Start
Sumisinag ang konting sikat ng araw habang pumapatak naman ang maliliit na butil ng ulan na para bang nakikiramay sa libing ni Don Miguel Arsheido na isang Mafia Boss.
Marami ang mga nakipaglibing kung kaya marami din ang mga nakaparadang luxury car mapalabas o loob man ng private cemetery.
Nang matapos ang libing ay isa-isa nang nagsi-alisan ang mga tao.
Nanatili namang nakatayo ang isang dose anyos na batang lalaki habang nakatitig lang sa ibabaw ng libingan ng kanyang ama.
“Young Master, kailangan na po nating bumalik ng mansyon,” magalang na wika ng lalaki na siyang butler nito habang pinapayungan ang batang lalaki.
Hindi kumibo ang bata, kung kaya napabuntong hininga na lamang ang butler nito at wala nang nagawa kundi manatili sa tabi ng batang amo at patuloy ang pagpayong dito para hindi ito mapatakan ng ulan.
Ang ibang mga tauhan ay nanatili lang nakatayo sa isang tabi habang hawak ang kani-kanilang mga payong at pinapanood ang batang amo na nakatitig lang sa libingan ng ama nang walang ipinapakita na kahit ano mang emosyon.
Namayani ang katahimikan at tanging tunog lamang ng mga patak ng ulan ang maririnig. Pero ang tahimik na cemetery ay biglang umingay dahil sa malakas na pag-iyak ng isang sanggol.
Nakuha ang attention ng batang lalaki nang marinig ang pag-iyak ng sanggol mula sa 'di kalayuan.
Agad na inihakbang ng batang lalaki ang mga paa at sinundan kung saan nagmumula ang pag-iyak. Nakasunod naman dito ang kanyang butler na tagapayong at ang ilan pang mga tauhan.
Sa isang may hindi kalakihang puno ng mangga ay doon nakatago sa ilalim nito ang isang sanggol na nakabalot pa ng puting lampin at basang na habang umiiyak, ginagalaw-galaw pa nito ang maliit nitong mga kamay na nababalot ng maliit gloves na kulay puti.
Napahinto ang batang lalaki nang makita ang sanggol.
“Kawawang sanggol, itinapon na yata ng nagsilang sa kanya,” wika ng butler na napailing-iling pa, pero agad itong natigilan nang makita ang ginawa ng batang amo.
Lumuhod ang batang lalaki at walang pag-aalinlangan na binuhat ang umiiyak na sanggol, nang mabuhat ay maingat nitong inuga-uga na para bang dinuduyan upang tumahan na sa pag-iyak.
“Young Master, baka po madumihan kayo!” gulat na puna ng butler at agad itong sinenyasan ang isang tauhan upang ito na ang bumuhat sa sanggol. Pero biglang nagsalita ang batang lalaki.
“Let's go home, ipatawag niyo si Dr. Aleyano at papuntahin sa mansyon ngayon din!” maawtoridad na utos ng batang lalaki.
“P-Pero—”
“Huwag ka nang kumuntra pa sa utos ko. Ngayong wala na si Dad, ako na ang dapat ninyong sundin!”
Wala nang nagawa ang butler kundi ang tumango at agad na tinawagan ang nasabing doctor. Mabilis namang binuksan ng isang tauhan ang pinto ng Limousine. Pumasok na ang batang lalaki habang buhat-buhat pa rin umiiyak na sanggol.
Habang tumatakbo ang sasakyan ay nakatitig lang ang batang lalaki sa sanggol na patuloy pa rin ang pag-iyak na tila ba gutom na gutom na.
“It's okay just cry, my princess. Sinisiguro ko sa 'yo na ito na ang una at huli mong iyak sa aking mga bisig,” pagkausap ng batang lalaki sa sanggol na patuloy pa rin ang pag-iyak.
Napamaang na lang ang butler nang makita ang malapad na ngiti ng batang amo habang nakatitig sa sanggol. Sa ilan taon na niyang pagtatrabaho bilang isang butler ay ngayon niya lang nasilayan ang pagngiti ng batang amo, na talaga namang nakakagulat at hindi kapani-paniwala.