Episode 2: The Death Penalty

2107 Words
Naunang si Warden sa paglalakad at nakasunod naman si Shin sa kanya. Kanina pa tahimik ang kaibigan ngunit naiintindihan ni Shin kung bakit. Nakita niya ang threat na nakaipit sa kanyang libro at malaki ang posibilidad na dahil doon kung kaya’t kakaiba ang kinikilos ni Warden sa mga oras na ito. Napahinto ito ang kaibigang si Warden nang may nakitang lumilipad sa saranggola sa kanilang itaas. Tumingala ito kasabay ng pag guhit ng ngiti sa kanyang mukha at tinuro ang naturang laruan sa kalangitan. Bumaling naman si Shin sa tinuturo ng kaibigan sa himpapawid. "Sana magkasama tayo hanggang sa pagtanda, Shin." aniya sa masayang tono. Palihim namang napangisi si Shin. Madalas itago ng mga tao ang kanilang nararamdaman, kung malungkot sila ang panlabas na anyo ay masaya. Ngunit kung masaya, masaya rin ang panlabas ng anyo. Batid naman ni Shin kung bakit tinatago ng kaibigan ang sa kanya ang kanyang saloobin. Iyon ay dahil ayaw niyang mag-alala ito sa kanya.   "Mangyayari 'yan." Walang ganang sabat naman ni Shin. Nilagpasan niya ito at naunang naglakad patungo sa gate ng paaralan. Hindi niya gustong makita ni Warden ang reaksyon sa kanyang mukha. Nais niyang si Warden mismo ang magsabi sa kanya tungkol sa threat. "Oo! Tayo ulit ang bubuhay sa teknolohiya!" Masayang ani ng kaibigan. "Eroplano, tren, barko, at marami pang iba!” masaya niyang sabi. Si Shin ay nakikinig lamang sa ambisyon ng kaibigan sa likuran. Imposible iyong mangyayari kung isa sa kanila ay mawawala nang tuluyan sa mundo. Gumagambala sa isipan ni Shin ang natanggap na parusa ng kaibigan, hindi siya makapagisip nang mabuti. Hanggang kailan ito maglilihim sa kanya tungkol sa Blue Card?  “Hindi ba, Shin?” tanong niya at tinakbo ang distansya sa pagitan niya at ni Shin. Inakbayan niya ito habang hindi naman inaalis ang ngiti sa kanyang labi. “Gamit ang utak mo at ang suporta ko,” biro niya at sinundan ng tawa. Nanatili namang nakatingin nang seryoso si Shin sa dinadaanan. Hindi naman din iyon napansin ni Warden at pasimple niyang inalis ang kamay ito sa kanyang balikat at naunang naglakad. Hindi rin iyon namalayan ni Warden.  Walang magawa ang tulad niyang mga ordinaryong taong nahatulan ng kamatayan dahil sa paglaganap ng tama man o maling impormasyon tungkol sa mga metahumans. Kahit hindi pa siya nakakapunta sa kontinente ng mga taong may kakaibang nilalang, batid niyang may hindi ordinaryong taglay ito sa kanilang katawan. Ayon na rin sa nalalaganap niyang sabi sabi at nagbabasa sa mga libro.  Pero kahit gayunpaman, ang nais niya ay masalba ang kaibigan sa kahit anong paraan. Mahina siya ngunit magpapakatatag siya para laman sa kaibigan. ** "Let us pray for our beloved Ms. Vivian. May she rest in peace forever.." Matapos ang seremonya na madalas ginagawa bago mag umpisa ang klase, nanatili ang lahat ng magaaral sa field upang manalangin sa namayapang guro. Ang mga studyante ay taimtim na nananalangin para sa guro. May iilan ang umiiyak dahil napalapit na sila sa naturang guro, at may mga kasamahang guro rin ang umiiyak sa isang tabi. Nagluluksa ang lahat dahil sa nangyari. May iilan ang humahagulgol at nabibilang doon ang pamilya ng yumaong guro. Napayuko ang ulo ni Shin at sumabay sa prayers nang maalala muli ang sasapitin ni Warden. Hindi mapakali ang kanyang isipan, hindi siya pwedeng maghintay kung ano ang mangyayari dito.  Napatingin siya sa kaibigang palihim na kasalukuyan ay umiiyak sa kanyang tabi. Tinatakpan nito ang kanyang labi upang pigilan ang pag hikbi. Nag uunahan namang umagos ang luha sa kanyang mga mata. Napakagat ng labi si Shin dahil sa nakitang eksena. Hindi niya maatim na makita ang kaibigang ganito ang dinadaranas. Malakas siyang tao ngunit siya’y nanghihina kapag nakikita niya ang kaibigang nanghihina rin. Si Warden ay naging kaibigan niya magmula nang isilang siya sa mundo. Naging kapatid na ang kanyang turing dito kahit hindi naman sila magkadugo. Aniya’y hindi basehan sa dugo kung paano niya ituring na kapatid ang kaibigang si Warden. Hindi nakatiis si Shin at agad niya itong hinigit at nilayo sa iba pang mag aaral. “Shin, saan tayo pupunta?” tanong ni Warden sa kanya. Nagtataka sa kaniyang biglang inasta. Pinahid niya ang kanyang luha sa takot na baka makita ni Shin.  Dinala niya ito sa likod kung saan walang makakakita sa kanilang dalawa. Naglalakihang punong kahoy ang nakapalibot, maraming d**o sa paligid. Kung mayroon man ang makakarinig sa kanila iyon ay ang mga ibon lamang na lumilipad sa itaas ng mga punong kahoy. "Shin! Ano bang ginagawa mo?!" iritableng tanong ni Warden nang binitiwan ni Shin ang kanyang kamay. Bahagya itong tumalikod upang punasan ang mga natirang luha sa kanyang pisngi at mata. Nang humarap siya’y Inangat ni Shin ang blue cards sa harap ng kanyang mukha. Tumitiim ang bagang ni Shin habang nakatingin sa kaibigan. Hindi kailanman naglihim si Shin kay Warden, at inaasahan niyang sasabihin ni Warden ang totoo sa kanya.  Nanlalaki naman ang mga mata niya "P-paano mo nakuha..." Umiling si Warden at hindi na nagawang pigilan ang luha sa kanyang mga mata. Bakas sa kanyang mukha ang takot lalo na sa mga oras na ito na alam na ni Shin ang tungkol sa kanyang tinatago. "Hanggang kailan mo itatago? I susurpresa mo ako isang umagang patay ka na?" Hindi nakapagsalita si Warden, yumuko ito at biglang humagulgol ng iyak. Bigla siyang lumuhod sa damuhan dahil sa panghihinang nararamdaman. Si Shin ay nakatingin lang sa kaibigan habang umiiyak nang malakas. Baka sa kanyang boses ang lungkot at tila ayaw humupa ang kanyang luha.  "Gusto ko pang mabuhay!" Hagugol na aniya, "Pero hindi ko alam kung paano!" napiyok ang kanyang boses. Itinapat niya sa kanyang mukha ang nakadikit na mga palad at idinikit sa kanyang labi. Umangat naman ang mukha ni Shin at napapikit nang mariin. Binalot siya ng awa nang marinig ang boses ng iyak ni Warden. Sa buong buhay niya hindi kailanman ito umiyak nang ganito ka lala. Kahit noong mga bata pa sila, kapag nadadapa ito ay tumatawa lang ito ngunit nahahapdian sa natamong sugat.  “Hind ko gustong mang iwan, natatakot ako mamatay, Shin. Hindi ko pa naabot ang pangarap ko!” humahagulgol na aniya. Tinakpan niya ng kanyang dalawang palad ang kanyang mukha at mas lalong humagulgol. Si Shin ay napahawak lang sa kanyang batok at tila malaki ang problema ang kinakaharap.  "Tumayo ka!" Tinulungan nito ang kaibigan na nanginginig sa pagtayo. Ito ang unang paraan niya ng pagtulong. Hindi niya nais makita itong nahihirapan. Tinatanggap nilang kapag ordinaryong tao ka, mahina ka talaga at walang laban sa mga makapangyarihan. Ngunit, alam nilang dalawa na may ambition sila upang mahigitan ang mga taga west continent.  Nagsisimula pa lamang silang dalawa. "May narinig ka ba kailan ang hatol mo?" tanong ni Shin. Sandali namang kumalma si Warden, ngunit ang kanyang kamay ay nanginginig at ang kanyang mukha at leeg ay namumula. Nang hindi agad nakasagot si Warden ay sumigaw naman si Shin. “Sumagot ka!” nanlilisik ang kanyang mga mata sa frustration. "Ang sabi sa akin ng CWPO Agent maghanda sa byernes." Pareho silang napaisip kung kailan ang nasabing araw, "Ngayon 'yon.." ani ni Warden at napatingin sa kawalan nang mapagtanto. Napapikit ng mata si Shin. Ngayon, at hindi bukas, ngayon kikitilin ang buhay ng kaibigan. CWPO Agent--- Mga utusan ng gobyernong pinapatakbo ng makapangyarihang Metahumans, hindi nila gustong kumitil ng buhay pero ayon sa batas ng present regime kung hindi nila susundin ang kautusan, ang buhay nila o mismong buhay ng pamilya nila ang mawawala. Binubuo ito ng humans at metahumans, pero sa humans lang applicable ang kundisyong ito. "Umuwi na muna tayo." Sabi ni Shin at naunang humakbang papalayo. Napatingin naman si Warden sa kanya dahil sa pagtataka. Lumingon si Shin nang marinig si Warden na nagsalita. "Paano ang final exam? Hindi ba gusto nating maka graduate?" Sabi ni Warden nang maisip ang last examination ngayong araw. Hindi naman agad nakapagsalita si Shin. Noon pa man, pangarap na niyang makapagtapos ng pag-aaral. Ngayon ay tila umatras ito upang iligtas si Warden. Mas uunahin niya ang kaligtasan ng kaibigan kaysa sa sariling ambition. Sa pamamagitan nito sabay nilang maabot ang kanilang pangarap kahit hindi makapagtapos. "Uunahin mo pa ba yan? Kaysa sa buhay mo?" Tanong ni Shi kay Warden. Napayuko naman si Warden, nakaramdam siya ng guilt. Kung sakaling hindi siya mailigtas ay baka tuluyang masira ang kapalaran nito. Gayon pa man nirerespeto niya ang desisyon ni Shin... Sumuko ito at tumango, agad silang umuwi sa kani kanilang tahanan upang magplano ng pagtakas. Mabilis ang lakad ng dalawa na tila nagpapaligsaan kung sino ang pinakamabilis na maglakad sa kanilang dalawa. Ilang sandali ay biglang dumilim ang kalangitan at maya maya lamang ay bumuhos ang napakalakas na ulan. Di alintana ni Shin ang mabilis na pagpatak nito, kahit pa'y alam niya sa sariling mahina ang resistensya at madali itong magkasakit. Kahit ang kulog at kidlat na nagliliwanag panandalian sa kapaligiran. Wala siyang pakealam, ang nasa isip niya ang iligtas ang kaibigan. "Magkita tayo rito pagkatapos mong mag impake, dalhin mo lahat ng importanteng bagay." Sabi ni Shin sa kaibigan habang parehong basang basa sa ulan. "Saan mo ba tayo balak pumunta?" tanong ni Warden, hindi alam ang plano ng kaibigan. Napatingin ito kay Warden. "South Carolina sea." Sabi ni Shin, napahinto si Warden nang ngumiti si Shin, "Doon tayo bubuo ng teknolohiya, bubuo tayo ng bagong mundo."  Imposible. Ani ng isipan ni Warden, pero naisip niya rin ang kakayahan ng kaibigan. Matalino ito at madiskarte, isang kakayahan kinakailangan upang maging erudite ang isang normal na tao. Erudite. Ang kailangan ng metahuman scientists na sa mga iilang humans lamang mahahanap.   "Sige..."   Magkatapos ay nagkasalungat ng tinahak na daan ang dalawa. Kadalasang gabi ang oras sa pagtikil ng nagkakasala kaya kumpyansa si Shin na marami pang oras para makatakas. Malapit pa lang mag tanghali, pero dahil sa makapal na ulap ay parang palubog na rin ang araw.   "Final exam ngayong araw, hindi ba't gusto mong makapasok sa CWPO?" Ilang metrong layo na lang ang kailangang lakarin ni Shin patungo sa kanilang bahay nang makarinig ng boses ng isang babae sa daan.  Inalis nito ang ang kamay sa ibabaw ng noo na nagsisilbing payong sa malakas na ulan upang tingnan ang nagsasalita. Nakasuot ito ng raincoat nang iangat nito ang dalang payong upang maharap si Shin. Nakangiti ito nang tingnan sa mata ang binata. "Sino ka?" Tanong ni Shin. "Kung gusto mo palang itakas ang kaibigan ba't kailangan mo pauwiin? Hindi ganyan ang taglay upang maging CWPO, Shin." Matamis na ani nito. "Sino ka?!" Sigaw ng binata. Pagtataka niya'y bigla itong susulpot sa harap, magsasalita at babanggitin ang pangalan niya.  "Secret!" Nag peace sign ito at labas ngipin itong ngumiti, "Hulaan mo." Dagdag pa nito. Hindi na sumagot si Shin at dali daling naglakad, nilagpasan ang naturang babae. "Iiwan mo si Lola Estrella para sa isang kaibigan?" Biglang napahinto si Shin sa paglalakad at lumingon sa babae. Hind iiwan, kundi isasama, pero alam niyang isang neutral ang kanyang lola kaya imposible itong maisama sa pagtakas. Pero ang pinagtataka niya'y alam lahat ng babae ang tungkol sa kanya. "Metahuman ka, hindi ba? Ba't kailangan mo basahin ang buhay ko?" Sabi ni Shin na ikinatuwa ng babae.  "Metahuman my ass." "Hindi ko alam kung para saan at pinipigilan mo ako, ni hindi kita kilala. pero please.." Pagmamakaawa ni Shin, "...hayaan mo ako." Pagkatapos sabihin ay agad itong tumakbo upang hindi maabutan ng babae. Ngunit hindi pa nangangalahati sa pagtakbo'y tumalon ng napakataas ang babae upang maunahan nito si Shin at mabilis na humarang sa binata. "I'm not metahuman, I'm from the future." Isang mabilis na pangyayari nang suntukin nito si Shin sa bandang baba.  Sa isang iglap, nagdilim ang paningin ng binata.   **   "Shin Peterson? Finish the test so you could continue napping on your home." Isang boses ang gumising sa kanyang mahimbing na pagtulog. Pagdilat ng mata'y nasa isang sulok siya ng silid aralan, may hawak na ballpen at di natapos na test paper sa arm chair, siya lamang ng nag iisang studyante sa loob at isang gurong tila nagbabantay sa kanila. Napatingin siya sa bintana at mapuna ang paglubo ng araw at kulay kahel na kalangitan.   Napahawak siya ng kanyang ulo dahil sa biglaan nitong pagsakit. Isang malabong pangyayari at pigura ng babae ang nasa isipan niya. Napatingin siya sa test paper, isang numero na lamang at matatapos na siya sa kanyang exam. Sobrang pagtataka ang nararamdaman niya, ang nangyari kanina bago siya makarating sa silid aralin, nakaupo, nagtake ng exam, at paanong nakatulog. Isang malaking katanungan sa isipan na hinding hindi niya masagot dahil sa pagkawala ng kanyang mga alaala.    Nanlaki ang mata nito nang maalala ang kaibigan. Gabi na at ngayong araw ang hatol niya! Ani ni Shin sa isipan. Tinapos nito ang exam at dali daling binigay sa guro ang test paper. Mabilis itong tinahak ang corridor nang may mabunggong kaklase sa daan.   "Oy, Shin. Pupunta ka ba mamaya?" Tanong nito na nakangiti. Kumunot ang noo nito, pupunta? Saan? Ang bawat pagbigkas nito ng salita ay ang pagdahang dahang pag gunaw ng mundo ni Shin. "Di mo alam? Ngayon ang libing ni Warden." 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD