Prologue
Malakas ang kabog ng dibdib na naglakad ako patungo sa kinaroroonan ng taong katatagpuin ko sa loob ng isang kilalang restawran na sa buong buhay ko ay ngayon ko lamang napasok. Tanging ang tunog lamang na iniiwan ng bawat hakbang ko ang siyang ingay na naririnig ng tainga ko.
Sa huling hakbang ay tumingala ito. Itinuon ang paningin sa akin at binigyan ako ng isang maaliwalas na ngiti. Iyong ngiti na magpapalaglag sa puso ng kahit sinong babae at binabae ngunit hindi sa isang gaya ko. Purong kaba lamang ang nararamdaman ko habang magkahugpong ang paningin namin. Marahil guwapo na ang isang ito para sa iba ngunit para sa akin ay tipikal itong uri ng nilalang. Isang bagay lamang ang nag-aangat sa kaniya sa maraming kalalakihan----mayaman ang hudas na ito! Kapag nagkataon jackpot na matatag ako! Kaya ayusin mo Lunexia! Galingan mo kung ayaw mong mabulilyaso! Mando ng isip ko.
Tumayo ang lalaki at inilahad ang palad sa harap ko.
"I'm glad, you finally agreed to have a date with me. You won't regret it Ms. Andrada."
Tinanggap ko ang kamay nito at imbes na sumagot ay nginitian ko ito. Iyong ngiti na ginagamit ko satuwing dumadayo ako ng pa-pageant sa lungsod. Natigilan ito. Ilang sandali pa ay binawi na nito ang kamay at pinaghila ako ng upuan.
"By the way, can I call you by your first name instead? You can call me Anthony in return." Tanong nito ng makaupo na ako.
"Yes." Tipid na sagot ko.
"So, how was your school Resurrection?"
Kinakabahang pilit muli akong ngumiti.
"Y-Yes." Tugon ko na nagpawala sa ngiting nakapaskil sa mukha nito. Kumunot ang noo nito saka ipinatong ang dalawang siko sa mesa at ipinaibabaw ang baba sa magkasalikop niyang palad.
"I heard you have your high school sponsor because you are intelligent and graduated valedictorian in elementary. Mind telling me about it?"
Sumulak ang mas matinding kaba sa dibdib ko dahil sa mataimtim na pagkakatitig nito sa mukha ko.
Anak ka naman ng blonding santo! Bakit ba kasi english ng english ang hudas na ito eh nasa Pilipinas naman kami? Dapat nag-aral muna siyang magtagalog bago tumuntong dito! So ano, ako pa ang mag-a-adjust? Buwesit!
"Ahm..sponsor? Yes! Yes!" Nauwi sa ngiwi ang kaninang praktisado kong ngiti. Naitawid ko ba? Para yatang hindi ah.
Napasentido ito saka may kinutingting sa dala niyang patag na bag.
Huwag mong sabihing bibigyan niya ako ng laptop? Eh tiba-tiba pala talaga ang isang ito! Jackpot! Panalo!
Habang nag-iisip kung saang pawnshop ko iyon isasangla at kung magkano iyon aabutin ay nakarinig ako ng tikhim.
Laglag ang pangang napatitig ako sa brown envelop na inilapag nito sa ibabaw ng mesa. Nasaan na 'yong laptop?
Mula roon ay may inilabas itong larawan.
"Kung ganon ay totoo ngang may kakambal si Ms. Resurrection. Tama ba ako, Lunexia?"
Nanlalaki ang matang bumalik ang tingin ko sa mukha nito mula sa larawan namin ng kakambal kong inilatag nito.
King ina, marunong naman palang magtagalog ang hindot na 'to eh!
Malakas itong napabuntong-hininga.
"Hindi ikaw ang kailangan ko, ang kapatid mo. Why are you pretending as your sister? Are you for real?" Nang-iinsulto ang tono nito na siyang tuluyang pumatid sa gahibla ng buhok ng anay kong pasensya.
Seryosong tumayo ako saka dinampot ang spaghetting nasa plato ko at isinabog iyon sa mukha nito. Napatayo ito sa gulat habang hindi makapaniwalang nakatingin sa akin.
"Anong akala mo, magpapasindak ako sa'yo? Hoy, lalaking dilaw na luya mas hindi kita kailangan! Barat ka namang hayop ka! Mapagkamalan ka sanang mais at damputin ng magsasaka!" Sigaw ko rito saka nagmamartsang lumayas.
Mainit ang ulong binaklas ko mula sa pagkakakadena ang bike na ipinarada ko sa labas kanina. Akmang magpepedal na ako paalis ng mapatigil dahil sa guwardiang tatawa-tawang nakatingin sa akin.
"Anong tinatawa-tawa mo? Ano, ngayon ka lang nakakita ng babaeng naka-bike? Siraulo!" Pinukol ko ito ng masamang tingin bago tuluyang umalis.
Nasa bungad pa lang ako ng bahay ng salubungin ako ng kapit-bahay naming si Berto.
"Lexy, makikibigay naman nitong tsokolateng binili ko para sa kakambal mo oh." Iniabot nito sa akin ang isang maliit na supot ng flat tops. Padaskol ko iyong kinuha at ngiting demonsyong inihulog sa lupa saka inapak-apakan. Namumula ang mukha sa galit na binalingan ako nito.
"Bakit mo ginawa 'yon! Para kay Rexy ang chocolates na 'yon eh!"
Tinaasan ko ito ng kilay.
"Mukha ba 'kong messenger ha? Hindi mo ko utusan, butiking tukmol! Saka magising ka nga sa bagungot mo! Itong mukha naming 'to, magkakagusto sa'yo? Eh isang ihit na lang yata maghihiwalay na 'yang laman sa buto mo!"
Mangiyak ngiyak na pinulot nito ang balot ng tsokolateng inapakan ko saka muli akong binalingan. Nang-iinis na inarkohan ko naman ito ng kilay.
"Napakalayo mo talaga sa kapatid mo. Kung anong ibinait ni Rexy, siya namang kinasama ng ugali mo! Mangkukulam ka talaga!" Huling salita nito bago mamaalam at mamatay---este mawala sa paningin ko. Mahinang nilalang!
Sisipol-sipol na iginarahe ko ang bisikleta malapit sa pinto namin. Sinigurong nakakandado iyon ng maigi dahil kong hindi tiyak na maghihimala iyon mamayang madaling araw.
Ang sarap talaga sa pakiramdam kapag nakakagawa ka ng kasamaan.
"Sinabi mo pa! Hindi man lang tumulad sa kakambal niyang si Resureksyon, mabait na matalino pa. Balita ko iyon na naman daw ang magiging valedictorian sa nalalapit nilang high school graduation. Napakasipag na bata."
Napatigil ako sa pagbukas ng pinto nang marinig ko ang ilang tsimosa naming kapit-bahay.
"Mga matatanda talaga. Mamatay na lang may oras pang magtsismisan." Parinig ko na nagpasinghap sa mga ito.
Mga pakialamera! Mga pangit! Hindi pa namatay para bawas populasyon!
Padabog akong pumasok ng bahay at pabalibag na isinara ang pinto.
"Nandito na pala ang reyna. Oh siya, magsitabi na ta'yo at dadaan na siya." Parinig ng pinsan kong si Odessa pagkapasok ko ng bahay.
"Problema mo? Magaling na ba 'yang anit mo? Para kasing gusto mo ng round two?" Naghahamong nakipagtitigan ako rito.
"Tama na 'yan Lexy, Odessa. Mapapagalitan na naman ta'yo ni tiyang niyan eh." Awat sa'min ng perpekto kong kakambal. Walang iba kundi si Resurrection o Rexy para mas maiksi. "Saan ka ba galing Lexy? Nagpunta dito si Ma'am Marcelo kanina, kakausapin sana si tiyang kaso nasa palengke pa kaya si mammy na lang ang kinausap. Posible daw kasing bumagsak ka sa english at hindi makasama sa graduation march kaya si ma'am na mismo ang nag-alok ng special project mo para lang makagraduate ka ng high school. Akala ko ba ni-review mo 'yong binigay kong english reviewer para sa exam?"
Pinukol ko ito ng masamang tingin.
"Eh sa hindi nagkasiya sa kokote ko iyong reviewer na ibinigay mo eh! Oh siya ikaw na! Ikaw naman palagi eh! Ikaw ang magaling, ikaw ang masipag, ikaw ang matalino, ikaw na lahat! Sa'yo na ang korona!" Singhal ko rito. Maya-maya pa ay nanginginig na ang labi nito at mangiyak-ngiyak na ang mata.
Iiling-iling na nagtungo na lamang ako sa kuwarto kong gawa sa pinagtagpi-tagping kawayan. Ano pa bang nakagugulat, eh mismong bahay nga namin gawa lang naman sa retasong kahoy at yero.
Inis na pinagsusuntok ko ang unan hanggang sa mahulog iyon sa sahig. Hindi pa ako nakontento at tinagdyakan iyon hanggang sa umilalim sa papag na higaan ko. Matigas na kahoy na tanging banig lamang ang sapin. Walang kutson, walang kama. Ultimo kuwarto ko walang kahit anong gamit maliban sa karton na lalagyan ko ng mga lumang damit. Iilang pirasong pinaglumaan pa ng nakakaluwag-luwag na pinsan ng ninang naming si Arturo o mas kilala sa alyas na Mammy.
"Buwesit na buhay 'to! Bakit ba kasi ako ipinanganak na dukha!" Nagpupuyos sa inis na usal ko saka hinihingal na naupo sa papag.
May lahing iba sana kaso pirata naman! Putok sa bungo!
Saang lupalop naman kaya ng australya nagkakampo ang balasubas kong ama na nagpunla sa magaling kong ina! Kung mahahanap ko lamang ang hudas na iyon ay sisingilin ko siya sa labing-anim na taong nabuhay ako sa pusali. Mahirap at isang kahig isang tuka. Iyong tipo na kung hindi ka didiskarte tiyak mamatay kang dilat ang mata. Walang aasahang kamag-anak dahil tanging si tiyang amparo lamang ang nag-iisang kapamilya ng namatay naming ina na buhay pa sa kasalukuyan. Dati itong pokpok sa kabaret kung saan nagtatrabaho bilang bugaw si Arturo. Kasa-kasama ang kapatid at yumaong ina ni Odessa na inanakan lang din ng intsik na hudas. Sanggol pa lamang kami ng mamatay ang mga ito sa lugar kung saan kami nabuo. Simple, may dumating na mga pulis, nagkabarilan at nagkapatayan. Ganoon kadali natapos ang kanilang buhay.
Naiwan kami kay Amparo na hindi naman kami itinatrato bilang tao. Isang baboy na tindera sa palengke. Kung hindi lang sa kasing liit ng surot na utang na loob sa pagpapalaki sa'min at kung may mapupuntahan lang ako, noon ko pa siguro nilayasan ang baboy na 'yon. Kapag minamalas ka nga naman.
Kumbaga, pare-pareho kami ritong bastarda. Bunga lamang ng singaw at nangangating katawan ngunit hindi gaya ko, kahit papaano ay nirerespeto dito sa iskwater ang kakambal ko. Anghel kasi ang tingin ng lahat dito samantalang ako ang bersyon nitong demonyo. Pake ko naman. Hindi ko naman sila kailangang pakisamahan dahil una sa lahat, wala naman akong mapapala sa mga tao rito. Lahat sila dito mga pulubing gaya ko. Pangalawa, ang papangit nila! Mga dukha na nga, wala pang mukha. Kung ako sa kanila, matagal na kong nagbigti!
Kung may ipagpapasalamat man ako sa naging buhay ko, iyon ay ang ipinanganak akong dyosa. Maganda, matangkad, maputi, at may kurba. Mata ko pa lang na kulay abo talbog na lahat sila. Pinarisan pa iyon na malalantik kong pilik-mata at kilay na natural ang magandang kurba. Kumusta naman ang matangos kong ilong na kinaiinggitan ng lahat ng pango at sarat ang ilong. Pamatay din ang natural na mapula kong mga labi na sabi nga ng marami ay kissable lips. Oh di'ba, dyosang dyosa? Perfect kumbaga. Panalo sa itsura.
Sana nga ganoon din ang naging buhay ko. Perpekto at panalo pagdating sa estado.
Buwesit! Buwesit talaga!