PROLOGUE
"GINAGABI ka yata!" untag ni Biatriz sa kapatid na si Maddy. Kararating lang kasi nito at hindi niya alam kung saan na naman ito galing. Lately wala na siyang masyadong nalalaman sa kapatid niya, naging malihim na ito sa kaniya. Natatandaan niyang huling balita rito ay ang pagkaroon nito ng relasyon sa nakilala niyang si Pierho Sandoval--- ang basketball varsity player sa unibersidad nila kung saan sila pumapasok ni Maddy. Pero nitong huli lang hindi niya maintindihan kung bakit madalas na ring absent ang kapatid niya.
Hindi niya rin masyadong nababantayan ito dahil na rin sa sarili niyang buhay sa unibersidad. Isa pa pagkatapos ng klase niya kaunting stay lang sa eskwelahan ang ginagawa niya. Mas gusto niya pa kasing umuwi kaysa ang mag-spend ng maraming oras sa labas; partikular na kung saan sila pumapasok.
Madalas na nga siyang walang oras sa mga kaibigan niya. Kalimitan na siyang tuksuin ng mga itong manang or worst mongha. Hindi niya rin alam kung bakit pakiramdam niya, nasasakal na siya sa labas ng silid niya. Kaya heto kanina lang alas-sais pa lang umuwi na siya. Pinigilan pa nga siya ng kaibigan niyang si Maxine at treat daw ni Heather sa labas kasama pa ang tatlo nilang kaibagan, pero mahigpit ang siyang naging pagtanggi niya sa mga ito.
"May pinagawa lang si Prof.," maiksing sagot sa kaniya ni Maddy, hindi niya naman ito kinagat dahil kilala niya ang kapatid niya. Alam niya kung kailan ito nagsisinungaling o hindi.
"You're not good in lying, Maddy," sabi niya rito. Tumayo siya at tinungo ang may katamtamang laki ng bar sa malawak na sala nila. Nagsalin siya ng brandy sa sariling baso niya, naka-dalawa na rin siya. Ito kasi ang nagsisilbing pampatulog niya pag gusto niya magpahinga ng maaga.
"I'm saying the truth!" sagot nito sa kaniya. Inikutan niya ito--- matangkad lang siya ng kaunti sa bunsong kapatid niya, balingkinitan ang katawan nito, mas hamak na simpleng manamit kaysa sa kaniya. Pero marami ang nagsasabing mas maganda si Maddy.
"Ang gago bang Pierho na iyon ang dahilan kung bakit ka nagkagaganyan?!" turan niyang galit dito.
Iniwas nito ang tingin sa kaniya, nagsalin ng brandy sa nakataob na kopetang nandoon.
Hindi umiinom si Maddy, isa iyon sa mga napapansin niya mula rito. Nagsimula lang ito nang mapabalitang nobyo na nito ang Pierho na iyon.
"Ayaw ko na siyang pag-usapan pa, Bia!" sabi nito sa kaniya matapos sumimsim ng lagok sa sariling baso nito.
"Kailan ka ba kasi magigising, Maddy? Ang katulad ng Pierho na iyon ay walang bayag! Wake-up! Stop dreaming na mamahalin ka niya pabalik!" bulyaw niya rito.
Nilagay nito ang baso nito at tiningnan siya ng mariin.
"Hindi mo ako naiintindihan at alam kung hindi mo ako maiintindihan kahit kailan, Bia!" bulyaw nitong pabalik sa kaniya.
Akma na sana itong tatalikod, nang huminto at muli siyang hinarap.
"Subukan mong magmahala. Para malaman mo kung saan nanggagaling ang sakit na nararamdaman ko ngayon! Mahirap, Ate. Dahil hindi ko alam kung saan ako magsisimula para makaahon sa sakit na pinaramdam niya sa akin!"