Naabutan ni Clarissa na abala ang lahat ng tao sa mansiyon. Si Nana Belen ay walang humpay sa pagmamando sa mga kawaksi. Ang lahat ay hindi magkamayaw sa paglilinis ng buong bakuran. May mga lalaki rin na nagbubuhat ng mga monoblock chairs at tables at may iba ring nag-set up ng sound system sa pinakasulok ng hardin malapit sa pool.
“Nana, bakit ang busy ng lahat?”
“Despedida party kay Jillian,” maikling sagot nito.
“Ah.” The mighty Bridgette is throwing another party for Jillian, naisip niya. Nagkibit-balikat na lamang siya, saka pumasok sa loob ng bahay. Wala naman siyang interes sa mga pagtitipon.
Nadaanan niya si Jillian sa sala habang abala sa pagsusukat ng silver na evening gown at ng accessory na katerno niyon. Nasisiguro niya na magiging star ito gaya ng nakagawian. Gabi nga naman ito ni Jillian.
Maganda si Jillian. Ihalo man ito sa karamihan ay mag-i-stand out ang kagandahan nito na minana sa mestisang ina na si Bridgette. Miss Ateneo, Miss Athletics, at kung anu-ano pang mga titulo na ang naiuwi nito.
Napapailing na nagpapatuloy siya sa paglalakad patungo sa sariling silid. Doon ay nakuntento na siyang humiga sa kama habang nakikinig ng music sa earphones. Magkukulong na lamang siya roon. Iyon din naman ang nais mangyari ng madrasta niya. Sino nga naman ba ang proud na ipangalandakan ang anak sa labas ng kanyang ama? Nang sumagi sa isip niya ang ama ay nakaramdam siya ng pananabik dito.
Bandang alas-sais nang magsimulang magsidatingan ang mga bisita. Base sa dami ng mga sasakyan na huminto sa tapat ng mansion ay malaking okasyon ang magaganap. Na-curious siya kaya sumilip siya sa bintana kung saan matatanaw ang party sa ibaba. Pati pala ang arrangement ng poolside ay parang sa mamahaling hotel. May mga lobo at bulaklak ding nagkalat sa paligid. Pati sa swimming pool ay may nakalutang na petals at mumunting candles.
Business associates at kabungguang-siko ng pamilya nila ang mga bisita. Pati ang mga magulang ni Lester na abalang iniestima ni Bridgette ay naroroon din. Samantalang si Jillian ay abalang nakikipaghuntahan sa mga kaibigan nito habang nakaakbay rito si Lester.
Mas napako ang tingin niya kay Lester. Sinumang babae ay talagang mapapalingon dito at kabilang na nga siya sa mga iyon. Si Lester ay epitome ng isang lalaki na papangarapin ng kahit na sinong babae. Matalino, gwapo, makisig, matangkad. Viggo Mortensen- ganoon ang appeal nito na nadagdagan pa ng kaseryosohan at kapormalan nito. Si Lester lang yata ang alam niyang sports-minded subalit napakadamot namang ngumiti.
“Hindi ka ba bababa?” narinig niyang tanong ng isang pamilyar na boses. Nang lingunin niya iyon ay nakita niya ang kanyang ama na nakatayo sa bungad ng pintuan. Nakangiti ito habang nakatingin sa kanya. Patakbo niyang tinawid ang pagitan nila at buong pananabik na niyakap niya ito. Kapag ganitong wala si Tita Bridgette sa paligid ay nagiging tunay na mag-ama sila. Malaya nitong naipapakita ang pagmamahal bilang ama sa kanya. “Kailan ka pa dumating, Dad?” Sa loob ng maraming buwan ay sa Singapore nakabase ang ama niya para personal na i-supervise ang branch ng kumpanya nila roon.
“Just this afternoon, anak,” nakangiting sagot nito na ginulo-gulo pa ang buhok niya. “I bought this for you.”
Isang parisukat na kahita ang hinugot nito mula sa bulsa ng amerikana nito, saka iniabot iyon sa kanya. Isang silver watch na halatang mamahalin ang laman niyon.
“A-akin talaga ‘to, Dad?” hindi makapaniwalang tanong niya rito pagkatapos nitong isuot sa bisig niya ang relo.
Natawa ito sa naging reaksyon niya. “Sinuyod ko pa ang buong Singapore para mahanap ‘yan. Yong magugustuhan mo.”
“Thank you, Dad,” taos-pusong pasasalamat niya. “Baka hinahanap ka na sa ‘baba, Dad,” paalala niya rito.
“Paano, hindi ka ba talaga bababa?”
“No, Dad. Dito na lang po ako. Baka ma-high blood si Tita Bridgette ‘pag bumaba ako.”
Mula nang lumikha siya ng kaguluhan sa isa sa mga parties sa bahay nila ay ipinangako na niya sa sarili na kailanman ay iiwas na siya sa mga pagtitipong tulad niyon. Isa pa, lagi lang naman siyang naa-out of place.
Nang mapag-isa ay humiga uli siya sa kama. Oras pa ang bibilangin niya bago makatulog dahil sa ingay na nagmumula sa ibaba.
Mamaya ay narinig niya ang tinig ni Tita Bridgette.
“Ladies and gentlemen, may I have your attention, please…As you all know, our only daughter, Jillian Angela dela Merced is set to temporarily reside in the US fir her doctorate degree..”
Only daughter. Oo nga naman, illegitimate child siya.
“But that is not the only reason why you have been invited here tonight…” pambibitin nito. Tuluyan nang napukaw ang curiosity niya. Bumangon siya at sumilip uli sa bintana. “But, to tell you about this matter, I’d like to call in our most beloved Lester Andrada,” dagdag nito.
Pumailanlang ang masigabong palakpakan habang papalapit si Lester sa nagsisilbing stage.
Magpo-propose na kaya siya kay Jillian? Bigla niyang naisip. No, sana hindi. Sana iba ang mamutawi sa bibig nito, piping panalangin niya.
“Jillian and I have been fighting about her plans of going abroad,” panimula nito sa tila nanganagtal na boses. Nang mga sandaling iyon lang yata niya nakita na natensiyon ito. “Ayokong mawala siya sa paningin ko kahit isang minuto man lang,” dugtong nito habang nakatingin kay Jillian nang buong pagmamahal.
Dumagdag yon sa paninibugho ng puso niya. How she wished Lester would look at her that way.
“I love Jillian very much at dahil sa pagmamahal na iyon ay handa kong pansamantalang pakawalan siya so she can pursue her dreams.” Habang namumutawi iyon sa bibig ni Lester ay dahan-dahan itong bumababa ng stage, saka huminto sa harap ng kapatid niya. Yumukod ito, kinuha ang kaliwang kamay ni Jillian at masuyong hinagkan.
Parang sasabog ang puso niya sa nasaksihan.
“Jillian, we’ve known each other for a long time. Since the day I met you, I have loved you more than I love my own life. I love you so much that every second we’re apart, it’s as if I am about to die. My heart stops beating. Before you go, sweetheart, there is something I really want to do,” madamdaming pahayag nito habang nakatitig sa mga mata ni Jillian. May hinugot ito mula sa bulsa ng suot na coat- isang kumikinang na singsing. “Jillian Angela dela Merced, will you marry me?”
Gaga na lang ang aayaw sa isang lalaking kagaya ni Lester Andrada.
“Yes! Yes, Lester! I’d love to be your wife,” Jillian answered, making the most brilliant decision of her life.
Dumagundong ang nakabibinging palakpakan ng lahat. Ang Papa, ang Tita Bridgette niya, at ang mga magulang ni Lester ay maluha-luhang nakatingin sa dalawa na naging sentro ng spotlight at camera sa paligid.
Naging blurred ang lahat. May mga butil ng luhang namalisbis sa magkabilang pisngi niya. Ang buong akala niya ay paghanga lang ang nararamdaman niya para kay Lester nang unang beses na masilayan niya ito sampung taon na ang nakararaan. Pure infatuation. Pero bakit umiiyak siya? Nanunuot ang sakit hanggang sa kaibuturan ng kanyang puso.
Sa loob ng ilang sandali ay hinayaan niyang magluksa ang kanyang puso.
Pagkatapos ay tumayo siya at kinuha ang isang lumang kahon sa ilalim ng mga damit niya sa drawer. Pinakatago-tago niya ang imbakan niyang iyon ng mga memorabilia ni Lester. Naroroon ang mga litrato at lahat ng balita tungkol sa mga parangal na natatanggap nito sa larangan man ng sports o akademika. At ang pinakaimportante sa mga iyon ay ang isang lumang panyo na bigay nito sa kanya noong mga bata pa sila. Kinuha niya iyon at pinakatitigang mabuti.
“Siguro, kailangan na talaga kitang pakawalan at kalimutan kahit alam kong mahirap.”
Nanariwa sa isip niya ang nakaraan, sa pagkakataong nahubog sa kanyang murang puso ang pagmamahal para sa binata…