MY BROTHER'S SECRET
CHAPTER 1
Ako si James. Lumaki ako sa isang istriktong pamilya. Naikintal sa bubot kong isip ang tama sa mali, ang katanggap-tanggap at bawal at ang pagkutya sa pagkatao ng mga lumilihis sa ating totoong pagkasino. Sa madali't salita, hindi ako nakikisama sa mga bakla at nandidiri akong mailapat ang kahit anong bahagi ng katawan ko sa kanila. Naiirita akong nakikita sila kahit wala naman silang ginagawang hindi maganda sa akin. Basta kung may palabas sa pinapanood kong bakla, napapamura ako sa kanilang mga ikinikilos. Napapadura ako kapag may nakakasalubong akong alanganin. Kung may tumititig sa akin ay kulang na lang murahin ko sila o kaya ay ambaan ng suntok. Nagsimula ang lahat ng iyon nang may nangyaring trahedya sa pamilya namin. Doon nag-ugat kung bakit naging ganoon na lamang ang pagkamuhi ko sa kanila. Nagbinata akong taglay ang pagkataong iyon. Kung mayroon man isang pagkakamali na sukdulang ipinagbabawal ng sundalo kong tatay, iyon ay ang pagiging alanganin.
Palaging wala si tatay dahil nakadestino siya sa malayong lugar. Sina mama, ang bunso kong kapatid na si Vicky, ang panganay namin at ako ang laging magkakasama sa bahay. Hindi kailanman nagsasabi si tatay kung kailan siya uuwi. Basta na lang siya bubulaga sa amin habang kumakain, nanonood ng tv o kaya ay magigising na lang kami na may magkukumot sa amin o kaya ay hahalik sa aming pisngi. Lahat ng kaniyang mga utos at alituntunin sa bahay ay kailangan naming sundin, kasama man namin siya o hindi at nakikita man niya o nakatalikod. Lahat dapat ay may ginagawa. Kung nagtratrabaho ang isa, dapat lahat kumikilos din. Bawat isa ay may responsibilidad na dapat gawin. Bawal ang umuwi ng lagpas alas otso ng gabi. Bawal ang hindi magpaalam sa tuwing lalabas sa pintuan ng bahay. Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagpapatulog sa aming kuwarto ng hindi namin kamag-anak. May kuwartong nakalaan para sa bisitang kaibigan o kamag-anak. Hindi din pinapahintulutang magkandado ng aming mga kuwarto. Sarado ngunit hindi dapat ikinakandado sa loob. Hindi dapat tinatanong si tatay kung bakit. Kung ano ang sinabi, hindi na iyon mababali ng kahit sino at hindi puwedeng suwayin. Kung ano ang utos niya sa bahay namin iyon ang dapat sundin na hindi dapat pang kinokontra. Lumaki kaming ganoon ang mga patakaran hanggang kinalakihan na namin ang ganoong sistema.
Naintindihan ko si tatay sa mga patakaran niya maliban kay kuya na nang nagbinata ay tuwiran na ang pagsuway sa kaniyang mga utos. Hindi man pinapaliwanag ni Tatay sa amin ang katuwiran niya ngunit alam kong para sa aming kabutihan ang lahat ng kaniyang patakaran. Sa aming paglaki ay nakasanayan na naming umuwi ng maaga pa sa curfew namin at hindi pagpapatulog sa aming mga bisita sa kuwarto namin kasama na doon ang hindi pakikihalubilo sa mga bakla. Ngunit tuwing wala si tatay sa bahay ay halos hating gabi na kung umuwi si kuya at lagi siyang may kasamang barkada na sa mismong kuwarto niya ito pinapatulog. Pinaalala ko sa kaniya ang mga ayaw ni tatay ngunit hindi siya nakinig sa akin. Dahil pareho kami ng pinapasukang unibersidad ay malimit ko siyang makita na kasama niya ang mga lantad at tagong mga bakla sa campus. Hindi ko tuloy siya kinakausap at pinapansin. Ayaw kong magalit si papa sa akin. Kaya nga iniiwasan ko na lang siya. Para lang kaming estranghero sa isa't isa sa loob ng campus.
Matipuno ang katawan ni kuya, gwapo at malakas ang karisma nito sa mga babae ngunit ni minsan ay hindi pa siya nagkakaroon ng girlfriend maliban sa mga kaibigan niyang babae na dumadalaw sa kaniya. Ako naman ay halos buwanan kung magpalit ng girlfriend. Maikama ko lang ang ilan ay ayos na sa akin. Hindi ko hilig magtagal sa isang relasyon. Madaming madaling makuha na virgin pa at meron naman yung sobrang tagal kung ligawan ngunit 'yun pala ay laspag na. Hindi ko alam pero mababaw akong magmahal. Mahal ko ngayon ang babae pero sa susunod na Linggo kapag nakakita ng bago at natikman ko na ang huli ay nawawala na ng kusa ang dating pagmamahal ko. Ako yung hindi mahilig makipaglokohan. Kung ayaw ko na, sinasabi ko iyon ng diretsuhan na kahit gaano man iyon kasakit sa taong pagsasabihan ko. Hindi ko ugaling magtago o umiwas. Mas may maipakitang iba, mas maiinis ang babae sa akin at mas may dahilang iwanan at isuko ako. E, ano naman kung magalit at iwan ako, marami naman diyang iba na magkakagusto sa akin. Maraming nagsasabing guwapo ako, lalaking lalaki at bagay na bagay ang semi-kalbong buhok bukod sa maskulado kong katawan at tamang tangkad. Nakakadagdag sa aking pagkakalalaki ang tamang sukat ng ilong, maayos at may kakapalang kilay at ang expressive kong mga mata. Isa pa'y popular ako sa aming campus dahil sa ako ang pinaka-astig at pinakaguwapong star sa aming basketball team kaya naman nagiging lapitin din sa tsiks. Kaya nga hindi ako nagtatagal sa isang relasyon dahil alam kong habang marami ang lumalapit na babae, mas marami akong dapat pagbibigyan. Sayang naman ang gandang lalaki kung hindi ipamahagi.
Isang dapit-hapon habang nagpapahinga kami galing sa ensayo ng basketball at nakikipag-aasaran sa mga tropa kong sina Xian, Gino at Wally habang naroon din ang flavor of the month kong girlfriend na si Cathy ay napansin kong may mga bisita din si kuya.
"Bading ba ang kuya mo, James?" tanong sa akin ni Cathy.
"Bading, panong naging bading 'yan e ang gandang lalaki. Takot na lang niya sa akin kapag babading-bading siya di ba tol?" siko ko kay Xian na balak agawin ang dinidribble kong bola.
"E, kasi sa campus kung hindi mga babae ang kasama halos bading din lahat kaya nagtataka kami. Pogi pa naman niya." Pagpapatuloy ni Cathy.
"Hindi 'yan. Kita mo to?" tinuro ko ang bumubukol kong bicep. "Takot na lang niya dito!"
"Yun e!" si Xian na laging bumaback-up sa tuwing nagyayabang ako sa babae. "Magkakaroon ba ng bading ang pamilyang ito ang angas at astig ng tatay nila na minana din ng mga anak! Di ba tol!" Tuluyan niyang naagaw ang bola sa akin. Pinilit kong agawin ngunit mabilis niyang ipinasa kay Wally.
Si Xian ang pinakamatalik kong katropa sa kanilang lahat. Bukod sa mayaman ay mabait din ang mga magulang niya. Okey din naman siya pero iyon nga lang minsan may pagkalampa ngunit pwede ng sidekick sa mga panliligaw ko sa mga babae. Saka maasahan din sa mga lakad. Hindi nang-iiwan lalo na sa bayaran ng miryenda. Mas parang magkapatid pa nga turingan namin kaysa sa kuya ko.
"James!" tawag ni tatay sa akin. Nilingon ko siya sa aming pintuan. Halatang galit. Salubong ang kilay.
"O pano mga tol. Bukas na lang muli. Tawag na ako ni erpat mukhang wala sa timpla ang mukha!"
"Halata nga tol." Pinasa ni Xian ang bola sa akin.
"Kiss ko muna pangit!" si Cathy na nakanguso. Lumingon ako sa kinaroroonan ni tatay. Wala na siya sa pintuan. Mabilis kong hinalikan ang labi niya sabay ng mabilis na himas sa kaniyang puwit.
Nagtawanan ang lahat sa nakita nila. Hinampas ako sa balikat ni Cathy.
"Yun oh! Astig!" si Xian uli. Nagkindatan kami.
"Sarap!" sabay ng mapanukso kong ngiti. "Tol, daan niyo muna sa bahay nila bago kayo magsi-uwi. Tawag na ako ni erpat sa loob eh." Pakiusap ko sa kanila.
"Ako ng bahala sa kaniya. Daan ko na lang siya dala ko naman ang XRM ko." Sagot ni Xian.
Pumasok ako saloob at sinalubong ako ni tatay. "Sabihan mo ang kuya mo na paalisin niya ang mga bisita niyang bakla dahil kung hindi ako makapgpigil ay baka kung ano ang magawa ko sa kanila! Wala talaga kayong magawang matino. Imbes na mag-aral kayo kung anu-ano ang inaatupag lalo na siguro kung wala ako. Sige na, puntahan mo ang kuya mo!" Galit ang pagkakasabi ni Tatay sa akin na parang bang pati ako ay kinagagalitan din niya. Kaya pati ako ay naiinis na din kasi wala naman akong kinalaman sa pagbibisita ni kuya ng mga alanganin ay napagtaasan na din ng boses ni tatay. Sa lahat pa naman ng ayaw ko ay ang madamay sa galit na kung tutuusin ay wala din naman akong kinalaman talaga. Kung ako ang tatanungin noon, ayos lang naman na naroon ang mga kaibigan ni kuya kaya lang ayaw kong nadadamay ako sa galit ni tatay dahil lamang sa mga bisitang bakla ni kuya kaya hindi ko na iyon pasikretong idinaan pa kay kuya. Pinuntahan ko sila.
"Kuya, pauwiin mo na daw ang mga baklang yan na bisita mo kasi naririndi si tatay sa mga ingay nila. Alam mo naman kasi na bawal ang mga bakla sa bahay nagpapatuloy ka pa. Umuwi na daw kayo sabi ni Papa. Hindi daw namin kailangan ang bisitang kagaya ninyo!"
Nagkatinginan ang mga bakla pagkatapos ay napako kay kuya ang tingin nila na para bang nagtatanong kung sigurado ba ako na hindi puwede ang bakla sa bahay namin.
"Sandali lang ha!" pagkasabi ni kuya sa mga kaibigan ay hinila na ako palayo sa mga barkada niya.
"Anong karapatan mo para bastusin at pauwiin ang mga bisita ko samantalang kapag ikaw ang nagbisita ng mga tropa mo at girlfriends ay hindi kita pinapakialaman? Pinakikitunguhan ko ng maayos at pinaghahanda ko sila ng miryenda at inaasikaso ko kapag wala ka tapos ganito ang igaganti mo sa mga bisita ko?"
"Kuya, hindi ako ang nagpapauwi sa kanila, si tatay," sagot ko. "Saka mga bading ang mga bisita mo e, alam mo naman na ayaw ni tatay sa mga bakla di ba?"
Hindi pa kami tapos mag-usap ng marinig namin ang makapangyarihang boses ni tatay. Nayari na!
"Huwag ninyong gawin na parlor ang bahay namin. Hindi kami tumatanggap ng mga bisitang bakla. Maari na kayong magsiuwi." Iyon ang pumailanlang na sinabi ni tatay. Binuksan niya ang pintuan ng bahay. Lumingon ang napahiyang bakla kay kuya at ang mga iba'y nagawa pang kumaway para magpaalam. Nang nakalabas na lahat ay pabagsak ni isinara ni tatay ang pinto.
"Kita mo na? Kung hindi mo sana sila pinatuloy ditto di sana hindi sila napahiya at hindi ka din napahiya sa kanila. Pasaway ka kasi utol!"
"Grabe na si tatay. Hindi ko na siya maintindihan." Bumuntong hininga.
Hindi na lang ako nagsalita.Nakita kong namula ang maputing mukha at napaupo. Nakailang hakbang na ako palayo sa kaniya nang makasalubong kong padating si tatay. Huminto ako. Dinaanan niya ako at dire-diretso siya kay kuya.
"Tapatin mo nga ako gago ka... bakla ka ba?" salubong ang kilay na tanong ni tatay. Lumapit ako. Bihira kasing manigaw o magalit si tatay. Siguro dahil takot din kaming bigyan siya ng kahit anong dahilan para magalit sa amin.
Hindi sumagot si kuya. Tinignan lang niya si tatay saka lumakad palayo sa kaniya. Pagtalikod niya ay hinablot ni tatay ang kuwelyo sa likod ni kuya. Mabilis na pinakawalan ni tatay ang malakas na suntok sa tagiliran si kuya. Dahilan para mapaupo at mamalipit si kuya sa sakit.
"Kinakausap kita tarantado ka ah. Huwag kang bastos ha. Kung bakla ka tang-ina mo, hindi lang 'yan ang aabutin mo sa akin. Umayos ka gago! Hindi mo na ako nirespeto. Kabilin-bilinan kong bawal ang baklang bisita sa bahay. Bawal ang makipagkaibigan sa mga putang-inang salot na 'yan! Tigas ng ulo mo ha!"
"Bakit kailangan mong suntukin ang anak mo, Alfred," pagbubunganga ni nanay. Nagmamadali itong lumapit para awatin si Tatay. Ako naman ay nakamasid lang sa kanila. Tinulungan ni nanay si kuya na bumangon at inalalayan papasok sa kaniyang kuwarto.
Wala akong narinig na sinabi si kuya. Hindi niya sinagot si tatay. Ngunit alam kong buo na ang galit ni kuya kay tatay. Alam kong noon pa siya punum-puno ngunit si nanay lang ang nakakausap niya. Ako man ay umiiwas na din kausapin siya dahil malakas na din ang kutob ko bakla nga si kuya.
Noon ko lang uli nakitang nagalit si Tatay ng husto. Nang huli kong makitang magalit at pinalo si kuya ay noong pinapakialaman at binibihisan ni kuya ang Barbie ni Vicky. Mga bata pa kami noon. Katunayan, ako din ay kasama niya noon sa pagdadamit sa ilang dolls ni Vicky. Tuwan-tuwa kami noon pero mga bata pa kami. Naroon din ako noon kaya lang si kuya ang naaktuhan ni tatay na may hawak sa Barbie samantalang ako ay kakatapos ko lang bihisan ang isa din ngunit nabitiwan ko na noon at hawak ko na ang robot kong laruan. Si Kuya ang pinalo at sinabi pa ni Tatay na dapat gayahin ako ni kuya na mahilig lang sa mga laruang panlalaki.
Nainis ako. Nang dahil sa mga baklang bisita niya ay nagawang suntukin ni tatay si kuya. Ibig sabihin ay ganoon na pala kalalim ang galit nito sa mga bakla.
Mula noon, naging malamig na ang pakikitungo ni kuya kay tatay. Iniiwasan niya at kapag nagbabakasyon siya ay mas gusto ni kuya na magkulong sa kuwarto. Kapag umaalis naman si Tatay ay parang hindi maipinta ang saya sa mukha ni kuya.
"Bakit mo ba lagi kasing sinusuway si tatay kuya?" tanong ko nang minsang galing siya sa labas at nakipagkuwentuhan sa mga barkada niya.
"Ang tanungin mo ay dapat si tatay. Bakit ang higpit niya sa atin? Bakit ba napakabigat ng dugo niya sa mga baklang barkada ko e, hindi naman siya pinakikialaman. Wala na kasi sa lugar ang pagdidisiplina niya."
"Kaya ka niya sinasaktan kasi matigas ang ulo mo. Wala naman mali sa mga pinagagawa sa atin."
"Siguro sa iyo, wala. Sa akin meron. Nag-aaral naman ako ng mabuti. Lagi nga akong top sa klase pero nakikita ba niya iyon? Ikaw nga ni hindi ka nasasabitan ng medalya kasi puro basketball lang ang inaatupag mo pero mas paborito ka pa niya sa akin."
"Wala naman paborito si tatay sa atin. Pasaway ka lang kasi." Singhal ko.
"Pasaway na kung pasaway." Pumasok na siya sa kuwarto niya.
Isang gabi ay nagising ako sa ingay. Tinignan ko ang alarm clock ko, lagpas ng alas dose palang ng hatinggabi. Napapikit parin ako sa antok pero nagulantang ako sa tinig ni tatay. Parang kulog iyon na dumagundong sa buong kabahayan namin. Napabalikwas ako at paglabas ko ng kuwarto ko ay nakita kong hila-hila ni tatay ang barkada ni kuya na walang saplot sa katawan. Sumilip ako sa loob ng kuwarto at nakita ko si kuya na nakabalabal lang ng kumot na parang nabigla sa bilis ng pangyayari.
"Tang ina mong bakla ka! Lumayas ka! Magsama kayo ng putang inang lalaking ito." Pagkasabi niya iyon ay itinulak niya ang barkada ni kuya sa tabi. Nakita kong mabilis na nagdamit ang lalaki at walang sabi-sabi itong umalis. Pinuntahan niya si kuya sa loob at walang sabi sabi sinapak niya ito sa mukha, sinipa-sipa at dinagukan ng ubod ng lakas.
Pinatayo ni tatay si kuya at hinawakan niya ang leeg ni kuya.
"Ano ha! Hindi ka pa ba aamin? Bakla ka di ba? Bakla kang salot ka di ba?" Habang sinasabi niya iyon ay mas dumiin ang pagkakabigti niya kay kuya. Namumula na si kuya at pilit tinatanggal ang malakas na mga daliri ni tatay na nakabaon sa leeg nito.
"Tay, h-indh-I ho ak- ako mak-mak-kahi- nga!"
"Ano ha! Bakla ka o hindi! Magsabi ka ng totoo dahil kung hindi ay papatayin kita!"
"O-ho! O-ho Tay!"
At pagkarinig ni tatay sa pag-amin ni kuya ay isang malakas na suntok sa sikmura ang muli niyang pinakawalan. Namilipit si kuya habang umuubo ito na parang sumisinghap ng sapat na hangin. Nakita ko kung paano siya huminga. Nakalahaga ng bawat hiningang iyon para muli niyang mapuno ang naubusan ng hanging niyang baga. Nakaramdam ako ng awa.
Hindi ako makakilos para awatin si tatay sa ginagawa niya kay kuya. Nabigla ako sa aking nasaksihan kaya hinayaan ko na lamang si nanay na awatin si tatay sa p*******t niya kay kuya.
"Tang- ina mong bakla ka! Tang ina niyong mga bakla kayo! Lumayas ka hayop ka!" pagkasabi niya niyon ay isa pang tadyak ang pinalasap niya sa nakasalampak nang kapatid ko. Tinungo ni tatay ang aparador ni kuya, binuksan niya iyon at kinuha niya ang mga damit saka niya ipinaghahagis iyon sa kaniya. Dumudugo ang ilong at nguso ni kuya dahil sa mga suntok ngunit tahimik lang ang kaniyang pag-iyak. Yumuyugyog ang kaniyang balikat sa pag-iyak ngunit walang kahit anong tinig na lumalabas sa duguan niyang labi. Pagkatapos niyang pulutin ang kaniyang mga damit ay isinilid iyon sa maleta. Nakayakap parin si nanay kay tatay at pilit itong pinapakalma.
"Tama na. Maawa ka naman sa anak mo, Alfred. Kung palalayasin mo siya saan naman iyan pupunta. Tama na!" umiiyak na din si nanay.
Lumapit sa akin si Vicky at nakita ko ang mga butil ng luha na dumadaloy sa kaniyang pisngi. Naaninag ko sa mukha niya ang awa kay kuya.
"Pa'no na si kuya? Kawawa si kuya. Tulungan mo si kuya, kuya. Pigilan mo siyang umalis kuya?" pagmamakaawa niya sa akin.
"Para namang may magagawa ako." garalgal kong tugon.
Bago bumaba sa hagdanan si kuya ay nilingon muna niya kami na puno ng pinaghalong pawis, luha at dugo ang mukha. Parang gusto niyang magpaalam sa amin. Parang gusto niyang yakapin kami. Nakita ko ang mabilis niyang pagkaway.
Pababa na si kuya noon sa hagdanan nang biglang hinabol ni tatay si kuya. Nakasama si nanay na hindi bumibitaw sa pagkakahawak niya kay tatay. Isang malakas na suntok ang pinakawalan ni tatay kay kuya ngunit nakailag si kuya at si Nanay na nakayakap kay tatay ang nawalan ng panimbang dahil sa lakas ng suntok at pagwawala ni tatay kaya kitang-kita ko ang pagkahulog niya sa mataas naming hagdanan at bumagsak siya sa semento. Sinikap ni kuya na mahawakan sana si nanay ngunit dahil sa dala niyang bag at dahil sa pagkabigla ay hindi na niya iyon nagawa pang saklolohan. Tumama ang ulo niya sa gilid ng semento at ilang sandali pa ay masaganang dugo ang umagos sa aming suwelo.
Lahat kami ay nabigla sa bilis ng pangyayari. Lahat kami ay halos liparin ang hagdanan para saklolohan si nanay na naliligo ng sarili niyang dugo.
"Umalis ka na anak. May address at telephone number si lolo mo diyan sa likod ng TV. Puntahan mo na lang muna siya." Kahit hirap ay nagawang sabihin iyon ni nanay kay kuya. Pati ang kanyang bunganga at ilong ay may lumalabas na ding dugo.
"Nay, di po ako aalis na ganyan kayo. Hindi ko po kayo maiiwan. Sorry 'Nay, pati kayo nadamay." Humahagulgol na si kuya. Ang dating tahimik niyang iyak, ngayon ay naging hagulgol na.
"Buwisit ka! Wala kang magagawa pa dito bakla ka kaya lumayas ka na. Malas ka sa buhay namin." singhal ni tatay kay kuya. Tinabig niya ito palayo kay nanay ngunit hindi nagpagapi si kuya. Pinilit pa rin niyang lumapit kay nanay.
"U-malis ka na anak. Kunin mo yung address ng lolo mo... bi-bilisan mo..." paanas na sinabi ni nanay.
Pagkasabi ni nanay sa katagang iyon at pagkatayong-pagkatayo ni kuya para umalis ay nakita kong unti-unting pumikit ang mata ni nanay. Nakita iyon ni tatay at nataranta kaming lahat.
"Please Leny... lumaban ka. Kailangan ka namin ng mga bata. Please..." madamdaming pakiusap ni tatay kay nanay at nakita ko ang namumuong butil ng luha sa gilid ng kaniyang mga mata. Ang kanina'y galit sa mata ni tatay ay nahalinhinan ng takot, kaba at habag kay nanay. Tumayo siya at kinuha ang celphone niya. Nanginginig siyang tumawag ng ambulansiya na magdadala kay nanay sa hospital. Hindi din tumitigil ang malakas na iyak ni Vicky na nakahawak sa kamay ni nanay. Kabilinbilinan ni tatay na huwag galawin ang ulo ni nanay dahil delikado daw na basta-basta galawin iyon. Hintayin daw namin ang pagdating ng tinawag niyang mga tutulong sa amin dahil sila ang lalong nakakaalam kung pano bubuhatin si nanay. Napakarami ng umagos na dugo mula sa ulo ni nanay. Hindi ko alam kung paano ko siya tutulungan. Nalilito ako kung paano ko pipigilan ang pag-agos ng kaniyang dugo. Tanging ang paghugulgol ni Vicky at ang tahimik na pag-agos ng aking mga luha ang nagpapatunay kung gaano namin siya gustong iligtas kay kamatayan. Hanggang ang mahigpit na pagkakahawak ni nanay sa kamay ni Vicky ay biglang humina at tuluyang nahulog.
"Tay, si nanay..." sigaw ko. Hindi ko parin masabi ang gusto kong tukuyin dahil ayaw kong mangyari iyon. Iyon na ang pinakamasakit na nangyari sa buhay ko. Ang nakikitang unti-unting kinukuha ni Kamatayan ang aming ina ngunit hindi ko alam kung paano siya tulungan sa pakikipaglaban. Gusto ko siyang buhatin para ako na ang magdala sa kaniya sa hospital ngunit natatakot din akong baka lalala lang ang kalagayan niya sa gagawin ko. Pakiramdam ko, ang pagdaan ng bawat segundo ay parang dekada sa paghihintay ng pagdating ng ambulansiya. Napakatagal na parang gusto kong hilain. Hinawakan ko ang pulso ni nanay at nakaramdam ako ng kaunting kaginhawaan ng maramdaman ko ang mahina nitong pintig. Buhay pa si nanay ngunit hangang kailan siya lalaban? Tuluyan ng umagos ang luhang kanina pa pinipigilan ni itay. Nakaluhod siyang nakamasid kay nanay. Naramdaman ko na lamang ang mabilis na pagtaas-baba ng kaniyang balikat. Humahagulgol siya. Ramdam ko ang bigat ng kalooban sa bawat paghagulgol niya.
Dumating ang ambulansiya sana aabot pa si nanay sa hospital. Napakarami ng dugo ang nawala sa kaniya. Parang wala nang bakas na buhay pa siya. Napakasakit sa loob ang mawalan ng ina lalo na kung sa harap mo lang siya nalagutan ng hininga. Duguan ang kamay ni itay sa kasusuntok sa dinding. Hindi ko alam kung tanda iyon ng pagsisisi niya o tanda ng galit niya kay kuya. Hindi ko na din napigilan pa ang humagulgol. Mas malakas pa sa hagulgol ni Vicky.