MY WIFE'S SHORTCOMING

3069 Words
STRAIGHT CHAPTER 2 Nadala pa naman namin si Nanay sa hospital ngunit ayon sa mga doctor, dead on arrival na siya. Napakabilis ng pangyayari. Hindi napaghandaan ng aming pamilya ang pagkawala ng ilaw ng aming tahanan kaya nang nangyari iyon ay lahat kami ay nangapa. Hindi namin alam kung paano muling magliliwanag ang aming tahanan. Sobrang nasaktan ako sa nangyari. Ni hindi ko alam kung kanino ako magagalit. Kay tatay ba na nagiging makitid ang utak sa mga alanganin o kay kuya na hindi nirespeto ang mga alituntunin ni tatay sa bahay at sa aming pagkatao. Ngunit ang tanging alam ko ay namatay si nanay dahil sa kabaklaan ni kuya. Kung hindi sana bakla si kuya hindi sana nangyari ang lahat ng ito. Kung sana ganoon ang kaniyang pagkatao, hindi magagalit si tatay. Kung hindi siya nagpatulog ng lalaki sa kaniyang kuwarto at nahuling may katalik, sigurado buhay pa sana si nanay ngayon. Sa burol ay gustong lumapit ni kuya ngunit dalawa kami ni tatay ang galit na galit sa kaniya. Ipinagtulakan ko siya, minura-mura at ipinahiya sa mga nakipagdalamhati sa amin. Hindi din napigilan ni tatay na habulin siya ng patalim. Alam kong sa mga sandaling iyon ay kaya niyang saksakin si kuya. Sa takot ni kuya ay hindi na niya binalak lumapit pa sa mga labi ni nanay. Huling nakita ko siya ay noong palihim siyang nakamasid at lumuluha sa libing ni nanay. Masakit na tingin ang sukli ko sa kaniyang kaway noon. Dumaan ang araw ngunit mas lalong tumindi ang sakit ng loob ko kay kuya. Hindi lang sa kaniya kundi nadamay na din lahat ng mga bakla. Papasok kami noon sa aming campus ni Pareng Xian nang may baklang titig na titig sa akin. Dati-rati hindi ko na lang noon pinapansin kung may mga baklang nagpapalipad hangin sa akin o kaya kibit-balikat lang ako kung may mga naririnig akong mga pasaring ng pagkagusto ngunit ngayon abot-langit na ang inis ko sa mga kabaro ni kuya. Tinignan ko na siya ng masama ngunit nagawa pa niyang magparinig nang nakatapat na sa akin. Dinig na dinig ko ang sinabi niyang... "Guwapo nga pero suplado naman!" Sa narinig kong iyon ay parang biglang tumaas ang aking dugo, "Anong sinabi mo 'tang-ina mong bakla ka!" Hinatak ko ang kuwelyo ng uniform niya at saka sinuntok sa panga. Nang binalak akong kalmutan sa mukha ay muli kong dinagukan at nang namilipit at ambaan ko ng isa pang suntok sa mukha ay mabilis si Pareng Xian na pinigilan ang aking kamao kaya isang malakas na tadyak ang aking pinakawalan. "Tama na pare. Walang kasalanan yung tao. Tama na!" Yakap ako noon ni Pareng Terence at dahil sa tindi ng takot ay nagsisigaw ang bakla dahilan para makuha ang atensiyon ng aming school guard at binibitbit ako hanggang sa aming Dean's Office. Duguan ang nguso ng baklang binugbog ko nang pinatawag ako ng VP Admin namin at nagkataon din palang anak niya ang napuruhan ko. At dahil doon ay pinatawan ako ng suspension, ang suspension na iyon ay naging tuluy-tuloy nang hindi ako pumasok. Lalo pang tumindi ang galit ko sa mundo nang tinamaan si tatay ng depresyon. Hindi makatulog, hindi makakain hanggang tuluyan na siyang tinanggal sa serbisyo. Masyado niyang dinidibdib ang pagkawala ni nanay lalo pa't batid niyang isa siya sa mga dahilan ng maagang pagkawala niya sa amin. Lagi siyang lasing. Lagi siyang wala sa sarili. Hanggang unti-unti ng nawawaldas ang lahat ng kaniyang mga pinaghirapan. Buwanan na kung ibenta ang mga nabili nila ni nanay na mga appliances Sa akin na lahat naiatang ang mga responsibilidad ng isang ina at ama. Hindi ako handang pasanin ang mga responsibilidad na iyon. Hanggang pati ang pag-aaral ng bunso naming si Vicky ay hindi na din nito kayang suportahan. Dahil sa gusto kong takasan ang responsibilidad na hindi naman dapat sa akin ay sumama ako sa girlfriend ko at iniwan ko sila ni Vicky sa bahay. Nagsama kami bilang mag-asawa ni Cathy. Ilang buwan pa ay nabalitaan kong nag-asawa na din daw si Vicky sa edad niyang labinlima. Nakaramdam ako ng awa sa aking kapatid. Dahil sa ginawa ni kuya at tatay, naging miserable ang buhay naming lahat. Namatay si nanay at nagkawatak-watak kaming lahat. Gustuhin ko mang pasyalan si tatay sa bahay ay hindi ko na magawa dahil abala din ako para buhayin ang dalawang magkasunod na ipinanganak na supling namin ni Cathy. Sa tulad kong hindi nakatapos ng pag-aaral, pinasok ko na ang halos lahat ng puwedeng pagkakakitahan maliban sa pambabakla. Galit ako sa kanila. Galit ako sa mga kagaya ni kuya. Nagsimula na din ang pagbubunganga ni Cathy na nauuwi sa halos gabi-gabi naming pag-aaway. Noon ko lamang napagtanto na ang pakikipag-asawa para takasan ang problema sa pamilya ay hindi magandang paraan ng pagtakas. Hindi dapat isang pagkakamali din ang dapat isolusyon sa naunang pagkakamali. "Ito lang? Ito lang ang putang-inang kinita mo?" pambubunganga niya nang minsang iabot ko ang kinsenas kong sahod. Bumuntong hininga ako. "Sa iyan lang ang sinahod ko, anong magagawa ko. Kita mo namang nilalakad ko na lang papasok at pauwi kahit may kalayuan pa ang pinapasukan ko para makatipid." "Renta ng bahay, tubig, ilaw, gatas ng mga anak mo, pagkain natin sa araw-araw! Sabihin mo kung paano ko mapagkakasya 'yan." Tinapon niya sa mukha ko ang pinagpaguran ko ng labinlimang araw. Nanlumo ako. Hindi na siya nakukuntento sa kaya kong iabot sa kaniya. Pinulot ko ang pera at nilagay ko sa hapag-kainan. Binuhat ko ang bunso namin na nakatulog na sa sahig at nilagay sa kama naming pinagkakasya naming apat. "Ayaw ko na! Malapit na akong sumuko! Hindi ganitong buhay ang pinangarap ko, James! Kung walang pagbabago ang tang-inang buhay na 'to e mabuti pang magkaniya-kaniya na lang tayo!" Natuto na akong magtiis. Natutunan ko nang papasukin sa kaliwang tainga at palabasin sa aking kanang tainga ang kaniyang mga pagbubunganga. Alam ko kasing kung patulan ko ay hindi siya patatalo at mauuwi din lang sa wala ang aking ipaglalaban. Para saan pang patulan siya kung alam ko namang lalo lang kaming magkainitan. Pasensiyahan na lang sabay ng malalim na buntong hininga. Mahal ko ang asawa ko. Kahit nagkukulang siya sa akin ay minahal ko siya. Kahit may mga gabing gusto ko siyang sipingan ay sisikuin lang ako't sasabihing pagod at walang gana. Kahit hindi niya ako pinagsisilbihan katulad ng ibang mga asawa na nakikita ko sa mga katrabaho ko. Nagkamali ako ng piniling makatuwang sa buhay. Alam ko naman iyon ngunit nandito na 'to. Kailangan ko na lamang panindigan. Siguro dahil iniisip ko ding siya at ang mga anak ko na lamang ang alam kong natitirang nagmamahal din sa akin. Mahal parin kaya ako ng misis ko? Kahit maraming pagkukulang si Vicky ay pilit kong inintindi ang lahat para huwag lang mawala ang nanay ng mga anak ko. Kahit pagod ako galing sa trabaho ay ako parin ang nag-aalaga sa kanila at minsan wala pang nakahandang pagkain. Kailangan ko pang gawin lahat ng iyon dahil hindi sanay si Cathy sa gawaing bahay. Hindi sanay o tamad lang talaga. Hindi ko alam. Hindi din naman lahat ng oras ay napagpapasensiyahan ko lalo na kung dumadating yung araw na wala na akong maisuot na damit dahil tinamad siyang maglaba. Marami siyang mga dahilan, pagod siya sa mga bata, bagong manicure and kaniyang mga kuko at baka masira, nakaligtaan niya dahil may dumating na mga kaibigan niya noong college ngunit kahit ano pa ang kaniyang dahilan masakit sa