“Alma! Alma Montis! Alam kong naririyan ka! Lumabas ka rito at bayaran mo ang utang mo! Aba, dalawang buwan na kayong hindi nagbabayad ng renta niyo ah! Ano’ng akala niyo sa boarding house ko, charity? Hoy Alma! Ipapabarangay na talaga kita kapag hindi ka pa nagbayad sa susunod na linggo! Bwisit! Malas sa negosyo!”
Naririnig ni Carissa ang patuloy na pagpuputak ni Aling Cora sa labas ng inuupahan nila ng Nanay niya na maliit na boarding house.
Nakailang balik na ito sa kanila sa loob ng dalawang buwan para maningil, pero palaging nauubos ang pera ng Nanay niya dahil nalululong na ito sa alak at sugal.
Naglalabandera ang Nanay niya at kung minsan ay barker sa paradahan ng jeep. Pero ang karamihan sa kinikita nito ay nauubos lang sa bisyo. Pasalamat na lang siya dahil napag-aaral pa rin siya ng Nanay niya kahit sila na lang dalawa ang magkasama sa buhay. Maaga kasing namatay ang Tatay niya dahil naging snatcher at magnanakaw ito at nabaril ng isang pulis nang minsang mahuli ito at makatakas.
Kaya ngayon, heto at ramdam niyang pahirap nang pahirap ang buhay nila ng Nanay niya. Tingin niya ay sumusuko na ito sa buhay kaya nagpapakalulong na lang ito sa bisyo imbes na lumaban at bigyan siya ng mas maayos na kinabukasan. Mung minsan nga ay hindi na siya nito nabibigyan ng pambaon niya sa paaralan dahil natalo na lahat ng pera nito sa sugal. Kapag nananalo naman ito sa sugal ay halos wala rin itong naibibigay na pera sa kanya dahil ang napapanalunan nito ay ibinibili lang din nito ng alak at pulutan kasama ang mga kalaban din nito sa sugal.
“Nay, paano po kung ipakulong tayo ni Aling Cora dahil hindi na tayo nakakapagbayad ng renta?” inosente niyang tanong sa Nanay Alma niya habang nagtatago sila sa kwarto nila.
Paparating pa lang kanina si Aling Cora ay namataan na ito ng Nanay niya kaya agad nilang isinarado ang mga bintana at ikinandado ang pintuan para kunwari ay walang tao sa boarding house nila. Hapon pa lang kaya maliwanag pa naman at naka-off pa ang iilang ilaw sa loob ng boarding house nila.
“Tumahimik ka nga diyan, Issa! Baka marinig pa tayo ni Aling Cora! Kung wala kang maitutulong ay manahimik ka lang diyan!” agad na sita sa kanya ng Nanay niya habang pigil na lumakas ang boses.
Gaya ng sabi ng Nanay Alma niya ay nanahimik na lang siya hanggang sa umalis na si Aling Cora sa labas ng boarding house nila.
“Wala na siya. Oh, paano? Aalis muna ako at magdi-delihensiya.” Anito at sumilip muna sa bintana para siguruhing wala na si Aling Cora bago lumabas sa nag-iisang kwarto nila.
“Eh, Nay… Wala na pong bigas… tsaka wala rin po tayong pang-ulam…” pigil niya nang sundan niya ito bago ito tuluyang makalabas ng bahay.
Baka kasi imbes na madagdagan ang pera nito ay maubos na naman kagaya ng madalas na nangyayari tuloy ay napipilitan siyang mangutang sa tindahan ni Aling Menchie. Mabuti na lang at pinapautang naman siya lagi ni Aling Menchie dahil na rin marahil kaklase niya ang anak nito. Pero nahihiya na siya lalo at matagal bago sila nakakapagbayad dito.
Lumingon naman sa kanya ang Nanay Alma niya na biglang umasim ang timpla ng mukha.
“Lintik naman, Issa! Dalawang daan nga lang ang kinita ko kanina.” Anito. Pero agad din nitong kinapkap ang bulsa ng short nito.
“Ito, pagkasyahin mo muna.” anito matapos ibigay sa kanya ang singkuwenta pesos.
“Sige po, Nay…” wala na siyang nagawa kundi tanggapin ang singkuwenta pesos na ibinigay nito. At least binigyan pa rin siya nito pera.
Kalahating kilo ng bigas na lang muna ang bibilhin niya ang at kung kasya pa ay sardinas na lang muna ang ulam nila. Buti iyon ay ready to eat na. Buti na lang din at may natira pang uling pangsaing niya, kasya na iyon. Di naman na kasi nila kayang bumili ng gasul at stove.
Naubos na rin kasi ang kinita niya mula sa isang buwang pagtitinda ng meryenda dahil gasino lang naman ang kita niya roon. Swerte nang nakabili na siya ng para sa project niya sa school.
“Oh, tirhan mo ako ng pagkain ha.” Bilin pa nito bago ito lumabas ng bahay.
“Opo, Nay..”
Pagkaalis ng Nanay Alma niya ay malalim siyang napabuntong-hininga.
Kailan kaya sila makaaalis mula sa kahirapan? Pero parang malabong mangyari iyon lalo at lalong nalululong sa bisyo ang Nanay niya. Ang pag-asa na lang siguro niya ay ang makatapos siya kahit high school para kahit papaano ay makapag-apply siya ng trabaho. Kahit taga hugas lang ng mga pinggan o janitress ay tatanggapin niya basta’t magkaroon siya ng maayos-ayos na pagkakakitaan. Saka na lang siguro siya babalik sa pag-aaral kapag nakapag-ipon siya.
Sana lang ay magbago pa ang Nanay niya. Iyon na lang ang hiling niya dahil kailangan niya ito para gabayan siya at wala na rin silang iba pang kapamilya.
Kaagad na siyang lumabas sa tinutuluyan nila at tinungo ang tindahan ni Aling Menchie.
“Pabili po!” nahihiya niyang tawag nang nasa labas na siya ng tindahan.
Nahihiya siya dahil hindi pa niya mababayaran ang utang nila, nasa lampas isangdaan na kasi iyon.
“Oh, Issa, ikaw pala. Ano iyon?” nakangiting tanong sa kanya ni Aling Menchie. Mabuti na lang talaga at napakabait nito sa kanya. Kaklase niya kasi ang anak nitong si Kurt at kaibigan na rin.
“Eh, kalahating kilong bigas po sana Aling Menchie tsaka isang sardinas.” Nahihiya niyang sabi.
“Tsaka pasensiya na po kayo di pa po ako makakabayad ng utang namin kasi nagkulang po ang budget.” Magalang niya pang hingi ng paumanhin dito.
“Naku.. iyang Nanay mo naman kasi… inuuna pa ang bisyo niya kaysa ang maayos na pagkain ninyong mag-ina. Kung tutuusin ay malakas pa siya, kaya niya pang magtrabaho. Dinig ko nga ay binibigyan sana siya ng trabaho sa tindahan ng damit ni Maria, parang sales lady ba. Kaso ayaw ng Nanay mo. Hula ko ay dahil ayaw niyang mawalan ng oras sa mga kaibigan niya. Tssk. Sayang. Ikaw tuloy ang nahihirapan.” Mahabang litanya ni Aling Menchie.
Napangiti na lang siya ng pilit dito at napayuko. Tama naman ang sinabi nito. Kaso ano naman ang magagawa niya? Hindi naman niya puwedeng pangunahan ang sarili niyang ina. Hindi rin puwedeng siya ang magtrabaho ng full time dahil nag-aaral siya at hanggang pagtitinda lang ng meryenda o kung anong paorder ang kaya ng oras niya.
“Pasensiya na po talaga kayo Aling Menchie. Hayaan niyo po at makakabayad din kami.” Pangako na lang niya rito.
“Wag mo muna iyong masyadong alalahanin Issa. Tinutulungan mo rin naman ang anak ko sa mga projects niya.” Anito.
Muli ay napangiti na lang siya rito.
Di nagtagal ay iniabot na nito sa kanya ang kalahating kilong bigas kasama na ang sardinas.
“Kulang ng dalawang piso, Issa, kaya idadagdag ko na lang iyon sa utang niyo.”
“Pasensiya na po ulit, Aling Menchie.”
Yumuko siya at tumalikod na rito.
Himala na lang siguro na balang araw ay giginhawa ang buhay niya dahil ngayon pa nga lang ay tila nababaon na siya sa utang.