Chapter 2
Kulang man sa tulog ay maaga akong gumising. Ganito na ang routine ko araw-araw. Uunahin ko ang pagluluto. Tapos sunod ay linis ng bahay. Saka paglalaba. Inaagapan ko dahil ako rin ang mahihirapan kung matatambakan kami ni Rosally.
Habang nakasalang ang sinaing ay nagbomba muna ako ng tubig sa poso. Ibibilad ko iyon para naman kapag pinaliguan ko si Rosally mamaya ay hindi ito lamigin. Baka kapag malamig ang panligo nito ay hikain pa ito.
Gano'n ang nangyayari kapag nalamigan siya. Kaya talagang nagbibilad ako ng tubig.
Pagkatapos kong mapuno ang isang timba ay ipinuwesto ko na iyon sa parte ng bakuran na naiinitan. Saka ako bumalik sa kusina.
Nagprito ng tuyo at itlog, habang ang kanin ay iniinin pa.
"Ate?" dinig kong tawag ng kapatid ko. Agad kong tinakpan ang ulam. Saka ako dali-daling nagpunta sa higaang nasa lapag lang.
"Good morning!" bati ko rito. Pero maluha-luha ito. Tapos parang nahihiya pa. "Oh, bakit? Anong nangyari?" takang ani ko sa kanya. Inalis ko ang kumot nito. Naramdaman ko pa ngang basa iyon.
"N-akaihi po ako." Saka siya napayuko.
"Oh, ano naman? Eh 'di lalabhan ni ate iyan. Ayos lang iyan, Rosally. Sandali. Kunin ko iyong wheelchair mo."
Tinungo ko ang kusina kung saan naroon ang wheelchair nito. Bigay lang iyon ng LGU kay Rosally. Malaking tulong naman.
Dinala ko iyon sa kapatid ko. Iniayos. Saka ako lumapit sa cabinet. Inihanda ko ang isusuot n'ya.
"Nagpainit ako ng tubig. Maligo ka muna bago kita palitan ng malinis na damit.
Sobrang payat ng kapatid ko pero may kabigatan pa rin naman. Lalo't hindi naman ako kalakihan. 5'4 lang ako. Pero dahil nga sanay na akong gawin ito ay parang normal na lang ang bigat nito sa akin.
Binuhat ko ito hanggang sa labas. May lumang monoblock naman doon. Iyong wheelchair na dinala ko kanina ay hinayaan ko na muna. Mamaya ko na lang siya ilalagay roon kapag nakaligo na.
"D'yan ka lang. Tignan ko iyong sinaing." Paalam ko. Binalikan ko ang sinaing sa kusina. Luto naman na kaya inalis ko na sa kalan.
Sabay kuha ng towel, shampoo, at sabon.
Ganito rin naman kami araw-araw.
Pero kahit ang hirap ng sitwasyon ay hindi ko ipinapakita sa kapatid ko. Ayaw kong isipin nito na nahihirapan na ako, ayaw kong isipin nitong pabigat siya.
Dahil hindi. Hinding-hindi magiging pabigat ang kapatid ko. Dahil sa kanya ay kinakaya ko ang lahat. Kahit mahirap.
Medyo mainit na iyong tubig. Kaya naman sinimulan ko itong paliguan.
"Ate, kapag ba nawala ako ay gagaan na ang buhay mo?" abala ako sa paghilod sa paa nito nang itanong nito iyon sa akin.
Ano ba naman si Rosally? Bakit naman gano'n ang tanong n'ya sa akin?
"Hoy! Bakit naman ganyan ang tanong mo sa ate?" reklamo ko rito saka ipinagpatuloy ang ginagawa.
"Kasi narinig ko lang... kung wala ako'y tiyak daw na gagaan ang buhay mo." Huminto na ako sa pagsabog ng paa nito. Binalikan ko ang buhok nito saka ko marahang minasa-masahe iyon.
"Kanino mo narinig?" tanong ko rito.
"Kay Manang Caridad po." Bwisit na matanda iyon, ah. "Pero ate, huwag mong sabihin sa kanya. Siya lang ang pumayag na magbantay sa akin tuwing nagtratrabaho ka eh."
Tama ito. Kung sisitahin ko ang matandang iyon ay tiyak na hindi na ito pupunta rito sa bahay.
"Rosally, ikaw ang lakas ni ate. Kung wala ka sa tabi ko'y eh 'di manghihina ako. Kawawaa naman ako."
"Pero pabigat na po ba ako sa inyo ng sobra?"
"Lah! Naidala nga kita rito. Nakita mo ba akong nabigatan?" biro ko pero iyong puso ko ay parang pinipiga dahil sa mga inosenteng tanong ni Rosally.
"Si ate naman! Puro ka biro, ate."
"Rosally, hindi ka pabigat sa akin. Alam mo kung bakit nagsusumikap si ate? Alam mo kung bakit sobrang tatag ni ate? Dahil sa 'yo iyon. Ikaw ang lakas ng ate, Rosally. Kung mawawala ka. Paano naman ako? Kung iiwan mo ako... isama mo na lang ako."
"Ate Bituin naman, eh!"
"Mahal na mahal kita. Iyong sinasabi ng iba... hindi iyon ang nararamdaman ni ate. Huwag mong isipin iyon. Mali sila, Rosally."
"Totoo po?"
"Totoong-totoo. Tapusin na natin ito baka hikain ka sa lamig." Binanlawan ko na ito. Kahit mabasa ako'y ayos lang sa akin. Binuhat ko ulit ito at dinala sa loob pagkatapos ko siyang banlawan. Binihisan, sinuklayan, saka dinala na sa wheelchair n'ya.
"Kakain muna tayo. Tapos iinom ka ng vitamins mo."
Dinala ko siya sa kusina. Tulak-tulak ko ang wheelchair nito.
Nagsimula na rin akong magsandok, habang si Rosally ay naghihintay lang.
"Ate, iyong trabaho mo..." nahinto ako sa pagsandok ng kanin dahil sa tanong nito. "Anong klaseng trabaho ba iyan? Bakit gabi po?"
"Sinabi ko naman sa 'yo na nagca-call center ako. Tagasagot ako nang tawag."
"Anong sinasabi mo kapag may tumawag sa 'yo?"
"Good day, everyone. Thank you."
"Day? Ate, gabi ka po nagtratrabaho, 'di ba?"
"Ay, oo nga. Pasensya na. Bobo ang ate. Pero gano'n ang trabaho ko. Call center."
"Ate, lagi kang puyat pero maaga ka pa ring gumigising. Hindi ka ba napapagod sa araw-araw mong ginagawa?"
"Minsan napapagod. Pero masaya naman ang ate sa ginagawa n'ya. Kaya napapawi rin naman agad ang pagod."
Inilapag ko ang sinandok kong kanin at sinimulan ko naman itong asikasuhin para makakain.
"Hayaan mo, ate. Malapit ka ng hindi mapagod." Ngumiti ito.
"Bakit naman? Gusto ko nga itong pagod na ito, eh."
"Deserve mo namang asikasuhin ang sarili mo, ate. 24 ka na, pwede ka nang mag-boyfriend at magkapamilya."
"Hoy! Distraction lang iyang boyfriend-boyfriend na iyan. Saka ikaw... ikaw ang pamilya ko. Kumain ka na nga. Kung ano-ano iyang sinasabi mo." Ginulo ko ang buhok nito na agad naman nitong hinawi.
"Pero paano kung wala na ako? Paano kung mag-isa ka na lang? Sinong makakasama mo---" napasimangot na ako nang tuluyan.
"Bakit ka kasi mawawala? Kapag nawala ka ay iiyak lang nang iiyak si ate. Kaya hindi ka dapat mawala. Ginagawa ko ang lahat para sa 'yo, Rosally. Gusto kitang makasama nang matagal. Saka pwede bang huwag natin itong pag-usapan?"
"Sorry po."
"Sige na, kain na. Baka sa tagal nating kumain ay maging tuna na itong tuyo at itong itlog ay maging manok na."
"Lechon, 'te?" ngiting-ngiti na ani nito.
"Bakit? Gusto mo ba ng lechon?" hirit ko rito.
"Opo. Kaso mahal po iyon. Hindi ko pa natitikman eh." Natawa pa ito.
"Hayaan mo. Ibibili kita mamaya."
"Hala! Ate, huwag na po. Wala po tayong pera."
"Sinong may sabing wala tayong pera? May pambili ako ng lechon manok. Mamaya ipapatikim ko sa 'yo." Ngiting-ngiti na ani ko.
"Mamaya pong tanghali?" excited na tanong nito sa akin.
"Pwede. Sige, bibili ako. May lechon-an d'yan sa Kanto. Ibibili kita."
"Ayon! Thank you po, ate." Galak na galak na ani nito.
"Sige na, kain na muna." Nagtimpla nga rin pala ako ng gatas para rito.
"Salamat po, ate." Bahagya ko lang pinisil ang baba nito.
Masaya kaming nag-agahan nito. Lagi naman kaming masaya sa tuwing kumakain kami. Hindi na kasi namin kailangan magkalkal sa basurahan ng pagkain. Ngayon ay malinis at nakakabusok na ang kinakain namin.
Pagkatapos kumain ay naghugas na rin agad ako. Saka ko dinala si Rosally sa gilid ng bahay. Doon din kasi ako maglalaba. May papag doon na pwede nitong pwestuhan para mabantayan ko rin ito.
Pareho kaming hindi nakapagtapos nang pag-aaral ng kapatid ko.
8 years old siya nang mahinto sa pag-aaral. Ako naman ay 14 years old. Marunong kaming bumasa at sumulat. Pero aminado akong mahina pa rin ang kokote namin. Si Rosally... medyo isip bata pa ito kahit 18 na siya. Pero kahit gano'n siya... mahal na mahal siya ng ate.
Natapos akong maglaba na kakwentuhan ko ang kapatid ko.
Pagsapit ng tanghali ay dinala ko na muna siya sa loob.
"Dito ka lang, ha. Bibili si ate ng lechon manok. Huwag kang maglilikot para hindi ka hingalin." Bilin ko rito.
"Opo, ate." Inilapag ko ang tubig nito para hindi na siya gumapang patungo sa kusina.
Bitbit ko ang wallet na tuluyan na akong umalis. Hinayaan ko lang ding bukas ang pinto. Nag-iwan ako ng kaunting awang.
Nilakad ko lang ang daan patungo sa kanto. May nagbebenta roon ng lechon manok na pangarap ni Rosally na maulam.
"Uy, bibili siya ng manok. Malakas ba ang kita sa pagpopokpok?" biro ni Manang Felomina na may-ari nang malaking tindahan dito sa kanto.
"Manang Felomina, grabe ka naman magbiro kay Bituin." Saway ng isang ginang na tambay rin sa tindahan. Napadaan lang ako dahil bibili ako ng juice pero nakarinig pa ng gano'n salita.
"Eh, ano ba kasing trabaho mo at lagi kang umaalis sa gabi at hating gabi na umuuwi?" ani ng isang ginang.
"C-all center po. Panggabi po ang trabaho ko." Pagsisinungaling ko.
"Oh, call center naman pala. Ikaw talaga, Manang Felomina." Tapos nagtawanan sila.
"Oh, akala ko'y pokpok." Iyong plastic na hawak ko na may lamang lechon ay humigpit ang hawak ko roon. Ang sarap ihampas sa mga matatandang ito ang hawak ko eh. Pero nagpigil ako. Gustong-gusto ni Rosally na matikman itong lechon. Iuuwi ko itong buo.
"Ano ka ba naman, Felomina? Iyang ganyan kamanang na babae ay hindi papasang pokpok sa kahit saang club. Sino namang lalaki ang pipili sa babaeng mas mukha pang lalaki?" ani ni Manong Jude. Asawa ito ni Manang Marichu. Umakbay pa ito sa kanyang asawa habang tatawa-tawa.
"Parang hindi na nga ata naliligo dahil masyadong dedicated sa kapatid na imbalido." Hirit ni Manang Felomina.
"Pabili po ng juice, Manang." Seryosong ani ko.
"Hija, baka gusto mong sumama mamaya. May bible study rito sa bahay. Mamaya rin pwede kang ipag-pray over ng asawa kong si Joseph." Yaya ni Manang Felomina. Tagilid ang ngiti ko. "Aba'y baka kaya kayo minamalas sa buhay ay dahil hindi kayo malapit sa Diyos. Dalhin mo na ang kapatid mo. May pa-merienda naman dito mamaya." Bahagya lang akong ngumiti. Saka kinuha ang juice na binili ko. Hinintay ko lang ang sukli. Nang makuha iyon ay umalis na ako.
Mga nagbabanal-banalan. Pero baka kapag nasa pinto na kami ng impyerno ay baka mas mauna pa silang papasukin kaysa sa akin.
Iiling-iling ako. Pagdating ko sa bahay ay agad kong inasikaso ang tanghalian naming magkapatid.
"Rosally, ito na ang lechong pangarap mo." Excited na ani ko sa kapatid. Sinilip ko ito sa kwarto. Pero nagulat ako nang makita ko ang sitwasyon nito. Sapo nito ang dibdib.
Agad akong napatakbo rito.
"Nasaan ang inhaler mo?" tarantang tanong ko rito.
Hirap na hirap na itinuro nito ang paanan n'ya. Agad kong kinuha iyon saka inabot sa kanya.
"Hinga, Rosally." Nanginginig ang kamay ko. Pero nagsisimula na akong maghanda in case na kailangan ko itong dalhin sa ospital. Kahit may inhaler ay hindi pa rin ito makahinga nang maayos. Kaya hindi na ako nag-alinlangan pa.
Isinakay ko na siya sa wheelchair. Pero sa pagmamadali kong mailabas ito ay bumungo pa iyong gulong sa Kanto.
Tanggal.
Kaya dali-dali akong pumwesto sa harap nito.
"Bakay. Bakay, Rosally. Hindi mo pwedeng iwan si ate." Sunod-sunod na pumatak ang luha ko. Agad naman itong bumakay sa akin. "Tulong! Tricycle! Tricycle!" hiyaw ko. Pasan-pasan ko ang kapatid ko palabas ng tarangkahan. May mga kapitbahay kaming sumilip pero hindi man lang nag-abalang tumulong.
Sino nga ba naman kami?
Kaya kahit hirap na hirap ay itinakbo ko na si Rosally hanggang sa kanto. Ang layo no'n pero sobrang bilis ko lang na narating. Parang ayaw pa nga kaming isakay, eh.
"May pambayad kami! Dalhin n'yo kami sa ospital." Saka lang kumilos iyong isang driver.
"Ako na." Prisinta nito. Dali-dali kong isinakay si Rosally sa loob. Nang maiupo ito roon ay sumalampak na lang din ako. Hirap man ito ay nakuha pa rin nitong abutin ang mukha ko. Pinunasan nito ang luha ko. Hindi ko na napigilang mapahagulhol.
"Huwag mo akong iwan, ha. Papunta na tayo sa ospital. Kapit lang." Pilit itong tumango.
"M-ahal kita." Hirap na bulalas nito. Mas lalo lang akong naiyak.