Hindi ko alam kung ano ang eksaktong dahilan kung bakit ako pumayag na tulungan si Zack sa problema n’ya.
Was it because my mind wasn’t clear due to the sudden offer that my Dad gave me or just the irritating urge to find out if Elijah Consunji wasn’t really connected in that Black Tulips scandal that an unknown confidant sent me?
Well… kahit ano pa ang dahilan ay wala na akong magagawa dahil nandito na ako.
Dalawang araw pagkatapos kong pumunta sa Coffee Haven ay tuluyan na ngang naganap ang Emperor’s Night sa Black Tulips.
Dito ko na mismo nalaman na dalawang araw pala usually ginaganap ang isang malaking event na katulad ng Emperor’s Night. At dahil marami ang iwewelcome na bagong patron ngayon ay aabutin ng tatlong araw ang event.
Ngayon ang unang gabi ng Emperor’s Night at bago pa lang ako pumunta dito ay hinanda ko na ang sarili ko para sa mga posibleng mangyari.
Tatlo ang theme ng mga sasayawin at kada isang gabi ay isang theme. Ngayong gabi ay East Coast Swing, bukas ng gabi ay Tango at sa pinakahuling gabi ay Rumba.
Hindi madadali ang mga steps pero dahil maaga akong nasabihan ni Zack ay napaghandaan ko iyon.
“Sa tingin mo ba ay may chance ka na makasayaw ang emperor ngayong gabi?”
Napalingon ako sa dalawang kasama kong dancer na busy pa sa pag-aayos ng mga mukha. There are a total of ten dancers for this event. Bawat gabi ay may tatlo o apat na dancer ang mag pe-perform. Ngayong gabi ay hindi pa ako kasama sa mga napili pero pinagbihis pa rin kami para maging back up dancers ng mga napiling magperform.
Napatingin ako sa kulay asul na dress na suot ko. Pinapili naman kami ng style na gusto naming suotin at pinili ko ang isa sa mga seductive na dress dahil iniisip ko talaga na magpapansin sa Emperor. Paano ko malalaman kung totoo ngang ang Elijah Consunji na ‘yon ang isa sa mga patron dito kung hindi n’ya ako mapapansin? All I have to do is to get close to him and witness it myself! Hindi ako pwedeng mag balita na puro speculations lang. I want to serve facts! And I will get that no matter what!
“Sino bang dancer dito ang hindi nangangarap na makasayaw ang Emperor?” natatawang sagot ng isang dancer na isa sa tatlong mag peperform ngayong gabi. Kanina pa ako nakikinig at nakikiramdam sa mga pinag-uusapan nila. Nang magtanong ako sa isa sa mga dancer dito na nakilala ko sa alias na Pink Swan ay wala pang kahit na sinong dancer ang nakakakita sa mukha ng Emperor o ng kahit na sinong patron sa club, which I found really weird but also strengthen my suspicion. Walang ibang dahilan para hindi magpakita ng mukha ang mga patrons ng club kung walang mga image o katauhan na gusto ng mga ito na protektahan.
Mas lalo lang tuloy tumitibay ang hinala ko na nasa tamang landas ako ng pag-iimbestiga tungkol sa Elijah Consunji na ‘yon. Malakas ang pakiramdam ko na kung hindi man s’ya ang Emperor ay isa s’ya sa mga patron ng high-end club na ito.
What will the people think if they find out that the great Elijah Consunji is one of the patrons of this kind of club?
Napanood ko pa sa isang interview n’ya na wala s’yang panahon na makipag-date at makipagkilala sa mga babae dahil priority n’ya ang magsilbi sa bayan.
Paano naman palang mag-aasawa ang isang ‘yon kung dito pa lang sa club ay solve na solve na s’ya sa serbisyo ng kung sino-sinong babae?!
Natigil lang ako sa pag-iisip ng kung anu-ano nang pumasok ang organizer at nilapitan ako. Ngumiti ako sa kanya kahit na wala man lang kangiti-ngiti sa mga labi n’ya simula pa kaninang ipakilala ako sa kanya ni Zack.
“This is your mask and your name plate,” seryosong sambit n’ya at inabot sa akin ang isang maliit at kulay gold na briefcase. Kunot ang noong inabot ko ‘yon at saka binuksan. Napasinghap pa ako nang makita ang kulay gold din na maskara at isang kulay gold din na nameplate na may nakasulat na “Agape”.
Nang mag-angat ako ng tingin sa kanya ay nakabaling na ang tingin n’ya sa mga dancers. “Get ready. Parating na ang mga bagong patron…” seryoso at ma-awtoridad ang boses na sambit n’ya kaya nagsimula nang magkagulo ang mga dancers. Mukhang excited na excited sila habang sinusuot ang mga mask at nameplate nila para maghanda sa gaganaping main event.
“Galingan mo, Agape…”
Napalingon ako kay Pink Swan na halos hindi ko nakilala dahil nakasuot na s’ya ng mask. Lumapit pa s’ya ng todo sa akin at saka bumulong kaya kumunot ang noo ko habang pinapakinggan ang sinasabi n’ya. “Pagkatapos ng gabing ito ay paniguradong milyonarya ka na!” bulong n’ya. Hindi ko man nakikita ang mukha n’ya dahil sa suot n’yang mask ay alam kong excited na excited s’ya para sa akin.
“Bakit?” tanong ko. Kahit ang totoong pangalan at pagkatao ng mga dancers dito ay hindi exposed dahil pagkatapos ng Emperor’s Night ay babalik na ang lahat sa kanya-kanya nilang mga buhay.
“Imposibleng matapos ang gabi na ito na walang kukuha sa’yo,” sagot n’ya na mukhang mas excited pa sa akin. “Ang pinakamababang tip dito galing sa isang patron ay isang milyon. Pero kapag ang Emperor ang pumili sa’yo, baka hindi na tayo magkita ulit,” natatawang dagdag n’ya pa kaya nagtatakang napatingin na ako sa kanya.
“Bakit naman hindi na tayo magkikita?” curious na curious na tanong ko. Tumawa s’ya bago pinisil ang braso ko.
“‘Wag kang kabahan, gaga! Malabo kang mapili ng Emperor!” natatawang sambit n’ya kaya mas lalo tuloy akong nalito sa sinasabi n’ya.
“Bakit naman malabo? Akala ko ba ay kahit na sino pwedeng mapili?” nakangising tanong ko pa at hindi pinahalata ang disappointment ko dahil sa narinig kong sinabi n’ya.
“Hindi pumipili ang Emperor ng may asawa!” sambit n’ya na lalong kinakunot ng noo ko. “Kahit gaano ka pa kaganda, hindi ka papatulan dahil may asawa ka na…” dagdag pa n’ya na mas lalong ikinalito ko.
What the hell is she talking about?
“May asawa? Ako?” hindi makapaniwala at nakaturo pa sa sarili na tanong ko. Tumango s’ya at saka tinuro ang nameplate na hawak ko.
“Black ang kulay ng pangalan mo. Ibig sabihin ay may asawa ka na,” sambit n’ya at saka tinuro ang nameplate n’ya na ngayon ko lang napansin na kulay puti ang print. Iginala ko ang tingin sa iba pang mga dancers at nakita kong puro puti nga ang print ng mga pangalan nila sa nameplate! “Teka nga? Hindi mo alam na may asawa ka?” natatawang kantyaw n’ya pa. “Aysus! Feel na feel mong dalaga ka ngayong gabi ha!” patuloy pa rin sa pangangantyaw na sambit n’ya at saka pabirong siniko-siko pa ako.
Magtatanong pa sana ako pero hindi ko na nagawa nang may tumunog na bell sa loob ng changing room at excited na nagtilian ang mga dancers.
“Isuot mo na ‘yang mask at nameplate mo, Agape! Magsisimula na ang event!” malakas na sambit sa akin ni Pink Swan pero hindi pa rin mawala-wala ang isip ko sa sinabi n’ya tungkol sa sinabi n’yang may asawa ako.
Did Zack intentionally do this to stop me from getting laid?!