Reina
PAGSAPIT ng sabado, maaga pa lang ay umalis na kami ng bahay. At katulad pa rin ng dati, sa tuwing alam naming hindi kami makakauwi ng ilang araw, isinasama na namin si Buddy.
Hindi ko kasi kayang maiwan siya ng mag-isa sa bahay, lalo't wala ring magpapakain sa kanya habang wala kami. Naiiwan lang naman siya sa tuwing umuuwi rin kami sa hapon, katulad na lang noong magtungo kami sa mansion ni Daddy Rhum.
Kilala naman na niya ang pamilya namin at siguradong matutuwa din siya pagdating namin doon.
Dumaan muna kami sa Mall ni Rhys upang bumili ng regalo para kay Papa. Naiwan na sa car si Buddy at kasama naman namin siyempre ang anak namin.
Namili rin ng mga mamahaling alak si Rhys at pasalubong para sa mga kapatid ko. Bumili na rin ako ng bagong picture frame. Naipaalam ko na rin kay Rhys ang pagkabasag ng dating picture frame namin sa bahay. Ang sabi niya siguro daw ay dumulas lang ito kaya nahulog. Medyo gumagalaw kasi sila kapag nagagamit ang speaker. Doon kasi sila nakapatong sa ibabaw ng audio cabinet.
Ginamit kasi namin iyon noong nakaraan kaya marahil ay nabago ang posisyon nila nang hindi namin napapansin.
Hindi na rin naman kami nagtagal pa sa Mall. Kaagad na rin kaming bumiyahe patungo sa bahay ng mga magulang ko, sa Francisco Street, Mandaluyong. Sa isang subdivision sila nakatira at si Rhysdave ang bumili niyon para sa pamilya ko.
Ayaw sana iyon tanggapin noon ng mga magulang ko pero nagpumilit talaga si Rhys. Ipinangalan niya na rin ang titulo nito sa mga magulang namin. Lumipat doon ang pamilya ko tatlong buwan matapos naming ikasal ni Rhys.
Dalawang buwan kaming nag-honeymoon noon ni Rhys sa Thailand, at pagbalik namin dito sa Pilipinas ay nakipagsuyuan pa siya sa mga magulang ko para lang tanggapin ang bahay na 'yon at lipatan na nila kaagad.
Kumpleto na rin 'yon sa mga gamit. Yari na kasi 'yon noong bilhin ni Rhys at pina-renovate na lang niya. Mayroon itong apat na kwarto na may mga katamtamang laki.
Naging kwarto nila Papa at Mama ang isa. Nagsama naman sa isang room ang dalawang lalaki kong kapatid, at pinagtig-isahan naman ng dalawa ko pang mga kapatid na babae ang dalawa pang natitirang kwarto. Tamang-tamang lang talaga para sa kanila.
Sa tuwing umuuwi naman kami doon ay pinagagamit ni Noella ang silid niya sa amin at tumatabi muna siya sa ate Rhiann nila. Si Rhiann ang sumunod sa akin, 20 years old. Si Nathan ang sumunod, lalaki at 16 years old pa lang. Si Noella ang sumunod, babae na 12 years old pa lang din. At si Raymond naman ang bunso namin, lalaki at 8 years old pa lang.
Mga bata pa talaga ang mga kapatid ko at nag-aaral pang lahat. College pa nga lang ako noong makilala ko si Rhysdave at noong maka-graduate ako, saka niya ako niyayang magpakasal. Nagtapos ako ng BS HRM. Si Rhiann naman ay next year pa ga-graduate at Computer Science naman ang course niya.
Kaya nga ginawa talaga ni Rhys ang lahat upang matulungan ang pamilya ko dahil sa pagkuha niya sa akin mula sa kanila. Hindi na rin naman kasi mapigilan pa si Rhys noon. Talagang itinali na niya ako kahit ilang buwan pa lang ang relasyon naming dalawa.
Binilhan pa niya noon si Papa ng mga tricycle at service naman para kay Mama para sa mga paninda niyang ulam.
At ngayon nga ay hindi naman ako nagsisi na pinakasalan siya. Isa siyang responsable at mapagmahal na asawa. Hindi rin nawawala ang respeto niya sa mga magulang ko kaya minahal na rin talaga siya ng pamilya ko.
THIRTY MINUTES lang ang binyahe namin mula sa Mall ay nakarating din kami sa bahay nila dito sa Francisco Street, Mandaluyong. Inihinto ni kuya Ivan ang kotse sa tabi ng gate bago siya lumabas at pinagbuksan kami ng pinto.
Nauna pang tumakbo palabas si Buddy at nagkakawag ang buntot. Nagdadamba na rin siya kaagad sa nakasaradong gate ng bahay ng mga magulang ko. Talagang kilalang-kilala na rin niya ang bahay na pinuntahan namin ngayon. Maraming beses na rin kasi siyang nakapunta dito.
"We're here, baby. We're here at your grandparents' house," pagkausap ni Rhys sa anak naming gising na gising pa rin. Lumabas na rin sila ng kotse bago ako sumunod.
Dumede lang siya sa biyahe kanina pero hindi naman natulog. Dilat na dilat pa rin ang mga mata niya hanggang ngayon.
"Buddy!"
Napatanaw kami sa loob ng gate nang marinig namin doon ang pag-irit ng kapatid kong si Noella. Nagtatahol naman ng malakas si Buddy at mas lalo pa siyang na-excite. Para nang kiti-kiti ang katawan niya sa harap ng gate.
Mabilis na binuksan ni Noella ang gate at sumalubong naman kaagad sa kanya si Buddy.
"Buddy! Nandito ka ulit! Nandito ka ulit!" Niyakap niya kaagad si Buddy. Pinagdidilaan naman ni Buddy ang mukha niya.
"Buddy!" sigaw din ni Raymond na lumabas na rin ng bahay. Siya ang bunso naming kapatid. Kaagad ding tumakbo palapit sa kanya si Buddy.
"Oh, 'di ba? Ang saya-saya na naman ni Buddy," ani ko sa kanila.
Tumayo nang muli si Noella at kami naman ang sinalubong niya.
"Nandito ang baby namin! Baby Rage! Dito ka sa tita! Tita mo 'ko!" Kaagad niyang kinuha si Rage mula sa kuya Rhys niya at pinanggigilan ito ng halik sa pisngi.
"Dahan-dahan, ha? Baka mahulog mo," ani ko sa kanya. "Nasaan sila Mama at Papa?"
Pumasok na kami sa loob ng bakuran. Tinulungan ni Rhys sa pagbitbit ng dalawang bag naming dala si kuya Ivan. Pati na rin ang regalo namin para kay Papa. May mga alak pa at pasalubong.
"Raymond! Kunin mo 'yong mga pasalubong sa kotse," utos ko naman sa bunso namin na ayaw tigilan si Buddy.
"Opo, te. Buddy!" Naghabulan pa sila ni Buddy patungo sa gate.
"Nasa likod-bahay sila, ate. Nagkatay sila ng baboy," sagot naman ni Noella. "Hello, kuya!" bati niya rin sa kuya Rhys niya.
"Hello. Parang tumataba ka ngayon, ah." Ginulo ni Rhys ang buhok niya.
"Hmp. Diet na nga ako, eh."
Natawa naman kami sa sinabi niya. Halata ngang bumibilog ngayon ang mukha niya at nagkakalaman ang katawan niya.
"Bakit ka naman nagda-diet kaagad? Ang bata-bata mo pa. Siguro may manliligaw ka na," ani Rhys naman sa kanya na alam kong nagbibiro lang.
"Wala po, no! Inaasar kasi ako ni kuya Nathan sa bilbil ko, eh!"
Natawa naman kami sa paraan nang pagsagot niya.
"Nasaan ang kuya Nathan mo? Si ate Rhiann mo, nasaan?" tanong ko sa kanya.
"Nasa palengke po sila. Nag-motor lang sila ni kuya Nathan."
"Ang kuya Nathan mo ba ang driver?" tanong naman ni Rhys.
"Si Ate Rhiann po. Wala pang lisensya si kuya Nathan, eh."
"Magaling pala mag-motor ang ate mo."
"Opo. Magaling 'yon, eh."
"Bumili pala sila Mama at Papa ng buhay na baboy?" tanong ko naman sa kanya.
"Opo, te. Kanina lang dumating. Lakas nga ng iyak, eh. Nakakaawa."
"Pero kakain ka rin mamaya," biro ko naman sa kanya.
"Masarap, eh."
Natawa kami sa sinabi niya. Pumasok na kami sa loob ng bahay. Dalawang palapag ito ay mayroon pang rooftop. Doon ang sampayan nila. May mga alaga din doong mga manok at pato si Papa.
Ibinaba nila Rhys at kuya Ivan dito sa sala ang mga dala-dala namin.
"Anak!" Lumabas si Mama mula sa kusina at kaagad na sumalubong sa amin.
"Mama..."
"Naku, ang apo ko! Na-miss ko ang apo ko!" Bago kami nagkalapit sa isa't isa ay nakuha muna niya mula kay Noella si baby Rage. Niyakap niya ito at pinaghahalikan sa pisngi at leeg. "Mas lalo ka pang bumigat ngayon, ah. Ang taba-taba mo, buyag!"
"Mano po, Ma."
"Hello, Ma."
Nagmano kami ni Rhys sa kanya at humalik din sa pisngi niya.
"Bakit parang tanghali na ang biyahe niyo? Mainit na sa labas. Kumain na kayo."
"Dumaan pa kasi kami sa Mall, Ma."
"Si Papa po?" tanong naman ni Rhys sa kanya.
"Nasa likod at nagtutulong sa paggagayat ng karne."
"Pupuntahan ko lang po." Kaagad ding naglakad patungo sa kusina si Rhys at lumabas sa pintong nasa kaliwang bahagi patungo sa likod-bahay.
"Oh, sige. Kumain muna kayo, ha. May niluto na dito na ulam para hanggang mamayang gabi."
"Sisilipin ko rin po muna sila, Ma." Sumunod din ako kay Rhys patungo sa likod-bahay.
"Oh, sige. Napagod ba ang apo ko sa biyahe? Nasa likod ang lolo," ani Mama naman mula sa likod ko.
Pagdating namin sa likod-bahay ay inabutan nga namin doon sila Papa at katulong niya sa paggagayat ng mga karne ang mga tito namin at ilan sa mga pinsan namin. Nasa anim ka-tao silang naririto.
Lumapit kami sa kanila ni Rhys at nagmano kay Papa, pati na rin sa mga tito namin.
"Happy birthday, Pa," nauna nang bati sa kanya ni Rhys kasabay nang pagmano niya.
"Naku, marumi ang kamay ko." Ingat na ingat na idinampi ni Papa ang likod ng kamay niya sa noo ni Rhys.
"Happy birthday, Papa!" Nagmano din ako sa kanya at humalik sa pisngi niya.
"Aba, eh, bukas pa naman ang birthday ko. Aywan ko ba dito sa Mama niyo, kailangan pa eh, bongga. May baboy pa. Pwede namang pato na lang."
"Siyempre, 50 years old na kayo, Papa."
"Hmm. Lilipas din naman 'yan."
"Kayo naman. Minsan lang 'yan sa isang taon."
"Masaya naman na akong sama-sama tayo, kahit simple lang. Salamat at dumating kayo."
"Palagi naman po kaming present sa kahit sinong may birthday sa atin, Papa."
"Naku, iiyak na 'yan," tukso ng tito namin sa kanya.
"Paiiyakin niyo naman kaagad ang Papa niyo, bukas pa ang birthday," natatawa ding saad ng isa pa sa mga tito namin.
Si Papa naman ay nagsisimula na ngang suminghot kaya hindi ko napigilang yakapin siya mula sa likod.
"I love you, Papa."
"Hindi na nga 'yan surpresa dahil ayaw niyang pumayag na mag-date kami ngayon sa hotel at bukas na kami uuwi," biglang sabat ni Mama na ngayo'y naririto na rin, habang buhat ang anak namin.
Naghalakhakan namang bigla ang mga tito namin at pinuno ng kantiyaw si Papa. Maging kami ay natatawa na rin ni Rhys.
"May kwarto naman tayo dyan. Bakit sa hotel pa?" sagot din ni Papa sa kanya, kaya napahalakhak muli ang mga tito ko, pati na rin si Rhys.
Napapailing na lamang ako sa kanila. Isa ang mga ito sa mga bagay na hindi ko pwedeng ma-miss sa pamilya ko sa tuwing nagkakasama-sama kaming lahat.
Maingay at punong-puno ng saya at pagmamahal ang buong pamilya.