PART ONE: THE HEROINE
"Burdens are for shoulders strong enough to carry them."
-Scarlet O'Hara, Gone with the Wind
(Margaret Mitchell)
Prologue: Why are you doing this to me?
“Kristine, dapat kayo ni Errol ang magkataluyan sa future!” Pinisil ni mama ang aking mga pisngi pagkatapos niyang itirintas ang aking buhok.
“Pero wala pa sa isip ko ang kasal, Mama.” Tumingala ako sa kaniya.
Ngumiti siya at hinalikan ako sa noo. “Tandaan mo lang ang sinabi ko.”
Tumango ako at dali-daling inihanda ang mga gamit sa eskwela. Sa totoo lang, gusto ko namang maging simple ang ayos ko pero nag-iinsist talaga si mama na ayusan ako ngayong araw. Hinayaan ko na rin siya kasi ayokong makinig sa mala-tinig uwak na sermon niya.
“Kristine, andito na sina Erol!” sigaw ni Papa. “Huwag mong paghintayin.”
“Andiyan na ho!” Lakad-takbo ang ginawa ko palabas ng pintuan papunta sa nakaparadang itim na sasakyan. Binuksan ko ang pinto at muntikan na akong mapasinghap nang makita ang napaka-guwapong hitsura ni Errol Jade Sanchez. Ang aking crush simula kindergarten.
“Wow, ang ganda natin ngayon, Kristine ah.” Nakangising bati ni kuya Raffa, ang nakakatandang kapatid ni Errol. Ito ang naatasang mag drive sa’min papuntang eskwelahan ngayon. Nakagawian na kasi ng pamilyang Bolivar at Sanchez ang sunduin ako mula sa bahay kapag exam times. Ayaw kasi ng mga ito na mali-late kaming dalawa kaya napagkasunduan ng dalawang pamilya na sabay na kaming dalawa pumunta ng eskwelahan. Kaya kahit magkaiba ang subdivision namin, sinusundo at hinahatid ako ng mga Sanchez.
“Para makapasa sa exams, Kuya Raffa.” Nahihiyang ngumiti ako. Dahan-dahan kong tinulak si Erol at umupo sa pwesto nito. “Ready ka na sa exams?”
Tiningnan niya lang ako bago tumango.
Biglang kumabog ang dalagitang puso ko sa ginawa niya. Lately kasi, napapansin kong iba ang kilos ni Erol. Hindi na ‘to palangiti sa’kin at hindi niya rin ako kinakausap. Sinubukan kong tanungin siya kung ano ba ang nagawa ko pero ilag siya masyado nitong mga nakaraang araw. Kaya ibinaling ko na lang ang atensyon at nakipagbiruan kay Kuya Raffy habang papunta kami sa eskwelahan.
“Good luck sa exams niyo, mga kidos!” Nag-park si Kuya bago ibinigay sa’ming dalawa ang lunch boxes namin.
Dali-daling lumabas si Erol at halos patakbong pumasok sa gate.
“Anong nangyari don?” nagtatakang tanong ni Kuya. Tinitigan niya ako. “Nag-away ba kayo?”
Umiling ako.
“Baka in-love na ang batang ‘yon!” Napatawa pa ito.
Napalunok ako at tila may mumunting mga paru-paru na sumasayaw sa puso ko. Hindi ko alam kung ano ang isasagot kay Kuya Raffa kaya dali-dali rin akong lumabas at halos patakbong pumasok sa silid-aralan.
‘In love si Errol? Kanino? Don’t tell me, may feelings siya sa’kin? My golly! Does this mean na magkakaroon ako ng boyfriend ngayon?’ Ito lang ang mga katagang paulit-ulit na pumapasok sa’king isipan habang sinasagutan ko ang exam sa English. Mas excited pa akong malaman na may feelings din si Erol para sa’kin kaysa pumasa sa exams.
Buong araw akong lutang at nagpapantasya sa mga eksena kung saan si Erol ang prinsipe at ako ang prinsesa. Kaya pakiramdam kong parang nahulog ako sa bangin nang marinig ko ang sigaw ng isang kaklaseng pumasok sa silid.
“Guys, si Errol andon sa section D at may dalang bulaklak para kay Erika!”
“Ha?” Napalunok ako. “U-ulitin mo nga ang sinabi mo, Mae?”
“Feeling ko sasagutin na siya ni Erika.”
“Pero si Kristine naman ang asawa ni Erol.” Singit ni Cherry, kaklase ko.
Tumawa si Mae. “Alam naman nating biro lang ‘yang team up nilang dalawa. Pero totoo talaga ‘tong kay Errol at Erika.”
Tumayo ang iba at dali-daling lumabas para maki-usyoso. Kahit nahihirapan akong huminga at nangngatog ang tuhod ko, sinubukan kong tumayo at lumabas ng silid. Lumapit ako sa kinaroroonan ng mga kakaklase ko at muntikang mawasak ang batang puso ko. Andon si Errol, bitbit ang isang bouquet ng rosas at teddy bear. Malapad din ang ngiti nitong nakatingin sa magandang Erika.
Bakit ganon?
Ako naman ang unang nakakilala kay Errol, ah? ‘Diba dapat ako rin ang unang makasungkit sa pag-ibig niya? Hindi ba ako karapat-dapat bilang girl friend niya?
Nakita ako ni Erika na nakatunganga sa kanilang dalawa na parang tanga. Ngumisi ang babae at tinanong si Errol sa napakalakas na tinig, “Si Kristine naman ang mahal mo, ‘diba Errol? Palagi nga kayong magkasama, eh. I mean, inseparable kayo since birth.”
Namutla bigla si Errol. Nakita kong medyo nanginig ang kamay niyang nakahawak sa teddy bear. Gusto kong lumapit sa mga ito at awayin ang babae kung bakit kailangan niyang gawin ‘yon.
“May crush ako sa isang BOT?” Napatawa ng malakas si Errol.
Napahinto ako sa inisip na gagawin ng marinig ang sinambit ng lalaki.
“I’m not interested in her, Erika. Seryoso ako sa panliligaw ko sa’yo at ginawa ko ‘to publicly para malaman na rin ng lahat na tama na ang panunukso nila sa’ming dalawa ni BOT.” Mahina naman ang pagkakabigkas ni Errol pero matigas at klarong-klaro, lalo na’t masyadong tahimik ang paligid dahil nakatuon ang atensyon ng mga tao sa kanilang dalawa.
“BOT?” Napataas ang kilay ni Erika.
“Baboy Over There.” Napangisi pa si Errol. “Fat girls are not my type. Period.”
Biglang lumiit ang mundo at tila lumakas ang tawa ng mga tao. Maraming mga mata ang nakatingin sa’kin at tila lumalabo ang paningin ko sa kanila. Naririnig ko lang ang mga katagang “BOT at Baboy Over There” habang dahan-dahan akong umalis pabalik sa silid.
Bakit ganon?
Anong nagawa kong kasalanan kay Errol?
Hinawakan ko ang braided hair ko at napangiwi kasi hindi kasing kulay ng buhok ni Erika. Mala-Rapunzel ang gintong buhok ng babae at tila putik naman sa’kin. Napatingin ako sa malaking braso ko at naalala ang trim and fit na katawan ni Erika.
Kinuha ko ang mga gamit ko at naghintay kay Kuya Raffy sa parking area. Nakita kong paparating si Errol kaya muntik na akong magtago sa isang bisikletang nakaparada.
Bakit ako magtatago? Anong kasalanan ko?
Kaya parang nakapako lang ako sa kinatatayuan ko habang tiningnan si Errol.
“Wala pa si Kuya?” walang tonong tanong niya.
Umiling ako.
Ito ang unang malalim at nakakatakot na katahimikan sa pagsasama namin ni Errol simula bata pa kami hanggang ngayong nasa fifth grade na kami. Tila sasabog ang puso ko sa lahat ng mga pangyayari kaya hindi ko maiwasang tingnan siya at tanungin, “Why are you doing this to me?”
“What?” balik tanong niya habang nakatingin sa kawalan.
“Ano bang nagawa ko sa’yo, Errol? We’ve been friends for years…” Hindi ko natapos kasi may luhang bumara sa lalamunan ko.
“Sawang-sawa na ako, Bot.”
“Saan?” Hindi maiwasang mahulog ang mga luhang pilit kong kimkimin. Wala akong dalang panyo kaya ang buhok ko ang pinahid ko sa luha’t sipon. “Hindi naman kita inaaway ah. Naging mabait naman ako sa’yo.”
“I hate what you represent.” He sighed. “I do not even like you so please stop having fantasies that we’re going to end up together someday.”
Napaupo ako sa daan at humagulgol.
Akala ko nagtatampo lang si Errol sa’kin. Akala ko magbabati rin kami kinalaunan. Isa palang napakalaking pagkakamali ang umasang mabubuo ulit ang samahan naming dalawa.
Dahil nagsimula sa araw na ‘yon ang aking bangungot.