kainan nang bigla na lang akong may nabangga at halos mabitawan niya pa ang kanyang mga hawak.
“Oh my. I’m so sorry,” sabi ko sa salitang French habang pinupulot ang mga gamit niya.
“Lucinda?” Napaangat ang aking tingin at nakita ko na si Ian ito na aking kapit bahay sa aking condo.
“Ian, right?” tanon ko ang mabilis siyang tumango.
“Nakatutuwa naman na naaalala mo pa pala ang aking panglan. Ano’ng ginagawa mo rito?” tanong niyang muli.
“Uhm, nabo-bored ako kaya naisipan kong maglakad-lakad na lang. Ikaw?” tanong ko.
“May mga binibili lang ako at pauwi na sana ako nang mabangga mo ako. Ang lalim yata ng iniisip mo dahil para kang natutulala kanina.” Tipid akong napangiti.
“Ha? Wala ito. Masyado lang siguro akong bored kaya kung saan-saan na tumatakbo ang aking utak.”
“Kumain ka na ba? Sakto total ay magt-take out na lang sana ako pero total ay nakita kita ay baka gusto mong sumabay na lang sa akin,” yaya niya sa akin.
Alanganin ako noong una dahil tuwing may nakakausap tuloy akong lalaki ay bigla kong naiisip si Clark at kung paano siya magalit. Pero pumayag na lang din ako dahil naisip ko rin na wala naman siya rito at ayaw niyang magpakita. Ngayon na wala siya ay pwede naman siguro akong sumama kay Ian.
Kinuha na niya mula sa akin ang kanyang mga gamit at naglakad na kami papunta sa isang kilalang fast food dito sa mall at doon na lang kami kumain. Masaya namang kausap si Ian dahil kung si Kenneth ay isang joker, si Ian naman ay puro general knowledge ang nalalaman ko sa kanya. Pero imbes na ma-bored ako sa mga sinasabi niya ay mas nagiging interesado pa ako. Nang matapos kaming kumain ay sinabay na niya akong inuwi dahil iisan lang naman ang gusaling tinitirhan namin.