Prologue
Malakas ang hangin at ulan. Na-trap kami ng boyfriend kong si Keno dito sa coffee shop. Madalang akong mapunta sa ganitong mamahalin ng coffee shop. Nakakapunta lang ako rito kapag nililibre ako ni Keno. Ang sosyal-sosyal dito tapos ang sarap din ng kape. Sa totoo lang, hindi naman ako mahilig magkape. After ko kasing uminom ng kape ay mamaya lang ay magpa-palpitate na ako. Pero dahil minsan lang ‘to, nilalaban ko na. Ayoko naman kasing tumanggi kay Keno. Gusto ko rin na palagi kaming nagco-coffee date. Siya rin naman ang unang nag-aaya, dahil siya lang naman ang mapera sa aming dalawa.
“Kainis, mukhang magtatagal pa ang ulan. Ang lakas at ang dilim pa ng langit,” iritang sabi ni Keno. May basketball pa kasi sila ng mga kaibigan niya. Eh, dahil wala kaming dalang payong, mali-late na tuloy siya roon. Kanina pa tumatawag ang mga kaibigan niya. Inip na inip na ang mga ito sa paghihintay sa kaniya. Hinawakan ko ang kamay niya. Pagkapisil ko roon ay bigla niyang binawi ang kamay niya kaya nagtaka ako. Nakakunot siyang tumingin sa akin. Umaandar na naman ang topak niya. Ganito siya kapag hindi natutupad ang mga nakaplano niyang gawin ngayong araw.
“Dapat pala sa isang araw na lang tayo nagkape. Gustong-gusto ko pa namang mag-basketball ngayon,” bulaslas niya.
Tumingin ako sa kabilang table. May mga student doon na taga ibang school na kanina pa pasulyap-sulyap kay Keno. Hindi na ako nagtaka, sobrang guwapo at maganda kasi ang katawan ng boyfriend ko. Saka, hello, siya lang naman ang pinaka guwapong student sa University of Augustus. Dahil boyfriend ko ang nag-iisang Keno Rodriguez, ang dami ko tuloy basher sa school namin ngayon. Unang-una na sa listahan ang tatlong bruha na sina Francizka, Shenille at Alliah na palagi akong pinagti-trip-an. Leader nila ang bruhang si Francizka na balita kong may gusto kay Keno. Hindi naman kami nagpapansinan dati, wala rin kaming problema sa isa’t isa. Di rin kami magkakilala dahil rich kid siya. Pero simula nang maging kami ni Keno, madalas na niya akong inaasar at inaapi. Ang laki ng inggit niya dahil isang Aina Salgado lang na hindi naman rich kid ang nakatalo sa kaniya. Ang sabi kasi ng iilang student sa school namin, kung sino raw ang magiging syota ni Keno Rodriguez ay siya raw hihirangin na queen ng school namin at ako na ‘yun dahil akin na si Keno. Hindi ko naman siguro kailangan pang i-describe ang sarili ko. Pinaka guwapo na sa school namin si Keno at niligawan niya ako kaya ibig sabihin, malakas din ang dating ko. Sa ganda ba naman ng kutis at height ko, talaga namang lapitin din ako ng mga kalalakihan. Ang unang-unang rason din kung bakit maraming may ayaw sa akin ay dahil sa ganda na mayroon ako. Sa school namin, ako lang ‘yung hindi mayaman pero popular. Pero kahit isa man ako sa matunog ang pangalan sa University of Augustus, madalas naman akong mapahiya dahil sa mga bully na mag-aaral doon. Matapang ako, oo, pero minsan hindi ko kaya ang mga nang-aapi sa akin. Karamihan kasi sa mga malalaking babae na nang-aaway sa akin ay binabayaran ni Francizka para ipahiya at apihin ako. Nakakaloka nga dahil pinaggagastusan ako ni Francizka.
Pero dahil kami na nga ni Keno, wala nang umaaway sa akin ngayon. Tahimik na ang buhay ko dahil pinoprotektahan niya ako. Kaya naman sobrang saya ko dahil parang reyna na talaga ako sa school namin.
Pareho na kaming fourth year college ni Keno. Graduating na ngayong taon. Gusto kong maging doctor habang si Keno naman ay gustong maging optician.
“Babe, puwede bang mauna na ako. Mag-taxi ka na lang pauwi. Gusto ko talagang maglaro ng basketball,” sabi niya kaya napakunot ang noo ko.
“Babe, mababasa ka! Malakas pa ang ulan oh. Baka magkasakit ka niyan,” pigil ko sa kaniya pero hindi na siya nagpapigil. Hinalikan na niya ako sa lips at saka na ito nagtatakbo palabas ng coffee shop. Napapailing na lang tuloy ako nang makita kong tumakbo na siya palayo rito.
“Ang suwerte niya. Siya pala ‘yung girlfriend ni Keno.”
“Kaya nga.”
“Maganda naman din kasi si girl. Kung hindi ako nagkakamali ay Aiana ang name niya.”
Napapangiti ako dahil kahit sa ibang school ay kilala na rin pala ako. For sure dahil kay Keno kaya nagin popular na rin ako.
Mayamaya ay napatingin ako sa pintuan ng coffee shop. Namilog ang mga mata ko nang makita kong pumasok sa loob ang bihis na bihis at tila donya na si Mama habang may kasamang isang lalaking mukhang ang yaman-yaman. Bigla akong tumayo upang lumipat sa isang gilid. Ito ay para hindi niya ako makita. Naloka ako dahil hindi ko alam na nakikipagkita na pala si Mama sa ibang lalaki. Alam ko naman na may nanliligaw sa kaniya, nabanggit na niya sa akin ito pero ang hindi ko alam ay nagdi-date na pala sila.
Limang taon nang patay si Papa at tanggap ko naman na gusto pa rin niyang mag-asawa. Kaya lang ay bakit masyado naman atang mas matanda si Mama kaysa sa lalaking kasama niya ngayon. Hindi ko tuloy bet kapag nakikita kong magka-holding hands silang dalawa. Nagmumukhang sugar mommy ang mama ko sa kanilang dalawa. Lagot sa akin si Mama sa bahay kapag umuwi na siya. Nakakatawa ang itsura niya. Hindi naman siya ganiyan manamit. Mukhang ang yaman-yaman na rin tuloy niyang tignan ngayon. Sa nakikita ko naman ay mukhang masaya at nalilibang siya. Ang hindi ko lang gusto, bakit tila sampung taon ang agwat ng edad ni Mama sa lalaking ‘yun? Ang bata talagang tignang ng boyfriend niya.
Dahil hindi ko na kayang tignan ang pagiging sweet nilang dalawa, kahit malakas pa ang ulan ay tumakbo na ako papunta sa isang waiting shed na kung saan ay mayroong dumadaan na mga taxi. Basang-basa ako nang makaupo ako roon. Tiyak na ganito rin ang itsura ni Keno nang tumakbo siya kanina. Bundol talaga ‘yun. Adik na adik siya sa pagba-basketball.
Habang naghihintay ako ng taxi na masasakyan ay biglang may humintong magara na sasakyan. Napairap agad ang mga mata ko dahil kilala ko na kung kanino ‘yun. Bumukas ang bintana ng kotse at doon ko na nakita si Francizka na bagong kulay ang buhok. Blonde na ang maldita ngayon.
“Hi, b***h! Maganda ba? Bagay ba?” Winagayway pa niya ang buhok nito at saka sinuot ang mamahalin niyang shades. Parang tanga lang, hindi naman mataas ang araw nag ganoon pa siya. Hindi ba siya aware na umuulan ngayon. Siya talaga ‘yung babaeng pa-cool minsan, pero madalas mukhang tanga. Natatawa na lang tuloy ako.
“Mauna na ako, Francizka, may taxi na,” sagot ko na lang at saka ako nagmadaling sumakay sa taxi na nasa likuran ng kotse niya.
Pagpasok ko sa loob ay nakahinga na ako ng maluwag. Sa tuwing magkalapit kasi kami ni Francizka ay alam kong may pangit na nangyayari sa akin. Pakiramdam ko ay palagi siyang may hatid na kademonyohan kapag nasa paligid ko.
“Saan po tayo?” tanong ng taxi driver sa akin. Namilog ang mga mata ko nang makita ko ang driver ng taxi na lulan ko ngayon.
Syet!
“L-Lio?”
“Ako nga,” sagot nito at saka ako kinindatan. Bababa na dapat ako pero na-lock na ang agad niya ang pintuan ng kotse. Napamura na lang ako ng palihim. Patay na naman ako nito. Sigurado akong may gagawin na namang hindi maganda sina Francizka sa akin. Utus-utusan niya kasi itong si Lio na isang heartthrob din sa school namin. Sumusunod siya kay Francizka dahil gusto niya ito. Ito namang si Francizka, sinasamantala na patay na patay sa kaniya si Lio kaya kahit anong gusto niyang ipagawa sa lalaki ay susundin naman ng tangang si Lio.
Sigurado ako na dadalhin na naman nila ako sa isang hideout nila para pag-trip-an. Humanda sila kay Keno. Magpapadala ako ng text message sa kaniya para mailigtas niya ako.