aking isiping hindi siya ang Cathy na akala ko handa niya akong samahan at tulungan sa oras ng aming kagipitan. Dahil sa hirap ng buhay ay pinatos ko ang trabahong sinasabi ni Pareng Xian. Pagkatapos nang nasuspend ako at hindi na ako nakapagtuloy pa sa pag-aaral ay iniwasan ko na din ang mga tropa ko. Nang nag-asawa ako nang maaga ay tuluyan ko na silang iniwasan at kinalimutan. Naging abala akong buhayin ang pamilya ko at siguro dahil nahihiya na din ako sa biglang pagbulusok ng aking buhay. Hindi ko nabigyan ng importansiya ang aming pagkakaibigan dahil sa dami ng aking mga pinagdaanan. Pero sa kabila ng lahat ay hindi niya nagawang makalimot gaano man kalayo ang kaniyang narating. Kaibigan na siyang hindi nagsasawang suportahan ako sa kabila ng hindi ko pagbibigay ng kahit katiting na kahalagahan ang aming pinagsamahan. Sinabi niyang siya na daw ang bahala sa paghahanap ng trabaho ko sa Doha, Qatar kasama na din ang pagbili niya ng visa ko at tiket sa eroplano. Lahat ng iyon ay sinagot niya. Sinubukan ko ding umutang sa mga kapatid ni Mama ng kahit pocket money ko lamang at hindi naman ako pinagdamutan lalo pa't nakikita nilang nagpupursige din ako para umangat. Sa tuwing gusto nilang ibalita ang tungkol kay kuya, sinasabi kong hindi ako interesado. Ganoon katindi ang galit ko sa baklang kuya ko. Siya ang ugat ng paghihirap namin ngayon. "Mag-aabroad ako." Paalam ko kay Cathy isang araw. Hindi iyon paghingi ng kaniyang permiso. Sinasabi ko lang iyon sa kaniya para mabigyan siya ng katiting na pag-asa na maiaangat ko din sila ng mga anak ko. "Kita mo ng magulo ang buhay natin ngayong magkasama palang tayo, ngayon balak mo pa akong iwan sa pag-aalaga ng mag-isa diyan sa mga anak mo? Saka wala akong tiwala sa'yo. Kilala kita James kung ga'no ka kahilig sa babae. Kung wala ako do'n sigurado maghahanap ka ng kalinga ng iba." Hindi ko na muli pa siyang sinagot. Napupuno na din ako. Saan ba ako lulugar? Kung dito lang ako, paano ko maibibigay ang buhay na gusto niya? Nagpalit ako. "Sa'n ka pupunta?" tanong niya bago ako umalis. "Puntahan ko si Vicky. Baka kasi hindi na kami magkausap bago ang flight ko." "Ituloy mo talaga ha! Bahala ka sa buhay mo!" sigaw niya. Hindi ko na lang muna pinansin. Kung maging maayos ako doon at maibigay ko ang mga kapritso niya sa buhay, sigurado maintindihan din niya na ginagawa ko ang pagsasakripisyong ito ay para sa kanila ng mga anak ko. Pinuntahan ko si Vicky na noon ay buntis sa kanilang panganay. "Kuya, uuwi na kami sa Davao ng asawa ko pagkatapos kong isilang ang aming panganay." Gustuhin ko man siyang pigilan ay hindi ko magawa sapagkat buhay naman niya iyon. Pero nagawa ko siyang tanungin sa bumabagabag sa akin. "Paano si tatay dito?" "Ayaw ni tatay na inaalagaan siya saka hindi na siya nakakausap ng matino. Laging galit sa mundo. Ni ayaw na nga yata niya akong makita. Napakalaki nang pinagbago niya. Saka kung nakikita ko siya, kumukulo lang ang dugo ko. Siya ang dahilan kung bakit nawala si nanay at tuluyang nawala sa atin si kuya." "Hindi si tatay ang may kasalanan sa pagkamatay ni nanay." "At sino kuya, sino ang may kasalanan sa lahat ng nangyari? Si kuya ba?" "Ang putang inang baklang iyon ang dahilan ng lahat." Namumula na ako sa galit. "Pareho lang kayo ni tatay. Dapat kayo ang magsama kasi angkikitid ng utak ninyo. Walang kasalanan si kuya. Hindi niya kasalanan kung bakit siya bakla. Alam mo ba kung ano at sino na si kuya ngayon kuya?" "Hindi ako interesado. Sasaya pa ako kapag nabalitaan kong nakakulong na siya dahil nagmolestiya ng lalaki." "Napakababaw ninyo mag-isip kuya. Sana hindi mo na rin lang ako pinuntahan dito dahil pareho lang kayo ni tatay." "Hindi naman ako pumunta dito para makipagtalo sa iyo e. Pumunta ako dito para magpaalam na muna ako sa iyo. Baka bukas na kasi ang alis ko papuntang Qatar. Hinihintay ko lang ang kumpirmasyon ni pareng Xian. Kilala mo siya hindi ba? Kinukuha ako dun. Sana makahanap ako matinong trabaho dun para mapag-aral ko mga pamangkin mo." "Ganoon ba? Ako, wala naman akong natapos kaya siguro hanggang sa bahay na lang ako. Ilang buwan na lang iuuwi na ako ng asawa ko sa Davao. Baka doon na lang din kami titira." Nagbuntong-hininga siya. Alam kong pangarap niyang maging nurse at makapagtrabaho sa ibang bansa ngunit ang pangarap na iyon ay hanggang sa balintataw na lang naka-ukit. Pagkaalis ko ay niyakap ko si Vicky at hinayaan kong umagos ang butil ng luha sa aking pisngi. Naawa ako sa kaniya ngunit wala naman akong magawa. Nang magpaalam ako ay nakita ko ang lungkot sa mukha ng bunso namin. Alam kong may gusto siyang sabihin ngunit ayaw na niyang ituloy pa iyon. Nakita ko ang pagyugyog ng kaniyang balikat. Minabuti kong tumalikod na lang dahil nang hindi naman ganoon katinding sakit ang mararamdaman ko sa pag-alis. Sumunod kong pinuntahan si tatay. Naglalakad ako nang tumunog ang cellphone ko. "Pareng James, si Xian 'to." "Uyy, ano na." tanong ko. Alam kong naiintindihan na niya ang gusto kong tumbukin. "Tuloy na ang flight mo bukas pare. Salubungin kita sa airport. Daan ka muna sa internet café at buksan mo yung email ko sa'yo na plain tiket mo. I-print mo na lang." "Sige pare. Salamat." Sobrang saya ko sa sandaling iyon. Tutuloy na nga talaga ako. "Walang anuman pare. Basta ikaw. Pa'no sunduin na lang kita ditto pagdating mo." Minabuti ko na munang dumaan sa internet café at nagpaprint ng tiket saka na ako tumuloy sa bahay. Pagbukas ko sa aming pintuan ay nakita ko siyang nakahiga sa suwelo. Ang dating magarbo at puno na appliances naming salas, ngayon ay halos wala ng ibang laman kundi ang isang malaking sopa. Nagkalat ang mga upos ng sigarilyo at bote ng alak. Napakabaho ng buong bahay. "O, nawawala ka yata," nagulat ako sa tinurang iyon ni tatay na kung titignan ay tumanda ng dalawampung taon. Pumayat na siya at wala ng maaninag na emosyon sa kaniyang mukha. "Magpapaalam lang po sana ako." "Magpapaalam? Kailan ka pa natutong magpaalam, torpe!" singhal niya. Halatang lasing siya samantalang alas-otso palang ng umaga. "Pupunta na kasi ako ng Qatar." minabuti kong hindi na lamang siya salubungin sa baliko niyang tinuran. "Wala akong pakialam dahil lahat naman kayo nawala na sa akin. Pumunta lang kayo kung saan niyo gustong pumunta dahil mula pagkabata ko, sanay na akong iniiwan ako...mga diyaske kayong lahat!" Sabay hagis niya sa bote. Nabigla ako sa pagkabasag niyon kaya nataasan ko siya ng boses. "Tang inang buhay naman ito oh... nakikipag-usap ako ng matino e. magpapaalam lang ho ako kaya ako nandito!" naibulalas ko. "E, putang ina mo din. May nalalaman ka pang paa-paalam e nung mag-asawa ka nga bigla ka na lang naglayas. Umalis ka nga dito. Hindi ko kayo kailangan. Magmula nang nagsialisan kayo, tanggap ko ng wala akong anak. Pumunta ka kung saan mo gustong pumunta!" "Tay naman! Ganito na nga ang buhat natin lalo niyo pa hong pinapabigat. Kahit ho anong gagawin natin, wala na si nanay ngunit buhay pa kaming mga anak mo 'tay. Kailangan ka din naman namin. Oo nga't nandito ka pa pero daig pa namin ang ulilang lubos. Nang nawala si nanay sa inyo kami kumapit, sa inyo kami umasa ngunit parang wala din ho kayo!" nangilid ang luha ko. "Umalis ka na! Lumayas ka dito. Mga walang kuwenta kayong lahat! Magsama-sama kayong lahat!" singhal niya. Minabuti kong tumahimik na lang at isinara muli ang pintuan. Pinuno ko ng hangin ang aking dibdib at pinakawalan ang lahat ng naipong galit. Mabigat ang mga paa kong lisanin ang bahay na napuno ng katuwaan sa aking kabataan. Nang nasa gate na ako ay muli kong nilingon ang dati'y masaya naming tahanan noong bata pa ako. Naglaho na ang lahat ng iyon. Isinama na ni nanay sa hukay niya ang lahat. Kasalan lahat ng kuya ko ito. Sana nakinig siya sa akin noon. Bago ako tuluyang makalayo sa bahay ay umupo muna ako at pinagmasdan ang kabuuan nito. Isang bahay na hindi na nagiging tahanan pa. Muli, kahit anong pigil ang gagawin ko ay hindi ko parin napahinto ang pagtulo ng aking mga luha. Madilim ang bahay nang dumating ako. Kinabahan ako dahil wala pati mga batang naghahagikgikan at tumatakbo na sumalubong sa akin. Dumiretso ako sa lagayan ng aming mga damit at parang umikot ang mundo ko ng tanging sulat na lamang ang naabutan ko doon. James, Hindi lang sa pag-aabroad umaasenso ang buhay. Kilala kita. Alam kong hindi ka makatatagal na walang babae. Ilang beses kitang ipinaglaban noong mga college pa tayo at ngayong tuluyan kang lalayo sa akin, wala na akong panghahawakan sa maari mong gawin doon. Malay ko pa ba kung may kalolokohan kang iba sa Qatar. Marami na akong nakitang nasirang pamilya dahil sa pag-aabroad at ayaw kong umasa pa na maiba ang kuwento natin. Alam kong hindi ka iba sa iba pang lalaki. Pare-pareho lang kayo kapag nalayo sa kani-kanilang asawa. Dinala ko na ang mga bata nang hindi na nila makita pa ang pag-alis mo. Pasensiya ka na pero kung mahalaga kami sa'yo hindi ka na dapat pang umalis. Sinabihan na kita dati pa. Ngayon, pinapipili kita, kung mahalaga kami sa iyo huwag mo nang ituloy ang umalis at alam mo din kung saan mo kami susundan ng mga bata. Kung hindi ka darating ay alam kong mas pinipili mong iwan kami kaysa sa magkakasama tayo dito. Kung anuman ang magiging desisyon mo, sana mapanindigan mo. Mahal kita James kahit nagiging magulo ang ating pagsasama dahil sa salat tayo sa mga ibang bagay pero hindi ko kakayanin na ako lang ang maiwan ditong mag-isa na mag-aalaga mga anak mo. Mag-iingat ka na lang lagi. Cathy Inaamin ko babaero ako noon pero tumino na ako. Mula nang magsama kami, tanging mga anak ko ang nasa isip ko. Nanginginig ako sa galit sa ginawa niya. Ilang oras na lang sasakay na ako ng eroplano papuntang Qatar ngunit ipinagkait pa sa akin ang nalalabing oras na makasama ko naman ang aking mga anak. Halos hindi ako makahinga sa sakit ng aking mga pinagdadaanan. Araw araw niya akong sinusumbatan sa hirap ng aming buhay at ngayon gusto ko silang iahon ay minasama pa niya at naglayas kasama ng mga anak ko. Madami daw ang nag-aabroad ang nasisira ang pamilya dahil sa pagkakalayo. Iyon lamang ang tanging nakita niya pero hindi niya nakita ang ibang pamilya o karamihang pamilya ang bumubuti ang buhay dahil sa pangingibang-bansa. Gustuhin ko mang sundan sila ay alam kong hindi na ako aabot pa sa flight ko dahil malayo din naman ang Isabela sa Manila at ang nalalabing oras ay taman-tama na lamang sa preparasyon ko. Umaagos ang luha ko nang iniimpake ako na ang mga damit ko. Parang naririnig ko ang hagikgikan ng mga batang nagtatakbuhan sa paligid ko. Sinaid ng asawa ko ang pang-unawa ko at pagpapasensiya sa kaniya. Bago ako umalis sa bahay ay ibinuhos ko muna ang sama ng loob sa pamamasag ng mga pinggan na naroon. Bahala na ang may ari ng inuupahan naming ayusin iyon. Gusto kong iwan dito sa Pilipinas ang mga hapdi at kirot ng buhay ko. Gusto kong mabago ang kuwento ng buhay ko. Gusto ko na ding lumigaya. Gusto ko na ding ibalik ang dating ngiti ko sa labi.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD