Chapter 2 - Abducted

1361 Words
Malakas ang sampal ni pinakawalan ko sa pisnge ni Nica dahilan para mabuwal ito sa pagkakatayo at mapasalampak sa sahig. "Subukan niyong makisawsaw at nasisiguro kong magpapasa rin iyang pisnge niyo!" Singhal ko sa mga alipores nitong sina Aileen at Rafaela. Nahintatakutan naman ang dalawa at animo'y mga tutang kinahulan ng nanay. "Ouch!" Napaigtad si Nica ng hilahin ko ang buhok nito gamit ang kaliwa kong kamay patayo habang ang kanan ay mahigpit kong ipinansapo sa kaniyang panga. "Sa susunod siguraduhin mong hindi makakarating sa'kin ang pambu-bully niyo sa kakambal ko dahil kung hindi titiyakin kung magsusuot ka na ng wig!" Pabalya ko itong binitawan. Sisinghot-singkot na inalalayan itong tumayo ng dalawa niyang alaga saka mga tila hinahabol na naglakad palayo. "Ang bangis mo talaga girl! Kaya fan na fan mo ko eh!" Inikutan ko lamang ng mata si Claire. Ito ang nagsumbong sa'kin na nilagyan nina Nica ng basag na itlog ang bag ni Rexy. Dahilan kung bakit nabasa ang project na ginawa nito at walang naipasa kanina. Kaklase ni Rexy ang mga iyon at si Nica ang pinaka una sa listahan ng insecure sa kapatid ko. Palibhasa hindi niya maungus-ungusan si Rexy sa pagiging top one. "Huwag na huwag mong ipagsasabi ito kay Rexy lalong lalo na kay Odessa kung ayaw mong lumapat din itong palad ko diyan sa pisnge mo." Banta ko rito. Itinaas nito ang dalawang kamay. "Of course! Kailan ba kita inilaglag? Alam ko namang allergic ka na malaman ng ibang may itinatago kang kapiranggot na bait." Inirapan ko ito at pinulot ang bag kong basta ko na lang ibinaba sa lupa kanina para sugurin si Nica dito sa likod ng eskwelahan kung saan walang masiyadong estudyante ang nagpupunta. Naabutan ko pa ang mga itong kinukompronta ni Rexy ngunit imbes na humingi ng tawad ay tinulak tulak pa ng mga ito ang kakambal ko hanggang sa umiiyak na tumakbo na lamang ito paalis. Nang makalayo na ito ay saka ako nagpakita at tinuruan ito ng leksyon. Nang makarating sa gate ay tumigil na sa pagbuntot sa akin si Claire. Magkahiwalay na kasi ang daan namin pauwi. Nasa pangalawang kanto na ako malapit sa amin nang mapansin ko ang isang kulay pulang sasakyan. Nanlaki ang mga mata ko nang makita ang isang lalaking buhat-buhat ang walang malay na katawan ng isang babae papasok doon. Magkahalong kaba, takot at pagkataranta ang namayani sa dibdib ko nang mapagsino ang babae. "Rexy!" Sigaw ko saka walang pagdadalawang isip na tumakbo patungo sa kinaroroonan ng mga ito ngunit mabilis na naipasok ng lalaki si Rexy sa sasaktan saka agad na humarurot. Hinihingal na dahan-dahang bumagal ang pagtakbo ko habang hinahabol ang kotse nang tuluyan na itong makalabas sa high way at halos mawala na sa paningin ko. "NCE2264... NCE2264... NCE2264..." Paulit-ulit kong sambit habang pinangangapusan ng hininga sa pagod. Iyon ang plaka ng sasakyan kaya hindi ko iyon puwedeng malimutan! Lumingon ako sa paligid at nakasilip ako ng pag-asa nang makakita ng himpilan ng pulisya. Agad akong pumasok sa loob at nang makita ang isang pulis na prenteng nakaupo sa harap mabilis ko itong nilapitan. "NCE2264..iyan po ang plaka ng pulang sasakyang tumangay sa kapatid ko!" Dere-deretso kong saad dahilan upang mapatda ito. Makalipas ang ilang segundo ay iiling-iling itong bumuntong-hininga. "Ineng, ilang ulit ba namin sasabihin na fake news iyang mga tungkol sa nangunguha ng tao." Tumayo ito at akmang tatalikuran ako kaya hinarangan ko ang daraanan nito. "Anong fake news! Nakita ko mismo ngayon lang na tinangay ang kapatid ko!" Napipikong pagkausap ko rito. Imbes na agad na rumespunde ay tila balewala lang dito ang emergency na idinudulog ko. Tuluyan ako nitong tinalikuran at sa inis ko ay ibinato ko sa ulo nito ang bagay na nadampot ko sa ibabaw ng kaniyang mesa. Malakas na lagabog ang nabuo nang tumama sa likurang bungo nito ang hinagis kong two-way radio. Nanlalaki ang matang kumaripas ako ng takbo paalis ng presinto. Hindi pa man ako lubusang nakakalayo nang tumigil sa harapan ko isang kulay puting van. Dahan-dahan akong umatras nang bumukas ang pinto noon at iniluwa ang isang higanteng halimaw-este lalaking sinlaki ng higante at kasing-pangit ng halimaw. Nakatuon ang paningin nito sa akin na siyang nagpatayo sa lahat ng balahibo ko. Napamulagat ako nang mag-umpisa itong lapitan ako at biglang buhatin na animo'y isang sako lamang ng palay. Nagpupumiglas ako at pilit na sinusuntok ang likod nito ngunit mistulang bakal ang katawan nito at hindi man lang iniinda ang bawat hampas ko. Hanggang sa walang sabi-sabi akong inihagis nito papasok ng sasakyan. "Don't you dare make any noise or I'll wring that neck of yours," banta nito bago isinara ang pinto at umikot patungo sa driver seat. Nahihirapang lumunok ako saka nagsumiksik sa bintana. Pakiramdam ko ay umurong ang dila ko kasama na lahat ng tapang sa katawan ko. Sinong hindi kung ganitong halimaw ang nanakot sa'yo! Sa laking tao nito ay umabot lamang ako hanggang sa baywang niya. Idagdag pa ang laki ng katawan nitong maihahalintulad sa mga body builder. Kung kalbo lang ito, papasa itong impersonator ni 'The Rock' o Dwayne Johnson. Kahit malamig sa loob ng sasakyan ay pinagpapawisan ako sa kakaisip kung ano ang kailangan sa'kin ng halimaw na ito. Eh sa tanang buhay ko ngayon ko lang naman nakita ang pagmumukha nito kaya sigurado akong wala akong nakabitin sa kaniyang atraso. Hindi kaya bugaw ang isang ito at plano niya akong ibenta sa mayamang may-ari ng isang kabaret kung saan talamak ang bentahan ng laman? Pero sa laki nito mas papasa itong bouncer kaysa bugaw. Sa halos isang oras na byahe namin ay sumakit ang ulo ko sa kakaisip kaya mistula na akong bangag nang ihinto nito ang sasakyan. Wala sa sariling bumaba ako at agad napalitan ng pagkamangha ang reaksyon ko nang bumungad sa paningin ko ang isang malaki at magarang mansyon. "Where have you been Darack?" Isang lalaking nakasuot ng abuhing terno ang sumalubong sa amin. Matangkad din ito ngunit hindi tulad ng lalaking kumuha sa akin ay guwapo ito. Maputi at makinis ang balat. May kahabaan ang buhok na kulay abuhin at may hikaw sa kaliwang tainga. Hawig nito ang mga lalaking tinitilian ni Claire satuwing nakatutok ang mata nito sa cellphone o kaya nama'y tablet, kpop die hard fan kumbaga. Napapantastikuhang ibinalik ko ang tingin sa lalaking kumidnap sa'kin. Sersyoso, The rock nga ang pangalan ng kapreng ito? "Boss is looking for you---" Nahinto sa pagsasalita ang lalaki nang magawi ang tingin nito sa mukha ko. "What the?" Sa itsura nito ay animo'y nakakita ito ng multo. "Any problem Miboa?" usisa ni The rock dito. Sumubra yata masiyado ang ganda ko para sa isang ito. "Nothing. It's just that, boss came few minutes ago bringing a woman." Nag-umpisa nang maglakad si the rock kasunod ang lalaking tinawag nitong Miboa. (pronounce as mi-bowa) Akala ko noon weird na ang pangalan ng kakambal ko. Mayroon pa palang mas higit. Lakad-takbo naman akong sumunod sa dalawa. Sa haba ba naman ng biyas ng dalawang lalaking ito ay katumabas yata ng tatlong hakbang ko ang bawat hakbang nila. "Boss bringing his new toy isn't new." Balewalang saad ni the rock. Teka nga, bakit ko ba sinusundan pa ang dalawang kumag na ito? Kung tutuusin ay puwede na akong tumakas dahil mukhang wala na naman silang pake sa'kin. Saka bakit ba sila ingles ng ingles eh sa Pilipinas naman nakasayad ang mga paa nila? "I perfectly know that Darack but the woman he brought has the same face with this woman you took in here." Akmang tatalikod na ako mula sa direksyon ng dalawa nang marinig ko ang salitang 'face' at 'woman'. Dali-dali akong tumakbo para harangan ang daraanan nila at idinipa ang aking mga braso. "What?" sabay nilang tanong at parehong nakakunot-noo. "Nasaan ang sinasabi niyong Boss? Gusto ko siyang makausap ngayon din mismo," lakas loob kong turan dahilan para magkatinginan ang dalawa. "Pardon me?" Muli ay magkasabay nilang saad na halos ikasayad sa sahig ng bibig ko. 'King inang buhay 'to! Hindi pa yata marunong magtagalog ang dalawang tukmol na 'to!

Great novels start here

Download by scanning the QR code to get countless free stories and daily updated books

Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD