Arzendia

1522 Words
Masaya, payapa, pinagpala at may makatarungang batas at pamahalaan. Ito ang mahiwagang mundo ng Arzendia, kung saan naninirahan ang mga nilalang na ordinaryo, ngunit naapektuhan ng mahiwagang lugar ang kanilang katawan. Ang mundong ito ay nagtataglay ng kakaibang enerhiya na nagbibigay ng walang hanggang buhay at kabataan kahit mabilis ang takbo ng oras at panahon. Mistula itong pangalawang buhay ng mga namayapa. Purgatoryo sa salita ng mga tagalupang nilalang. Binabantayan ito ng dalawang demigod. Ang demigod ng batas at pamahalaan na si Balii Bie. Ang pangalawa naman ay ang demigod ng kasayahan, at pagpapala na si Zenon Fortun. Habang nakamasid ang dalawa sa masasayang nilalang sa ibaba ay biglang lumabas ang nakasisilaw na liwanag. Hudyat ito na maypanibago na namang nilalang ang tinanggap at nakapasok sa Arzendia. Nagtipon-tipon ang lahat upang batiin at kilalanin ang panibagong salta. Hindi kilala sa Arzendia ang salitang, inggit, poot, galit at yabang. Pagmamahal ang tanging namamayani sa bawat isa, sapagkat ang bawat nilalang na nakapasok doon ay wala ng maalala sa kanilang nakaraan, at pawang kasiyahan lamang ang nasa isip at puso nila. Ngunit, lingid sa kaalaman ng lahat na ang pagpasok ng panibagong nilalang ay hudyat din pala ng nalalapit na pagkawasak ng Arzendia.  Sa isang hindi inaasahang pangyayari ay naging makulimlim sandali ang mga ulap. Walang ka alam-alam ang lahat ng naroon na umibig ng sabay sa isang babae ang dalawang tagapagbantay ng Arzendia. Sila ay matalik na magkaibigan, labis na magkasundo kaya ay lubos na payapa ang lugar. Dahil sa kanilang katayuan ay ipinagbabawal ang umibig lalo na ang pakikipag niig sa mga nilalang sa Arzendia. Ang pagniniig ay hindi nangyayari sa lugar. Ang mga nilalang dito ay pawang mga inosente na parang mga bata na pagpupuri at pagpapalago lamang ng mga halaman ang kayang gawin. Sila rin ay hindi nakakaramdam ng gutom at pagkabahala. Isang dapit hapon, sa maligamgam at malinis na ilog ng mahiwagang lugar, ay tahimik at payapang nakikipaglaro ang bagong saltang dalaga sa mga malalaking isda. Sa panahon din na ‘yun ay tinatawag ng nakatataas ang demigod Fortun at iniwan si demigod Bie upang panatilihin ang tamang daloy ng lahat.  Saksi ang mga puno at halaman sa paghihirap ng tagabantay na pigilan ang sarili. Itinuon niya ang buong atensyon sa ibang mga bagay. Ngunit, talagang naaakit siya sa mapupulang labi ng dalaga na pinarisan ng mapulang buhok at maputlang kulay ng balat. Tila hindi maalis ang kanyang mga titig sa nakabukang bibig ng dalaga habang nakapikit na ninanamnam ang kiliti dulot ng mumunting pagdila ng mga isda sa kanyang mga paa. Lahat ng pagpipigil ay tila nauwi sa wala, ng magsimula ang kanyang pag-aanyo ng tao at tahimik na umaaligid sa dalaga. Hindi naglaon ay unti-unti s’yang nagpakita rito. Labis ang kanyang galak ng anyayahan siya ng dalaga na samahan itong magtampisaw sa ilog. At doon nangyari ang unang pisikal na pagkakasala ng isang demigod laban sa batas na siya ang may gawa. Nang napagtanto ang kanyang kapangahasan ay pilit siyang gumawa ng paraan upang ito ay mapag takpan. Pumunta si demigod Bie sa dulo ng ilog kung saan matatagpuan ang sikretong lagusan. Dala-dala niya ang walang malay na dalaga upang makatawid sa mundong kanyang pinanggalingan. Sapilitan niyang binuksan ang lagusan gamit ang kanyang sariling dugo. Lumikha ng maliit na ipo-ipo ang patak ng dugo na kanyang inalay sa malinaw na tubig. Gamit ang sariling mga kamay ay maingat niyang inilapag ang dalaga sa loob ng namumuong tubig. Unti-unting hinigop ang dalaga pailalim at kasabay ng paghupa nito ay ang pagbabalik ng dalaga sa dati niyang buhay sa mundo ng mga mortal. Matapos ang pangyayaring iyon ay bumalik si demigod Bie sa kanyang dating anyo at nagtungo sa kanyang tahanan. Malayo pa lang ay nararamdaman na niya ang presensya ng kaibigan. Hindi niya inakalang nakabalik na ito. Sa pagbubukas ng tubig na lagusan ay tumambad sa kanya ang imahe ng matalik na kaibigan na puno ng hinagpis at hinanakit. Lantaran niyang sinira ang pangako nila sa isa’t isa. Bagamat umibig sila sa iisang babae ay napagkasunduan na nila na makuntento na lang sa panonood sa dalaga at hindi na gagawa ng mga bagay na hihigit pa sa pagmamasid. Alam nilang dalawa na nakadepende sa kanilang magiging aksyon ang mangyayari sa Arzendia. Sa isang kumpas lang ng kamay ay tumarak sa puso ng isang demigod ang punyal na kayang pumaslang ng isang immortal. Yumanig, kumulog at dumilim ang kalangitan. Nagimbal ang buong mahiwagang lupain ng Arzendia ng sa ‘di inaasahan ay unti-unting nagbago ang kanilang kapaligiran. Nalanta ang dating malusog na bulaklak at matayog. Natuyo rin ang dating asul na katubigan. Kasabay ng mga pangyayaring ‘yun ang pagmulat ng dating natutulog na pakiramdam ng mga naninirahan sa Arzendia. Nakakaramdam na sila ng lahat ng maaaring maramdaman ng isang mortal.  Bumagsak sa ibabaw ng itim na bato ang isang punyal na naliligo sa asul na likido, habang unti-unting nagiging abo ang wala ng buhay na katawan ni demigod Bie. Taas noo’ng nakatayo at tumingin sa kawalan si demigod Fortun. Alam na niya ang susunod na mga mangyayari, subalit hindi siya nakaramdam ni katiting na pagsisisi. Bagkus ay naging masaya siya sapagkat nakalaya na ang kanyang tunay na sarili na ilabas ang mapait na saloobin. Lumipas ang mga araw at kitang-kita niya kung paano lapastanganin ng mga pinangangalagaan na nilalang ang bawat isa. Nagkaroon ang mga ito ng makasariling pag-iisip. Namayagpag ang isang uri at gumawa ng sariling grupo. Dahil sa labis na gutom ay kinain nila ang katawan ng mga mahihina. Ginamit ng paulit-ulit ang mga kababaihang hindi maaaring mapabilang sa kanilang hanay sapagkat ito ay mahihina. Naging masalimuot ang dati malaparaisong lugar. Subalit, wala pa ring maramdaman ang dating puno ng pagmamahal at kasiyahan na puso ng natitirang tagapagbantay. Dahil sa pagkawala ng batas at kaayusan ay nasira ang balanse ng mahiwagang lupain. Tuluyan ng nasira ang hiwaga ng Arzendia, ang lupain na nadiligan ng dugo ay lumikha ng sariling batas. Ginawa nitong totoong hayop ang mga nilalang na kumain ng kapwa nila. Ang kanilang anyo at kulay ay iniwangis sa itim ng kanilang budhi. Isinilang ang dugo ng Lycaon mula sa abo ng taksil na demigod Bie. Naging masidhi ang galit ng dati ay masayahin na demigod Fortun. Ipinangako niya sa sarili na kahit kailan ay wala ng makakalabas mula sa isinumpang lugar. Mistula nagkaroon ng sariling isip ang panibagong Arzendia, lumikha ito ng batas ng pagpapalaya upang kontrahin ang demigod Fortun. Sa pagdating ng blood moon ay magigising ang dugong lycaon na magsisilbing pangalawang buhay ng taksil na demigod ng batas. Pamumunuan niya ang isinumpang dugo at ipalaganap ang kadiliman. Lilikha sila ng panibagong Arzendia kung saan mas magiging malakas ito at paghaharian ang ibang mga nilalang. Sa pagbabago ng Arzendia tungo sa kadiliman ay nagbago rin ang takbo ng tungkulin ni demigod Fortun. Mula noon ay inaabangan na niya ang blood moon. Hinanap din niya ang nag-iisang babaeng inibig, sapagkat magmumula sa kanya ang isisilang na dugo na tutupad sa propesiya. Hindi maaaring makabalik sa Arzendia ang itinakdang dugo. Lumikha siya ng panibagong panangga sa tulong ng nakatataas. Magiging lubos lamang ang lakas ng panangga sa pamamagitan ng puso ng pinakamalakas na Lycaon. Ang tanging misyon niya ay paslangin ang itinakda at ialay sa panangga ng lagusan ang puso nito. Nagpapabalik-balik sa ibabang mundo ang demigod Fortun sa anyo ng isang tao. Maaaring nakasalamuha na siya ng mga mortal, at patuloy na hinahanap ang babaeng pinagmulan ng lahat. Matitigil lang ang lahat kung natupad o napigilan na ang propesiya.           Napangiti si Dane matapos basahin ang isang lumang maliit na libro. Bago umidlip ay nakagawian na ng dalaga ang basahin ang munting libro. Isa ito sa nagpapanatag ng kaniyang kalooban. Ito ang ang tanging pag-aari niya simula ng siya ay makatakas sa kaguluhan noon. Ang kaguluhan kung saan labis na binago ang kanyang buhay. Nag-iwan ito ng malaking pilat sa kanyang puso. Isang pilat na animo’y naging anino na sumusunod sa kaniyang bawat hakbang habang sa siya ay nagkakaidad. Malungkot ang mga mata ni Dane habang nakatitig sa kawalan. Maraming panahon na ang lumipas subalit nasa kaniyang puso pa rin ang bigat at sakit sa mga nangyari sa nakaraan. Mahirap itong kalimutan sa katulad niyang pinagkaitan ng pagkakataong mabuhay kasama ang mahal na ina at ama. Ang pagkakataong makamit ang nais na kumpleto at masayang pamilya.           Maingat niya itong ibinalik sa water proof na sisidlan bago isiniksik sa loob ng kanyang leather jacket. Mistula itong ginto sa paningin ng dalaga. Iniingatan niya ang librong ito sapagkat ‘yun ang bilin ng kanyang ama. Walang sinuman ang maaaring magbasa ng libro, ‘liban sa kanya. Mula noong kabataan pa n’ya ay paulit-ulit niyang iniisip kung totoo ang propesiya. Kung totoo ang Lycaon, lalo na at Lycaon pa naman ang kanyang apelyido. Napapakamot na lang siya ng kanyang ulo sa tuwing naiisip niyang baka siya ang tinutukoy ng libro. Laking pasasalamat niya dahil hindi itim ang kanyang balahibo sa tuwing siya ay nagiging Wolf. Huminga ng malalim ang dalaga at sinimulang ipikit ang kanyang mga mata. Sa ganoong paraan ay mas nararamdaman niya ang paligid. At mas paborito niyang gawin ang pagmamatyag sa bubong ng kanyang tirahan. 
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD