NAPAILING-ILING pa ang ama ni Zaire na si Claduio Ardiente habang kumakain sila ng almusal. Kapag ganoong oras ay nakabukas ang TV sa komedor dahil nakikinig din ng morning news ang kaniyang ama.
“Isang Governador na naman ang involve sa droga. Ikaw, Zaire at Fanny,” anito sa kanilang magkapatid. “Huwag na huwag ninyong i-i-involve ang sarili ninyo sa kahit na sinong politician. Que anak o apo pa ‘yan ng mga nasa pulitika. Masyadong madumi ang pulitika at ayaw kong madadamay ang pangalang matagal kong iningatan sa mga katiwalian nila. Maliwanag ba?”
“Yes, Dad,” tugon ni Fanny. Ang fourteen years old niyang nakababatang kapatid.
“Zaire,” baling sa kaniya ng kaniyang ama.
“Dad, tingin ko naman, hindi naman lahat ng nasa pulitika ay katulad ng nasa balita,” katwiran pa niya. Hindi lang talaga siya judgemental.
“Marunong ka pa sa akin, Zaire? Papunta ka pa lang, pabalik na ako. Just do what I say.”
“Kuya Zaire, ang mabuti pa, ‘wag ka ng makipagtalo pa kay Dad dahil alam naman niya kung ano ang mas makabubuti para sa atin.”
“Well said, Fanny, anak,” anang ama nila. “Makinig palagi sa sinasabi ng Daddy. Hmmm?”
“Opo, Dad.”
Tahimik lang na kumakain ang kanilang ina na si Mommy Devine. Naiiling na lamang si Zaire dahil sa gusto ng kaniyang ama. Hindi naman iyon ang unang beses na nasabi nito iyon. Ayaw talaga nito na nakikipaglapit sila sa kahit na sinong nasa pulitika. Lalo na ang makipagkaibigan sa mga iyon.
“MATAGAL KA PA BA RIYAN, Vanna?” naiinip ng tanong sa kaniya ni Leah.
Matapos makapamili ng mga two-piece swimsuits ay dinala na niya sa may counter ang mga pinamili niya para magbayad. Naghahanda na si Vanna para sa nalalapit niyang eighteenth birthday.
Pumunta pa talaga sila ng Manila ng kaniyang kaibigan para samahan siya sa pamimili. Gusto lang niyang gawing extra special ang kaniyang solo celebration.
“Ano ba’ng gagawin mo sa mga ‘yan?” salubong pa ang mga kilay ni Leah.
“Hindi mo ba nakikita kung ano ang mga ito?”
“I mean, balak mo bang pumunta sa pinakamagandang beach sa Pilipinas kaya gusto mong magsuot ng ganiyan kamamahal at kagagandang two-piece?”
“Panloob ko lang ‘to, Leah,” kunway wika niya sa kaniyang kaibigan. Wala siyang pinagsasabihan, bukod sa kaniyang pamilya ng nais niyang eighteenth birthday. Siguradong magsisisamahan ang mga kaibigan niya kung sakali man.
“Iba talaga kapag Prinsesa ng San Martin,” eksaherada pang wika ni Leah na tinawanan lamang ni Vanna.
May kasama silang dalawang bodyguard na medyo malayo sa kanila ng kaniyang kaibigan dahil ayaw niyang lalapit ang mga iyon sa kanila. Ang mga iyon din ang nagdadala ng mga pinamimili nila.
“Vanna, dito ka lang sandali,” ani Leah na agad pumasok sa isang boutique.
Napapailing na hinayaan lang niya ang kaibigan na gawin ang nais nito.
Habang hinihintay ang kaniyang kaibigan ay kinawayan niya ang dalawang bodyguard na lumapit sa kaniya.
“Yes, Ma’am?”
“Dalhin na po muna ninyo sa van ang mga pinamili namin ni Leah. Kumain na rin muna kayo at baka nagugutom ulit kayo. Mag-text lang ho kayo kapag hahanapin na ulit ninyo kami ni Leah. Hindi rin naman kami lalayo.”
“Eh, Ma’am, mahigpit pong bilin ni Gov na ‘wag kayong aalisan ng tingin.”
“Kuya Gibo naman, mag-e-eighteen na ako. Hindi na po ako bata. Sige na. just this once. Mag-enjoy rin kayo at hindi naman tayo mag-stay ng matagal dito sa Manila.”
“Pero, Ma’am—”
Inabutan niya ng five thousand si Gibo. “Minsan lang po ‘to. ‘Wag kayong mag-alala dahil hindi makakarating kay Papa.” May ngiti pa sa labi na tinapik niya sa balikat ang kaniyang bodyguard.
“Baka malintikan tayo kapag sinunod natin si Ma’am Vanna.”
Napabuntong-hininga na lamang si Gibo habang habol ng tingin si Vanna.
Nang balikan ni Vanna si Leah sa boutique na pinasukan nito ay abalang-abala pa rin ang kaniyang kaibigan sa pagsusukat ng mga magagandang crop top na nakita nito. Daig pa nito ang nakakakita ng kayamanan kapag nakakakita ng magagandang crop top.
Pumasok siya sa isang boutique at naningin ng mga naka-display na mamahaling bag.
Kung kasama lamang niya ang kaniyang ina ay tiyak na matutuwa iyon sa mga naroong bag.
Hindi naman siya bibili kaya lumabas na rin siya makalipas ang ilang sandali. Nang puntahan niya ang kinaroroonan ni Leah ay nagtaka pa siya dahil wala na ito roon.
Umalis na ba ang kaibigan niya?
Tatawagan sana niya ang kaniyang kaibigan nang maalala na nakay Leah nga pala ang dala niyang cellphone dahil nakitawag ito kanina nang ma-lobat ito.
“At saan ka naman pumunta, Leah Marie?” aniya na luminga-linga sa paligid.
Pati mga bodyguard niya ay hindi rin niya makita sa paligid. Siguro ay sinunod ang hiling niya kanina.
Paano pa niya makikita ang mga nawawala niyang kasama? Ah, mali. Baka nga siya pa ang nawawala ng mga sandaling iyon.
Nang may makita siyang lalaki na may kausap sa cellphone ay nagbabakasakali na lumapit siya roon. Hinintay pa niya na matapos iyong makipag-usap sa kausap niyon bago niya kinapalan ang mukha.
“Kuya, can I borrow your phone?” pakiusap pa niya sa lalaking nilapitan.
Sandali pang napigil ni Vanna ang kaniyang paghinga nang humarap sa kaniya ang lalaking nilapitan.
A jaw dropping gorgeous guy. Ganoon niyang i-describe ang lalaking nasa harapan niya ngayon. Nakasuot pa iyon ng business suit kaya naman napaka-elegante ng dating nito.
Lihim pang napalunok si Vanna.
Bahagya namang nagsalubong ang kilay ng lalaki. “My phone?” ulit pa nito.
Tumango siya. “Nawawala ‘yong kasama ko at nasa kaniya ang phone ko. Ipapaalam ko lang po sana kung nasaang lugar ako ngayon dito sa Mall para mabilis niya akong makita. Isang text lang po.”
“Miss, lumang style na ‘yan para makuha mo ang number ko,” anang seryoso nitong tinig na nilampasan na siya.
Umawang ang labi ni Vanna. At napagkamalan pa siya na may hidden agenda?
“Ang taas naman ng pangarap mo para pagkamalan ako na may interes sa iyo. Hindi ka naman kaguwapuhan para pag-interesan,” hindi niya napigilang wika sa lalaki bago pa iyon tuluyang makalayo sa kaniya.
Huminto iyon sa paglalakad. Siguro ay nakanti niya ang ego nito kaya muli siyang binalikan.
“What did you say?”
Pinanindigan niya ang kaniyang sinabi dahil natitiyak niya na una’t huli na nila iyong pagkikita.
“Hindi mo ba narinig?”
“You—”
“Kung ayaw mong magmagandang loob, then don’t. Hindi ‘yong ang dami mo pang sasabihin na para bang biyaya ka ng Diyos sa mga kababaihan. Kung busy ka sa mga kliyente mo sa mga binebenta mong condo units, sabihin mo lang. Marami pa namang iba riyan na puwede kong hingan ng tulong.”
Tumiim ang labi ng lalaking makalaglag ang panty sa kaguwapuhan. Hindi totoong wala itong dating. Dahil kabaligtaran ang mga pinagsasabi niya.
“Binebentang condo units?” salubong ang mga kilay na ulit nito sa kaniyang sinabi.
“Yes. Real estate agent ka, ‘di ba?” aniya na tumaas-baba pa ang tingin sa katawan nito.
“Woman,” bulalas pa nito na para bang nauubusan ng pasensiya sa kaniya.
Nagbawi na ng tingin si Vanna at muli iyong inilibot sa paligid at baka sakaling makita niya ang kaniyang mga hinahanap.
Napabalik lang ang tingin niya sa lalaking estranghero nang magsalita iyon.
“Sino ba ang hinahanap mo?”
“Kaibigan ko,” sagot pa rin niya sa tanong nito.
“Ano’ng pangalan?”
“Leah Marie.”
“You, what’s your name?”
Kumunot ang noo niya. “Bakit?”
“Bilisan mo. Time is gold,” sa halip ay wika nito.
“Vanna,” tipid niyang sagot.
Sandaling naging abala sa cellphone nito ang naturang lalaki. Hanggang sa matigilan siya nang makarinig ng paging sa mismong mall.
“Paging, Miss Leah Marie, please go to CL Boutique on the first floor. Your friend Vanna is waiting for you.”
Nakatatlong ulit pa iyon.
“Okay na siguro ‘yon?”
Napakurap-kurap siya. Nagpa-paging pa talaga ang lalaking kausap niya? Sino ba ito?
“You’re welcome,” anito na naglakad na palayo.
Napalunok si Vanna. Mall manager ba ang lalaking iyon? O kaya naman ay Mall owner? Hindi niya sigurado.
Hindi naman niya magawang habulin pa ang naturang lalaki para makapag-thank you man lamang at baka biglang pumunta sa kaniyang kinaroroonan si Leah.
Ang tangi na lamang niyang nagawa ay ang habulin iyon ng tingin.
Kakaiba rin ang ginawa niyon para lamang malaman ng kaniyang kaibigan kung nasaan siya.
Hindi nga nagtagal at dumating si Leah na hinihingal pa.
“Akala ko, iniwan mo na ako,” reklamo pa nito.
“Ikaw ang nang-iwan. Naniningin lang ako sa kalapit na boutique, tapos, bigla ka na lang nawala.”
“Sosyal ka, ha? Pina-paging mo pa talaga ako,” nangingiti pa nitong wika. “Anak ka talaga ni Gov.”
Kung alam mo lang, Leah…