1
"Mahal, kumain ka na. Inihanda ko na ang almusal mo. Kailan mo ba ako balak sabayang kumain?" malungkot ang tinig na wika ni Flora.
Matalim siyang tiningnan ni Jack. "Huwag ka ngang magpanggap na mabuting asawa kita dahil hindi! Isa kang hangal at tatanga-tanga! Dapat pala hindi na lang kita pinakasalan! Kung alam ko lang na tanga ka, matagal na kitang hiniwalayan! Kupal! Umalis ka nga sa harapan ko! Sampalin ko pa iyang nakakabuwisit mong pagmumukha!"
Padabog na naglakad ang kaniyang asawang si Jack palabas ng kanilang bahay. Simula nang makunan siya, naging ganoon na lang ang trato sa kaniya ni Jack. Mahal nila ang isa't isa noong una ngunit naglahong bigla ang pagmamahal sa kaniya ni Jack dahil sa nangyari. Kasalanan niya kung bakit nawala ang kanilang anak. Inakala niyang may babae ang asawa niya kaya sinundan niya ito hanggang sa madisgrasya siya at makunan. Galit na galit sa kaniya si Jack. At matapos ang araw na iyon, hindi na naging maayos pa ang pakikitungo nito sa kaniya.
Umuuwi pa rin ito sa kanilang bahay ngunit magkaiba na sila ng kuwarto. At nang araw ding iyon, hindi na sila muling nagsiping pa.
Naluluhang naupo na lamang si Flora habang nakatingin sa pagkaing inihanda niya. Palagi siyang naghahanda ng almusal para may laman ang tiyan ng kaniyang asawa. Ngunit ni minsan, hindi kinain ni Jack ang pagkaing inihanda niya. Hindi pa naman siya nasasaktan ni Jack ng pisikal ngunit masakit ito sobra kung magsalita.
"Hanggang kailan mo ako sasaktan ng ganito?" lumuluhang bulong ni Flora sa sarili.
Itinabi na lamang niya ang natirang pagkain. Iyon na lang ang kakainin niya mamaya. Wala naman siyang aasahan sa kaniyang asawa. Gabing-gabi na naman iyon uuwi at diretso tulog na. Tapos pagsapit ng kinabukasan, aalis na ulit para pumasok sa trabaho. Mataas na rin kasi ang posisyon ng kaniyang asawa. Habang si Flora naman, may kinikita rin sa pagiging reseller niya. Noong una, wala siyang pera dahil hindi pa siya nagre-reseller. At naisip niyang mas mainam na mayroon siyang pera.
Sinubukan niyang manuod ng movie ngunit wala siyang napiling panuorin. Kaya natulog na lamang siya. At pagsapit ng hapon, lumabas siya sa kanilang bahay. Naglakad-lakad siya. Tinitingnan niya ang mga batang naglalaro sa labas. Malungkot siyang ngumiti. Kung hindi lang sana siya nakunan, kasama niya sanang naglalaro sa labas ang kanilang anak.
"Ay piste!" sigaw niya nang may lumipad na kung ano sa kaniyang kinatatayuan.
"I'm sorry... hindi ko sinasadya," wika ng isang lalaking mayroong magandang pangangatawan.
Napatitig si Flora sa lalaki. Isang taon na rin ang lumipas simula nang maging kapitbahay niya ang lalaking iyon pero hindi niya ito pinapansin at kinakausap. May asawa na kasi siya kaya lumalayo siya sa kahit sinong lalaki. Sa pagkakaalam niya sa edad na forty seven years old, single pa rin ito. Namatay kasi ang mag-ina niya kaya nananatili pa rin siyang single.
"A-Ayos lang. Sa susunod, ayusin mo na. Baka kung ano na ang tumama sa akin," ani Flora bago ngumiti ng pilit.
"Pasensya na ulit. Hindi ko naman akalaing tatalsik pala," tugon ng lalaki.
Napatingin si Flora sa likuran ng lalaki. Nag-aayos pala ito ng sasakyan. Kumunot ang noo niya.
"Napansin ko... sa tagal mong nakatira dito, palagi kang may inaayos na sasakyan," aniya habang sinisipat ang sasakyan sa likuran ng lalaki.
Tumango ito. "Oo dahil iyon ang nakahiligan kong gawing. Libangan ko noong una hanggang sa naging source of income ko na rin."
"Ah okay. Bakit dito ka pa nag-aayos? Wala ka bang shop?"
Pumiksi ang lalaki. "Wala eh. At isa pa, masyado namang malawak dito sa garahe kaya ito na lang ang pinaka-shop ko. Paisa-isang kotse lang naman ang pinapupunta ko dito."
"Ah okay..."
Napatingin si Flora sa sasakyan niya. Medyo matagal na rin niyang hindi nagagamit iyon dahil hindi naman siya umaalis. At sa tingin niya, may sira na iyon. Wala pa naman siyang sapat na halaga para bumili ng bagong sasakyan.
Tumikhim siya. "Puwede bang sa susunod, magpaayos ako sa iyo ng sasakyan? Mahal ba? Wala pa kasi akong sapat na pera eh. Matagal ko na ring hindi nagagamit ang sasakyan ko dahil hindi naman ako umaalis. Pero sa tingin ko, magagamit ko na siya dahil balak kong gumala-gala muna para makapaglibang," aniya sabay kagat labi.
Kumunot ang noo ng lalaki. "Bakit wala kang pera? Hindi ka ba binibigyan ng asawa mo?"
"H-Hindi eh. At hindi rin ako nanghihingi."
Tumango-tango ang lalaki. Alam naman niya na hindi na maayos ang pagsasama ng dalawa. Madalas kasi siyang nasa labas ng kaniyang bahay at naririnig niya ang malakas na boses ni Jack sa tuwing sinisigawan si Flora.
"Sige. Libre na lang. Libre ko na lang aayusin ang sasakyan mo kung may makita akong sira."
Namilog ang mga mata ni Flora. "S-Sigurado ka ba diyan? As in libre talaga?"
Tipid na ngumiti ang lalaki. "Oo. Ayaw mo ba? Puwede ka namang magbayad kung may pera ka."
Napakurap si Flora bago ngumiti ng alanganin. "W-Wala pa eh. Siguro, bigyan na lang kita ng ulam. Ayos lang ba sa iyo? Medyo masarap naman akong magluto."
Natatawang napailing ang lalaki. "Sige ayos na iyon. Salamat sa effort kung sakali. By the way, I'm Clinton. Sa tagal nating magkapitbahay, ngayon lang tayo nagkausap."
"Ako naman si Flora. Oo nga eh. Kasi umiiwas ako sa mga lalaki dahil nga may asawa na ako. Gusto kong ipakita sa asawa ko na tapat ako sa kaniya pero... pero iyon na nga. Hindi ko alam kung tapat ba siya sa akin. Simula kasi nang mawala ang baby namin, hindi na maganda ang trato niya sa akin. Hindi ko na maramdaman na asawa pa ba ang tingin niya sa akin. Para kasing kaaway na. Ramdam kong kinamumuhian niya ako," malumbay ang tinig ni Flora.
Bumuntong hininga si Clinton. "Malay mo, magbago pa siya."
"Hindi ako sigurado pero sana nga. Dahil masyado na akong nasasaktan sa pagtrato niya sa akin. Parang gusto ko ng sumuko sa relasyon naming ito. Pero bahala na. Hangga't kaya ko pa. Sige lang."
Nag-iwas ng tingin si Clinton. "Sige na. May aasikasuhin pa ako."
Tumalikod na ang binata habang si Flora naman, nakatingin lamang kay Clinton. Nanlaki ang mata niya nang bigla itong maghubad ng damit pang itaas bago sumuot sa ilalim ng sasakyan. Hindi naalis ni Flora ang tingin niya sa katawan ni Clinton.
'Ang ganda naman ng katawan ng lalaking ito! Halatang alaga! Hindi halata sa edad niya ang itsura niya pati ang katawan niya!'
Ilang segundo ring nakatitig sa six pack abs si Flora bago mabilis na tumalikod at pumasok sa loob ng kanilang bahay. Hindi naman kasi niya inasahan na ganoon kaganda ang katawan ni Clinton kaya napatitig talaga siya ng matagal.