E11

1743 Words
“Nag-enjoy ka ba?” tanong ni Lester nang ihatid nito si Clarissa sa bahay. “Sobra. Ito na ang pinakamaligaya kong Pasko.” Nasiyahan ito sa sagot niya. Akmang bababa na siya ng kotse nang pgilan nito ang kamay niya. “Wait!” May kinuha ito mula sa likuran ng kotse, isang parihabang kahon iyon na nababalot sa makintab na wrapper. “For you.” Nakangiti ito habang iniaabot nito ang regalo. Maang na napatitig siya roon. “Please, accept it,” samo nito na lumabi pa na parang bata. Nang kusang kunin nito ang kamay niya ay wala na siyang nagawa kundi ang tanggapin iyon. “Open it.” Isang shortboard ang laman niyon nang mabuksan niya. “’Pag nagkaroon tayo ng time tuturuan kitang mag-surf,” sabi pa nito. “Talaga?” excited na tanong niya. “Thank you,” ulit niya habang hindi napigilan ang paghipo sa board. The kid inside her had been awakened. “Paano ba ‘yan, wala akong gift para sa ‘yo,” naalala niya. “Your presence is already a gift, Clarissa.” Naroroon na naman sa mga mata niti ang hindi maipaliwanag na emosyon na muling naghatid ng pagkaasiwa sa puso niya. “Thank you for spending the evening with me. I’ll cherish this night, Clarissa,” pasasalamat nito, sabay gagap sa kamay niya. God, mababaliw na siya sa kakaibang tensiyon na bumabalot sa paligid. Bago pa man siya mag-break down ay pasimpleng binawi niya ang kamay niya mula rito. “Ako rin, isusulat ko sa diary ko ang lahat ng nangyari sa araw na ito,” pagbibiro niya. “Sige, ha, aalis na ako.” “Clarissa.” Napahinto siya sa akmang pagbaba ng kotse at muling hinarap ito. “What would have made your Christmas even more meaningful?” tanong nito. Isang bagay lang naman ang kokompleto sa buhay niya. “Ang nanay ko.” “Where is she?” “Hindi ko alam. Basta magpa-Pasko rin noon nang dinala ako ng nanay ko rito sa bahay ng papa ko.” Nilingon niya ang bahay at inalala ang araw na iyon. “Nag-usap sila nina Papa at Tita sa library. Pagkatapos nilang mag-usap, sabi ni Nanay, may pupintahan lang daw siya, pero hindi na siya bumalik pa.” Lester looked at her with sympathy in his eyes. “Bakit mo pa siya hahanapin gayong iniwan ka niya?” Napangiti siya ng mapait. “Hindi ko maintindihan kung ano’ng nangyari noon. Ngunit iisa lang ang alam ko, hindi ako basta-basta ipamimigay ng nanay ko nang walang dahilan kasi mahal niya ako, eh. Ramdam ko ‘yon…dito sa puso ko.” Itinuro niya ang tapat ng kanyang dibdib. “But you already have a family.” Nasimulan na rin niya, itutuloy na niya. “I was never a part of my father’s family, Lester. Isa pa rin akong outsider. Hindi ko maramdaman na mahal nila ako. Kahit si papa, hindi niya maipakita nang hayagan sa akin ang pagmamahal niya dahil nandiyan sina Tita Bridgette at Jillian.” Tahimik lang itong nakikinig. “Saan ba kayo dating nakatira?” “Sa Baybay, Leyte.” Napatango-tango ito at tila ba nahulog sa malalim na pag-iisip. Kung ano man ang naisip nito ay hindi niya alam. ******** She was in pain. Habang nagmamaneho pauwi ay hindi maiwaksi sa isip ni Lester maluha-luhang si Clarissa. Looking at her, so teary-eyed made him want to cheer her up. Gusto niyang pawiin ang nararamdaman nitong lungkot. Kung paano ay hindi niya alam. Kakatwa ngunit tila ba naramdaman din niya ang sakit na kinikimkim nito. Ang nanay ko. Paulit-ulit na nag-flash sa isip niya ang mukha ni Clarissa at ang nangingilid na mga luha sa mga mata nito. Ito po ang pinakamaligayang Pasko ko, naaalala niyang sabi ni Clarissa sa mama niya kaninang nasa bahay nila ito. It was an innocent statement that melted his heart. Nakita niya ang pagliwanag ng mga mata nito habang nakamasid sa pagmamahalan ng pamilya niya. Kitang-kita niya ang kaligayahan nito. Right then, umusbong ang hangarin niyang pasayahin ito tulad noong nasa Siargao sila. Kinuha niya sa dashboard ang kanyang cellphone, saka nag-dial doon. Ilang ring muna ang narinig niya bago may sumagot sa kabilang linya. “May ipapagawa ako sa ‘yo,” kaaagd na sabi niya sa kausap. Idintalye niya rito ang nais niyang ipagawa, saka tinapos ang kanilang pag-uusap at tahimik na nagmaneho. ****** Kasalukuyang gumagawa ng assignment si Clarissa nang maaagw ng surfboard ang kanyang pansin. Pansamantala ay inihinto niya ang ginagawa at kinuha iyon, saka ipinatong sa kanyang kandungan. Kapag nakikita niya ang board ay ramdam na ramdam niya ang presensya ni Lester. Sa kanyang pagtulog ay ito ang sinusulyapan niya bago pumikit at sa paggising naman ay sinisiguro niyang ito ang una niynang masisilayan bago siya magdasal. Napabuntung-hininga siya. Kaunting panahon na lang at uuwi na si Jillian. Kapag nangyari iyon ay siguradong maisasantabi na naman siya ni Lester. Nakakalungkot mang isipin, dapat ay naikokondisyon na niya ang sarili na mangyayari at mangyayari iyon. Nasa ganoon siyang pag-iisip nang tumunog ang kanyang cellphone na nakapatong sa bedside table. Numero ni Lester ang maka-register sa screen. Nagdalawang-isip siya kung sasagutin iyon o iignorahin na lang pero sa huli ay pinindot na rin niay ang Answer button ng aparato. “You sound sad,” may bahid ng pag-aalala sa boses nito. “May problema ka ba?” “Wala. Nadadala lang ako ng binabasa kong aklat,” pagsisinungaling niya. “Ah, kaya pala bukas pa ang ilaw ng kwarto mo.” “Paano mo nalaman?” “Look outside your window,” utos nito na madali naman niyang sinunod. Sa labas ay naroroon nga ito at kampanteng nakatayo sa gilid ng kotse habang nakatingin sa kinatatayuan niya. Kumaway ito sa kanya. “Ano’ng ginagawa mo riyan?” “Nothing. I just wanted to get a glimpse of you bago ako umuwi.” Glimpse of you. Kakatwa pero iba ang dating niyon sa kanya. Pakiramdam niya tuloy ay boyfriend niya ito. “You should congratulate me.” “Bakit?” Wala naman itong nabanggit na sinasalihang kompetisyon. “Nanalo ka sa race?” panghuhula niya. “Exactly. But it was just an amateur race na in-organize ng Ford.” Nakita niya ang pagtaas nito sa hawak na trophy. At least, nagiging bahagi siya sa bawat tagumpay nito. Gaano man kasimple ang bagay na iyon ay napakalaking achievement na niyon para sa kanya. “Congratulations!” “Thanks. Bukas nga pala ay susunduin kita.” “Bakit? Ano’ng meron?” “May pupuntahan tayo.” Hindi na siya nag-usisa pa. Hahayaan na lang niya ito sa kung anuman ang naisin nito. Hindi pa man ay excited na siya. ISANG lumang bahay na napapalibutan ng barbwire fence sa bayan ng Zambales ang pinagdalhan nil ester kay Clarissa. Sa kalawanging gate ay may nakapaskil na karatula. “Home of the Angels” ang nakasulat doon. Isa iyong orphanage. Sa loob ay may mga batang nakikinig sa isang babae na may hawak na storybook. Nagtatanong ang mga matang napatingin siya kay Lester. “You’ll see,” matipid na sagot nito. iginiya siya nito papasok kung saan isang matandang babae ang sumalubong sa kanila. “Ito na ba si Clarissa?” mababakas ang katuwaan sa mukha ng matanda habang sinisipat siya mula ulo hanggang paa. Lalo siyang hindi nakahuma nang yakapin siya nito. “Marahil ay nagtataka ka kung sino ako. Ako si Minerva. Magkaibigan at magkatrabaho kami ni Aleta. Taga-Baybay rin ako. Noong wala siyang ibang malapitan ay sa akin siya nagpunta at itong orphanage ang naging tahanan niya hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay.” Si Aleta ang nanay niya. Ibig sabihin, patay na ito? Iginiya sila ni Minerva papasok sa isang maliit na silid. Sa loob ay nakapaskil sa dingding ang mag artworks na mahihinuhang gawa ng mga bata. “Ano po ang nangyari sa nanay ko?” Hindi na siya makapaghintay na malaman ang nangyari. Pagkatapos silang paupuin ay ibinigay nito ang isang lumang kahon sa kanya. “Buksan mo, Ineng,” malalaman moa ng kasagutan. Naguguluhan man ay natagpuan niya ang sariling mga kamay na binubuksan ang kahon. Mga lumang sulat na naninilaw na ang nakasalansan sa loob. Isa sa mga iyon ang kinuha niya at sinimulang basahin. Clarissa. Iyon ang nakasulat sa labas ng sobre. Bigla ay tumahip ang kanyang dibdib. Pamilyar sa kanya ang sulat-kamay na iyon. December 24, 1995 Dearest Clarissa, Pasko na naman. Unang beses na wala ka sa tabi ko sa pinakamahalagang araw na ito. Sana maligaya ka sa araw an ito sa piling ng ama mo at bago mong pamilya. Sobra kitang na-miss, anak. Sana patawarin mo ako kung bakit kita ipinamigay. May malalim na dahilan kung bakit ko ‘yon ginawa. Sa takdang-panahon ay malalaman mo rin. Mahal na mahal kita. Nagmamahal, Nanay Isa pang sulat ang binuksan niya. March 31, 1996 Clarissa, Napakasaya ko ngayon, anak. Nasaksihan ko ang pagtatapos mo sa elementarya ngunit patawad na hindi ako nagkalakas-loob na lumapit. Ipinagmamalaki kita ng labis, anak. Mahal na mahal kita. Nanay Pinahid niya ang mga luhang namalisbis sa kanyang mga mata na hindi niya nagawang pigilin pagkatapos basahin ang pangalawang liham. Parang sasabog ang dibdib niya sa mga natuklasan. Nang mahimasmasan ay kumuha siya ng isa pang sulat at binuklat iyon. Kapansin-pansin ang pag-iiba ng stroke ng sulat-kamay ng kanyang ina. November 12, 1998 Dear Clarissa, Malamang huling sulat ko na ito. Nararamdaman ko na malapit nang magwakas ang buhay ko. Sa loob ng tatlong taon ay nakipaglaban ako sa sakit na leukemia dahil gusto kong makita kang magdalaga, makapagtapos ng pag-aaral, at magkapamilya. Pero imposible na iyon ngayon. Hindi ko na rin hihilingin sa Diyos na dugtungan ang buhay ko. Panalangin ko na lang na sana ay maging makabuluhan ang buhay mo. Patuloy kang manalig sa Panginoon, anak, dahil tanging sa kanya lang tayo makakaasa. Anak, ihalik mo na rin ako sa iyong ama. Hindi man niya alam ngunit mahal na mahal ko siya at lahat ng anumang meron kami noon ay bunsod ng pag-ibig. Ihingi mo na rin ako ng tawad kay Bridgette. Batid ko na labis na sama ng loob ang idinulot ko sa kanya at habang-buhay kong pagsisisihan iyon. Mahal na mahal kita, anak. Patawarin mo ako sa ginawa kong pag-iwan sa ‘yo. Ang iwan ang anak ang siyang pinakamalaking kasalanang magagawa ng isang ina. Patawad… Hindi na niya nagawang tapusin iyon dahil tuluyan nang nahilam ng luha ang kanyang mga mata. Luha iyon ng kaligayahan. Kaligayahan dahil napatunayan din niya sa wakas na hindi totoong inabandona siya ng kanyang ina. Her mother was not a slut. Nagmahal lamang ito. Pagmamahal din ang nagtulak dito para huwag na siyang kunin pa mula sa poder ng kanyang ama. Ngayon ay maaari na niyang ipagmalaki sa buong mundo kung gaano kadakilang babae ito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD