Kabanata 2

1576 Words
“Magtrabaho ka na lang kasi dito. May ipon ka na may-” “HIV ka pa!”dugtong ko sa sasabihin sana ng Tiyahin ko. Nakatanggap ako ng sapok dahil doon. Parati niya na lang akong kinukulit diyan sa trabahong iyan. E parang di ko nakita kung papaano hipuan ng mga lalaking mukhang aso iyong mga waitress nila dito sa club. “Aray naman!” Napahimas ako sa ulo na nasapok niya. “Makakapagpadala ka pa. Iyon dapat iyon,"pagtatama ni Tiyang. “Saka na Tiyang pag hanggang talampakan na iyong uniform ng mga waitress niyo dito. E isang tuwad na lang kita na kaluluwa nila.” Nilabas ko lahat ng kakanin sa bag na bitbit ko. Hapon na ngayon out ko na sa restaurant na pinagtatrabahuan ko. Kaya paglalako naman ng kakanin ang sinunod ko. Mamayang gabi pahinga ko. “Papaano ka makaka-pick up ng costumer kung costume mo pang-Maria Clara? Baliw ka ba? Sayang maganda ka pero ang hina ng utak. Hay, naku!” “At least maganda!” Ngumisi ako. Nagsilapit na ang mga dancer niya. May juice na ring nakatimpla para sa snack. May rehearsal kasi sila sa mini stage nila para sa performance mamaya. Kapatid ni Papa si Tiyang, bunso si Tiyang. Magkagalit pa rin silang dalawa. Di kasi tanggap ni Papa ang mundong pinasok ni Tiyang. Paulit-ulit nga si Papa sa pagpapaalala sa akin na huwag na huwag akong lalapit kay Tiyang Suzy. Wala raw ibang maidudulot si Tiyang kundi kakatihan lang. Mabait naman ang tiyahin ko, polluted ang bibig, pero totoo makisama. “Oh, magpapadala ka na ba ngayon?”ani Tiyang nang mapansin ang pagbibilang ko ng pera na nasa pitaka. “Opo, para makabayad na ng utang sina Papa sa amin.” “Sarap naman ng buhay ni Ernesto. Pahiga-higa lang, nagpapalaki lang ng itlog!” Napanguso ako. “Hindi naman, Tiyang. May sakahan naman. May pinagkakaabalahan din naman si Papa.” “Sus! Pinagtatakpan mo pa. Parang di ko naririnig na di na nagtatanim ng palay iyon simula pa noong nakaraang taon. Aba! Sarap sungalngalin, pinagbabanat ng buto ang anak dito sa syudad tapos pahiga-higa lang siya sa bundok?” Ayos na rin na nakapagpahinga si Papa noong nakaraang taon. Ilang taon na rin siyang nagsasaka para lang mairaos ang pang-araw araw naming pangangailangan noon. Highschool na ang bunso kong kapatid na babae sa taong ito. Ako na rin naman ang sumusuporta sa pag-aaral niyon para hindi na rin problemahin pa ni Papa. Pagkatapos ko sa club na pinamamahalaan ni Tiyang ay nagtungo na rin ako sa pwesto ng kapehan na bumibili ng kakanin ko. As usual ubos ulit ang paninda ko. Sumakto ang pera ko para makapagpadala ngayon. Pero imbes natutuwang boses ni Papa ang bumungad sa akin ay humahagulhol na boses ni Papa ang narinig ko. “Papa?” “A-Ang kapatid mo, Lurena.” Hindi siya halos makapagsalita. Panay lang ang hagulhol niya sa kabilang lingya. Kinakabahan na ako. Nahati ang problema sa puso ko. Nag-aalala ako kasi baka atakihin sa highblood si Papa at nag-aalala din ako sa binanggit niyang tungkol sa kapatid ko. “Kumalma ka muna, Papa. May kasama ka ba diyan siya na lang kausapin ko?” Kasi pakiramdam ko di ko siya makakausap ng matino ngayon. Kating-kati na akong malaman kung ano ang nangyari sa kapatid ko. Napansin kong may kinausap siya sa kabila. “Lurena?” Boses iyon ng kumare niya. “Manang? Anong nangyari? Bakit umiiyak si Papa?” Matagal pa bago nadugtungan ni Manang Silay ang sasabihin. Kinakabahan na ako at hindi na ako mapakali dito. “Naaksidente ang kapatid mo. Nabangga ng pick-up ang pampasaherong trysikel na sinakyan nila. Kasama pati anak ko. Mas malala nga lang sa kapatid mo kasi nasa front seat.” Parang nanlamig ang batok ko patungo sa likod ko. Parang nawalan ng lakas ang kamay ko na nakahawak sa cellphone. Paano nangyari iyon? Parang ayaw tanggapin ng sistema ko ang narinig. Parang gusto ko na lang isipin na nananaginip lang ako. Na baka magigising din ako. “Nagdadalawang isip ang Papa mo na paoperahan. Wala siyang pera, kanina pa iyon umiiyak.” “Anong nagdadalawang isip?!” Tumaas ang boses ko sa iritasyon. Buhay na ang nakasalalay dito magdadalawang-isip pa talaga siya? Parang gusto kong ibato ang cellphone sa galit. “Pumayag po kayo. Wala akong pakialam magkano ang gagastusin. Hahanap ako ng paraan dito!” Napamura ako sa gigil. Sa oras na ito ay parang gusto kong manigaw. Nainis din ako kay Papa at sa mga desisyon niya. Kapag hindi pa naasikaso ang kapatid ko at may nangyari doon, hindi ko alam kung anong masasabi ko kay Papa. Dumeretso ako kay Tiyang at sinabi ang lahat. Nagalit din siya gaya ko. Muntik pang tawagan si Papa sa inis buti na lang napigilan ko. Problemado rin iyon gaya namin. Hindi niya na rin deserve ang awayin ngayon. “Maghahanap ako ng paraan ngayong gabi. Uutang ako, pwede akong garantor. Tumulong ka na lang sa bayad pagkatapos,”aniya. Tumango-tango na lang ako. Seven pm pa lang. Kukunti pa lang ang dumarating sa club. High-end ang club na pinapatakbo ni Tiyang. Siya lang ang manager pero iba ang may-ari. May sariling parking lot ang club, nasa limang palapag ang sakop. Nasa first floor ang sayawan at pribado ang nasa top floor. Mga mayayamang parokyano lang ang naliligaw sa club na iyon. Hindi ko afford ang isang lagok ng inumin doon. Nasa labas lang ako ng club. Naghihintay ako sa ibabalita ni Tiyang. Hindi rin naman ako aalis doon kung wala akong makukuhang pera. “Tumabi ka,”nagsalita iyong isa sa staff ng club. Namalayan ko na lang nakaharang pala ako sa parking lot. Agad akong umalis sa kinatatayuan at napatingin sa makintab na Aston Martin na papalapit. Presyo pa lang ng gulong ng sasakyang ito paniguradong kaya nang bilhin ang buhay ko. Umibis mula sasakyan ang driver na agad tumalima upang pagbuksan ang nasa likod na animo walang kamay na kayang magbukas ng pinto niya. Napaingos ako. Nakakapilay pala ang pera. Dalawang sasakyan pa ang nag-park. Lumabas ang mga sakay niyon. Nakaabang sila sa taong lalabas mula sa Aston Martin. Hindi na ako magugulat kung buhatin pa nila ang taong nasa loob ng mamahaling sasakyan. Ilang saglit nang tuluyan nga'ng lumabas ang lalaking hinihintay ng mga tauhan nito. Isang lalaking kasing tangkad ng mga tauhan niya. Dominate ang awra he has a stoic face with the hint of darkness. Nakatupi ang long sleeve hanggang siko. Malapad ang balikat, swabe gumalaw at tila kalkulado ang mga kilos. In just one look you can smell his roughness, couldn't even found even a bit softness from him. Tepo ng lalaking pangingilagan mo. May elevator ang parking lot. Doon ang tungo ng lahat. Nakasunod ang mga tauhan sa kaniya. Hindi ko maalis ang tingin sa kaniya. Buong buhay ko ngayon pa lang ako nakakakita ng taong ganito kaimportante. Halatang de kalibre at hindi basta-basta ang pamumuhay. Bitter ako pero namamangha rin. Papasara na ang elevator ngunit hindi pa rin maalis ang tingin ko sa kaniya. Tila magnet na dumikit ang mata ko sa kaniya. Napasinghap ako nang magtama ang mga mata namin. Ang madilim at malamig nitong mga tingin ay hindi ko aakalaing mahahanap ang mga mata ko. Gaya ko ay tila nakikipaglaban din ito ng titigan. Napalunok ako at ako na ang nag-iwas ng tingin. Hindi ko pala kayang tagalan kapag ganito na nakatingin na rin siya sa akin. Nang maglaho sila sa elevator ay saka ko lang namalayang ang tagal-tagal pala ni Tiyang. Naghintay pa rin naman ako sa kaniya sa labas hanggang sa lumabas na nga siya at may masamang balita. “Maraming nag CA ngayon. Hindi niya ako mapapahiram ngayon.” Naihilamos na rin ni Tiyang ang kamay sa mukha. Nahilot ko ang sentido sa frustration. Kung ganoon, saan kami lalapit? Saan ako makakahiram? Biglang tumunog ang phone ko sa isang text. Galing iyon sa kumare ni Papa. Napatakip ako sa bibig dahil sa gulat nang mabasa iyon. Nagtaka si Tiyang at kinuha ang cellphone sa akin para tingnan din ang text. “Fifty thousand? Ang laki nito!” Napa-squat ako at naihilamos ang kamay sa mukha. Parang gusto ko nang umiyak. Dish washer lang ako sa restaurant may bawas pa ang sahod. Di pa nga kasya kaya suma-side line sa kakanin. Tapos malaman-laman ko ngayon na may ganito kalaking halagang kailangan kong hagilapin agad para maoperahan ang kapatid ko. Parang pasan ko ang mundo sa bigat nito. “L-Lurena...” Napansin ko ang pag-aalangan sa boses ni Tiyang. Nang lingunin ko siya ay umiiyak na rin siya. “May alam ako. Pero kung maari ayoko sanang pasukin mo ito para lang makakuha ng pera, pero...” Agad akong tumayo at agresibong humakbang papalapit kay Tiyang. Hindi ko alam kung bakit pero nagdidilim na rin ang paningin ko at wala na akong ibang gustong gawin ngayon kundi ang makalikom ng sapat na pera sa kahit na anong paraan. Naisip ko na rin magbenta ng kidney ngayon, kung iyon ang balak niya, willing ako. “Ano iyon, Tiyang?” Lumunok siya at tila kabado pa. “Sumali ka sa bidding bukas ng gabi.” Napalunok ako. Alam ko ang tungkol sa bagay na iyan. Awtomatikong napatingin ako sa top floor ng gusali. Dahil ang bidding na sinasabi niya ay gaganapin sa top floor na iyan. May tapang na binalik ko ang tingin kay Tiyang. “Anong kailangan kong gawin?”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD