Chapter 1
Gusto kong ikasal kay Emil, siya ang pangarap ko.
Minahal niya ‘ko at totoong naramdaman ko ‘yon.
Pero alam ko, may pagmamahal pa rin siya sa iba.
Nang umuwi siya matapos nilang magkita, maayos kami, at hindi naman siya nagkaroon ng pagbabago ng pasya pero alam ko na isa sa dahilan bakit kailangan niya ‘kong panagutan ay dahil matalik niya ‘kong kaibigan, minahal niya ‘ko pero hindi katulad ng pagmamahal niya kay Chanel, iyong kahihiyan na puwedeng danasin ko sa marami sakaling bigla niya ‘kong iwanan, hinding-hindi ‘yon magagawa ni Emil.
Alam ko mas pipiliin niyang ikasal kami at bumuo ng pamilya sa ‘kin.
Pero ang pagmamahal ko sa kanya ay hindi matutumbasan ng pagpapakasal niya sa ‘kin, lalo at alam ko na sa puso niya, mayroon akong magiging kahati.
Natatakot akong pagsisihan niya o pagsisihan ko ang desisyon na ‘to.
Hindi ko alam kung tama ako, pero iyon ang bulong ng isipan ko, palayain ko si Emil kung gusto kong magkaroon kami pareho ng desisyon na hindi pagsisisihan.
Naging buo ang desisyon kong ito nang makausap ko si Chanel.
Mahal pa rin niya si Emil.
Mahal ko rin siya, mula noon, hanggang ngayon. Pero alam ko sa sarili ko, kaya kong mabuhay ng wala si Emil, mas kailangan siya ng babaeng ‘yon higit sa ‘kin.
Tumakas ako sa tulong ng isang naalagaan kong mayamang lalaking biyudo noon. Sinundo ako ng sasakyan ng anak o apo niyang mayaman ngunit napakayabang.
“What the hell! Bakit kailangan kong magkaroon ng runaway bride na kasama?!” sigaw niya.
Paulit-ulit siya at naririndi na ‘ko. Kahit anong guwapo ng lalaking ‘to wala ‘to sa kalingkingan ni Emil. Halatang spoiled brat at may kahabaan ang sungay. Mabilis ang pagpapatakbo niya nang mamahalin niyang sasakyan.
“Kabet ka ba ng lolo ko?!”
Hindi ko siya pinansin. Nakita niyang umiiyak ako pero tanong pa rin siya nang tanong.
“Hey, stop crying!” sigaw niya.
Gusto ko siyang pukpukin ng takong ng sapatos ko sa sobrang ingay niya.
Binibiyak na nga ‘yong puso ko at tinutusok-tusok pero hindi pa rin siya nakakaramdam.
“Why did you runaway?! Anong klaseng kalokohan ‘yang pumasok sa ulo mo para iwanan ‘yong pakakasalan mo? Puwede naman sabihin mo kaagad sa kanya the day before! Ano bang problema ng mga babae ngayon, parang panipis nang panipis ang utak!”
Bakit ba parang galit na galit sa mundo ‘tong lalaking ‘to?
Wala man lang ba ‘tong gentle side?
“Siguro dahil alam mong mas marami kang perang makukuha sa pamilya ko ‘no?”
“Puwede bang tumahimik ka muna!” mariing sabi ko.
Sa pagkagulat nga niya ay napa-preno siya at napahawak sa kanyang dibdib.
Galit na nilingon niya ‘ko sa backseat.
“Paano kung maaksidente ako! Hindi pa nga ‘ko nakakapag-enjoy sa mana ko, mamamatay pa ko dahil sa ‘yo!”
“Tumahimik ka na, please lang!”
“This is my car, it’s my choice if—“
Napakurap siya. “Oh, you are so pretty. Wanna have a runaway s*x with me?” aniya bigla.
Kinuha ko ang sapatos ko at ibinato ko sa kanya.
Tumama ‘yon sa kanyang dibdib at napa-ouch pa!
“Bastos! Demonyo!”
Nakita kong nagalit siya at dumilim ang paningin.
“Lumabas ka, iiwanan kita rito sa highway!”
“Isusumbong kita sa lolo mong damuho ka!”
Nakita kong nabigla na naman siya. Napahinga nang malalim at mukhang may sasabihin pa pero galit na lang na dumiretso at nag drive. Simangot na simangot siya. Hindi naman siya mukhang bata, mukhang isip bata lang.
“Hey, why did you runaway? Did he not satisfy you in bed?”
Gustong umikot ng mata ko dahil sa kanyang naging tanong. Hindi ko na lang pinansin.
“Hey, answer me—“
“Walang nangyayari sa ‘min! Gentleman si Emil!”
“Oh, mas gusto mo ‘yong playboy at lolokohin ka?” tanong niya.
Kinuha ko ang isa ko pang sandal.
“Oh! Oh! Tumigil ka! Nagtatanong ako nang matino sa ‘yo!”
“Walang katinuan ‘yong tanong mo! Puwede bang hayaan mo muna akong masaktan at umiyak?!”
“Praning ka palang babae ka, tatakbo-tatakbo ka tapos iiyak ka, baliw,” bulong niya.
Lahat yata nang galit ko nagtaasan. Sa totoo lang, sa lalaking ‘to lang ako sumigaw at lumabas ang kabayolentehan ko. Bigla para ‘kong naging ibang tao.
Dinala niya ‘ko sa kanilang mansion, halos dalawang oras din ang aming biyahe.
Maging ang mga kasambahay na unipormado at mga lalaking unipormado rin ay titig na titig sa ‘kin. Mukhang sa isipan nila ay nagtatanong sila kung bakit ako narito, nakasuot ng pangkasal at mugtong-mugto ang mga mata. Hindi naman sila nagtanong.
“Bilisan mo nga na maglakad!” Hinila ako ng damuhong lalaki.
“Lo, ito na ‘yong package mo!” sigaw niya.
Nakakahiya talaga ‘tong lalaking ‘to kahit kailan!
“Esther, Esther,” tawag niya sa isang matandang kasambahay. Walang galang!
“Dalhin mo nga ‘tong babaeng ‘to kay lolo.”
“Sir Tristan, wala po ang lolo ninyo. Isinama siya kani-kanina lamang ni sir Jacob.”
“What?!” malakas na tanong ni Tristan. Kung hindi talaga anak ng impakto ‘tong lalaking ‘to at kahit malapit ang kausap ay O.A. “Bakit siya kinuha ni Jacob? Nagpapalakas ba siya kay lolo? Hindi pa rin ba niya matanggap na ako ang paboritong apo?”
Hindi ko alam kung bakit imbis na malungkot ako sa oras na ‘to ay kumukulo ang dugo ko sa lalaking ‘to.
Kung titingnan ko siya ay presentable naman siya, kasing-taas ni Emil, may magandang hitsura, pero bakit iyong utak nito parang pang-ipis lamang?!
Tiningnan niya ‘ko at tinaasan ng kilay.
“Bigyan ninyo nga siya ng damit at dalhin sa guest room. Sabihin ninyo kay lolo na maganda ang pakikitungo ko sa bisita niya kahit nakita ninyong nagsusungit siya sa ‘kin.”
“Ano?!”
Nginisian niya lang ako at senioritong-seniorito na naupo sa couch. Nagkrus pa siya ng binti bago may tinawagan.
“Yes, babe, sorry—“
Blah-blah-blah! Ayoko nang marinig ang kanyang boses.
Sumama ako kay Aling Esther, mukhang nasa apatnapu ang edad niya.
“Ganoon po ba talaga ang lalaking iyon?”
Tiningnan niya ‘ko at nginitian. “Ganoon talaga, pero mabait naman ‘yon kahit gano’n.”
Parang hindi ako makapaniwalang mabait ‘yon sa ganoong lagay. Parang may sayad talaga ‘yon sa ulo.
Dinala niya ‘ko sa isang malaking silid. Hindi ko gaanong napansin ang laki ng mansion maging ang hitsura dahil mas naging abala ko na kabuwisitan ang lalaking nagngangalang Tristan. Pero ngayon na nakita ko ang guest room ay parang gusto kong mahiya na narito ako ngayon. Itong guest room nila na isa sa mga kuwarto sa second floor ay buong second floor na ng bahay namin.
“Akala ko ay girlfriend ka ng seniorito na itinakas niya sa simbahan,” ani Aling Esther habang may hinahanap sa cabinet. Inilabas niya ang isang roba.
“Hindi ho, bisita po ako ng kanyang lolo. Ako po ‘yong nurse ni Mr. Deogracia no’ng naka-confine siya.”
Nakita kong nagulat siya at biglang natuwa. “Naku! Ikaw pala ‘yan, Angel!”
“A-Angela po ang pangalan ko.”
“Oo nga, ikaw nga ‘yong sinasabi niya na anghel niya!”
Gusto kong mangiwi dahil kanina lamang ang ugali ko ay hindi na pang-anghel samantalang sa paningin pala ng lolo no’ng hudas na ‘yon ay anghel ako.