“Where were you last night, Clarissa?”
Ang malamig at pormal na tinig na iyon ang nagpahinto sa gagawin sanang pagsubo ni Clarissa ng mainit na pandesal. Bumundol ang kaba sa dibdib niya. Nilingon niya ang pinanggalingan ng tinig at ang seryosong mukha ni Tita Bridgette ang kanyang nakita. Nagsumbong na kaya si Lester? O hindi naman kaya si Jillian? Nakapagtataka dahil sinadya pa siya ng reyna ng dela Merced sa komedor gayong nakaugalian na nitong mag-utos sa mga katulong na magpaakyat ng breakfast sa kwarto nito.
“Good morning po, Tita.” Nagawa pa rin niyang batiin ito sa kabila ng kaba pero hindi ito sumagot. Naasiwa siya sa ginagawang pag-analisa nito sa kanya. “Sinamahan ko lang po si Karen, Tita. Birthday po kasi niya kahapon,” paliwanag pa niya.
“Life is hard. Tandaan mo sana na sa bawat sentimong ginagasta at iniaabot ng ama mo sa iyo ay may karapatan din ako. Half of it is mine.”
Para siyang sinampal sa narinig. Bakit ba kailangang ipagdiinan pa nito ang katotohanang iyon gayong hindi naman siya umaabuso sa mga pag-aari nito? Kuntento siya sa kung ano ang ibigay sa kanya dahil alam niya ang kanyang lugar sa pamamahay na ito bilang illegitimate child.
“Hindi ka namin kinupkop para lang maglakwatsa at maging sakit ng ulo. Tandaan mo sana iyan,” dugtong pa nito.
Kung makapagsalita naman ito ay parang masahol pa sa asong kalye ang turing sa kanya. Anak din naman siya ni Arnulfo dela Merced. Dugo at laman pa rin siya ng kanyang ama. Sa kabilang banda ay nauunawaan niya ang damdamin nito kaya kahit nasasaktan na siya ay pikit-mata niyang tinatanggap ang bawat parunggit nito. Sinundan na lamang niya ito ng tingin habang naglalakad ito palayo.
****
PAGkatapos ng huling klase ni Clarissa ay nagpasama siya kay Karen sa isang store sa Greenbelt na pulos sports apparel ang itinitinda.
Hindi katulad ng ibang babae na pulos fashion at makeup ang pinagkaabalahang, siya ay mga bagay na may kinalaman sa sports ang hilig, partikular na ang lahat ng water sports. Minsan na rin niyang binalak na sumali sa swimming team ng university nila ngunit ang hangaring iyon ay hinarang ni Tita Bridgette.
Nasa aktong ibabalik na niya ang hawak na swim gear nang mahagip ng kanyang tingin ang isang pamilyar na pigura.
Si Lester.
Kampante itong naglalakad papasok sa store na tila pag-aari nito ang mundo. Simpleng t-shirt at pantalon lang ang suot nito pero hindi iyon nakahadlang para lumutang ang kakisigan at kagwapuhan nito. Nakita niyang huminto ito at kinausap ang gwardiya, saka ang isa sa mga salesclerks. Kahit pala sa lugar na iyon ay abot ang kapangyarihan ni Lester Andrada. Napabuntung-hininga siya, saka itinuon muli ang pansin sa ginagawa.
“Ilang ulit mo nang binabalik-balikan ang lugar na ito pero ni isa ay wala ka man lang nabubuli,” untag ni Karen.
Matagal na siyang inaalok nito na pahihiramin siya ng pera pero kadalsan ay tumatanggi siya. Ang katwiran niya, dapat magmumula sa sariling ipon ang anumang gagastusin para sa luho niya. Isa pa, masyadong maraming na itong naitulong sa kanya.
“Pero alam mo may paraan,” nakangising sabi nito.
Napahumindig siya nang makitang kinuha nito ang isang swim gear at isinilid sa bag niya na parang walang anumang nangyari. “Karen, no!” mariing saway niya rito.
Ang unang tumakbo sa isip niya ay ang posibleng pagkahuli sa kanila. Okay lang sana ang ginagawa nitong beating the red light pero ang mag-shoplift ay ibang kaso na. Pwede silang makasuhan at mabilanggo kapag nahuli sila. Isipin pa lang ang hitsura ng kulungan ay tila kinikilabutan na siya.
Biglang pumasok sa isip niya si Tita Bridgette na nanggagalaiti habang dinuduro siya sa mukha. Dela Merced is a prominent name in the business world at hindi niya maaatim na dungisan ang pangalang iyon. Malaki ang pagpapahalaga ng mga ito sa pangalan na iyon na sa loob ng mahabang panahon ay nanatiling malinis at walang bahid ng anumang kasalanan.
Hindi pa rin kumilos si Karen at hindi pa rin nito tinanggal ang kamay nito sa bag niya.
“Karen, please, ibalik mo na ‘yan,” pagsusumamo niya.
“Relax, okay?” natatawang sabi nito. “I was just teasing you.”
Nakahinga siya ng maluwag dahil hindi pala nito tototohanin ang pagkuha sa swim gear subalit tyempong napagawi naman sa kinaroroonan nila ang isang salesclerk.
“Ano yan ha?” malakas na tanong nito na ikinalingon ng mga naroroon. “Manong!” tawag nito sa gwardiya na kaagad ding napasugod sa kanila.
“Anong kaguluhan ito, ha?” tanong ng gwardiya na nagpalipat-lipat ang tingin sa kanila ni Karen.
“Manong, magnanakaw ang dalawang babaeng ito,” sagot ng babae na itinuro pa sila.
“Manong, hayaan ninyo po kaming magpaliwanag,” sabi ni Karen ngunit hindi nakinig ang gwardiya.
“Sa opisina ng may-ari na kayo magpaliwag,” matatag na wika nito. Naagaw na nila ang atensyon ng nakararami. Nakatingin sa kanila ang lahat ng mga naroroon na para bang sila na ang pinakamasamang nilalang lalo pa nang kaladkarin sila papasok sa likurang bahagi ng stall.
“Aray! Hinay-hinay naman po, Manong. Hindi naman po kami tatakas, eh. May pera po kami at kaya po naming bayaran kahit pa ang lahat ng naka-display rito,” angil pa ni Karen.
“May pambayad naman pala kayo, ba't kailangan n'yo pang magnakaw?” sarakastikong tanong ng gwardiya.
Sa pagkadismaya at kawalan ng mahihingan ng tulong ay hindi niya napigilan ang mapaiyak. Dala na rin ng frustration. Ngunit mabilis niyang pinahid ang mga pumatak na mga luha. Sa pagkakataong iyon ay hindi makakatulong ang pag-iyak.
ISANG air-conditioned room ang pinagdalhan sa kanila ng guwardiya. Sa kabila ng kaba ay nakuha pa rin niyang pag-aralan ang kabuuang ayos ng silid. Maayos ang lahat ng gamit doon na pawang mamahalin. Sa pinakasulok ay may mahabang desk. Sa likuran niyon ay may nakaupong lalaki. Hindi niya mabistahan ang mukha nito dahil nakatalikod ito pero nasisiguro niyang ito ang manager o hindi naman kaya ay ang may-ari ng establisimyento. Nakatuon ang pansin nito sa isang maliit na screen. Kung hindi siya nagkakamali ay monitor iyon ng CCTV. Siguradong na-capture ng camera ang ginawa nila. Ibig sabihin ay may mabigat na ebidensya na maaaring gamitin laban sa kanila.
Ang mga isiping iyon ang nagpamanhid sa kanyang buong katawan. Pakiramdam niya ay lumulutang siya sa ere. Pipi niyang nahiling sa Dios na sana maglaho na lang siya sa mundo upang matakasan ang kahihiyan.
“Iwan mo na kami, Diaz,” utos nito sa guwardiya.
Pamilyar sa kanya ang baritonong boses na iyon ng lalaking nakatalikod. Iisang tao lang ang alam niyang nagtataglay ng ganoong boses- seryoso at maawtoridad. Napakapit siya sa katabing si Karen na ng sandaling iyon ay tinablan na rin ng takot. Malamig at pawisan ang kamay nito.
Unti-unting umiikot paharap sa kanila ang swivel chair na inuupuan ng lalaki. At ganoon na lang ang pag-awang ng mga labi niya nang makumpirmang si Lester nga iyon. Maging si Karen ay natigilan. Gustung-gusto na niyang maglaho sa harapan nito.
“What is it this time, Clarissa?” sinlamig ng yelo na tanong ni Lester na tila ba siya lang ang hahatulan ng parusa habang analytical itong nakatitig sa kanya. Hindi pa man nito naririnig ang side niya ay may hatol na kaagad- isang hatol na hindi pabor para sa kanya.
“Say your piece.” May kilabot na hatid sa kanya ang tinig nito. Nanunuot sa kanyang buto at kalamnan ang bawat salitang binitiwan nito. “Cat got your tongue?” sarkastiko pang dagdag nito. Tila naka-plaster na sa mukha nito ang pang-uuyam.
Gusto niyang ipagtanggol ang sarili pero nang mga sandaling iyon ay tila umuurong ang kanyang dila. Ni isa mang salita ay walang namutawi sa kanyang bibig sa kabila ng mga rumaragasang rason sa isip niya.
“To help you remember,” sabi nito, saka ini-replay ang kuha ng CCTV. Umupo uli ito sa swivel chair at kampanteng inoobserbahan sila ni Karen habang nanonood ng kuha ng camera. Sa pagitan ng dalawang daliri ay kampante nitong nilaro-laro ang Parker sign pen. Sa pakiwari niya ay nasa loob sila ng isang courtroom at si Lester ang cross-examiner.
“Ano’ng masasabi n'yo?” tanong nito nang matapos ang “palabas”. Walang nakapagsalita sa kanila ni Karen. “Pasalamat kayo at dito kayo gumawa ng kabalbalan. Kung nangyaring sa ibang tao kayo nagkasala, siguradong sa kulungan ang bagsak ninyo.”
Hindi nga sila ipakukulong subalit masahol naman ang panghuhusga nito sa pagkatao nila.
“Well, what can be expected from the likes of you? Sakit ng ulo na lang ang lagi mong dinadala sa pamilya ni Jillian,” patuloy pa nito.
Pamilya ni Jillian. Kailan ba matatanggap ng lahat na kapamilya rin siya ni Jillian, na isa rin siyang dela Merced?
“Sige, maaari na kayong lumabas,” matabang na sabi nito nang hindi pa rin siya tuminag.
Ang guwardiyang kumaladkad sa kanila papasok sa opisina ang siya ring nag-escort sa kanila palabas. Sa gitna ng maraming usisero at mapanuring mga mata ay nakatulong naglakad sila ni Karen palabas ng establisiyemento.
“I'm sorry,” puno ng pagsisising sabi ni Karen nang nasa loob na sila ng kotse nito.
Gusto man niyang ibunton dito ang sisi ay hindi niya ginawa. Ang insidenteng iyon ay nagmarka na naman sa kanyang pagkatao. Naipagapasalamat na lang niya na hindi nakarating sa ama o sa madrasta niya ang nangyari.
NOTE:
MAY ONGOING VOTATION FROM AUGUST 1-28. CAN I ASK A FAVOR TO PLEASE VOTE FOR RECKLESS HEARTS?
SALAMAT. OKAY LANG DIN KUNG AYAW NINYO. THANK YOU.
GOD BLESS YOU...