Chapter 1

2377 Words
MAILAP ang mga mata ni Aya habang nagmamasid sa fast food restaurant na iyon. Kahit nakatungo ay malikot ang kanyang mga mata at malakas ang kanyang pandama. Maririnig ang malakas na halakhakan ng mga estudyante sa katabing mesang kinaroroonan niya habang mayroon namang mangilan-ngilang magkasintahan din siyang nabistahan na nagkalat din sa loob ng kainan. Abala ang mga waiter at waitress sa pagbibigay serbisyo sa mga kagaya nilang costumer na kahit pagod na sa pagparoo’t-parito ay wala pa ring tigil sa paglilingkod sa kanila. Mula sa palihim na paghagod ng tingin sa paligid ay muli niyang ibinalik ang paningin sa isang magkasintahan na nakapuwesto sa mesang nasa unahan niya. Tumaas ang isang sulok ng kanyang labi na hindi umabot sa kanyang mga mata. Ngising may kasamang pang-uuyam. Kung bakit ay sa kanya nalamang ang rason niyon. “Anong balak mo ngayong nakalaya ka na at nandito na sa labas?” narinig niyang untag ni Janet. Ang kaibigan niyang kasama niya ngayon. Ito ang una niyang tinawagan ng siya ay lalabas na sa bilangguan. Kalalabas lang niya ng kulungan kaninang umaga. Ang dalaga rin ang naging tagapagbalita niya kung anong nangyayari sa labas ng rehas habang siya ay nasa loob. Sa maikling salita ay ito ang kanyang itinuturing na pinakamatalik na kaibigan. Na simula palang ay kilalang-kilala na siya. at magkapatid kung sila ay magturingan. Malaki ang pasasalamat niya rito dahil sa loob ng ilang taong pagkakapiit niya sa binalangguan ay hindi siya nito iniwan o kinalimutan. Sa halip ay ito ang naging karamay niya sa mga panahong hinang-hina siya at walang masandalan. Mula sa magkasintahan ay nilinga niya ito na katapat lang niya. Nagpakawala siya ng isang malalim na paghinga bago sumagot. “Sa totoo lang ay hindi ko pa alam. Hindi ko alam kung papaanong magsisimula, Janet.” Dinampot niya ang plastic cup na naglalaman ng juice at sumimsim doon. Saka siya nagpatuloy. “Para sa akin ay matagal ang limang taon na pagkakapiit ko sa kulungan na parang katumbas na niyon ang kalahati ng aking buhay. At sa loob ng mga taong iyon ay pira-piraso ang pakiramdam ko. Ngayon ko palang bubuuin ang sarili ko.” Aniya at napatitig sa chicken joy na nasa harapan niya. Masarap iyon pero wala roon ang atensiyon niya. Umangat ang isang kamay ni Janet at humawak sa isang kamay niya. Masuyo siya nitong nginitian. “Huwag kang mag-alala, bestfriend. Tutulungan kita. Kung anuman ang dapat mong buuin ay nandito lang ako para samahan ka. Doon ka muna sa apartment ko habang hindi ka pa sigurado kung anong gusto mong gawin.” Ngumiti siya rito na hindi umabot sa kanyang mga mata. “Maraming salamat Janet. Ano nalang ang gagawin ko kung wala ka? Hindi ko talaga alam kung saan din ako titira ngayong nandito na ako sa labas. Pero huwag kang mag-alala, tutulong naman ako sa gastos dahil may naipon naman ako kahit paano sa loob.” Nagngitian silang magkaibigan. Ang tinutukoy niya ay ang pinagkakitaan niya habang nasa loob ng bilangguan. Mayroon doong livelihood program para sa mga nakabilanggo upang magkaroon naman sila kahit papaano ng kaunting halaga at upang makaipon na rin habang nasa loob. Isa rin iyon sa paraan upang baguhin ang kanilang buhay. “Alam mo, huwag mo nang galawin iyan. Gamitin mo ‘yan kapag naghanap ka na ng trabaho.” Inalis na nito ang pagkakawahak sa kanya at nagpatuloy sa pagkain. Bumuntong-hininga siya. “Iyan pa ang isang iniisip ko. Hindi ko alam kung saan ako hahanap ng trabaho. Sino ang tatanggap sa akin kapag nalamang nakulong ako at may bad record pa? Siguradong kapag nalaman nilang galing ako sa bilangguan ay wala nang tatanggap sa akin na trabaho.” nakayuko niyang tinusok-tusok ang spaghetting nasa harap. Iyon ang kapareha ng chicken joy na in-order niya. Tumigil si Janet sa pagsubo. “Aya, alam naman natin ang totoo diba? Wala kang kasalanan. Kaya ka nakalaya ay dahil napatunayan sa korte na self defense lang talaga ang ginawa mo. At hindi ka nila puwedeng husgahan dahil lang nakulong ka. Hindi nila alam ang totoo!” gagad pa nito. Nagtaas siya ng mukha at sinalubong ang mata ng kaibigan. “Isa pa ‘yan. Alam mong wala akong ginawang masama Janet. Hindi ako ang pumatay sa lalaking iyon. Idiin lang ako.” Nakuyom niya ang palad. “Pareho nating alam iyan Aya. At hindi kita masisisi kung ganyan ang nararamdaman mo.” Pagpapakalma nito sa kanya. “Sana ay kagaya ng isip mo ang mga taong aapplyan ko ng trabaho Janet. Sana ay malawak ang mga pang-unawa nila.” Dahil doon ay naalala nanaman niya ang nangyari limang taon na ang nakakaraan bago siya makulong. Kumulimlim ang kanyang mukha at nagtagis ang kanyang bagang. “Ngayong nandito na ako sa labas ay sisimulan ko na rin ang matagal ko nang pinaplano.” Mariin pa niyang usal Nangunot-noo si Janet at umawang ang bibig. Isang makahulugang ngiti ang kanyang pinakawalan bago nilagok ng sunod-sunod ang juice niya. narinig niyang bumuntong-hininga si Janet. Binitawan nito ang hawak na kutsara at tinidor na gawa sa plastic. “Aya, kung anuman ang binabalak mo, puwede bang huwag mo nang ituloy?” nabahiran ng pag-aalala ang tinig ni Janet. Kahit hindi siya nagsasalita ay tila nabasa na nito kung ano ang nasa isip niya ng mga sandaling iyon. “Kalalabas mo palang. Baka maging dahilan pa ‘yan ng ikapapahamak mo. Hayaan mo nang ang panahon ang sumingil sa kanila.” “Huwag kang mag-alala, hindi ko ipapahamak ang sarili ko. This time, sisiguraduhin kong hindi ako ang magdudusa.” Sabi niyang kasinlamig ng yelo ang tinig. “Pero Aya---“ “Janet, huwag mo akong alalahanin. Kaya ko ang sarili ko. Hindi na ako mahina kagaya ng dati. Oo at naging pira-piraso ako sa loob ng kulungan. Pero nabigyan ako niyon ng oras para maging matapang at mas maging matatag. Isa pa, hindi kita idadamay --- “ ---Hindi ‘yun eh.” Putol nito sa kanyang sasabihin. “Ikaw ang inaalala ko Aya. Ayokong dahil sa gagawin mo ay baka mabalik ka nanaman sa loob ng kulungan. Hayaan mo nang ang nasa Itaas ang magparusa sa kung sinuman ang totoong may kasalanan. Ngayong malaya ka na, mas mabuti siguro kung kalimutan mo na ang nangyari at magsimula ng panibagong buhay. Bata ka pa at marami pang oportunidad na darating para sa iyo.” Dire-diretsong wika nito. Umiling siya. “Hindi Janet. Hindi ako matatahimik hangga’t hindi nagbabayad ang tunay na may sala at kung bakit nakulong ako. Hindi maaaring ako lamang ang nagdusa. Hindi man sila mabilanggo sa kulungan, sisiguraduhin kong doble o higit pa ang mararamdaman nilang sakit.” Lalong nalukot ang mukha ng kanyang kaibigan. Lalong nagkaroon ng agam-agam sa dibdib nito – at pag-alala para sa kanya. “Aya ---“ Isang ngiti ang ginawa niya para rito saka hinawakan ang kamay nito. “Janet, hayaan mo na muna ako. Pangako, hindi ako mapapahamak. Isa pa, naniniwala din naman akong hindi Niya ako pababayaan.” Aniyang tinukoy ang nasa Itaas. Pero mukhang hindi pa rin ito kampante dahil tabingi pa rin ang mukha nito. Na hindi na niya masyadong napansin dahil nakuha na ang atensiyon niya ng magkasintahan sa unahan nila. May dumating kasing maganda at seksing babae sa mesa ng pareha. Kasunod niyon ay ineskandalo na nito ang pareha. “A-anong nangyayari?” takang-tanong ni Janet. Lumingon na rin ito sa likuran nito dahil narinig na nilang nagtatalak ang maganda at seksing babae. Hindi alam ni Aya kung mapapangiti o maiiling. At naiinis siya sa babaeng dumating dahil ito na nga ang mang-aagaw ng boyfriend ay ito pa ang magaling magsalita. Hindi niya napigilan ang sarili at bigla siyang tumayo. Napatingin sa kanya si Janet at agad na nagsalubong ang mga kilay nito. “Saan ka pupunta?” “Mukhang kailangan ng leksiyon ng babaeng ito eh.” Nanggagagaliting usal niya. Mainit ang ulo niya ngayon. At malas ng babaeng ito. Iniwan niya ang mesa nila at dahan-dahang nnaglakad palapit sa mesang nagkakagulo. “S-Sandali! Aya! A-Anong gagawin mo?” natatarantang hinabol siya ni Janet pero hindi na niya ito pinansin. Pagdating niya sa harap ng magpakarehang ine-eskandalo ay biglang tumigil ang babaeng talak ng talak. Bumaling ito sa kanya. Tumikwas ang kilay nitong pinagsalitaan siya. “At sino ka naman?” mataray nitong tanong sa kanya. Itinaas niya ang noo at seryosong nagsalita. “Ako lang naman ang magpapatahimik diyan sa madumi mong bunganga.” Pigil-pigil ang sariling sapakin niya ito. “Ah talaga---.” “Hindi pa ako tapos!” naiinis na putol niya rito. “Aya… ano bang nangyayari sa iyo?” naasiwang sabi ni Janet sa kanya na nasa likuran na rin niya. “Ito kasing babaeng ito eh. Masyadong makapal ang mukha. Ikaw na nga ang umahas sa lalaking ito ---.” Marahas niyang itinuro ang lalaking ngayon ay nanlalaki ang mga mata at nakatingin sa kanya. Habang ang mabait na kasintahan nito ay napapamaang nalang sa kanya. “ --- e ikaw pa itong makapal ang mukhang pagsalitaan itong inagawan mo! Ang kapal naman ng mukha mo!” pinanlakihan niya ito ng mukha. “E bakit sino ka ba?” may bakas na rin ng galit na sigaw nito sa kanya. Pinaweywangan siya nito at mukhang palaban base sa itsura nito. Inismiran niya ito. “Sino ako? Tinatanong mo kung sino ako? Puwes makinig ka! Ako lang naman ang babaeng puputol diyan sa sungay mo! At tatapos diyan sa kalandian mo!” pagkatapos ay bigla niyang hinablot ang mahaba nitong buhok. Napasigaw ang babae. Pinilit nitong makawala sa mga kamay niya subalit dahil talagang gigil na gigil na siya ay mas lalo pa niyang hinigpitan ang pagkakahawak dito. “Aya!” nabibiglang sigaw ni Janet habang nanlalaki na rin ang mga mata. “Ikaw!” binalingan niya ang original na girlfriend ng lalaki. “A-Ako?” tila nahihintakutan pang itinuro nito ang sarili. “Oo, ikaw. Kunin mo iyang juice at tubig.” Utos niya rito. “B-bakit?” nanginginig na tanong pa nito. Pinandilatan niya ang babae. “Basta kunin mo na! Dali!” Dali-daling kinuha ng babae ang mga baso ng juice at tubig at pinagtig-isihan iyon sa mga kamay nito. “Ngayon, ibuhos mo sa mukha ng haliparot na babaeng ito ang mga iyan.” Muli niyang utos rito. “Ha?” napamaang ang original na jowa. “What?! Don’t you dare!” galit na sigaw ng babae. Lalong nagwala naman ang mang-aagaw ng jowa. “Don’t you dare ka pang nalalaman ha. Ang likot mo!” naiinis niyang sabi at lalo pang hinila ang buhok nito. “Isaboy mo na sa mukha niya para makaganti ka man lang sa ginawa nila sa iyo.” Sa una ay nag-alangan ang babae. Subalit ng magtitigan sila at matanto nito ang panlolokong ginawa ng kasintahan ay walang babalang isinaboy nito ang juice at tubig sa mukha ng haliparot na babae. Nakakarindi ang sigaw ng babaeng hawak niya sa buhok. “Ngayon, babaeng haliparot. Huwag kang masyadong mayabang ha! Kapag may jowa na ang lalaki, huwag ka nang eepal. Ha!” nangingigil na binitawan niya ito. Muntik pa itong sumubsob sa isang upuan kundi lang nito agad na naibalanse ang sarili. Tumili ito na tila masisiraan na ng bait. “Masasaktan kita!!!” “Sira ulo! Huwag ako o ang babaeng ito ang saktan mo! Itong lalaking ito ang saktan mo.” Turo niya sa lalaking hindi na malaman kung kanino titingin sa kanila. “Dahil pinatulan ka niya kahit may jowa na siyang nauna. Kundi ba naman siya two-timer at manloloko e di sana hindi ka matatawag na haliparot at malandi! Gaga!” litanya niya. Sinulyapan niya ang original na babae. Saka niya ito kinindatan. Pagkatapos ay binalingan niya si Janet na nakatanga nalang sa kanya. “Tara na. Baka kung ano pang magawa ko sa babaeng haliparot diyan.” Iyon lang at um-exit na siya sa restaurant na iyon. Naiwang nakatanga at nakanganga ang mga taong roon. “PASENSIYA ka na ka kung dalawa nalang tayo dito sa higaan ha. Iisa lang kasi ang kuwarto nitong apartment ko eh.” Ani Janet sa kanya habang ipinapakita ang kuwarto nitong magiging kuwarto na rin niya. Inilibot niya ang paningin sa loob. May kaliitan iyon subalit kasya naman silang dalawa. Isa pa ay sanay naman na siya sa masikip at maliit na silid. Tsaka sa tingin niya ay magiging kumportable na siya roon keysa sa silid niya noong nasa bilangguan pa siya. Ang kama ay sapat para sa dalawang tao at tiyak na kakasya na sila roon dahil pareho naman silang hindi mataba. May malaking built-in cabinet sa isang panig ng silid at may durabox din na malaki. Habang sa kanugnog na sulok ay naroroon ang isang pandalawang-tao na mesa at isang upuan. Bagamat maliit lamang ang silid ay maaliwalas naman iyong tingnan dahil sa kulay pink na pintura ng dingding at mga kurtina na malamig ang kulay sa mata. “Walang problema sa akin kahit gaano kaliit ang silid, Jan. Ang mahalaga ay wala na ako sa loob ng piitan.” Sagot niya habang ibinababa ang may kaliitang bag sa sahig. Wala naman kasi siyang masyadong gamit kaya iyon lang ang bitbit niya. “Pero puwede rin naman ako sa sala. Doon nalang ako sa sofa sa labas.” Maliit lang ang apartment na inuupahan ni Janet. May maliit iyong sala sa labas ng silid na dinaanan nila kanina at ang silid na iyon ay nag-iisa lang din. “Ano ka ba! Hindi noh! Dito tayong dalawa sa kuwarto. Kasya naman tayo sa kama eh.” Wika nito saka bumungisngis. “O siya, pupunta muna ako sa kusina para makapagluto ng makakain natin para sa hapunan. Kung may kailangan ka ay sabihin mo lang sa akin.” Anito habang papalabas ng pinto. Tumango lang siya at tuluyan na itong lumabas. Nang mapag-isa ay pabagsak siyang naupo sa may kutsong kama at muling inilibot ang mga mata sa paligid. Narito ka na ngayon sa totoong mundo Aya, magagawa mo na ang matagal mo nang nais gawin. Kausap niya sa sarili. Mula sa pagkakaupo ay inihiga niya ang likod sa kama at tumitig sa kisame. Doon ay muling naglakbay ang isip niya sa ang isang pangyayaring naging bangungot sa kanyang buhay….
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD