Reina
"S-Si Brittany po ba 'yon, tita?" tanong ko kay tita Beverly matapos niyang ibaba ang phone.
Nginitian ko siya at hindi ipinahalata ang inis na nararamdaman ko para sa anak niya.
"Oo. Hindi ko nga alam sa batang 'yan kung saan na naman nagsusuot. Seven months na siyang hindi umuuwi dito at hindi sinasabi kung nasaang lugar siya ngayon naroroon."
"Pero mukhang okay naman po siya, tita. Nasa safe na lugar naman po siguro siya."
"Yon ang sabi niya. Masigla naman siya makipag-usap sa akin. Nasa isang kaibigan daw siya ngayon pero malapit na rin daw siyang bumalik."
"Baka po nagtatrabaho na."
"Wala naman siyang nabanggit sa akin. Ganyan talaga ang batang 'yan noon pa man. Kaya nasanay na lang ako sa kanya."
"Ahm, tita, k-kung hindi niyo po mamasamain. Gusto ko po sanang itanong kung ilan ang anak niyo."
Napansin ko siyang napahinto at hindi kaagad nakasagot.
"O-Okay lang po kung hindi niyo--"
"Dalawa. Dalawang babae," nakangiti naman niyang sagot pero parang kabaligtaran ang sinasabi ng mga mata niya.
"N-Nasaan po 'yong isa?"
Bumuntong-hininga siya ng malalim.
"Ayon. Pareho lang sila ni Brittany na may mga sariling mundo. Mas pinili niya ring mamuhay ng mag-isa at malayo sa pamilya niya."
"Ganun po ba?"
"Siguro ay hindi na rin niya ako kilala ngayon." Biglang lumungkot ang anyo niya. "Mas mabuti pa nga si Brittany. Kahit papaano ay tumatawag siya sa akin at ipinapaalam na ayos lang siya."
"Ikinalulungkot ko po, tita."
"Kinukumusta din niya palagi ang kalagayan ko dito. Pati na rin ang Daddy Rhum niyo at si Rhysdave."
Napahinto naman ako sa sinabi niya. Pati si Rhysdave? At hindi man lang ako nabanggit.
Muli akong nakaramdam ng inis para sa anak niya.
"Tanggap ko na rin naman. Malalaki naman na sila at kaya na nila ang mga sarili nila. Nabubuhay na nga sila nang hindi ako kailangan. Pero nandito naman ako palagi sa oras na gusto nilang bumalik sa akin, lalo na si Brittany. Nagsabi naman siya na babalik na siya."
Muli ko siyang nginitian kahit hindi na bukal sa loob ko. "Napakabait niyo po, tita. Sana nga po ay magkasama-sama po ulit kayong tatlo. Ahm, matanong ko po ulit. N-Nasaan po ang ama nila kung ganun?"
"Hindi ko na rin alam kung nasaan. Malamang may sarili na ring pamilya."
"Ah, ganun po ba?" Hindi na ako nagtanong pa bukod doon dahil alam kong personal na bagay na 'yon.
"Masaya naman ako kung anong meron ako ngayon. Kinalimutan ko na rin sila. Kung babalik naman ang mga anak ko, willing akong tanggapin sila."
Napatango-tango ako sa sinabi niya. "Tama po, tita, kasi mga anak niyo pa rin po sila kahit ano pa ang mangyari."
"Ganun na nga at mahal na mahal ko naman sila."
"Ano pong pangalan nong isa niyong anak, tita?"
"Shantal Mia."
"Ang ganda naman po ng pangalan niya. Ang unique."
Tanging ngiti lang ang isinagot niya sa akin.
"Dito ka muna. Ikukuha kita ng dessert sa kusina."
"Naku, ako na lang po mamaya, tita. Huwag na po kayong mag-abala--"
"It's okay, Iha. Dyan ka lang."
"P-Pero--" Kaagad na rin siyang naglakad patungo sa dining room at hindi ko na siya nagawa pang pigilan.
Hindi ko alam pero parang may kakaiba sa kanya. Parang iba ang nagiging reaksyon niya kapag 'yong isang anak niya ang napag-uusapan. Parang wala naman akong nakikitang pagmamahal sa kanya.
At iba naman sa tuwing si Brittany ang napag-uusapan namin.
Niyuko ko ang anak ko at nakita kong natutulog na pala siya, pero nakasubo pa rin sa bibig niya ang n****e ko.
"Sana paglaki mo, anak ... maging mabuti kang tao, ha? At may takot sa Diyos. Sana ay hindi mo rin kalimutan si Mommy, kahit magkahiwalay tayo. Masasaktan ako kapag kinalimutan mo 'ko at may ibang tao ka nang itinuturing na pamilya. Sana'y hindi mangyari 'yon, anak."
Napangiti na lang ako habang pinagmamasdan siya. Hinaplos ko ang ulo niya at hinagkan siya sa noo.
KINAHAPUNAN ay bumalik na rin kami ng bahay namin dahil bukas ay may pasok na naman sa trabaho si Rhys.
Nalasing siya kaya maaga siyang nakatulog. Mabuti na lang din at nakatulog din ng maaga ang anak namin. Nakapaglinis pa ako ng bahay at nakapamalantsa ng mga susuoting damit ng asawa ko bukas sa opisina.
Ini-hanger ko silang lahat ng maayos sa closet.
Pinagmasdan ko ang mga damitan namin. Mabuti na lang din at hindi magulo kumuha ng mga damit si Rhys. Alam niya naman kasi kung gaano ako ka-neat pagdating sa pagsasalansan ng mga damit.
Dagdag trabaho ko ito kung burara siya at basta na lang hihiklas nang hihiklas. Lumabas na ako at plano ko munang bumaba ng bahay. Nakaramdam ako ng pagkauhaw at nakalimot pala akong magdala din dito sa taas ng isang baso ng tubig.
Napansin ko namang umiilaw ang screen ng phone ko na nasa ibabaw ng bedside table. Dinampot ko ito at nakita ko sa screen ang pangalan ni Mama na ngayo'y tumatawag.
Minabuti ko na munang lumabas ng kwarto bago ko ito sinagot. "Hello, Ma. Kumusta po kayo dyan?"
Sumalubong naman sa akin si Buddy at nagkakawag ang buntot. Hindi namin siya pinapapasok sa loob ng kwarto namin dahil kung minsan ay naglalagas ang mga buhok niya at hindi pwedeng malanghap ng baby namin ang mga 'yon.
"Anak, kumusta? Nakakaistorbo ba ako?" sagot ni Mama sa kabilang linya.
"Hindi naman po, Ma. Katatapos ko lang pong mamlantsa ng mga damit ni Rhys. Pababa po ako ng bahay. Galing po kami kanina sa mansion ni Daddy Rhum. Birthday po kahapon ni tita Beverly pero kanina lang po siya nagluto." Tuloy-tuloy na akong bumaba ng hagdan. Nauna naman sa akin si Buddy. Bukas pa rin ang mga ilaw namin dito sa baba.
"Namasyal pala kayo kanina. Nasaan ang apo ko?" tanong ni Mama.
"Natutulog na po silang mag-ama sa kwarto, Ma. Medyo nalasing po si Rhys, eh."
"Minsan lang naman uminom ang asawa mo. Siyanga pala, birthday na rin ng Papa niyo sa linggo."
"Oo nga po pala, Ma. Ano pong plano? Sa bahay na lang po ba maghahanda si Papa?" Nagtungo kami ni Buddy sa kusina.
"Oo dito na lang sa bahay pero medyo dadamihan natin ang handa dahil 50 na ang Papa niyo."
"Sagot ko na lang po ang handa ni Papa, Mama. Magpa-cater na lang po kaya tayo?"
"Ano ka ba? Baka mas masarap pa akong magluto kaysa sa mga catering na 'yan."
"Masarap naman po talaga kayong magluto, Ma. Ang sa akin lang po para hindi na kayo mapagod pa."
"Ayos lang naman sa akin dahil marami naman tayong makakatulong. Nandito naman ang mga tiyo niyo at mga pinsan niyo. Mas makakatipid pa tayo. At saka, huwag kang mag-alala sa panghanda dahil matagal ko na talaga 'yang pinag-ipunan."
"Sa akin po ang lechon, Ma," natatawa kong sagot sa kanya. "At saka, itabi niyo na lang po 'yang ipon niyo--"
"Hindi, anak. Tumigil ka. Ipinaalala ko lang sa 'yo kaya ako tumawag. Hindi ako nanghihingi. Baka lang kasi makalimutan mo. Baka mamaya ay bigla kayong magkaroon ng ibang lakad sa linggo."
Mas lalo akong natawa sa sinabi niya.
"Birthday pa talaga ni Papa ang makakalimutan ko, Ma? Memoryado ko po ang lahat ng birthday niyo pati sa mga kapatid ko. Pati ang anniversary niyo ni Papa ay kabisado ko rin. Kahit noong araw na sinagot niyo siya." Kumuha ako ng baso sa cabinet at nagtungo sa water dispenser. Isinahod ko ito at pinatuluan ng malamig na tubig.
"Hmmm... Ikaw na talaga, anak." Narinig ko naman ang pagtawa niya mula sa kabilang linya. "Ikaw na ang matalas ang memorya."
"Siyempre, ganun po kapag mahal ko ang isang tao. Tinatandaan ko ang lahat ng bagay na may connection sa kanya."
"Ehemn. Napakaswerte naman talaga namin sa iyo, pati na rin ang asawa at anak mo."
Kinilig ako sa sinabi niya. "Thank you, Ma."
"Oh, sige na. Magpahinga ka na rin. Pasensiya na sa istorbo."
"Wala pong anuman, Ma. Sasabihin ko po kay Rhysdave bukas. Saturday pa lang ay nandyan na po kami."
"Oh, sige. Salamat, anak. Ingat kayo palagi dyan."
"Kayo rin po dyan, Ma. I love you."
"I love you too, anak."
"Goodnight po."
"Goodnight."
Napangiti na lang ako at pinutol na rin ang linya. Uminom muna ako ng tubig sa baso bago ko ito nilagyang muli.
Ngunit kamuntik na akong mapatalon sa gulat nang makarinig ako nang tila nabasag mula sa sala. Biglang tumahol si Buddy at tumakbo patungo doon.
"Ano 'yon, Buddy?"
Nagmadali ako sa pagsunod sa kanya bitbit ang basong puno ng tubig. Nakita ko siya sa harapan ng home theater namin at tinatahulan doon ang basag na bagay.
Kaagad ko siyang nilapitan at doon ko nakita ang isang picture frame. Basag na ang mga salamin nito. Maingat ko itong dinampot at ibinaligtad.
Doon ko nakita ang picture naming tatlo ni Rhysdave at baby Rage. Basag-basag na ang salamin nito.
"Bakit naman kaya nahulog 'to?" Napuno ako nang pagtataka.
Tiningala ko ang kinalalagyan nitong audio cabinet. Naririto pa naman sa ibabaw nito ang iba pa naming mga picture frame na may mga larawan din namin.
Muli namang tumahol si Buddy sa tabi ko.
Hindi ko alam kung bakit habang nakatitig ako sa basag na picture frame namin ay may kakaibang kaba akong naramdaman sa dibdib ko, na hindi ko maipaliwanag.