Chapter 4: Beauty in the Farm

1608 Words
Walang nagawa si Miles kundi ang magpahatid kay Sebby sa bahay ng kaniyang yaya Belinda. Tama ito, walang paraan para makalabas siya doon ng hindi napapansin lalo pa at kita na siya nito. Hindi siya maaaring dumaan kung saan siya dumaan kanina. Nang sumakay sila sa sasakyan nito ay hindi niya maiwasang kabahan. Hindi malaman kung bakit, marahil ay sa pagkakabuking nito sa kaniya.  Kumaway pa ang guard sa lalaking kasama matapos silang pagbuksan ng gate nito. Tahimik silang dalawa sa loob ng sasakyan habang tinutugpa nito ang daang sinabi. Nang makita niyang pabungad na sila sa kinatitirikan ng bahay ng yaya Belin niya ay nabigla siya dahil mukhang lalampas na ito. "Para! I mean dito na lang ako,” aniya nang matanaw ang bahay ng kanyang dating tagapag alaga. Nakitang tumingin sa kaniya ang lalaki. May pagdududa sa mata nito. "Ah—eh—dito lang ako kasi doon ako sa bahay na iyon nakatira. Baka kasi magising si ya—inang. Malaman pang umalis ako ng bahay,” medyo pa bulong na wika sa huling sinabi. Nakitang muling tumitig ang lalaki sa kaniya. 's**t! Huwag kang tumitig ng ganyan,' aniya sa isipan. Malapit na kasing bumigay ang sistema niya sa lakas ng appeal ng lalaking nasa harap. Hindi naman niya inaasahang ang guwapo pala sa malapitan ang kaniyang target. May kadiliman man ang loob ng sasakyan nito kitang-kita iyon kanina. Lalo pa nang maalala ang nakitang hinaharap nito habang nakatapis ng tuwalya. Halos napasabunot si Miles sa ulo ng iba ang natakbo sa isipan. Baka isipan nitong pinagnanasahan niya ang katawan nito. "Sige, salamat sa paghatid. No worries, hindi makakarating sa kaibigan kong tumanggi ka,” aniya saka ngumiti ng napakaluwang saka mabilis na umibis sa magarang sasakyan nito. Kumaway pa siya saka tumalikod at tinungo ang bahay ng kaniyang yaya. Nakitang naroroon pa rin ang sasakyan ng lalaki nang makarating sa kanilang tarangkahan. Mukhang sinisiguradong doon nga siya nakatira kaya pumasok na lamang siya. Maingat iyong binuksan. Alam na niya ang teknik ng pagbubukas noon at pagsasara upang hindi ganoon kaingay. Para tulog siyang magnanakaw na mahinahong napasok doon. Pagkapasok ay agad na nasabunutan ang sarili niya. "Ang tanga-tanga mo talaga Miles. Unang sabak pa lang palpak na! Ahhhhh—nakakainis ka!" gigil sa sarili. Napapailing si Sebby ng makitang patingkayad at marahan na pumasok ang babae sa loob ng bahay ng mga ito. Maliit na dampa iyon kaya naisip niyang baka nga tinanggap na niya ang trabahong pag-eescort para makaahon sa hirap. Ngunit mas lalo siyang nangiti nang maalala ang tagpo sa kaniyang silid.  Kung paano manlaki ang maliit nitong mata ng makitang nakatapis lamang siya ng tuwalya. Parang gusto niyang magsisisi sa pagtanggi sa hamon nito kanina. Maganda ang babae, parang ngayon lang din niya ito nakita sa bayan nila. Katamtaman lang ang taas nito, balingkitan at maganda. Hindi nakakasawang tignan ang mukha kahit wala itong kolerete sa mukha. Nang muling tignan ang bahay ay mukhang wala naman nang kataka-taka. Nang makitang doon nga nakatira ang babae ay bumalik na siya sa kanilang bahay. Kailangan niya na ring magpahinga dahil may ani sila bukas sa bukid at kailangang pumunta siya roon. Sa susunod na linggo ay babalik na siya sa ospital sa kanilang bayan at nakapangako na siya sa mamayan sa kanilang hacienda na magsasagawa siya ng libreng check-up sa kanilang mga trabahador. Kinabukasan ay yugyog sa kaniyang balikat ng kaniyang yaya ang gumambala sa mahimbing na tulog ni Miles. "Ya—” pungas na sambit sa inaantok na boses. "Anak, sasama ka ba sa bukid ngayon? Kung pagod ka ay dumito ka na muna sa bahay,” ang wika nito. Agad siyang napamulagat ng mata. "Sasama po!” masiglang wika sabay bumangon at nag-unat uoang tuluyang magising ang diwa. Hindi niya mapapalampas ang pagkakataong iyon. Alam niyang mas makikilala niya ang pakay sa pamamagitan ng mga trabahador nito. "Sigurado ka ba? Baka hindi mo kayanin sa bukid anak? Mabigat ang trabaho doon,” may pag-aalalang tinig ng yaya niya. "Inang," aniya. Unang tawag niya rito noon dahil kailangan niyang sanayin ang sarili lalo pa baka nasa paligid lamang din si Sebby. "Huwag po kayong mag-alala, kaya ko po iyan. Hindi na ako ang dating batang lampa,” natatawang wika rito sabay yakap. "Oh sige na nga. Gumayak ka na at mag-almusal na muna tayo para may lakas tayo. Marami raw aanihing palay ngayon” anito saka nagpatiuna sa maliit nilang kusina. Napapangiti siya habang nakatanaw sa likod ng kaniyang yaya. First time niyang makiani. Hindi niya alam kung kakayanin niya pero parang na-excite siya sa ideyang simpleng buhay. Ngayon niya masusubukan kung gaano kahirap maging magsasaka. Mabilis siyang gumayak. Isinuot ang long sleeve checkered saka tinirnuhan ng maong pants at saka nakita sa gilid ang isang buta. "Taray nito ah parang boots lang,” aniya ng maisuot. Natawa pa siya sa suot at paglabas niya ay agad na napalingon ang yaya niya sa kaniya. Hindi niya alam kung nabigla ba ito o nagulat sa hitsura niya. "Aba anak, sa bukid tayo rarampa hindi sa entablado,” natatawang saad nito. "Inang naman eh?” aniya rito na may himig pagtatampo. Tumawa naman ang matanda. "Oh siya, kahit anong ipasuot sa'yo ay bagay. Naku! Siguradong maraming kalalakihan ang didikit sa'yo mamaya,” nangingiting wika nito sa kaniya. Napangiti rin siya. "Ya, bata po ako eh,” aniya na tila kinse anyos lang. Napahalakhak tuloy ang yaya niya dahil ganoon na ganoon siya noon sa tuwing tinutukso siya nito sa mga kaklase niyang nagpupunta sa bahay nila para sa mga group activity nila. May crush kasi siya noon at ito lang ang nakakaalam kaya kapag nagagawi sila sa bahay nila para sa group project ay lihim siya nitong tinutukso. "Halina at kumain na muna tayo," anito saka sila nagsimulang pagsaluhan ang almusal na inihanda nito. "Wow! Sarap talaga ang tuyo kapag ang sinangag mo 'Ya ang partner. The best!" aniya na may pagmamayabang. "Sus! Nambula ka pang bata ka!” ani naman nito saka sila masayang kumain. “‘Ya, malaki na po ako,” aniya rito. “Akala ko ba bata ka pa!” pamamatol ng yaya niya at kapwa sila nagtawanan. Sa bukid ay nagsisimula nang lumusong sa palayan ang ilang trabahador. Nasa limang ektarya rin ang palayan na iyon. Iba pa kung saan ang puno ng mangga at sagingan nila. "Senyorito, mukhang tiba-tiba tayo ngayon. Walang masyadong bagyo kaya maganda ang palayan. Malalaki ang butil at marami," ani ng isang trabahador. "Tama kayo Mang Tonyo. Sana ay makaisang libong kaban tayo ngayon para naman malaki-laki rin ang parte ng bawat trabahador," aniya rito sabay tapik sa balikat ng katiwala. "Tiyak iyan senyorito. Oh hayan na pala ang mga makikigapas," anito ng makita ang ilang patungo sa kinaroroonan nila. Ngunit habang papalapit ang mga taong tinutukoy nito ay siyang pagkalukot naman ng noo niya. Naagaw kasi ng pansin niya sa isang magandang babae. Hindi siya maaaring magkamali. Ito ang babaeng intruder sa kaniyang silid kagabi. "Senyorito! Senyorito!"  "Ha!" Biglang baling sa katiwala na kanina pa pala siya tinatawag. Hindi niya namalayang masyado pala siyang nawili sa pagtitig sa babaeng napakaganda. "Senyorito, tinatanong ng mga tao kung saan nila sisimulan?" tanong ni Mang Tonyo. "Ah ganoon ba? Kahit saan," aniya ng mabawi ang sarili sa pagkapahiya. Nakitang tumingin sa kaniya ang babae. Alam niyang kilala na siya nito. Nang tignan niya ay agad itong nagbaba ng tingin at tila naging abala ito dahil tinuturuan siya nito ng kasamang babae sa kung ano ang gagawin niya.  Kahit nag-uusap sila ni Mang Tonyo tungkol sa sakahan ay hindi niya maiwasang makinig sa mga usapan ng mga nakikigapas. "Oy Belinda, hindi mo naman sinabing may maganda ka palang anak," ani ng isang ale. "Hay naku Delia, meron at sa Manila lamang naglalagi,” pamamatol ni Aling Belinda sa mga chismosang kapitbahay. "Aling Belinda, pwede daw bang makipagkilala sa magandang binibining kasama ninyo,” tinig naman ng isang lalaki. Hindi tuloy niya maiwasang tignan ang direksyon ng mga ito. Nakitang nakikipagkamay ang babae sa lalaking kasama. Tila nahihiya pa ang lalaki. Kilala niya ito, anak din ito ng isang trabahador nila. Alam niya ay nasa kolehiyo ito at nasa huling semestre na sa kursong engineering. Hindi niya alam kung bakit tila may inis sa lalaking katabi ngayon ng babae. "Senyorito! Senyorito!" Malakas na tawag ng katiwala. "Ha!" gulat na lingon rito.  "May problema po ba senyorito?" ang maang na tanong ng katiwala saka tumingin kung saan nakapako ang mga mata. Ngumiti ito ngunit hindi nagsalita. Matapos ng dalawang oras sa sakahan ay may isang daang kaban na sila. Halos singkuwenta katao rin ang nasa sakahan nila. Minsan ay tumutulong din si Sebby. Isa kasi ang sakahan nila sa mga nagsusuplay ng bigasan sa kalakhang probensiya nila. Kahit abala si Mikes sa pakikipag-usap kay Moises ay hindi niya maiwasang mapalingon sa kinaroroonan ni Sebby. Nakikita niyang nagbubuhat ito ng palay. Maging kaban ng palay na naisilid na sa sako. Napapalunok siya sa tuwing tumataas ang suot nito kapag nagbubuhat ng kaban ng palay. Hindi ito ang inaasahang Sebby. Akala niya ay nakapamaywang lang ito sa gitna ng palayan habang dinidiktahan ang kaniyang mga alipin. Muling nakitang nagbubat ito ng palay at sa pagkakataong iyon ay napataas pa lalo ang suot na tshirt. Bigala ay naalala ang nakitang katawan nito kagabi. Hindi niya tuloy maiwasang mapalunok at tila biglang nauhaw. Hindi niya napansin na pansin pala ni Moises ang pagtitig kay Sebby. Kaya ganoon na lamang ang gulat niya ng marinig ang huling wika nito. "Type mo ba siya?" anito na tila nababakas ang panlulumo sa tinig nito.  "Ha! Ah! Sino? H—hindi ah. Naa-amaze lang ako kasi siya ang may-ari. ‘Di ba mayaman at doktor pero nandito siya at na-shock ako ng makitang nagbubuhat siya ng kaban ng palay,” hindi magkandaugagang eksplika rito. "Ah oo, mabait iyang si kuya Sebby,” ani naman ng lalaki. Ngumiti na lamang siya kay Moises saka muling binalik ang titig sa direksyon ni Sebby at ganoon na lamang ang pagkapahiya ng makitang nakatingin din ito sa kaniya habang nasa paanan ang kaban ng palay na kalalapag lang nito. Hindi tuloy alam kung babain niya ang titig rito at yuyuko o ngingiti na lang dito.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD