CHAPTER 2

2016 Words
ORLENE Kakalabas ko lang ng kuwartong katatapos ko lang linisin. Mag-isa lang akong naglinis doon sapagkat kulang kami ng empleyado ngayon. Bukod sa madaming naka-off ay madami rin ang absent. At halos sabay-sabay pa sila. Kaya tuloy nag-solo ako at hindi ko kasama si Marian. Nasa kabilang kwarto din kasi ito at mag-isang naglilinis. Naglalakad na ako sa may hallway at tulak-tulak ang trolley nang matanaw ko sina Ms. Lovely at si Sir Lorenzo Clyde na magkasama. Mukhang nag-uusap ang mga ito. Pero imbes na matuwa ako dahil nakita ko ang my loves ko ay iba ang nadama ko. Nakaramdam ako nang selos na makita silang dalawa. Yes! Selos. And it really hurts. Ayoko talaga na nakikita ang dalawa na magkasama. Lalo na pagnagdididikit si Ms. Lovely kay Sir Lorenzo Clyde. Nasasaktan ako sa totoo lang at nagngingit-ngit ang puso ko. Napapasimangot tuloy ako ng wala sa oras. Lalo pa nang makita kong panay ngiti ni Ms. Lovely at may tapik-tapik pa sa braso ni Sir Lorenzo Clyde. Sarap talaga sugurin at sabunutan ang babae. Halata talagang nilalande nito ang my loves ko. Akala niya siguro papansinin din siya ni Sir Lorenzo Clyde. Pero mukhang deadma lang ang huli dahil na rin sa ekspresyon ng mukha nito na hindi man lang ngumingiti. Seryoso pa rin kasi ito. At mukhang hindi naman interesado sa pinagsasabi ng babaita. Habang papalapit ako sa mga ito ay hindi ko inaalis ang tingin ko sa mga ito lalo na kay Sir Lorenzo Clyde. Saktong pagtapat ko sa kanilang dalawa ay agad ko silang binati. "Good morning, Ms. Lovely. Good morning Sir Lorenzo Clyde," medyo walang gana kong bati sa mga ito. Kahit paano ay nakakataas pa rin ang mga ito. Kaya kailangan pa ring batiin at igalang. Propesyonal pa rin naman ako kahit hindi ko gusto na makita na magkasama sila. Wala akong narinig na sagot mula kay Sir Lorenzo Clyde. Ni tapunan nang tingin ay hindi man lang nito ginawa. Expected ko na iyon. Palagi lang naman kasi itong seryoso. At never naman ito sumasagot o bumabati man lang kapag binabati ito nino man. Nataon lang siguro 'yong last time na sinulyapan niya ako. Literal na sulyap lang. Saglit na saglit lang iyon pero wala rin ni isang salita. "Good morning," sagot naman ni Ms. Lovely pero halata namang napipilitan lang ito. At gaya nang ginagawa nito ay hindi pa rin nawawala ang pag-irap nito sa akin. Hindi ko na lamang pinansin iyon saka mabilis na nilagpasan ang mga ito. Masama talaga ang loob ko. Gusto ko mainis. Para akong nanghihina na naglalakad. Bukod sa deadma na nga ako kay Sir Lorenzo Clyde, nairipan pa ako ni Ms. Lovely. Hays! Double kill! "Hey!" Narinig kong tawag ng isang maskuladong boses. Hindi ko alam kung saan o kanino galing iyon. Hindi ko rin sigurado kong sino ba ang tinatawag. Kaya napalingon ako. Nakita ko si Sir Lorenzo Clyde na nakaharap gano'n din si Ms. Lovely. At mukhang sa akin sila pareho nakatingin. "Ako po ba?" tanong ko kahit 'di rin ako sigurado. "Yes!" seryosong sagot ni Sir Lorenzo Clyde. "Bakit po?" muli kong tanong. "Better check your supplies. Nagkalat na 'yong powder sa sahig," seryoso nitong saad. Doon ko lang napagtanto ang sinasabi ni Sir Lorenzo Clyde nang makita ko ang mga puting nasa sahig. Hindi ko napansin na na natumba na pala ang box ng powder na kakabukas ko lang kanina. Siguro ay naalog iyon sa pagmamadali ko kaya hindi ko na namalayan pa. "Naku, pasensya na po, Sir. Hindi ko po napansin," hinging paumanhin ko at mabilis na nilinis ang mga nagkalat sa sahig bago pa may makita na mga guest. "Ano ba 'yan, Orlene?! 'Wag ka ngang tatanga-tanga. Palagi mong iche-check ang mga supplies niyo. Nakakahiya sa mga guest natin. Ano na lang ang sasabihin nila na ang dumi-dumi ng hotel natin. Mabuti na lang at si Sir Lorenzo Clyde ang nakakita," litanya ni Ms. Lovely sa akin. "Pasensya na po talaga," saad ko pa rin habang patuloy na nililinis ang powder na nasa sahig. "Thank you, Sir! 'Di bale po. Pagsasabihan ko rin ang iba regarding diyan," muling saad ni Ms Lovely kay Sir Lorenzo Clyde. Pero wala akong narinig na tugon sa huli. Kaya napatingin ako sa kinaroroonan nila. Nakita kong nakatingin lang si Sir Lorenzo Clyde at tahimik na pinapanood ako habang naglilinis. Nailang tuloy ako ng slight. Hindi ako komportable na nariyan ito. Hindi ko alam kung anong iniisip nito. "Ano pang tinitingin-tingin mo diyan? Bilisan mo na! At baka may lumabas at dumaan pa na guest," biglang saad ni Ms. Lovely dahilan para mas mataranta ako at bilisan ang ginagawa kong paglilinis. "Opo," sagot ko na lamang at tinuloy ang ginagawa ko. Muli akong napatigil nang maramdaman kong nagsimula nang maglakad ang mga ito. Napatingin pa ako nang nakatalikod na ang mga ito. Pinanood ko sila na unti-unti nang lumalayo. Pagkatapos kong linisin ang kalat ay mabilis na rin akong tumuloy sa isa pang kwarto kung saan naroon si Marian. Kanina ko pang tinitignan ang pagkain kong nasa plato na hindi ko ginagalaw. Kasalukuyan kong kasama si Marian at si Sandra na kasamahan din namin sa Housekeeping department at isa ring chambermaid. Lunch break namin at nasa cafeteria kaming tatlo para kumain. "Ano ba?! May plano ka bang kumain o tititigan mo lang 'yang pagkain mo?" saad ni Marian sa akin. May tumatalsik pang kanin sa bibig nito habang nagsasalita. "Oo, nga! Ayos ka lang ba? Matatapos na ang oras pero 'di ka pa kumakain," segunda rin ni Sandra na kumakain din. Sa halip na sagutin ang mga ito ay hindi ako umimik. Nakita kong uminom ng tubig si Marian bago muling nagsalita. "Alam ko na kung anong inaarte mo diyan," ani Marian. "Si Sir Lorenzo Clyde, no?" tanong pa nito. Hindi pa rin ako sumagot. Wala talaga ako sa mood. Wala rin akong ganang kumain. Hindi pa rin ako maka-move on nang makita ko sina Ms. Lovely at Sir Lorenzo Clyde kanina. Dagdagan pang napahiya ako dahil sa kapalpakan ko at si Sir Lorenzo Clyde pa ang nakapansin. Tapos kung anu-ano pang pinagsasabi ni Ms. Lovely na nadinig ng my loves ko. Sobrang napahiya ako sa mga nangyare. Imbes na good shot ako sa my loves ko ayon bad shot. Feeling ko tuloy ay na-disappoint ko siya. "Silence means yes," sabi ni Sandra. "Mukha nga," sang-ayon din ni Marian. "Alam niyo naman pala, eh. Nagtatanong pa kayo diyan," saad ko sa mga ito at nangalumbaba. "Aba't 'wag mo kaming artehan ng ganyan, Inday! Concern lang naman kami sa 'yo," ani Marian. "Oo, nga! Ano ba kasing nangyare at nagkakaganyan ka? Spill it out, 'day. Dali!" suhestyon pa ni Sandra na halatang interesadong makinig. "Sabihin mo na! Habang may oras pa tayo." Sabay sulyap naman ni Marian sa cell phone nito at tinignan ang oras. "May ten minutes ka pang mag-drama bago tayo bumalik sa duty nang hindi ka nagkakaganyan. Para kang timang alam mo ba 'yon?" ani Marian. "Okay, fine!" napilitan kong sabi sa dalawa. "Ganito kasi 'yon..." "Oy, Orl! Ayaw mo bang kumain? Akin na lang 'yang ulam mo," biglang singit ni Oliver na kasamahan din namin sa Housekeeping department at isa namang roomboy. Hindi ko napansin ang paglapit nito kaya nagulat at napatigil ako sa sasabihin ko. Hindi ko na natuloy ang ikukwento ko dahil sa biglang pagsulpot at pagsingit nito. Nasa kanya tuloy napunta ang atensyon naming tatlo. "Ano ba 'yan, Oliver?!" reklamo ni Sandra. "Bakit ba?" pagtataka ni Oliver. "Istorbo ka naman, eh. Wala ka talagang pakundangan, no? Ang bastos mo talaga kahot kailan. Nakita mong nag-uusap kami tapos bigla kang sisingit diyan," naiinis na saad naman ni Marian dito. "Grabe naman kayo sa akin. Nagtatanong lang naman, eh," ani Oliver na mukhang napahiya. "Umalis ka nga rito. 'Wag kang epal," pagtataboy pa ni Sandra rito. Napakamot na lamang ito ng ulo at akma nang tatalikod. "Oliver!" tawag ko sa kanya. Muli itong humarap. Agad kong ibinigay ang plato kong may kanin at ulam na hindi ko naman nagalaw at nabawasan. Hindi ko na rin kasi makakain pa iyon dahil anong oras na rin. Kaysa naman masayang at itapon na lang iyon. "Oy, thank you, ha?" natuwang saad ni Oliver nang tanggapin ang plato ko. Hindi na ako sumagot pa sa kanya. Binalewala ko na ito at muli ay nag-concentrate na ako para sa pagpapatuloy ko ng ikukwento ko sa kanila nang sakto namang nag-ring ang cell phone ni Marian. Naagaw niyon ang atensyon namin kaya hindi na naman natuloy ang sasabihin ko. Napilitang sagutin ni Marian ang tumatawag sabay alis sa mesa namin. "Hays! Ano ba 'yan?! Nabibitin tuloy ako. Tuloy mo na kahit wala si Marian andito naman ako para makinig," ani Sandra. "Ayoko na! Wala na ako sa mood," saad ko at tuluyan na rin akong tumayo mula sa pagkakaupo ko sabay iwan kay Sandra. Nawalan na kasi ako ng ganang magkwento pa. Kung saan naman kasing kwentong-kuwento na ako at ready na akong mag-emote ay saka naman andaming ekstra. "Hoy!" tawag pa ni Sandra pero hindi ko na pinansin pa. Hapon. Bago ako tuluyang mag-out ay pinatawag ako ni Ms. Lovely sa opisina nito. May ideya na ako sa dahilan kung bakit pinapunta niya ako. At sure ako na doon iyon sa nangyare kanina sa hallway kung saan nagkalat ang powder mula sa trolley kong dala at si Sir Lorenzo Clyde pa ang nakakita. Nasa tapat na ako ng pinto ng opisina nito. Agad akong kumatok saka tuluyang pumasok. Naabutan ko itong nakaupo sa mesa nito at halatang hinihintay ako. At as usual naka-irap na naman ito at halatang wala sa mood na makita ako. "Bakit ngayon ka lang?" bungad agad nito sa akin. "Pasensya na po. Nagbihis pa po kasi ako. Nasa locker na po kasi ako at nagpapalit na no'ng pinatawag niyo po ako," sabi ko rito. "So, kasalanan ko pa?" anito at pinandilatan ako ng mata. "Hindi naman po sa gano'n, Ms. Lovely. Sinasabi ko lang po." "Pwes wala akong pakialam. Ang concern ko ay kapag pinatawag kayo dapat pumupunta agad kayo. Hindi 'yong inuuna niyo pa ang kung anu-ano. Pwede ka namang magbihis after mo rito, ah." "Pasensya na po. Hindi na po mauulit," nasabi ko na lang kahit sa loob ko ay gusto ko nang sampalin ito ng kaliwa't kanan nang makaganti man lang. "Dapat lang dahil hindi ko na iyon palalampasin pa next time." Hindi na ako nagsalita pa. Sa halip ay sinalubong ko na ang tingin nito. At hinintay na muling magsalita sa kung ano mang sasabihin nito. "Anyways, gusto ko lang i-discuss sa iyo ang nangyare kanina do'n sa hallway. Napaka-iresponsable mo naman. Dapat chine-check niyo ang mga supplies niyo bago kayo umaalis. Eh, paano kung hindi napansin iyon ni Sir LCM at nakita iyon ng mga guest. Baka ma-guest complain pa tayo dahil do'n. Alam mo naman siguro ang hotel policy tungkol sa kalinisan 'di ba? At ayaw na ayaw ni Sir Lorenzo Clyde na makakita ni katiting na dumi. At sa totoo lang sobrang disappointed siya dahil sa kapalpakan mo. Kaya gusto lang kitang warningan. Ayoko na talagang mauulit pa iyon. Ayokong mapagalitan at isipin ni Sir na pinapabayaan ko lang kayo. Kaya ayusin niyo ang trabaho niyo. Be responsible enough at 'wag kayong tanga," mahabang litanta ni Ms. Lovely. Hindi agad ako nakapagsalita. "Nagkakaintindihan ba tayo, Ms. Simeon?" tanong pa nito. "Yes, po!" napilitang sagot ko. "Mabuti. You may go now!" anito. Tuluyan akong lumabas ng opisina nito na medyo laglag ang mga balikat. Tama nga talaga ako. Hindi nga ako nagkakamali na iyon ang rason kaya niya ako pinatawag. Expected ko na iyon na sasabunin na naman niya ako. Na may kasunod pang part 2 ang pamamahiya nito sa akin kanina sa harap ni Sir Lorenzo Clyde. At hindi naman iyon na bago sa akin. Kahit na maliit na bagay kasi ay pinapalaki nito. Lahat na lamang ay big deal para rito lalo na 'pag ako ang involve. Pakiramdam ko tuloy ay napaka-walang silbi ko today. Na para bang wala na akong nagawang tama at puro na lang ako kapalpakan. Hay, life!
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD