CHAPTER ONE

1583 Words
“HANAPIN ninyo! ‘Wag n’yong hayaang makatakas!” Dinig na dinig ni Marissa ang malakas na sigaw ng apo ng may-ari ng mansyon. Hinahanap siya nito. Dala ng takot ay mas binilisan pa niya ang mga hakbang upang makatakas sa lugar na iyon. Hindi siya maaring makita ng kahit na sino. Isusuplong lamang siya ng mga ito sa kapulisan at mas lalong masisira ang wasak na niyang buhay. Balot ng pangamba ang puso ni Marissa pero kailangan niyang magpakatatag. Ang mahalaga ngayon ay ang makalayo siya. Malayong-malayo sa mga taong nais siyang ikulong.             Hingal siyang napasandal sa delivery truck na nasa labas lang ng compound. Kakatapos lang niyong maghatid ng mga prutas sa mansyon nang hapon na ‘yon. Mabuti na lang at malaki ang sasakyan at maari siyang magkubli sa may gilid. Pinapakalma pa niya ang kabadong dibdib nang marinig muli ang naghahanap sa kanya. Sa sobrang takot ay napasakay siya sa likod ng delivery truck at siniksik ang sarili sa likod ng kahon ng prutas. Nangangatog ang mga tuhod at nananalangin na hindi siya makita. Hindi siya pwedeng makulong. Paano na lang ang pamilya niya? Ang kanyang ina? Ang kanyang kapatid? Napadukot siya sa sariling bulsa. Kulang-kulang dalawang daan lang ang laman niyon. Naiwan kasi sa loob ng mansyon ang kanyang wallet at cellphone. Napamura si Marissa. Paano siya mabubuhay sa kakarampot na pera?Pero isinantabi na muna niya ang problema. Ang mahalaga ay makaalis siya roon at makatakas. Nasa kalagitnaan siya ng pag-iisip nang marinig ang paparating na sasakyan ng mga pulis. Pakiramdam ni Marissa ay tumalon ang puso niya sa labas ng dibdib. Hindi niya mapigilan ang malakas na kabog niyon. Taimtim siyang nanalangin na sana ay mayroong milagrong mangyari. Na sana ay ihatid siya palayo mula sa lugar na iyon. Ganoon na lang ang pagkabigla niya nang unti-unting sumaraang dalawang malalaking pinto ng truck. Kasabay niyon ang pag-andar ng sasakyan papalayo sa lugar. Para siyang nabunutan ng tinik. Hindi niya masukat ang ginhawa na nararamdaman nang magawa niyang takasan ang mga humahabol sa kanya. Dahil siya ay si Marissa Oliver. Isang ulirang anak. Isang magaling na ICU nurse. Isang murder suspect.   “MISS, gising. Gumising ka.”             Minulat ni Marissa ang mga mata at saka humalukipkip sa pagkakaupo. “B-bakit?”             “Binabangungot ka,”  sagot ng lalaking gumigising sa kanya. Tumayo ang mga balahibo niya sa katawan nang rumehistro sa isipan ang kagimbal-gimbal na panaginip. Ipinikit niya ang mata at saka umiling upang iwaksi ang masamang imaheng iyon sa isipan. Bakit ba niya nararanasan ang mga ganoong kamalasan sa buhay? Wala naman siyang ibang hinangad kundi ang mapabuti ang pamilya? Ngayon ay para siyang isang dagang nagtatago sa lungga. Kanina nang makapuslit palabas ng delivery truck ay agad niyang pinara ang ngayon ay sinasakyang bus. San Vicenteraw ang rutang bus base na rin sa nakapaskil na sign board. Hindi niya alam kung saan iyon. Pero isa lang ang sigurado siya: malayo iyon sa mga nais siyang ipakulong. “Okay ka lang?” tanong muli sa kanya ng lalaki. Nilingon niya ito na nakaupo sa katapat na silya. Pero bago pa man siya nakasagot ay agad bumungad sa kanya ang gwapong mukha ng lalaki.  Kung nasa normal na sitwasyon lang siya ay siguradong hahayaan niya ang sariling hangaan ang mapungay nitong mata at matamis na ngiti. Kaso wala siya sa normal na sitwasyon. “O-okay lang ako. Salamat sa paggising sa akin.” Inayos niya ang suot na hoodie upang ‘di nito masilayan ang kanyang mukha. Mabuti na lang at iyon ang naisuot niya bago lumabas ng mansyon kanina. “Sigurado ka?” muling usisa nito. Tumango siya. “Okay lang ako. Salamat.” “Baka hindi ka komportable sa pagkakaupo mo. Pwede mo muna gamitin ito,” sabi ng babaeng katabi ng kausap niya sabay abot sa kanya ng isang neck pillow. Doon niya napagtanto na may kasama pala ang lalaki sa biyahe. Tiningnan niya ang babae. Mayroon itong maamong mukha at mahabang buhok . Isa rin ito sa makakapagpatunay na magaganda talaga ang may natural na kayumangging balat. Tulad na lamang ng sa kanya. “Hindi na kailangan. Okay lang talaga ako. Maraming salamat,” tanggi niya sa inialok nitong neck pillow.  Magalang ding inabot niya iyon pabalik sa babae. “Uhm, miss, are you sure?Mukhang hindi kasi maganda ang pakiramdam mo. Namumutla ka,” puna muli ng lalaki sa kanya. Kanina pa niya napapansin ang tila nag-aalalang mukha nito. Tumawa nang bahagya ang babae. “Naku, miss. Pasensya ka na sa asawa ko. Doktor kasi kaya likas na maaalalahanin.” Sinulyapan ng lalaki ang babae at hinawakan ang kamay niyon. “Says the one who jumped off the river to save a drowning child.” Ngumiti ang babae at kinantalan ng halik sa labi ang lalaki. Napangiti na rin siya habang sinasaksihan ang ka-sweet-an ng dalawa.  Bakas din kasi sa mga mata nito ang wagas na pagmamahalan. Nagpapasalamat na rin siya dahil kahit papaano ay may mga tao pa rin palang nagmamalasakit sa kanya sa mga oras na iyon. Pero magiging mabait pa rin kaya ang mga ito sa kanya kung malaman ng mga ito na isa siyang suspek sa pagpatay? Na kasalukuyan siyang tinutugis ng mga alagad ng batas? Napasandal siya sa kinauupuan at muling ipinikit ang mga mata. Mag-aalas tres pa lang ng madaling araw. Mahaba-haba pa ang biyahe niya patungong San Vicente. Kailangan niyang mag-ipon ng lakas. Kailangan niyang matutunan ang mamuhay nang nasa anino.   “THANK you for taking care of my grandfather, Marissa.”             Nang nanumpa si Marissa bilang nurse limang taon na ang nakakaraan ay  ipinangako rin niya sa sarili na bawat pasyenteng hahawakan niya ay ituturing niyang pamilya. Sa sumpang ito siya humuhugot ng lakas upang maging isang masipag, mapaglingkod at matapat na tagapaghatid ng serbisyong medikal sa mga may sakit. Kaya naman lubos rin ang kanyang tuwa kapag nakikita niyang nagbubunga ang lahat ng kanyang paghihirap sa pag-aalaga ng pasyente.             “Wala pong anuman, Sir Anthony. Sa isang taon ko pong pagiging nurse ni Lolo Greg ay itinuturing ko na rin po siyang parang isang totoong lolo,” sagot niya sa kaisa-isang apo ng kanyang pasyente. Si Anthony Develos ay isang veterinarian at kasalukuyang humahawak sa livestock and farming business na naiwan ng kanyang pasyente na si Lolo Greg.             Si Gregorio Develos, na kung tawagin na rin niya ay Lolo Greg, ay isang stroke patient. Naging pasyente niya ito sa ICU ng St. Simon Medical Hospital at nang ma-discharge ay hiniling ni Anthony na kunin siya bilang private duty nurse. May physical paralyses kasi ang matanda kaya nais nitong siguradong may mag-aalaga. Tatanggihan na sana niya si Anthony dahil kalakip ng trabahong iyon ay ang pagtira niya sa mansyon ng mga ito. Pero dahil malaki ang offer na sahod sa kanya ay nagawa siyang kumbinsihin nito. At inaamin niyang kailangan niya ang pera.  Bilang breadwinner ng pamilya, siya lamang ang inaasahan ng dialysis patient na ina at kapatid na nag-aaral sa kolehiyo. Pumanaw ang kanyang ama noong nasa college pa lamang siya kaya naman natuto siyang tumayo sa sariling paa para maging provider ng pamilya. Bawat kayod kalabaw niyang pagdyu-duty sa ospital ay ginagawa niya upang mabigaylang ang pangangailangan ng ina at kapatid.             “Salamat kung ganoon. Hindi ka na rin iba sa amin, Marissa. Para ka na ring miyembro ng pamilya.” Totoo din naman ang sinabi nito. Labis na naging mabait ito sa kanya. Pati ang asawa nitong si Erica ay sinisigurado ring mabuti ang kanyang pamamalagi sa bahay ng mga ito. Pero ang pinakamabait sa kanilang lahat ay si Lolo Greg. Noong nasa ikatlong buwan pa lang siya ng pagtatrabaho rito ay natanggap siya sa pinag-apply-an na ospital sa Oman. Sinubukan niyang magpaalam upang tanggapin ang trabaho sa abroad ngunit hindi ito pumayag. Tinapatan pa nito ang magiging sweldo niya sana sa Oman at nagbigay pa ng pampa-dialysis ng kanyang  ina. Pati ang pag-aaral ng kanyang kapatid ay sinalo na rin nito. Kaya naman hindi na rin siya umalis pa. Ang pasasalamat niya sa matanda ay ipinakita niya sa pamamagitan ng wagas na pag-aalaga rito. Kaya naman tuluyan na siyang napalapit sa mga Develos—lalong lalo na sa matanda.             Inayos ni Marissa ang pagkukumot kay Lolo Greg na mahimbing na natutulog sa higaan nito. “Opo, kaya lubos akong nagpapasalamat sa lahat ng binibigay niya sa amin. Malaking tulong po iyon.”             Tumango si Anthony at saka bumuntong-hininga. “Pero may nahanap na kaming ibang pwedeng mag-alaga kay Lolo Greg.”             Natigilan siya sa ginawa at napatitig sa lalaki. “Ho? P-pero bakit? May nagawa ho ba akong mali?” Umiling ito at saka ipinatong ang kamay sa kanyang balikat. “Binibigyan ka na namin ng pagkakataong tuparin ang unamong kagustuhang magtrabaho sa ibang bansa, Marissa. Hindi ba’t iyon ang gusto mo?”             “D-dati po iyon. Pero masaya rin naman po ako rito sa pag-aalaga kay Lolo.”             “I’m giving you a chance, Marissa. Huwag mong sayangin.”             “Pero, Sir…”             “Ako pa rin ang masusunod dito dahil ako ang kumuha sa’yo sa ospital.”             “P-pero…”             “Walang aalis! Hindi aalis si Marissa!”             Parehong napalingon sina Marissa at Anthony sa matanda. Hindi nila namalayan na nagising pala ito.             “Lolo Greg…”anas niya.             Tinapunan ng masamang tingin ni Lolo Greg si Anthony. “Hindi aalis si Marissa sa bahay na ito, Anthony. Tandaan mo ‘yan. Kung gusto ninyong mag-asawa, kayo ang umalis!”    
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD