CHAPTER 4

2213 Words
ORLENE Naglalakad na kaming tatlo nina Marian at Sandra sa hallway para pumunta sa mga kwartong lilinisin namin habang tulak-tulak ang trolley kung saan nakalagay ang mga cleaning materials at supplies na gagamitin namin. Panay kwentuhan lang ang dalawa. Samantalang ako ay tahimik lang din. Hindi ako nakikisabat sa kanila. Hindi ko rin iniintindi ang usapan nilang dalawa. Wala lang talaga ako sa mood dahil sa kinalabasan nang naging sagutan namin ni Ms. Lovely kanina do'n sa locker. Kung saan ay hindi na rin ako nakapagpigil pa na komprontahin ito tungkol sa pakikitungo nito sa akin. Gusto ko kasi malaman kung bakit gano'n na lamang ang galit nito. Kung anong rason nito at kung anong pinanghuhugutan nito. Halata namang namemersonal talaga ito pero ayaw lang nitong aminin. Dinadaan niya lang lagi sa posisyon nito at pinamumukha sa akin na mas mataas ito at wala akong karapatang magreklamo. Kaya sinabihan niya pa akong mag-resign na lang kung ayaw ko raw at hindi ko na kaya ang pamamalakad nito. Pero siyempre palaban ang lola niyo. Hindi ako nagpasindak. Lalong hindi nagpatalo. Hindi ako pumayag ng basta-basta na ganoon na lang. Sa halip ay sinagot ko talaga siya na hindi ko gagawin ang gusto nito. At lalong wala akong plano na gawin iyon nang dahil lang sa kanya. I love my job. Gusto ko ang ginagawa ko. Masaya ako at nag-e-enjoy ako. At sa tingin ko ay dito talaga ako nababagay. Plus andito pa ang my loves ko na si Sir Lorenzo Clyde kaya malabo pa sa tubig kanal na mag-resign ako nang gano'n-gano'n na lang. Kaya neknek siya! Hindi siya ang makakapagpapa-resign sa akin dito sa Hotel Trevino. Kahit pa nga buwesit na buwesit na rin ako sa kanya. Panira siya sa trabaho ko at ayaw niya akong tigilan. Baka isipin pa nitong natatakot ako sa kanya kapag ginawa ko iyon. Pinatunayan ko lang na talo ako 'pag sinunod ko siya. Alam ko at inaamin ko rin naman na medyo sumobra ako at naging bastos ako sa part na iyon na sinagot ko siya dahil kahit papaano ay superior ko pa rin siya. Ginagalang ko pa rin siya kasi nakakataas siya sa akin. Pero naisip ko rin na masyado na yata itong sumusobra sa inaaasta nito. Masyado na itong name-mersonal. Porke ba supervisor na siya ay may karapatan na siyang ganunin ako? Wala naman akong ginagawang masama sa kanya. At wala akong natatandaan na may ginawa ako sa kanya na maging sanhi para magalit ito. Palagi na lang mainit ang dugo nito sa akin sa tuwing nakikita niya ako na parang bang may malaking kasalanan ako sa kanya kaya nagagalit ito. At iyon ang hindi ko talaga ma-gets sa totoo lang. Sinusubukan ko pa rin namang maging civil sa kanya kahit na iba ang pakikitungo nito pero mukhang siya talaga ang may problema at hindi ako. May isyu sa akin at hindi ko alam kung ano. Napapa-isip na lamang ako minsan. Hindi ko alam kung insecure ba ito. O 'di kaya ay threatened o baka naman ay may inggit itong tinatago sa akin. Eh, kung iisipin ay wala namang dahilan para ma-insecure, ma-threatened o mainggit ito. Nasa kanya na nga ang lahat, eh. Maganda naman siya. Mataas na rin ang posisyon. Malaki rin ang sahod at marami itong previledge na nakukuha dahil sa pagiging supervisor nito. Dagdagan pa na palagi itong nakakalapit at nakakausap si Sir Lorenzo Clyde. Do'n pa nga lang ay lamang na lamang na ito at sa totoo lang ay ako ang inggit na inggit sa kanya. Kaya palaisipan talaga sa akin ang galit nito at kung bakit ganoon ito lalo na sa akin. Kaya tuloy hindi rin mawala ang isip ko ro'n sa nangyare kanina. Medyo nag-aalala ako na baka may gawin ito na hindi ko alam na maging dahilan para matanggal ako sa trabaho ko rito. Mukhang seryoso at galit pa naman ito nang nagbanta ito na kung sino raw ang unang mapapaalis sa amin. Parang nagsisisi pa tuloy ako na pinatulan at pinansin ko pa siya kanina. Kahit na alam ko ring babarahin niya lang ako. Hindi na rin ako nakapagpigil pa. Nadala na ako ng emosyon ko. Kahit na palagi naman nitong ginagawa iyon. Ang tanga ko lang talaga. Imbes na hindi ako nag-iisip ngayon, eh. Hays! "Hoy!" untag sa akin ni Sandra sabay siko sa tagiliran ko. Mukhang tumigil na ang dalawa sa pag-uusap at nabaling naman sa akin ang atensyon nito. Siguro ay napansin nitong hindi ako umiimik at nakikisali sa usapan nila ni Marian. "Aray ko!" reaksyon ko nang maramdaman ang sakit nang ginawa nito. Napalakas kasi ang pagsiko nito sa akin. "Bakit ba?" nakasimangot kong tanong. "Kanina ka pa kasing walang imik diyan. Ayos ka lang ba?" tanong muli ni Sandra. "Himala na parang hindi ka yata excited ngayon," anito pa. Araw-araw kasi ay super excited talaga ako pumasok sa trabaho lalo na at makikita ko muli ang my loves ko na si Sir Lorenzo Clyde. Parang hyper ako lagi na nakalaklak ng maraming vitamin C sa tuwing duduty. Hindi naman lihim sa buong Housekeeping department na patay na patay ako ro'n sa Housekeeping Manager namin. Vocal naman ako do'n. Pero siyempre hindi nito alam na may special feelings ako sa kanya. Kahit pa nga na medyo takot din ako rito ay gusto ko pa rin siya. Simula kasi no'ng nagtrabaho ako rito sa Hotel Trevino at sa unang beses ko pa lang siyang nakita at nakaharap ay nakuha na niya ang puso ko. Pinapangarap ko talaga siyang maging boyfriend ko. At pinangako ko rin sa sarili kong magiging akin siya. Kahit pa nga hindi ko alam kung single pa ba ito o taken na. Hindi ako nawawalan ng pag-asa na mapapansin niya rin ako balang araw. Tiyaga lang talaga at tiwala. Siya ang ginawa kong motivation. Kaya super inspired talaga ako 'pag nakikita ito. Buhay na buhay ang pakiramdam ko. Lahat na yata nang pwedeng magising sa akin ay ginising nito. Gustong-gusto ko talaga siya kahit pa na naiinis ang mga kasamahan ko sa kanya. At wala akong pake ro'n. Basta love ko pa rin siya despite his strict and serious image. Sasagutin ko na sana si Sandra nang bigla namang sumingit si Marian. Hindi na ako nakapagsalita pa dahil ito na ang nagsalita para sagutin ang tanong ni Sandra. "Paano hindi magkakaganyan 'yan? Eh, nagpang-abot na naman sila ni Bruha do'n sa locker kanina," anito na ang tinutukoy nito ay si Ms. Lovely. "Ay talaga ba?" "Oo. Medyo nahuli lang ako ng dating kaya hindi ko na naabutan ang sagutan nilang dalawa. Papasok pa lang kasi ako ay palabas naman si Bruha at galit na galit pa. Muntikan pa nga kaming nagbungguan," kwento pa ni Marian. "Kahit kailan talaga 'yang bruha na 'yan salot. Ba't kaya na-promote 'yan? Eh, super sama naman ng ugali," ani Sandra. "Ewan ko nga rin," saad naman ni Marian. "Napaghahalataan din talaga na insecure siya rito kay Inday Orlita." Si Sandra ulit. "Ano pa?!" sang-ayon ni Marian. Bumalik ang tingin ni Sandra sa akin. "Kung ako sa 'yo, 'day! Hayaan mo na lang siya. Dedmahin mo na lang ang bruhang iyon. Hayaan mo siyang manggigil sa 'yo hanggang sa ma-stroke," suhestyon pa niya. "Gano'n na nga ang gagawin ko mga, 'day," sang-ayon ko rito. "Bahala na siya sa buhay niya. Ayoko na siyang isipin. Masi-stress lang ako." "Tama!" sang-ayon muli ni Marian. "Parang hindi ka na nasanay sa kanya. Kahit wala ka namang ginagawa sadyang mainit talaga ang dugo niya sa 'yo," dugtong pa nito. "Ewan ko nga ba. Ayoko sanang may kasamaan ng loob dito sa trabaho natin. Iba pa rin kasi na kasundo mo ang lahat at alam mong panatag ang loob mo na walang may galit sa 'yo," malungkot kong saad. "Eh, sa ano ngang magagawa mo? Eh, 'yong may galit sa 'yo ay visor pa mismo natin. Palagi kayong magkikita at hindi ka rin niya titigilan malamang. At hindi iyon matatapos hangga't hindi kayo nagkaka-ayos. Pwera na lang kung may isang mag-resign sa inyo at umalis." "Nunca namang gagawin ko iyon, no? Magdusa siya sa presensya ko. Hindi ko pa nga natutupad ang pangarap kong maging jowa si Sir Lorenzo Clyde, eh." "Ambisyosa ka talaga, no?" basag ni Marian sa sinabi ko. "'Yon pa talaga ang naisip mo." "Oo! Ambisyosa talaga ako," tugon ko sa kanya. "Pwes! Magtiis ka na ganyan na ang pakikitungo niya sa 'yo. Dahil mukhang wala nang pag-asa pa na magiging okay kayo." Napabuntong-hininga na lamang ako. "Hay, ewan! Bahala na talaga. Basta gagawin ko na lamang ang trabaho ko nang maayos. Magiging civil na lang din ako sa kanya kapag maghaharap kaming dalawa. Wala na rin naman akong magagawa kung gano'n na talaga siya sa akin. Hindi ko na problema iyon." "Korek, 'day! Plastikan 101 is the key," ani Sandra. "Ano pa!" saad ko. "Alam niyo mabuti pa, tara na! At baka makita at maabutan pa tayo no'n rito. Sigurado yari tayong tatlo," ani Marian. "Mabuti pa nga," sang-ayon ko. "Tara na!" saad din ni Sandra. Magpatuloy na sana kami sa paglalakad papunta sa kwartong sadya namin nang biglang may tumawag. Napahinto kami. "Hoy! Kayong tatlong Marites," anang boses na bigla na lamang nagsalita. Paktay! Kapwa pa kaming napalingon nina Marian at Sandra nang marinig iyon. Laking gulat pa namin nang makita si Bruha este si Ms. Lovely na nasa may likuran na pala namin. Masama ang tingin at halatang bad trip ito. Mukha yatang narinig nito ang usapan naming tatlo. Hindi man lang namin napansin na nasa likuran na pala ito. Hindi namin alam kung kanina pa ba itong naroon at nakasunod sa amin. Masyado yata kaming naka-focus sa usapan kaya nawala na rin sa isip namin na posibleng bigla na lamang sumulpot ito at marinig kami. Bigla akong natakot at nag-alala na baka narinig nito ang usapan at pinagsasabi naming tatlo tungkol sa kanya. Ngayon pang medyo mainit pa ako sa kanya dahil sa nangyare kanina sa locker. Kapag nagkataon ay yari talaga kaming tatlo. Baka hindi lang suspension ang abutin namin or worst ay tanggalin na lamang kami. Pero 'wag naman sana. Hindi nito alam na "Bruha" ang pa-code name namin sa kanya. Kaming mga chambermaids lang ang nakakaalam niyon. At sa amin lang iyon. Iyon ang tawag namin kapag nagagalit kami sa kanya. Kabaliktaran sa pangalan nitong lovely na ibig sabihin ay maganda o kaaya-aya. Sobrang layo naman kasi sa totoong ugali nito. Pagkakaalam ko ay may iba pang tawag ang mga roomboys naman sa kanya. May pa-code name rin ang mga ito. Dahil hindi lang kaming mga chambermaids ang pinag-iinitan nito kundi pati na rin ang mga roomboys. "Kanina pa kayo riyan, ah. Hindi pa rin kayo nakakarating sa mga pupuntahan niyong mga kwarto. Tatatlo-talo pa kayo diyan sa trolley. Andami-daming lilinising mga kwarto. Huwag kayong kukupad-kupad. Ano ba?!" inis na saad pa ni Ms. Lovely. "Pasensya na po, Ms. Lovely," nasabi na lamang naming tatlo. Pero deep inside ay naroon pa rin ang takot at pangamba namin. "Inuuna niyo pa talaga ang chismisan kaysa ang trabaho. Pinapasahod kayo rito para magtrabaho, hindi ang makipag-chismisan lang. Bilis na!" galit na sabi nito. "Opo, Ms. Lovely," natataranta naming sagot at nagmadali na kaming naglakad para lumayo mula rito. "Teka!" muling tawag nito dahilan para lumingon ulit kaming tatlo. "Yes, po, Miss?" ani Marian. "Si Ms. Simeon ang kailangan ko." Nagulat pa ako dahil do'n. At the same time ay kinabahan. "Ay, akala ko po ako," nakangiting alanganin ni Marian na halatang kabado. "Hindi ikaw. 'Wag kang feeling diyan." Nakita kong biglang napasimangot si Marian dahil sa sinabi ni Ms. Lovely. Kung hindi ko pa siya napigilan ay baka nasugod na nito iyon. Pinilit kong maging kalmado. "Yes, po, Miss?" tanong ko. "Pagkatapos mong maglinis, Ms. Simeon, pumunta ka agad sa akin. May ipapagawa ako sa 'yo." "Sige po!" sagot ko para matapos na at hindi na humaba ang usapan. "Bilisan niyo na!" ani Ms. Lovely at tuluyan itong tumalikod. Malamang ay babalik na ito sa lungga nito at pepetiks na uli gaya ng ginagawa nito. Binilisan na namin ang paglalakad. Kapwa pa kaming tatlo nakahinga nang maluwag nang tuluyan itong nakalayo. Akala ko talaga ay nahuli na kami. Akala ko talaga ay narinig nito ang naging usapan namin. Sino ba kasing mag-aakalang susulpot ito bigla. Siguradong mang-gagalaiti ito kapag narinig nito iyon. Lalo na 'pag nalaman nito kung anong tawag namin sa kanya. Baka isumpa na niya ako. "Buwesit talagang bruhang 'yon!" Hindi napigilang himutok ni Marian habang naglalakad na kami. "'Wag ka nga raw kasi feeling," natatawang saad ni Sandra. "Sabat ka raw kasi nang sabat." "Aba malay ko ba. Siya kaya ang feeling, no? Hindi ako. Nyeta siya!" inis nitong tugon. "Kung hindi mo lang ako pinigilan kanina baka nasabunutan ko na 'yon," baling naman niya sa akin. "Hayaan mo na!" sabi ko na lamang. "Aaah! Buwesit talaga siya!" gigil na reaksyon pa rin ni Marian na mukhang hindi pa rin maka-get over. "Akala ko talaga, nahuli na tayo," ani Sandra na napabuga ng hangin. "Oo, nga, eh. Akala ko talaga narinig na niya tayo." "Leche siya!" ani Marian na gigil pa rin. Natawa na lamang kami ni Sandra sa tinuran ni Marian. Pahiya kasi ito. Tuluyan na kaming nagtungo sa mga kwartong sadya namin. Nagkanya-kanya na kaming pasok roon para maglinis.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD