Chapter 6 - Reckless

2604 Words
Habang abala ang lahat sa pag-so-solve, ako naman ay hindi magkamayaw sa kinauupuan ko. Hindi ako mapakali dahil patapos na ang oras pero halos wala pa akong nasasagutan! Habang kaharap ko ang papel ko na halos blangko ay pasimple akong lumingon sa paligid. Abala ang lahat ng kaklase ko sa pag-so-solve pero halata ring nahihirapan. Pasimple kong sinulyapan si Archie na isang upuan ang layo sa akin. Napangiwi ako nang makitang busy rin siya sa pag-so-solve. Kunot na kunot pa ang noo nito habang ang mga mata ay tutok na tutok sa papel niya. Hay, sana naging papel na lang ako. Joke! Ano ba naman kasi ‘to?! Wala na nga akong maisagot pero puro kaharutan pa rin ang nasa utak ko! Tapos na ako sa first part ng long quiz. Multiple choice kaya madali lang… madaling hulaan. Ang kaso ‘yong second part ay mayroong problem solving! Alam kong bobo ako, aminado naman ako roon, pero hindi ko alam na ganito pala kalala. Naiiyak na ako! Nagulat ako nang bigla akong lingunin ni Archie kaya nagtama ang paningin namin. Parehas kaming nasa bandang likuran nakaupo. Tiningnan niya ako na para bang nagtatanong kung may sagot na ako. Patapos na ba siya? Eh, wala pa nga akong nasisimulan dito sa second part! Kahit gustuhin niya pa akong pakopyahin ay hindi rin pwede dahil mahuhuli talaga kami ng prof. Buti sana kung multiple choice ‘to para magsenyasan ng sagot. Hindi rin naman ‘to highschool na pwedeng magpalipad ng eroplanong papel kung saan nakasulat ang sagot. Nag-iwas ako ng tingin sa kaniya dahil baka makita pa kami ng professor sa harap. Nagkunwari na lang akong nag-so-solve dahil ayaw ko siyang konsensyahin. Hindi naman siya oligadong magpakopya, ‘no. At saka kung tutuusin ay madali na nga lang ‘to pero hindi ko pa masagot. Hindi rin kasi ako nakapag-review dahil tinake over ko ulit ang shift ni Mauve kagabi dahil kinailangan niyang mag-review para sa biglaan din nilang quiz. Nagpresinta na akong tulungan siya dahil hindi ko naman alam na ngayon na ang quiz namin. Ang akala ko ay next week pa! Wala akong choice kundi lagpasan ang second part at sagutan iyong iba. Mababaliw yata ako. Pagkatapos ng quiz ay bagsak ang balikat ng halos lahat sa amin. Parang lahat kami ay napapatawag na lang sa lahat ng santo. Ilang linggo pa nga lang ang pasok pero pakiramdam ko ay drained na agad ang energy ko na para sa buong sem. Pagkalabas na pagkalabas pa lang ng professor ay agad na naging maingay ang classroom, nagtatanungan sa mga sagot sa exam at tinatantiya na ang scores nila. Bagsak ang balikat na niligpit ko ang mga gamit ko. Paglabas ko ng room ay naroon si Archie, nakatayo sa may hallway at mukhang hinihintay ako. Kasama niya rin ang iba naming blockmates na tropa niya. “Ace! May nasagutan ka ba?” bungad na tanong sa akin ni Jacob. Sa itsura niya at tono ng tanong, para bang umaasa siyang wala akong nasagutan. “Halos sa multiple choice lang ako nagsagot!” bagot na sabi ko. “Ano ba ‘yan. Bakit may sagot ka roon? Ako nga, wala, eh.” Mas bumagsak ang mga balikat niya sa sinabi ko. “Eh, sa second part, may nasagutan ka ba? 5 items ‘yon, 3 points isa!” dagdag pa ni Jacob. “Dalawa lang ang nasagutan ko, hindi pa sigurado! Kayo ba? Anong sagot n’yo sa number 2 sa second part?” tanong ko sa kanila. “69,” sagot ng isa na agad nilang binatukan. “Tangina mo, Daryl. Kaya lagi kang walang score sa recit!” kantyaw nila rito. Ang ingay ingay na nila rito sa hallway! “16 sa ‘kin,” saad ng isa pa. “Bakit 16? 256 sagot ko!” reklamo ko. Bakit ang layo ng sagot ko?! “256?! Gagi, same!” sabi ni Jacob na nagliwanag ang mukha. Natuwa naman ako at nag-apir kaming dalawa. Yes, baka tama na ako sa item na ‘yon! Tuwang-tuwa kami na nag-ce-celebrate na dahil parehas kami ng sagot nang biglang magsalita si Archie. “8 ‘yong sagot,” mahinang sabi niya na ikinatigil naming lahat. Napatingin kami sa kaniya. “Seryoso?” Nawala ang mga ngiti namin. Tumango naman si Archie. Bumagsak na lang muli ang mga balikat namin. Napakamot na lang ako sa batok at dismayado ang mukha. “Tara, tara, lunch na tayo. Kapag si Archie na ang nagsalita, matik na ‘yan. Olats tayo, mga pre!” yaya ng kaibigan nila. Malungkot ang mga mukha namin. Sayang din ang puntos doon. Bagsak talaga ako. Si Archie pa ba? Kung gaano katalino ‘yan, kabaliktaran naman ako n’on. “Sakit n’yo naman. Tara na nga, ikain na lang natin ‘to,” yaya ni Jacob. Niyaya rin nila akong sumabay sa kanila na tinanggihan ko naman. “Hindi na, may pupuntahan pa ako,” sabi ko. “Gano’n ba? Sige, una na kami,” paalam nila. “Chie, tara na!” “Mauna na kayo. Susunod ako,” pagpapauna sa kanila ni Archie. Tumango na lang ang mga ito at umalis na. “May nasagutan ka ba?” tanong ni Archie sa ‘kin. Concern ba siya na wala akong magiging score? Tumango ako. “Meron, hindi ko nga lang sure ‘yong iba. Hayaan mo na, sanay naman ako sa itlog na score saka babawi na lang ako next week,” sabi ko at ngumiti sa kaniya. Parang mas down pa siya kaysa sa akin. Tumango na lang siya at inakbayan ako. “Bakit ayaw mo sumamang mag-lunch? Sa’n punta mo?” “Baka kasi may trabaho ako, ‘no?” Inirapan ko siya at medyo inilayo ang sarili ko. Pinagtinginan kasi kami ng mga kaklase namin dahil sa ginawa niya. Harot, ha! “Okay. Huwag mong kalimutang kumain ng tanghalian,” paalala niya. “Puntahan kita after shift mo? Pupunta kami sa Boni. Daanan kita mamaya.” “Boni? Bakit? Anong meron?” usyoso ko. Kagagaling lang namin sa BGC last week, ah. Mabilis na lumipas ang isang linggo mula noong nagpunta kami roon at mula noong umuwi si Sienna. “Birthday ni Nix,” sagot niya. Tumango na lang ako. Gusto ko sana siyang paalalahanan dahil may pasok bukas ng umaga. Minsan kasi ay hindi talaga maiiwasang mag-skip ng klase sa umaga kapag matindi ang hangover. Kaya hindi na kami masiyadong umiinom at gumagala kapag weekdays. Kaso lang ay buhay niya naman ‘yan kaya bahala siya. “Huwag mo na akong daanan. Umuwi ka na lang diretso. Mapapalayo ka pa. Agahan mo lang umuwi kundi ipapa-lock ko kay Toshi ‘yong pinto. Sa labas ka na lang matulog kapag nagkataon,” pang-aasar ko. “Wow, ayaw na akong kasabay ngayon? Bago ‘yan, Aestheria, ah.” Ngumisi siya kaya naman napairap ako. “As if gustong-gusto kitang kasabay.” “Bakit? Hindi ba?” “Hindi! Nagsasawa na nga ako sa pagmumukha mo. At saka ano ka ba? Hindi naman pwedeng lagi tayong magkasabay. Baka masanay ka na sa ‘kin niyan! Paano ka na lang kapag wala na ako? Tsk, tsk,” pang-aasar ko ulit na ikinataas ng kilay niya. Or more on… I meant the opposite. Hindi kami pwedeng magsabay palagi dahil baka masiyado na akong masanay sa kaniya. Paano na lang ako kapag wala siya… hindi ba? “Bakit? Mawawala ka ba?” biglang tanong ni Archie na bahagya kong ikinatigil. Unti-unting nawala ang ngiti sa labi ko at napalitan ‘yon ng pagkabigla dahil sa tanong niya. Natahimik ako at gano’n din siya. Mataman siyang nakatingin sa akin, bahagya nang nakakunot ang noo, at hinihintay ang sasabihin ko. Pilit akong ngumiti sa kaniya at nag-iwas ng tingin. Hindi na ako nagsalita dahil hindi ko rin alam ang dapat kong sabihin. BUONG HAPON ay naging abala ako sa shift ko. Marami ring customer ngayong araw at marami akong kinailangang ayusin at linisin kaya naman kahit papaano ay nawala ang malalim kong pag-iisip tungkol sa kung ano-anong bagay. Ayaw kong mag-overthink dahil sa naging huling usapan namin ni Archie. Being away and separated from him… is probably my biggest fear. Pangalawa na lang siguro ay ang future ko na hanggang ngayon ay hindi ko matanaw. Malabo. Nakakapangamba. Nakakabalisa. Nakakabaliw. Pangalawa lang siguro ang future ko at una si Archie… dahil mas lalong hindi ko makita ang future ko kung wala siya. Priority ko ba na makasama siya? Siguro. Oo, aaminin ko ‘yon. Iniisip ko pa lang na hindi ko siya makakasama, o magiging malayo ako sa kaniya, pakiramdam ko ay iniisip ko ang katapusan ng mundo. Pathetic with how it sounds… but I don’t really know if I can still live a life without him. Ayos lang kahit hindi na niya suklian ang nararamdaman ko para sa kaniya. Kahit hindi niya na ako mahalin gaya ng pagmamahal ko sa kaniya, kahit maging magkaibigan na lang kami habangbuhay. Ayos lang, basta huwag ‘yong malayo sa kaniya. Huwag ‘yong hindi ko siya natatanaw. Hindi ko kaya ‘yon. Ayos lang kahit hindi na sobrang lapit, basta tanaw ko siya, dahil sanay naman akong mahalin siya nang patago. Wala na akong pamilya, wala akong magulang, wala rin akong kapatid. My relationship with my mom is really f*cked up. Mayroon na rin iyong bagong pamilya kaya naman hindi niya na ako pinapansin. Hindi niya rin naman ako mapansin kahit anong gawin ko at malayo talaga ang loob namin sa isa’t isa. Nag-iisang anak lang ako ng mga magulang ko. ‘Yong papa ko ay matagal nang patay, sampung taong gulang pa lang ako. Pagkatapos ay marami nang naging nobyo at kinakasama ang nanay ko hanggang sa muli siyang nag-asawa. Kung si Papa ang kasama ko… siguro ay mas naging maayos ang buhay ko pero siya pa ang kinuha sa akin. Napakabait niyang tao at mapagmahal na ama. Namatay siya sa isang car accident. Magmula pagkabata ay ramdam ko ang pag-iisa. Ang totoo ay hanggang ngayon naman, alam kong mag-isa lang ako. Nandiyan si Archie at ang mga kaibigan ko, pero kung tutuusin ay may mga pamilya rin naman sila. Meron din silang ibang kaibigan at kakilala, may totoong kaagapay sa buhay bukod sa kaibigan pero ako, wala. Zero. Dead end. Sa oras na kasama ng mga kaibigan ko ang sari-sarili nilang pamilya at kakilala, naiiwan ako palaging mag-isa. Kaya masisisi ba ako ng tadhana? Gayong buong buhay ko ay kasama ko si Archie at sanay ako na nariyan siya. We literally grew up together. Nakatira pa ako kasama si Mama ay nariyan na siya hanggang ngayong patapos na kami sa pag-aaral. Paano ko makakayang mag-adjust mula sa ganoon? Okupado ang utak ko sa mga bagay na bumabagabag sa akin hanggang sa matapos ang shift ko. Dumiretso na rin agad ako pauwi nang dumating na si Mauve para sa shift niya. Tinanong niya kung ayos lang ba ako. Siguro ay nahalata niya akong maraming iniisip. Napilitan akong ngumiti sa kaniya at makipagbiruan para sabihing ayos lang ako dahil ayaw ko siyang pag-alalahanin pa. Naglakad lang ako pauwi para kahit papaano ay ikondisyon ang sarili ko. Lagpas alas-sais na ng hapon kaya naman nakalubog na ang araw. Pagdaan ko sa isang kalye ay napahinto ako nang matanaw ang isang grupo ng mga kalalakihan. Sa tingin ko ay halos kasing-edad ko lang ang mga ito. Napangiwi ako sa pagkadismaya at napailing-iling. Mukhang may hinaharangan sila sa kabilang dulo ng kalye. Hindi naman ako nasindak at nagpatuloy sa pagdaan hanggang sa madaanan ko sila mismo. Nakaharang ang mga ito sa daan habang mukhang may hinaharangan at tinatakot. “Padaan,” kaswal na sabi ko dahil nakaharang sila. Napatigil naman ang mga ito at nilingon ako. Nagkatinginan ang tatlo. “Ikaw na naman? Puta, bakit ba sumusulpot ka tuwing abala kami?” Nginisian ko siya. “Hindi ko kasalanan kung nakaharang kayo tuwing dumadaan ako.” “Astig ka rin, eh, ‘no?” pikon na sabi ng nasa gitna. “Paparaanin n’yo ba ako o hindi?” inis na tanong ko. Badtrip, huwag akong subukan ng tatlong ito dahil marami akong iniisip. Palagi kong nakakasagupa ang grupo nila. Puro paastig at pananakot, pero kapag sinapak mo wala namang mga lakas. Sadyang gago lang at walang magawa sa buhay. Muling nagsalita ang isa sa kanila pero ang tingin ko ay napako sa babaeng hinaharangan nila. Napaawang ang labi ko nang makita kung sino ang babaeng ‘yon. Si Dabin! Nakatayo siya sa gilid ng isang lalaki habang yakap ang sarili niya. May buhat pa siyang case ng gitara sa kaniyang balikat. Takot na takot siya at namumutla, parang anumang oras ay mahihimatay na siya. “Hoy, bingi ka ba?” singhal sa akin ng isa sa kanila kaya muling naagaw ang atensyon ko. “Ano ‘yon? May sinabi ka ba?” tanong ko at bahagyang ngumisi. “Pwes, hindi ako interesado kung anuman ‘yon.” Tuluyan itong napikon at susugurin sana ako pero hindi niya tinuloy. Duwag ang gago. Minura niya lang ako habang nanggagalaiti. “Pakawalan mo ‘yong babae,” mahinanong sabi ko. Nag-angat ng tingin si Dabin nang marinig ‘yon at bakas ang gulat sa mga mata niya nang makita ako. “Ano? Gago ka ba? Bakit kita susundin?” galit na sabi ng lalaki. “Inuutusan mo ba kami, ha?” “Kailangan ko pa bang linawin ang obvious na?” sarkastikong tanong ko. Inangat niya ang palad na para bang sasampalin ako pero hindi naman ako natinag. Pinigilan siya ng kasama niyang lalaki. “Chill, pre. Kausapin kasi natin nang maayos si Miss,” sabi nito at hinawakan ako sa balikat. Napaiwas ako ng tingin at napairap. Ilang linggo na pala akong walang nasasapak. Na-mi-miss na ng kamay kong may madapuang mukha. Tiningnan ko ang lalaki at ang kamay niyang nakahawak sa balikat ko. “Bitawan mo ako,” mahinahong sabi ko. “Ganda mo sana kaso masiyado kang matapang. Nakakatapak ng pagkalalaki.” Umiling-iling ito sa akin. “Alam mo, Miss, sa kabila ka na lang dumaan.” “Miss, my ass. Assh*le,” bulong ko at bago pa siya makapagsalitang muli ay agad ko na siyang sinuntok sa mukha. Nagulat ang dalawang kasama nito at agad akong sinugod. Mabilis kong naiwasan ang isa at agad na sinuntok ang isa pa, ‘yong mayabang nilang lider kuno na duwag naman talaga! Hindi lang suntok ang ibinigay ko sa kaniya at sinipa ko rin siya sa dibdib. Nilakasan ko na lalo na noong maalala ko ang lahat ng atraso nila sa akin. Hindi nadadala ang mga tarantadong ‘to! “Put—” Agad kong sinuntok sa bibig ang isa pa na ikinaatras nito. Galit itong tumingin sa akin nang makita ang dugo mula sa bibig niya. Ngumisi lang ako. “Sinabi ko kasing pakawalan mo ‘yong babae at paraanin n’yo ako. Gaano ba kahirap ‘yon?” “Tangina mo, Ace!” “Tangina mo rin, gago! Duwag!” mura ko sa kaniya pabalik at siniko ang mukha niya nang ambag hahawakan niya ako sa braso. Hindi ko napansin ang paglapit ng isa kaya muntik na ako nitong masapak. Mabuti na lang at agad kong nailagan. Muntik nang mabangasan ang ganda ko roon, ah! Agad kong hinawakan ang braso ni Dabin at hinatak siya palayo. “Takbo!” sigaw ko at sabay kaming tumakbo palayo sa mga ‘yon. “Tangna, Hector! Habulin mo!” sigaw naman ng isa. Patuloy lang kami ni Dabin sa pagtakbo palayo sa kanila. Ang dilim na ng paligid at halos hindi kami magkamayaw sa pag-ikot sa mga kalye basta’t makalayo lang.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD