Chapter 01
HINDI INAALIS ni Vanna ang ngiti sa kaniyang labi habang hinihintay ang pag-aproba ng kaniyang mga magulang sa kaniyang kahilingan para sa nalalapit niyang eighteenth birthday. Three months from now, magiging isang ganap na siyang dalaga.
“Sigurado ka ba, anak, na ayaw mo ng isang magarbong debut?” hindi pa rin makapaniwalang tanong sa kaniya ng kaniyang ina.
Umiling siya. “Ayaw ko po, ‘Ma. Gusto ko pong mag-isa lang ako sa eighteenth birthday ko. Pero bago ‘yon, puwede naman po tayong mag-advance celebrate kasama ang mga kapatid ko. Okay na po ako sa simpleng dinner.”
Lalong hindi makapaniwala sa kaniya ang kaniyang Mama Cathy. “Vanna, anak, baka magbabago pa ang isip mo?”
Umiling siya. “Buo na po ang desisyon ko.”
Tumikhim ang kaniyang Papa Delfin. “Pero ang mga kapatid mo ay napakabobongga ng mga debut nila. Tapos ikaw, gusto mong mag-celebrate lang ng mag-isa?”
“Masama po ba ‘yon? Gusto ko lang naman pong makaranas ng birthday na kakaiba. Noong sixteenth birthday ko po, sobrang bongga rin po niyon. Parang wala naman pong pinagkaiba kung mag-ce-celebrate ako ng debut ko. Kaya naisip ko po na mag-out of town na lang po ako. Balita ko, maganda raw po sa Casa Blanca. Sikat na beach resort sa kabilang probinsiya. Saka po, hindi sobrang crowded dahil mahal ang pag-stay roon. Which is, alam kong afford naman po ninyo. Kahit three days lang po ako sa Casa Blanca, solve na ang birthday ko.”
“Baka naman may secret boyfriend kang isasama roon, ha?” duda pang wika ng kaniyang ina.
Tumawa si Vanna. “Mama naman,” react niya. “Para naman pong hindi ninyo ako kilala? Wala po akong boyfriend. Pero may asawa na ako.”
“Sino?” matabang na wika ng kaniyang ama. “‘Yong mga kinababaliwan mong Korean?”
“At least, safe ako sa teenage pregnancy dahil malalayo ang mga asawa ko. Cannot be reach.”
“Vanna,” saway pa sa kaniya ng kaniyang ina. Napailing-iling pa ito. “Malabo ka talagang magkakaroon ng boyfriend kung inasawa mo na ang lahat ng K-Pop Idol sa Korea.” Napailing-iling pa ito. “Sa beach mo talaga gusto? Ayaw mong mag-Korea?”
“Kung mag-ko-Korea po ako, baka hindi na ako umuwi,” biro pa niya sa kaniyang ina.
Siya iyong tipo ng babae na mas gusto pang maging baliw sa mga K-Pop Idol kaysa sa mga normal na tao na nakakasalamuha niya. Ewan ba niya ngunit kuhang-kuha ng mga iyon ang puso niya.
Siya si Vanna Del Fierro, ang bunsong anak ng mag-asawang Cathy at Delfin Del Fierro na isa sa pinakakilalang pamilya sa buong probinsiya. Tumatakbo bilang isang Governador ang kaniyang ama. Kaya naman ang pangalan nito ay ingat na ingat nila.
May apat pa siyang mga kapatid. Ang panganay ay si Ivan Del Fierro na thirty years old na, may sarili na ring pamilya. Tumatakbo naman bilang Congressman ng probinsiya nila. Ang pangalawa naman niyang kapatid ay si Mikee Del Fierro, twenty-six years old, Mayor naman ito sa bayan nila. Wala pang asawa at mukhang wala pa ring balak na maghanap ng mapapangasawa. Ang pangatlo naman niyang kapatid ay si Mary Jean Del Fierro, twenty-three na ito at kakakasal lamang. Naglilingkod din ito sa kanilang bayan bilang Vice Mayor. At ang pang-apat naman niyang kapatid ay si Lyn Del Fierro, twenty-one years old. Magtatapos pa lang ito sa kurso nitong Political Science.
At siya, seventeen turning eighteen years old na wala sa politika ang puso. Ganoon pa man, suportado naman siya ng kaniyang mga magulang sa pangarap niya. Gusto niyang magkaroon ng sariling foundation na ang layunin ay sa pagtulong sa mga mahihirap nilang kababayan.
Kilala ang mga kapatid niya at mga magulang sa kanilang lugar at gusto rin naman niya na makilala rin siya at maging proud sa sarili niyang paraan ang mga kapatid at magulang niya.
Pero habang hindi pa siya nagseseryoso sa buhay, gusto rin muna niyang igugol ang mga natitirang panahon sa pagiging isang tapat na asawa sa kaniyang mga iniidolo.
Supportive naman ang mga kapatid niya na panay ang regalo sa kaniya ng mga mamahaling merch na kahit hindi niya ungutin sa mga ito ay ibinibigay ng mga ito. Minsan pa, sinusurpresa na lamang siya ng mga ito ng concert ticket. Kaya naman mahal na mahal din niya ang mga kapatid niya at mataas ang respeto niya sa mga ito.
“Payag na po ba kayo?” untag pa ni Vanna sa kaniyang mga magulang.
Bumuntong-hininga ang kaniyang ama. “Alam ko namang kukulitin mo lang kami ng Mama mo kung hindi kami pumayag. Ano pa ba ang magagawa namin kung ayaw mo ng bonggang debut? Sige, gawin mo ang gusto mo. Ngunit sisiguraduhin mo lang na mag-iingat ka.”
Lumawak ang ngiti sa labi ni Vanna dahil sa sinabing iyon ng kaniyang ama. Sa tuwa ay halos itapon pa niya ang sarili dito nang yakapin niya ito.
“Salamat po, Papa,” masayang-masaya niyang bulalas. Niyakap din niya ang kaniyang ina. “Mama, payag na po si Papa. Alam ko pong ikaw rin.”
“Hindi pa ako pumapayag.”
“Mama,” maktol niya. “Malaki na po ako. Hindi na nga po ako mukhang batang paslit.”
“Puwes, kung saan ka pupunta, magsasama ka pa rin ng bodyguard.”
Umawang ang labi niya nang kumalas siya sa pagkakayakap niya sa kaniyang ina. “Mama, hindi na po ako bata na kailangan ng bodyguard. Hihilingin ko rin po na pagtuntong ko ng eighteen, gusto kong maging malaya.”
“Ano’ng ibig mong sabihin? Gusto mo bang makatikim ng pingot, Vanna?”
“Mama, kalma po. Ang ibig kong sabihin, wala ng susunod-sunod sa aking bodyguard. Lalo na sa school.”
Umiling ang kaniyang ina. “No. You need your bodyguards around you, Vanna. Hindi natin masasabi ang pagkakataon. Baka mamaya, mayroong may inggit sa ama mo na gustong makaisa sa pamilya natin. No way,” mariin pa ring tutol ni Cathy sa anak. “Papayagan kita sa birthday celebration na nais mo, pero hindi ang pag-aalis mo ng bodyguard.”
Mukhang sa parte na iyon ay wala siyang magagawa. Napabuntong-hininga na lamang siya.
“Okay po. Pero wala ng bawian sa gusto kong birthday celebration,” nakangiti na ulit niyang wika. “Walang party,” ulit pa niya. Humalik pa siya sa pisngi ng mga magulang niya bago siya lumabas sa silid ng mga ito.
Nang makalabas sa silid ng mga ito ay mabagal pa siyang naglakad sa pasilyong iyon.
Simula pagkabata pa lang ni Vanna, animo mayroon ng kutsarang ginto na nakasubo sa kaniyang bibig. Hindi naman sa nagsasawa siya sa buhay na mayroon siya dahil sobrang thankful pa nga siya.
May time lang talaga na gusto niyang makaranas ng simpleng mga bagay.
Katulad na lamang ng debut niya. Gusto niya ay iyong simple lang.