Naging mahaba at nakakapagod ang araw na iyon para kay Eida. Nagmamadaling umuwi s'ya dahil napakarami na kaagad nilang assignments kahit pangatlong araw pa lang ng klase.
Naglalakad s'ya paakyat sa hagdan nang may marinig s'yang nag-uusap. Napatigil s'ya saglit para mapakinggang mabuti dahil mukhang may iringan ang mga ito at natakot s'yang manghimasok sa kung anong pinagtatalunan ng mga ito.
Isang galit na sigaw ng isang babae ang narinig n'ya at matapos iyon ay isang tinig ng umiiyak na lalake. Tuluyan na s'yang napahinto sa paglalakad.
"Hindi na kaya ng kunsensya ko, ‘Nay! Ayoko na.. Hayaan mo na lang akong mamatay!" umiiyak na sigaw ng lalake.
Nanlaki ang mga mata n'ya sa narinig.
"Hindi, Paolo. Wala kang sasabihin sa kahit na sino. Gusto mo bang bugbugin ka o kaya ay patayin ka sa kulungan?!" galit na sigaw ng babae. Nakilala naman n'ya kaagad kung kaninong boses iyon.
Boses ni Aling Pasing. Medyo lumapit pa s'ya sa pinto para marinig mabuti ang pinagtatalunan ng mga ito.
"Mas gugustuhin ko na lang mamatay sa bugbog kaysa mamatay sa bangungot, ‘Nay! Ayoko na! Walang gabi na hindi ako pinatulog ng kaluluwa ni Rhea! Nahihirapan na ako, ‘Nay! Hirap na hirap na ako!" malakas na sigaw ng lalaki habang humahagulgol ng iyak.
Halos mapako s'ya sa kinatatayuan dahil sa narinig. Rhea? S-sino ang kausap ni Aling Pasing? Sobrang lakas ng kaba n'ya dahil sa narinig.
Lalapit pa sana s'ya para silipin kung sino ang kausap ng matanda pero biglang nahulog ang librong dala-dala n'ya. Natatarantang napatutop s'ya sa bibig. Dali-daling pinulot n'ya ang mga nagkalat na libro at agad na nagtago sa gilid ng hagdanan. Sumiksik pa s'ya lalo nang makita n'yang lumabas si Aling Pasing kasunod ang isang maitim at nanlalalim ang mga matang lalaki.
S-s'ya? S'ya ang pumatay kay Rhea! Napausal s'ya ng dasal nang makitang papalapit si Aling Pasing sa gawi n'ya.
Napamura s'ya sa isip. Malalagot s'ya kapag nahuli s'ya ng mga ito!
Ngunit laking pasasalamat n'ya nang bumalik na ang dalawa sa loob. Muling nagsalita si Aling Pasing.
"Multo lang ‘yun, Paolo! Multo lang! Hindi ka magagalaw ng isang taong patay na!" sigaw nito sa lalaking tuloy pa rin sa paghagulgol.
Dali-daling umakyat s'ya sa hagdan nang mapansin na sinara nang muli ng mga ito ang pinto.
Sa sobrang lakas ng kaba n'ya ay halos patakbo s'yang nagtungo sa kwarto nila. Pagpasok n'ya ay agad n'yang ginising sina Kath at Wena.
"B-bakit, Eida? Ano'ng nangyari?" Pupungas-pungas na napabangon si Wena.
"Kath, gising!" inalog n'ya ito at agad din naman itong bumangon at nagsuot ng salamin.
"Eida? Ano'ng nangyari sa'yo at parang namumutla ka?" tanong ni Wena. Huminga muna s'ya ng malalim bago nagsalita.
"Alam ko na kung s-sinong pumatay kay Rhea!"
Pagkasabing-pagkasabi n'ya nun ay biglang umihip ang malakas na hangin. Sumiksik sila ni Kath sa kama ni Wena. Isang bintana lang ang mayroon sa kwarto nila at sarado pa ‘yon kaya walang panggagalingan ang hangin. Naiiyak na si Kath. Matinding kilabot na naman ang naramdaman ko ni Eida.
"Si Paolo. S'ya ang pumatay kay Rhea! Narinig ko silang nag-uusap ni Aling Pasing—"
Naputol ang sinasabi n'ya nang biglang walang kaabog-abog ay bumukas ang pinto ng kwarto nila at iniluwa ang isang matanda.
"Sinasabi ko na nga ba!" matalim ang matang sabi ni Aling Pasing!
Alam n'ya? Alam n'yang narinig ko s'ya?
"A-ano pong—"
Halos mapatili silang tatlo nang malakas na kumalabog ang pintuan.
Sinarado ni Aling Pasing ‘yon at saka ini-lock. Napalunok ng sunod-sunod si Eida nang lumapit ang matanda sa kanila.
"Wala kayo'ng pagsasabihan nito kung ayaw n'yong sumunod kayo sa Rhea na 'yon!" Mariin na banta nito sa kanila. Sa gulat n'ya ay hinawakan s'ya nito sa leeg.
"Pero, Aling Pasing—"
"Subukan n'yong magsumbong! Hindi na kayo makakalabas ng buhay sa silid na ito!" mahina pero mariing banta ng matanda. Nahihintakutang tumango sila.
Biglang humangin na naman ng sobrang lakas. Napatingin sila sa double deck na inookupa ni Eida nang biglang umuga ‘yon! Nabitawan ni Aling Pasing ang leeg n'ya. Naririnig n'ya itong umuusal ng "Diyos ko" ng paulit ulit habang nakatingin sa umuugang kama.
Palakas ng palakas ang pag-uga at lalong lumakas ang ihip ng hangin sa buong kwarto. Naglaglagan ang mga nakasabit sa dingding at naging patay sindi ang ilaw.
Napatili silang lahat. Si Aling Pasing naman ay dali-daling lumapit sa pinto upang buksan iyon ngunit hindi ito bumukas.
"Bwisit!" rinig n'yang mura nito habang pilit na binubuksan ang pinto.
Tuluyang namatay ang ilaw kasabay ng paglitaw ng babae sa panaginip ni Eida. Napa-sign of the cross si Aling Pasing habang hawak ang dibdib sa sobrang takot. Si Kath ay umiiyak na at si Wena naman ay mahigpit na nakahawak sa braso n'ya. Napatingin si Rhea sa gawi nila at sinabing "Salamat" ‘yung boses n'ya ay parang nanggagaling sa ilalim ng lupa sa sobrang baba.
Pagkatapos nun ay binalingan nito si Aling Pasing. Biglang nagbago ang itsura nito. Nagkaroon ng napakaraming dugo sa katawan at sa kalahati ng mukha ito. Mayroon pang pasa sa leeg na tanda na sinakal ito.
Lumapit si Rhea sa takot na takot na si Aling Pasing at hinawakan ito sa leeg.
"Papatayin kita!" galit na galit ang boses ang napakalalim na boses nito. Namimilog ang mga mata ni Aling Pasing sa takot. Hindi ito makapagsalita at kitang-kita n'ya ang panginginig ng mga kamay nito.
"Ayaw mong magdusa ang walanghiya mong anak? Pwes, ikaw na lang ang papatayin ko!" malakas na sigaw nito. Sadyang napakababa ng boses at parang nagmumula sa ilalim ng lupa. Nakita n'yang halos hindi na makahinga si Aling Pasing dahil sa tindi ng pananakal nito.
"‘Wag!" pigil na sigaw n'ya. Nabaling ang tingin ni Rhea sa gawi n'ya.
"K-kung ano man ang ginawa ng anak n'ya, hayaan mong s'ya ang magbayad dahil sa kasalanang ginawa n'ya sa'yo,"
"Nakikiusap ako, Rhea. Kami na ang bahala sa kanila. Sisiguraduhin ko sa'yo na mananagot ang may kasalanan sa pagkamatay mo," lakas luob na sabi n'ya.
Kitang-kita n'ya ang pagbabago sa galit na anyo nito at maya-maya pa ay binitawan na si Aling Pasing. Habol ng matanda ang hininga dahil sa tindi ng pagkakasakal dito. Unti-unting lumayo si Rhea kay Aling Pasing.
Biglang humangin ng malakas pagkatapos ay bumukas ang mga ilaw sa kwarto. Wala na ito ng tuluyang magliwanag ang buong kwarto. Dali-dali s'yang lumapit kay Aling Pasing. Biglang pumalahaw ito ng iyak.
"Patawarin n'yo ako.." umiiyak na sabi nito. Hinagod n'ya ang likuran nito. Lumapit na rin sina Kath at Wena at tinulungan s'yang alalayan si Aling Pasing.
Nang gabi ding iyon ay tumawag sila ng pulis upang bigyang katuparan ang pangako ni Eida kay Rhea. Dinampot ng mga pulis si Paolo at agad na sumuko naman ito sa kagustuhan narin ng ina na si Aling Pasing.
Bumalik silang tatlo sa kwarto at nagyakapan habang umiiyak ng tahimik. Sa wakas ay matatahimik na rin ang kaluluwa ni Rhea.
Biglang umihip ang malakas na hangin kaya napabitaw sila sa pagkakayakap. Napatingin sila sa kama kung saan biglang nagpakita ang multo ni Rhea.
Puting-puti na ang suot nito. Nakakasilaw. Mula sa liwanag na nanggagaling sa kanya ay nagsalita ito.
"Ngayon ay matatahimik na ako at ang pamilya ko. Maraming maraming salamat, mga kaibigan..." madamdaming sabi nito.
Muling umihip ang malakas na hangin at tuluyan na itong nawala sa paningin nila.
Hindi pumasok kinabukasan sina Eida, Wena at Kath. Sabay-sabay silang dumalaw sa puntod ni Rhea. Nagtulos sila ng kandila at nag-alay muli ng dasal para sa katahimikan ng kaluluwa nito.
Nawa'y makarating na s'ya sa pupuntahan n'ya...
Matapos iyon ay sabay sabay na silang bumalik sa apartment. Ngayon ay wala na ang kinatatakutang kwarto. Matatahimik na rin ang kunsensya ni Aling Pasing. At higit sa lahat, matapos ang dalawang buwan ay nabigyan na ng hustisya ang pagkamatay ni Rhea. Tuluyan ng matatahimik ang kaluluwa nito.