Nang mapagod sa paglalakad ay naupo muna ako. Tamang nag-vibrate ang phone ko. Kaya naman agad kong inilabas.
"Taray! Mamahalin ang cellphone." Napatingin ako sa batang kumakain ng fishball. Nakita nito ang hawak kong phone. "Ninakaw mo iyan, 'no? Masama iyan. Isusumbong kita sa pulis."
"Isusumbong naman kita kay Lord. Masama ang nagbibintang. Cellphone ko ito." Sabay pakita ng wallpaper ng phone ko. Of course, mukha ko ang makikita roon. Kung ano ang itsura ko ngayon ay gano'n din ang sa phone. Ngising-ngisi pa habang nakalabas ang nangingitim na ngipin.
Halatang hindi naniwala ang bata.
"Paano ka nagka-cellphone?"
"Masipag ako. Namumulot ako ng lata at plastic. Kaya nakabili ako. Hello, mommy?" sagot ko sa nanay ko na mas lalong ikinalukot ng mukha ng bata.
"Lah, mommy? Pulubi lang s'ya eh." Kakamot-kamot sa ulong ani nito. Nawe-weido-han na talaga ang bata.
"Susunduin ka d'yan ng mga kaibigan mo. Kailangan kitang makausap."
"Okay, mommy. I love you po. Take care." Sabay baba nang tawag. Saka ko ibinulsa ang phone ko.
Tinignan ko ang batang nakatakip na sa ilong n'ya.
"Ikaw ba? May mommy ka ba?" nakaangat ang kilay na ani ko sa bata. Napasimangot ito.
"Wala. Sumama na sa ibang lalaki. Tsk, buti pa iyong taong grasa may mommy." Sabay walkout ng bata. Napangiwi ako. Itinapon lang naman nito ang kalat n'ya sa basurahan. Tapos tamang-tama na may humintong sports car malapit sa amin.
"Ang angas." Hangang-hanga na ani ng bata.
"Akin iyan. Sundo ko iyan."
"Asa ka. Iyang cellphone pwedeng dinukot mo lang iyan sa ibang tao. Pero iyang sports car? Malabo. Baka mas malinis pa nga ang tambutso n'yan, kaysa sa 'yo." Napasimangot ako. Ang lakas ding mang-asar ng batang ito.
Tumayo ako.
"Gusto mo bang patunayan ko sa 'yo?" panghahamon ko rito.
Umiling ang bata. Talagang hindi naniniwala sa akin.
Kaya naman tumayo na ako. Alam kong nakasunod ang tingin ng bata, habang naglalakad ako't hila-hila ang sako. Lumapit ako sa sports car. Hindi ko sure kung sino ang driver no'n. Kumatok pa ako sa bintana. Ngunit hindi ibinaba ng bruha ang bintana. Kaya naman lumipat ako sa backseat. Sinubukan kong buksan iyon. Tamang nag-vibrate ang phone ko. Agad kong sinagot iyon. Si Mercedes ang driver. Sinagot ko ang tawag nito.
"Kita mo iyong elf truck?" ani ni Mercedes. Nakita ko iyon na nasa likod ng sports car. Nakita ko roon si Windra, ang nakapwesto sa driver seat no'n. "Doon ka sumakay."
"Hoy! Nagyabang pa ako roon sa bata. Buksan mo ito." Inis na ani ko kay Mercedes.
"Ayaw. Kahit sasakyan mo ito. Hindi kita pasasakayin. Ayaw kong maging pasyente after nito." Pinanindigan ni Doc. Naririnig ko ang malakas na tawa no'ng bata.
"Tangaaa!" ani pa nito. Bata ito. Iyon ang paulit-ulit na paalala ko sa sarili ko. Wala akong choice kung 'di sumakay na lang sa likod ng elf. Dahil kahit si Windra at hindi ako pinagbuksan ng pinto.
Naipamahagi ko tuloy sa mga nakakatapat na jeep iyong amoy kong inipon ko ng ilang linggo. Pare-parehong reklamo ang narinig ko. May nagmura pa nga, eh. Pero normal na lang ito sa akin. Sa kanila lang naman hindi eh.
Dumating kami sa mansion ni mama. Kung sa ibang mayayaman ay nakahanay pa ang mga maid para batiin ang kadarating na amo. Dito naman ay wala akong makita kahit isa.
"Maligo ka muna." Utos ni mama na nasa itaas ng hagdan. Nakatakip ang kamay nito sa ilong n'ya. Iniwan ko naman na iyong mga basura ko sa elf truck, eh. Tapos iyong mga plastic sa buhok ko, kahit iyong nakatali sa bewang ko'y wala na.
Pero siyempre ay naroon pa rin iyong amoy. Kaya naman kumilos na agad ako patungo sa kwarto sa ibabang floor. Deretso ligo. Kompleto ang gamit ko roon na panlinis. Nanghihinayang pa nga ako dahil ang hirap kong inipon iyong libag at amoy ko eh. Pero ngayon, nakikita ko na lang ang itim na tubig na bumabagsak sa paanan ko. Sobrang sayang. Pati iyong amoy ng kili-kili ko, abot pa sana hanggang next week iyon. Pero hindi ako haharapin ng Nanay ko kung mabaho ako.
Baka mapagalitan din ako ng papa ko.
Nang matapos maligo ay inamoy-amoy ko pa ang kili-kili ko. My amoy is gone.
Nasa ibabaw na rin ng kama ang bihisan ko. Kaya roon na rin ako nagbihis.
Pagkatapos ay lumabas na ako ng kwarto. Hindi pa nakapagsuklay, ang pinakamahirap na gawin pagkatapos maligo.
Nakita ko si mama na nakaupo na sa sala, may hawak na suklay. Kahit gaano pa ito kaistrikto sa trabaho, pagdating dito sa bahay, sa akin. Normal na ina ito.
Pag-upo ko pa lang sa tabi nito ay natuktukan agad n'ya ako. I told you, normal na normal pa rin ang nanay ko.
"Kino-contact ka ng tauhan. Hindi ka man lang sumagot. Hinintay mo pa talagang ako ang tumawag."
"Siyempre mama kita, alangan namang isnab-in ko ang tawag mo." Umirap pa ako. Pero mas sumakit lang ang pagsuklay nito sa akin.
"Bakit nga ba, ma? Bibigyan n'yo na ba kami ni Atlas ng kapatid? Hindi naman iyon masama. Happy kami... aray! You're so bayolente, mother."
"Umayos ka nga. Wala ka na sa kalendaryo, pero daig mo pa---"
"Ang 'di nag-grade 2? Ma, witness ka no'ng inabot sa akin ang award ko. May honor pa nga ako."
"Dahil iyong batch n'yo, tatlo lang kayo."
"Tsk. At least may honor." Mayabang na ani ko rito. Tiyak na kung iba ang makakarinig sa usapan namin ni mama ay hindi makakapaniwala na ganito kami mag-usap. Laging seryoso ito, compose na compose palagi ang kilos nito. Minsan nga'y ang hirap paniwalaan ng mga tao na anak ako nito. "Bakit nga pala ninyo ako pinauwi? Busy pa akong maghanap ng bangkay---"
"Kung sinagot mo sana ang tawag ng mga kasamahan mo, baka possible na nakikikape ka na sa lamay. Nahanap na ang bangkay. Pinaglalamayan na nga, at bukas na ang libing."
"Bakit hindi nila ako pinuntahan?" ani ko na salubong na ang kilay.
"Ang baho mo, Atalanta. Anong ine-expect mo? Lalapit sila sa 'yo?"
"Tinawagan man lang sana nila ako." Giit ko.
"Wala kang pinansin sa mga tawag nila, remember?" ani ni mama. Tapos na n'yang suklayan ang buhok ko.
"Tsk. Ano lang ba naman iyong i-text ako. Tsk. Iyon lang ba ang kailangan mo sa akin? Gusto mo lang sabihin na nahanap na?"
"Nope. I'm planning na sa 'yo ibigay ang isang misyon." Seryoso ng ani nito.
"Ano naman po iyan? Puro magagaang trabaho na lang ang ibinibigay n'yo sa akin, ma."
"How about this?" tanong ni mama. Dinampot n'ya ang envelope sa table. Sabay abot sa akin. Agad ko namang tinanggap iyon.
"Marami-rami na ang mga kababaihan na nawawala sa isang sikat na club. Hindi alam kung nasaan. Kung buhay pa ba, or patay na. Ang kliyente natin ay isang governor. Gusto n'yang malaman kung ano ang nangyayari." Tumango ako.
"Kung ikaw ang bubuo ng plano sa misyon na iyan, ano ang possible mong hakbang para maresolba iyan?"
"Papasukin ko ang club, ma. Magpopokpok ako." Sapok na ang inabot ko.
"Aray!" reklamo ko agad dito.
"Wala bang iba?" nakasimangot na ani nito.
"Wala. Iyon ang gagawin ko. That's final." Saka ko binasa ang information ng club, kung sino ang may-ari, at kung ilan na ang biktima na possible na napahamak na. Dahil nagsimula ito ilang buwan na ang nakararaan.