Being forgotten by someone you love is tormenting, I guess.
Bellona’s Point of View
MAAGA akong pumasok sa academy. Hindi na ako sumabay sa school bus which is pinagsisisihan ko. Halos wala pang tao sa academy. Dapat pala ay medyo binagalan ko ang kilos ko. Nagpahatid nalang ako kila Papa dahil papunta rin naman sila malapit sa area ng academy. As for Hel, hindi siya sumabay sa akin. Mukha ngang mainit na naman ang ulo.
“Bellona,” nilingon ko siya nang tawagin niya ako at nakita ko si Kreios. Nginitian ko naman agad siya.
Alam kong may nararamdaman ako kay Kreios pero dahil na rin malaki ang kasalanan ko sa kanilang dalawa ni Hel ay handa akong magparaya. Kung si Kreios ang makakapagpasaya kay Hel, willing akong kalimutan na may gusto ako sa lalaking ito. I learned my lesson.
“Oh, hi Kreios. Good morning.” Hindi ko inaasahan na makikita ko siya ng ganitong kaaga at walang Trixy na nakakabit sa kanya. Hindi sa galit ako kay Trixy. Hindi ako nag iisip ng kung ano-ano laban sa kanya kagaya nila Chloe pero may mga pagkakataon na parang hindi naman tamang lagi siyang nakakabit kay Kreios but who am I to judge her? Parang hindi ko ginawa dati.
“Kaibigan ka ni Hel, hindi ba?” Palihim akong ngumiti nang banggitin niya ang pangalan ni Hel. Natutuwa ako na parang nagkakainteres siya kay Hel.
Tumango ako bilang sagot sa tanong niya. Hindi naman kailangang magmadali dahil maaga pa nga. Kung gustong magpakwento ni Kreios tungkol kay Hel, handa akong ikwento lahat ng dapat niyang malaman.
“Theo failed to explain my relationship with her. Hanggang ngayon ay naguguluhan ako bakit siya galit sa akin.” Huminga siya ng malalim. “Matanong ko lang, dati ba talaga madalas kaming mag away na dalawa?”
Natawa ako sa sinabi niya. Nag aaway nga ba sila? Kung may pinagtatalunan man ay hindi naman ganoong kadalas.
“Actually, hindi naman kayo close na dalawa ni Hel dati. Nagkainteres lang siya sayo noong una dahil halos magkatulad kayo ng ugali. You’re both cold-hearted and emotionless. Wala kang ibang sinasamahan kung hindi si Theo at si Hel naman ay kami lang nila Alvis. May times na nag uusap kayo pero bilang mo lang. Hindi ko lang sigurado kung may mga secret agenda kayong dalawa.” Tumigil ako saglit bago tumungo at ngumiti. “Isang araw may napansin nalang ako sa inyong dalawa. I don’t know when did it start but…” tumigil ako na siyang naging dahilan para tumingin sa akin si Kreios na may halong pagtataka.
“But?” Tanong niya.
“But I think I’m not the right person to tell you that.” Gusto ko mang sabihin sa kanya ang napansin ko sa kanilang dalawa ni Hel kaya lang, sa palagay ko kasi ay hindi na dapat sa akin manggaling iyon.
Inobserbahan ko siyang mabuti. He’s still the same Kreios we know. Ang pinagkaiba lang ng lalaking kaharap ko ngayon ay wala siyang maalala.
“Sinong dapat magsabi sa akin ‘non?”
Marahan akong tumawa dahil sa tanong niyang iyon. Lumapit ako sa kanya bago ituro ang dibdib niya kung saan nakaposisyon ang puso niya. Nakita ko ang pagtataka sa mukha ni Kreios. Lumayo akong muli bago tapikin ang balikat niya.
“Marami na ata akong nasabi. Pasalamat nalang ako at wala pa si Hel kung hindi ay magagalit iyon sa akin.” Magsisimula na sana akong maglakad nang may tanong na sumagi sa isip ko kaya muli ko siyang nilingon.
“By the way, Kreios,” tumingin siya sa akin. “Si Trixy ba…is she your girlfriend?” Tumaas ang noo niya sa tanong ko. Maya maya pa’y kumunot ito.
“No.” Napangiti ako sa sagot niya. Simpleng sagot lang iyon pero nakuha ko ang gusto kong isagot niya. Kapag binalita ko ito kay Hel, sa tingin ko ay ikatutuwa niya iyon. Hindi ko lang masabi kung ipapakita niyang masaya siya.
“Ang aga natin, ah?” Napatingin ako sa may gilid ni Kreios. Nakita kong kakarating lang din ni Chloe. Hindi rin naman nagtagal ay nakita ko na rin sila Dalia. Dumating na kaya ang school bus?
“Si Hel?” Nagtaas ng isang kilay si Dalia dahil sa tanong ko.
“Hindi mo ba kasabay? Hindi namin napansin, eh.”
“Huwag mong sabihing hindi na naman siya papasok ngayon?” Tanong ni Alvis sa amin. Nagkibit balikat ako. Wala naman siyang sinabi sa akin kagabi. Umalis kasi ako sa bahay ay bumalik sa pagkakatulog si Hel.
Nagdesisyon na kaming pumasok sa loob ng classroom namin. Hindi naman nagtagal ay dumating na rin sila Theo at Luca kasama sila Raven at Kei.
“Morning,” matipid na bati nila. Tumango nalang kami at ngumiti sa kanila.
Nag ayos na kami ng mga gamit namin. malapit na rin kasing magbell at magsisimula na ang klase. Hanggang ngayon ay wala pa rin si Hel.
“s**t!”
May babaeng pumasok sa loob ng klase kaya napatingin kaming lahat sa kanya. Nakita namin ang kunot noong si Hel. Ang ganda siguro ng gising nito.
“Anong nangyari sayo?” Nilingon ko sila. Nagtatanong si Theo sa kanya nang makalapit siya doon.
“Na-late ako ng gising.” Umupo na siya sa tabi ni Theo at muling tinikom ang bibig. Lagi namang walang masyadong usap iyang si Hel.
Halos kasunod lang ni Hel ang teacher namin. Tumayo na kami para batiin siya. Pinaupo niya rin naman agad kami.
“Good morning. I have an announcement. Next month ay may magaganap na sports festival ang school.” Nagulat ako sa sinabi niyang iyon. Kailan pa nagkaroon ng sports festival ang Mystique? Last year naman ay wala. Anyway, that’s kind of exciting for us.
“Theo, kindly explain to your classmates the details.” Tumayo si Theo at pumunta sa unahan para magpaliwanag. Ang sabi kasi ni Hel ay kahit daw siya ang rank 1 ay wala siyang balak maging messenger (representative) ng klase namin tapos si Kreios naman ay biglang nawala sa eksena at hindi rin naman interesado si Luca kaya si Theo na ang kumuha ng posisyong iyon. Bagay naman sa kanya. Active siya sa klase.
“Nakausap ko ang student council regarding dito. Ang sabi nila ay mas magiging masaya raw ang school year kung magdadagdag sila ng mga events. That’s why simula ngayong taon ay magkakaroon na tayo ng sports festival.” Ngumiti si Theo sa buong klase. May kinuha siyang papel at ipinakita iyon sa amin. “If you want to participate in any sport category, just list your name in this paper at tungkol naman sa mga team sports like volleyball and basketball, kindly coordinate with me. Ang iba pang mga sports na maaaring salihan ay badminton and table tennis, single a, b and doubles. May swimming competition din na magaganap.”
Napatingin ako sa gawi ni Hel. Iniisip kung sasali ba siya o kung may interes man lang ba siya sa magiging event ng school. I want her to enjoy. Pakiramdam ko kasi ay ang dami-rami niyang iniisip to the point na hindi na niya magawang maging masaya.
Hel can actually play any sports. Nakita ko na siyang maglaro dati.
Matapos magpaliwanag ni Theo ay sinabihan kami ng teacher namin na pag usapang mabuti ang gagawin namin sa sports festival. By year daw ang labanan. Meaning magkakakampi lahat ng sophomore.
Lumapit ako sa pwesto ni Hel. Wala kasi siyang kibo at pinagmamasdan lang ang mga kaklase naming may sari-sariling diskusyon.
“Hel, sasali ka ba?” Nagkibit balikat lamang ito.
“Ha? Tama ba ang narinig ko? Si Hel marunong maglaro ng sports? Weh? It’s joke time ba?” Natatawang sabi ni Chloe. Nakalimutan kong nasa likod lang nga pala siya ni Hel.
“Oo,” matipid na sagot ko.
“Seryoso ‘yan? Hindi joke?” Bakit ba ayaw maniwala nitong si Chloe?
Nakikita ko nalang ang pag irap irap ni Hel habang hinihilot ang sentido niya. Mukhang naiingayan na naman siya kay Chloe.
Lumapit sa amin iyong isa naming kaklase na may hawak ng papel.
“Sa inyo ba may gustong sumali—” nagulat kami nang biglang hablutin ni Hel iyong papel.
Tinitigan ni Hel iyong papel at muling tumingin doon sa kaklase namin. “Nasaan dito ang Table Tennis?”
Hindi pa rin kami nakapagsalita dahil sa nakakagulat na aksyon ni Hel. Lumapit si Theo bago tanungin kung ano nangyayari. Nang ipaliwanag ng isang kaklase namin ay si Theo na ang sumagot sa tanong ni Hel. Nakita pa naming isinulat niya ang pangalan niya dito.
Oh my Freyja!
Ibinalik na niya ang papel sa kaklase namin nang maisulat ang pangalan.
“You’re going to play, Hel?” Hindi makapaniwalang tanong ni Theo.
“Obvious ba?” Halos matawa ako sa tono ng pananalita niya. Hindi ko malaman kung naiinis ba siya o ano.
“Hel, alam mo bang bawal gamitin ang kapangyarihan sa sports festival—”
Tumingin si Hel sa amin dahil sa sinabi nila Alvis. Kinilabutan ako nang ngumisi siya habang nakataas ang isang kilay. Here she goes. Dropping a bomb.
“Are you saying I am useless and that I cannot do anything without my power? Are you belittling my ability to play sports?” Napalunok ako nang tingnan niya kami isa isa bago panliitan ng mata habang nananatili ang ngisi sa labi niya. “I can win with no sweat. Do you guys want to bet?” Paghamon niya sa amin. Para kaming robot, sabay sabay kaming umiling. Alam na namin ang mangyayari. Paniguradong matatalo lamang kami sa kanya kapag nakipagpustahan kami.
“Maglalaro din pala kami.” Pekeng tumawa si Alvis para mabasag ang katahimikan sa amin dahil sa takot kay Hel. “Suportahan niyo kami ha?”
Napunta na sa kanila ang atensyon namin. s**t, kahit malapit na kaibigan ko si Hel ay natatakot pa rin talaga ako sa kanya minsan. Hindi ko alam saan ko nakuha ang lakas ng loob ko noon para magmaldita sa kanya.
“Basketball.” Sabi ni Theo. “Kasali rin sina Luca, Raven, Kei at si Kreios. Bukod sa amin ay may ilan pang kasali sa klase natin.” Nagbigay pa si Theo ng iba’t ibang pangalan na kasali sa basketball na iyon.
“Maglalaro si Kreios? Oh my Odin! Gusto kong manuod. Gusto kong makita iyong pagpatak ng pawis ni Kreios tapos medyo hinahapo pa dahil sa paglalaro. Damn, so hot.” Tumingin si Hel kay Chloe dahil sa sinabi nito. Tumawa si Chloe nang makitang nakatingin sa kanya si Hel. Nilapitan niya ito at tinusok tusok ang tagiliran.
“Alam kong gusto mo ring makita iyon, Hel—” nagtaka kami sa biglaang pagtigil ni Chloe kaya tiningnan namin siya. Halos matawa ako nang tila ba hindi niya maibukas ang bibig niya. Did Hel literally zip her mouth?
“Kindly not include my name to your nonsense, Chloe? O baka mas gusto mong tunawin ko nalang iyang bibig mo para hindi ka na makapagsalita pa?” Mukhang ubos na talaga ang pasensya niya kay Chloe.
“Hmmph! Hmmph!” Impit ni Chloe. Hindi ko na tuloy napigilan at tumawa na.
“Ibalik mo na daw ang bibig niya.” Sabi ko kay Hel. Halatang ayaw pa ni Hel gawin pero wala na rin naman siyang nagawa dahil nakakaawa rin si Chloe kaya’t ibinalik niya ito.
“For Frigg’s sake, Hel. Huwag mo na ulit gagawin iyon, ha.” Ani Chloe. Natawa naman kami dahil sa pagtatalo nilang dalawa.
Tumayo na si Hel at akmang paalis ito nang biglang kaming nakaramdam ng pagyanig ng lupa. Napahawak ako sa isang lamesa para hindi ako matumba. Nakakarinig din ako ng mga sigawan dahil nababasag din ang mga salamin sa loob ng klase namin.
“Bellona!”
Totoo pala iyong mga napapanood kong palabas sa telebisyon ‘no? Kapag sobra ang pagkabigla mo sa pangyayari ay hindi mo agad iyon mararamdaman, hindi ka agad makakapag-react.
Napahawak ako sa pisngi ko. Basa iyon. Hindi dahil sa luha kung hindi dahil sa dugo.
Nakapikit ang mga mata ko. Naramdaman ko na napasukan ito ng bubog galing sa mga salaming nabasag dahil sa pagyanig ng lupa.
“Oh s**t, Bellona! Ang mga mata mo!”
Nang sabihin iyon ng mga kasama ko ay doon lang nagsink in sa akin ang lahat, doon ko lang rin naramdaman ang sakit na dala nito.