Pagkatapos niyang hugasan ang kanyang pinagkainan ay muli na kaming umakyat na dalawa sa kanyang silid. Ang buong akala ko ay makakatulog na ako nang mahimbing dahil may katabi na ako sa higaan ngunit nagkamali lang ako dito, hindi pa rin ako kumbinsido sa kalagayan ni Winter. Gusto ko siyang makausap ng mga sandaling iyon, marahil ay nag-aalala ako dito o siguro ay dahil kuryuso lang ako sa kung ano ang iniisip at ginagawa niya ng mga sandaling iyon. Alam kong apektado rin siya dito. “Hindi ka pa ba matutulog, Summer?” lingon ni Ate Autumn sa akin na halatang hindi pa rin dalawin ng antok, nakailang ikot na rin siya sa kanyang kama upang kumuha ng magandang pwesto. Marahan akong tumango na umayos na rin ng higa doon upang dapuan ng antok. “Parang ang init, lakasan ko nga ang aircon.”