ANJA INGRID POV.
Pagdilat ng aking mata ay bigla akong napabangon dahil sa kakaiba ang kapaligirang nakikita ng mga mata ko. Luminga linga pa ako sa kabuuan ng silid at iniisip ko kung paano ako napunta sa lugar na yon. At siguradong ibang bahay ang kinaroroonan ko. Akmang tayo ako nang bilang bumukas ang pintuan. Isang lalaki ang nakatayo doon na tila greek god na nagmula pa sa olympus. Ngunit ang aking pinagtataka ay matalim ang mga mata nito habang nakatitig sa akin.
“Sino ka at bakit ako naririto sa lugar na ito?”
Subalit sa halip na sumagot siya sa akin ay bigla pa niya akong tinalikuran at nagmamadaling umalis. Sa sobrang inis ko ay aking siyang sinundan. Ngunit napahinto ako sa paghakbang ng tumambad sa mga mata ko ang napakagandang tanawin. Isa pa lang exit door ang nilabasan ng lalaki. At saka ko lang napagtanto kung gaano kataas ang aking kinalalagyan. Narito ako sa balkonahe sa ikatlong palapag ng building.
“Mister, ano ba ang kailangan mo sa akin at bakit mo ako dinala dito?” ngunit wala pa rin sagot mula sa lalaki.
Kaya dumungaw ako sa ngunit puro karagatan ang aking nakikita. Mula rin sa kinatatayuan ko ay makikita ang kabundukan mula sa kabilang side. Nasaan ba ang lalaking yon at biglang nawala?
“Ako ba ang hinahanap mo, woman?”
“Woman?” bakit yon ang tawag sa akin ng lalaking ito?
“May pangalan ako, mister kaya huwag mo akong tawaging woman!”
“Kung gano’n ano pala ang iyong pangalan?”
“Aji, ang pangalan ko at isa akong guro kaya bakit mo ako dinala sa lugar na ito?”
“Aji?” sa halip ay yon ang lumabas sa bibig ng lalaking ito. At parang walang planong ipaalam sa akin kung anong ginagawa ko sa lugar na iyon.
“Yes, Anja Ingrid ang pangalan ko at tinatanong kita bakit mo ako dinala dito?”
Subalit tiningnan lang niya ako mula ulo hanggang paa. Parang pinag-aaralan din ang aking kabuuan na kina-inis ko.
“Mister, tinatanong kita kung bakit ako naririto, ano ba ang kailangan mo sa akin at paanong napunta ako sa lugar na ito?”
“Sa ngayon ay hindi mo pa kailangan malaman pero darating din ang araw na malalaman mo ang sagot ko sa tanong mo.”
Nag-init ang aking ulo sa kanyang mga sagot. At anong akala ng lalaking ito basta ko na lang siya papaniwalaan?
Sa sobrang inis ko ay nagbaling na lang ako ng ulo sa ibang direksyon. At hindi sinasadya ng biglang napatingin ako sa baba mula sa kinatatayuan ko.
Umihip ang malakas na hangin at tila nakalimutan ko na ang aking sitwasyon. Pumikit muna ako at nilasap ang malamig na simoy ng hangin. Saka ilang beses na huminga at nag buga ng hangin. Maya maya ay naramdaman kong na-relax ang aking pakiramdam. Kaya nagpasya na akong bumalik sa loob at tinungo ang isa pang pintuan.
“Bumaba ka sa kitchen kung nagugutom ka. Walang maid dito kaya ikaw ang gagawa ng lahat na trabaho dito sa loob ng bahay!”
Ang kaninang na-relax kong pakiramdam ay biglang nawala. Dahil sa aking narinig ay kumunot ang aking noo. Nilingon ko ang lalaking nakatayo sa ‘di kalayuan. At hindi sinasadyang nagtama ang aming mga mata. Hindi ko iyon matagalan kaya ako na ang unang nagbaling ng mukha. Hindi ko rin napigilan ang inis dahil sa kaalamang isa lang pala akong maid. At kulang na lang ay sabihing dapat na akong mag simula sa aking trabaho.
Pero teka, wala akong natatandaan na nag-apply bilang kasambahay sa kahit na anong agency. So, bakit sa pananalita ng lalaking ito ay naririto ako para mag trabaho?
Sa sobrang inis ko ay bumalik ako sa silid na pinanggalingan ko kanina. At sa halip na bumaba ay pumasok ako sa loob ng kwarto at nahiga sa ibabaw ng kama.
“Ang sabi ko ay bumaba ka at gawin ang mga gawaing bahay. Magluto ka na rin dahil hindi pa ako kumakain!”
“Bakit hindi ikaw ang gumawa kung nagugutom ka. Isa pa bakit mo ako dinala dito ay hindi naman ako nag-apply ng trabaho para maglinis ng bahay mo!” angil ko sa kanya sabay talukbong ng kumot.
“At sino ang gagawa ng mga trabaho dito?”
Narinig ko pa ang galit niyang boses ngunit hindi ako nag paapekto sa kanya. Nanatili akong nakahiga at hindi siya pinapansin. Subalit napatili ako ng bigla niyang hawakan ang aking paa at malakas na hinila. Kaya muntik na akong nahulog sa ibaba ng kama.
“Huwag ka pang bumangon riyan at hindi lang yan ang gagawin ko sayo!”
Wala akong nagawa kundi tumayo at naglakad palabas ng silid. Paglabas ko ng pintuan ay hindi ko alam kung saan ang hagdanan. Kakanan ba ako o kakaliwa dahil pareho ang itsura sa magkabilang dulo ng pasilyo.
“Go!” tulak niya sa aking likuran papuntang kanan kaya mabilis na akong humakbang palayo. Pagdating ko sa hagdanan ay lumingon ako sa kinaroroonan ng lalaki. At muli na namang nag tama ang aming mga mata. Bakit gano’n ang pakiramdam ko sa tuwing nagkakatitigan kami. Tila may mainit na haplos sa aking puso ang matalim niyang titig? Pinilig ko ang aking ulo at nagpatuloy na sa pagbaba. Nasa kalagitnaan ako ng mataas na hagdan ng mapatingala sa malaking painting. Isang napakagandang babae ang naroon ngunit masasalamin ang kalungkutan nito sa mukha.
Pagdating ko sa kitchen, isang higanteng refrigerator ang aking binuksan. Punong puno iyon ng mga pagkain. Kaya namili ako ng pinakamadaling lutuin, isa pa ay nakakaramdam na rin ako ng gutom.
Habang nagluluto ako ay tila nawala na sa aking isipan ang tungkol sa lalaki. Sa halip ay nangilid ang aking luha ng maalala si Nanay. Ang kaisa-isang taong kasama ko mula ng magising ako sa aksidente. Alam kong hindi siya ang tunay kong ina subalit mapagmahal at maalalahanin ang ginang. Kaya naman sa tagal naming magkasama ay tinuturing ko na siyang parang tunay na ina.
At ngayon sa nangyaring ito sa akin ay siguradong hinahanap na niya ako.
“Paano ka matatapos kung nakatunganga ka riyan?”
Hindi ako sumagot bagkus ay sinulyapan ko lang siya ng may halong inis na tingin. Pagkatapos ay muli kong hinarap ang pagluluto.
Nang matapos ay nilagay ko na sa ibabaw ng dining table. Gano’n din ang plato, kutsara, tinidor at baso na gagamitin. Nang masigurong nasa ayos na ang table ay nag lakad na akong palabas ng dining room. Umakyat sa okupado kong silid at mabilis na naligo. Nagbabad pa ako upang maghing relax ang pakiramdam. Subalit bigla akong na patayo ng maalalang wala pala akong damit sa bahay na yon.
Dahil nagugutom na ako kaya nagpasya ng umahon. Ang towel na naroroon at bathrobe ang tangi kong suot ng lumabas ng banyo.
“What are you doing here?” malakas kong sigaw sa kanya ng makitang naroon ang lalaki at nakaupo sa sofa.
“Ikaw bakit ganyan ang suot mo?”
“Nagtatanong ka pa, ay basta mo ako dinala dito ng walang kahit anong dalang damit?” angil ko sa kanya dahil sa sobrang inis at kahihiyan na nararamdaman.