Temptation 1 √

3538 Words
BERLIN, GERMANY "Time of death, 4:37 pm." "I'm sorry for your loss, Mrs. Winters. We did everything that we can..." marami pang sinasabi ang Doctor sa harapan niya ngunit para wala nang naririnig si Emily. Sudden infant death syndrome. Iyon lamang ang termino na tumino sa isipan niya sa dami ng sinabi nito. Tila namanhid ang buong kalamnan niya nang umalis na ang mga espesyalista pero siya ay natulos na sa pagkakatayo. Naiwan nalang siyang mag-isa sa kwarto habang nakatitig sa kaawa awang niyang anak na wala nang buhay. Gustong pigilan ni Emily ang pagiyak, ngunit kahit anong gawin niya ay kusang tumatakas mula sa mga mata niya ang maiinit na luha at isang impit na paghagulgol. Nanghihinang nilapitan niya ang murang katawan ng anak at pikit matang napadausdos sa sahig. Paano siya magpapatuloy mabuhay ngayong wala na ang nagiisang anak? Her baby Angelo... Wala pa itong isang taon! Angelo seems a very healthy baby. Hindi ito sakitin kaya labis na nakapagtaka sakaniya kung bakit nangyari ito sa anak niya. Naghihinagpis ang loob niya at pakiramdam niya'y hinihiwa ang puso niya ng blade sa sobrang sakit na nadarama. Nasa isang Hospital siya ngayon sa Berlin, Germany. At hindi naman gaano kalayo ang hospital sa bahay nila. Pero may uuwian pa ba siya? Bahay pa ba ang uuwian niya kung ang tanging anak na lamang ang nagbibigay sigla at rason sakaniya upang patuloy na lumaban? Ayaw na niyang iwan dito ang anak. Kung pupuwede lang, ay gusto na niyang sumunod sa anak na si Angelo. Sundan ito sa mundo kung saan walang hirap at sakit. Gusto na niyang mamatay. Gusto na niyang samahan ang anak. Wala na rin namang silbi ang buhay niya ngayong wala na ito. Wala namang taong kailangan siya. Ofcourse, your husband, Emily. Anang ng isang bahagi ng utak niya. Pagkaalala sa asawa ay mapaklang napangiti siya. Oh, her dear husband. Oo nga pala, may asawa nga pala siya. Muntik na niyang makalimutan iyon. Nasaan nga ba ito ngayon? Nasaan ito ngayong patay na ang anak nila? Ayaw na niya. Ayaw na niyang maging trophy wife nito. Ayaw na niya maging display nito. Ayaw na niyang maging isang asawa nito. Isang mabuting asawa nito, to be exact. Ni hindi nga niya alam kung asawa ba ang turing sakaniya ng lalaki. Kaya siguro mas mabuting sumunod na siya sa anak nilang si Angelo. Nang sa gayon ay magkasama na sila. Ngayon, sa pagkawala nito ay alam niyang wala nang patutunguhan ang buhay niya. Aaminin ni Emily na hindi ito ang unang beses naisip niya ang bagay na 'yon. Pero alam naman niyang kasalanan ang magpakamatay, kaya naman kahit hirap na hirap siya ay kinausap na niya ang mga Doctor doon para sa dapat niyang asikasuhin sa pagkamatay ng anak. Tila lantang gulay na nakauwi naman si Emily sa tinutuluyan nilang bahay. Nakaramdam siya ng kakaibang kahungkagan nang sa pagtapak niya roon ay wala na siyang karga kargang anak. Muli, ay gustong mapaiyak ni Emily. Maganda ang bahay nila. Moderno at kumportable. Malaki para sa kanilang tatlo. Pero para sakaniya ay hindi naman bahay iyon. It's just four walls and a roof. It will never be a home, and will never be their home. Paano nga naman niya matatawag na isang bahay ang tinitirahan nila kung pagkalipas ng ilang buwan, pinakamatagal na ang isang taon, ay muli silang aalis doon at pupuntang ibang bansa, o kung hindi man ay ibang lugar? Wala pa rin ang asawa nang makauwi siya. Kaya pumunta nalang siyang kwarto at bumaluktot ng higa sa kama niya. Kinuha niya ang unan na naging unan din ng anak niya at inamoy niya iyon. Dinala niya iyon sa dibdib at muli siyang napaluha. Her baby Angelo... her poor little angel... Pakiramdam niya ay mababaliw siya roon kung walang gagawin at sasariwain lamang ang pagkamatay ng anak. Kailangan niyang gawing busy ang sarili niya. Kung mayroon lang sana siyang trabaho o pinagkakaabalahan ay mas maayos. Pero paano nga ba siya magka-katrabaho kung hindi naman sila laging permanente ng asawa sa isang lugar o lokasyon? She's a researcher's wife. Kung saan-saang panig ng bansa pinapadala ang kanyang asawa na si Cruz para gawin ang proyekto nito. At hindi naman siya pwedeng makapagtrabaho ng ganoon-ganoon na lamang sa isang banyagang bansa lalo na't hindi pang-matagalan. Napadako ang tingin niya sa isang picture frame nila sa night table at nangilid ang luha niya nang makita ang nakangiting itsura ng anak. Kay daling binawi ito sa kaniya ng Diyos. Sa pagdating nito sa buhay niya. Tanging si Angelo lamang ang pumunan ng kalungkutang nararamdaman niya tuwing nami-miss ang pamilya sa Pilipinas at ang asawa na parang minsan na lang sila magkita sa bahay at mga taong banyaga na nakakasalamuha niya. Hindi masaya ang buhay pag-a-asawa niya, hindi naman siguro pinakaworst dahil wala namang physical at sakitang nagaganap, but still their relationship is not that good. Napakaraming bagay na dapat ikalungkot ngayong wala na ang anak. Apat na taon na nasa ganitong sitwasyon si Emily at madadaganan pa 'yon kapag nagtagal siya roon. Kapag nagtiis pa siya roon. At sa loob ng apat na taon, imbis na buo at masayang pamilya ang maibibigay sakanya ng asawa ay kabaliktaran iyon. Wala sa sariling napalingon siya nang magbukas ang pinto ng kwarto nila. And there she saw Cruz -- her husband. Hindi naman nago-opisina ang asawa niya at madalas ay nasa bahay lang ito at doon nagta-trabaho, kung aalis man ito ay para linawin ang ibang bagay tungkol sa research nito. Ang madalas na proyektong ibigay rito ay tungkol sa ekonomiya ng bansa. Kaya saan saang ahensya ng gobyerno na siya nakarating at mga unibersidad ng mga bansa. Madalas sila sa China, United States, Japan at sa United Kingdom. Alam niyang masaya doon ang asawa at mahal nito ang trabaho nito, bukod sa nakakapagtravel na ito sa ibang bansa ng libre ay halos sambahin nito ang trabaho nito. Ayon nga dito, bata pa lang ito ay pangarap na nito maging isang researcher at maging professor. Nilingon ni Emily ang asawa. Oo, namatayan siya ng anak. Pero anak pa rin ito ni Cruz, at natitiyak niyang katulad niya ay masasaktan ito ng husto sa pagkamatay ng anak kanina. Pilit pinatatag ni Emily ang sarili dahil hindi niya alam kung paano tatanggapin ng asawa ang sitwasyon. Habang nag-a-asikaso siya ng hapunan ay hindi maapuhap ng babae ang tamang sasabihin. Si Cruz ang bumasag ng katahimikan. "Emily, nagsabi nga pala saakin 'yung boss ko. Two days from now, I have to go to Baden-Württemberg. May kailangan akong i-research doon." Kahit ilang buwan nang naninirahan si Emily sa Germany ay hindi pa rin talaga niya kabisado ang mga lugar dito. Ngunit sa pagkakaalam niya ang lugar na binanggit nito ay isang maliit na lugar na hindi gaano ka-urban. Napipilan siya, ang akmang pagsasabi rito ng nangyari kanina ay hindi na niya masabi. "I-Ilang oras ang biyahe papunta roon? At hindi mo ba ako isasama?" "7 hours ang pinakamabilis na biyahe papunta roon mula dito sa Berlin. At siguro pinakamatagal naman na ang isang linggong pananatili ko roon. Hindi na muna siguro dahil hindi rin kita maasikaso roon. Magiging busy ako lalo na't pine-pressure na ako ng boss ko," sagot naman nito. Napalunok si Emily. Alam niyang kapag tutok at busy na ang asawa sa trabaho nito ay ni hindi man lang siya nito naalalang tawagan, itext o kamustahin. Ang kaninang masakit nang puso niya ay mas lalong nanakit ngayon. Gusto niyang umiyak. Nagtaka naman ito sa naging reaksyon niya. "May problema ba tayo, Emily?" "P-Pwede bang ibigay mo nalang sa iba 'yang proyekto na 'yan...?" halos nakikiusap na ang tinig na sabi niya. Napakunot-noo ang asawa. "Emily, alam mo kung gaano ka-importante saakin ang bawat proyekto..." "Natatakot lang naman akong umalis ka. Kasi h-hindi ko alam kung babalik ka pa," malungkot na sabi niya. Natawa ito. "Ano bang pinagsasabi mo? Of course, babalik ako. May pamilya akong dapat uwian. Silly you," Naging garalgal ang tinig ni Emily. "Kanina pa tayo naguusap pero hindi mo man lang napansin na wala si Angelo..." nagdaramdam na sabi niya. Nanlaki ang mga mata ni Cruz at napatingin sakaniya. "I bet he's still sleeping, eh?" Dahil sa narinig ay nabitawan niya ang sandok at hindi niya napigilang magbreak-down sa harapan nito. "He passed away earlier, Cruz. W-Wala na ang anak natin..." Natigilan ito at mabilis na dinaluhan siya ng asawa. Niyakap ng mahigpit. Pero bakit kahit niyayakap na siya nito ay salat ang emosyon niya? Parang kulang iyon. Hindi siya kuntento. Pakiramdam niya'y siya lang ang nasasaktan at wala lang dito ang pagkamatay ng anak. ~ "OH MY GOD... m-my baby Angelo... I-I'm sorry, h-hindi ko napansin. I'm such--" narinig niya ang paghikbi nito at paglupasay nito sa sahig. Tinignan lang ito ni Emily pero hindi siya nakaramdam ng awa sa itsura nito. Pakiramdam niya kulang ang emosyon nito. Hinayaan na lang niya na ibuhos nito ang damdamin. Masasabi naman ni Emily na sobra pa sa salitang "komportable" ang buhay na binibigay sakaniya ni Cruz. Napakaraming benefits ng trabaho nito, bukod sa mahirap na trabaho na nga, para lamang ito sa malalakas ang loob. At isa na nga sa pribilehiyo ay all-expense ng trabaho nito ang gastusin nila sa bahay na lilipatan, may travel pocket money expense sila at pwede nitong makasama ang pamilya nito saan mang bansa ito i-assign ng boss nito. Ni wala silang gagastusin ni singkong duling. Doon pa lamang ay napakalaking menos gastos na nila, idagdag pa na ang bawat proyekto nito ay napakalaki ng sahod na kaya na yatang bumuhay ng pang isang taong gastusin nila. Kaya naman kung ang usaping pinansyal, ay napakalayo nilang problemahin 'yon. Ngunit sa pinansyal lang. Kung ang usapin ay ang buong klase ng buhay nila sa uri ng trabaho nito, ay napakalayo ng salitang "komportable". Pinakamatagal na ang isang taon na nag-i-istay sila sa isang bansa. Mahirap magkaroon ng anak sa ganoong klaseng pamumuhay dahil hindi ito magkakaroon ng normal na edukasyon. Malilito rin ito sa lenggwaheng naririnig, at baka magkaroon pa ito ng language deficiency. Gayunman, mahal na mahal ni Emily si Cruz. Ito ang kanyang buhay at hindi niya yata kayang isipin na mawawalay siya rito. Pero sa pagdaan ng panahon ang pagmamahal na mayroon siya rito ay tila sinusubok ng tadhana at unti-unting nababawasan 'yon... "Kung sana'y hindi ganyan ang trabaho mo, hindi mangyayari ang lahat ng ito..." hindi naiwasan ni Emily ang manumbat. Alam naman niyang walang may ginustong mamatayan ng anak. Pero sana, kung hindi ganito ang uri ng trabaho nito ay masaya sila. Mas mababantayan nila ang anak. Hindi siya made-depressed. Sana nagkaroon sila ng masayang alaala noong nabubuhay pa si Angelo. Kung sana normal lamang silang pamilya. "Nasasaktan din ako sa pagkawala ng anak natin, Emily. Hindi lang ikaw," ani Cruz sa naghihinanakit na tinig. "Wala na si Angelo, kahit lumuha ka pa ng asin at dugo r'yan, hindi na nito mababalik ang buhay ng anak natin. Kaya naman nakikiusap ako sa'yo, Cruz. Umuwi na tayo ng Pilipinas. I-give up mo na ang trabaho mo. Ilang taon ka na rin namang researcher eh. Habang buhay nalang ba tayong ganito? Hanggang maging senior citizen na tayo? Walang permanenteng tirahan? Mayaman tayo parehas at malaki na ang ipon mo, sa Pilipinas na tayo magsimula ng bagong buhay..." pagmamakaawa niya sa asawa. Malungkot na napailing ito. "Emily, alam mo ano ang uri ng trabaho ko. Ilang taon na tayong mag-asawa. Hindi ka pa ba nasasanay sa ganitong set-up?" Nag-angat ng tingin si Emily. "Nagsasawa na ako sa ganitong klaseng buhay, Cruz. Lahat nalang nawawala saakin. Si Sharon na tanging naging kaibigan ko sa isang banyagang lugar, namatay sa panganganak. Si Mrs. Oliver naman na para naging pangalawa kong ina sa US, inatake sa puso. Lahat ng mga alaga nating hayop, nagsimatayan. Tapos ngayon pati ang nag-iisa kong anak na tangi kong karamay, nawala rin saakin! At bakit ganoon, may pakiramdam akong pati ang asawa ko ay unti-unti na ring nawawala saakin?!" luhaang sambit niya. Sinubukan siyang lapitan ni Cruz. "Pagod at nagdadalamhati ka, Emily, naiintindihan ko ang nararamdaman mo ngayon. Pero alam mo namang simula't sapul pa lang ay ganitong klaseng buhay lang ang kaya kong i-alay sa'yo, hindi ba? Alam mong ang career ko ang pinakaimportante saakin, at hindi ko hahayaan na magkaroon ako ng sagabal dito..." Parang sinaksak ang puso ni Emily sa narinig. Ngayon, malinaw na talaga sakaniya na kahit ano'ng mangyari, ang career nito ang pinakaimportante rito. Hindi nito kayang magmahal ng iba maliban sa trabaho nito. "I'm getting tired to all of this..." mabuway na sabi niya. Napahinto ito at napatingin sa mga mata niya. "A-Ano'ng ibig mong sabihin?" "Pagod na ako sa buhay na kaya mong ibigay saakin. Pagod na ako maki-amot ng oras at atensyon mo. Kami ng anak mo. Pagod na akong maging huling priority mo. Walang ibang mahalaga sa'yo kundi ang pangarap at trabaho mo. Hindi mo nakikita 'yung mga taong pinapahalagahan ka. Pagod na pagod na akong mahalin ka..." totoong sabi niya. Namilog ang mga mata nito at tila hindi makapaniwala sa mga nilabas ng bibig niya. Kahit din naman siya, hindi inaasahan na kusang lalabas iyon sa bibig niya. Kung tutuusin, napakabait niyang asawa. Perpekto, ika nga. Bukod sa maipagyayabang siya nito dahil maganda at matalino siya, at ulirang may-bahay pa siya. Dito lamang umikot ang buhay niya simula noong magpakasal sila. Tanging bahay, pagaasikaso sa mga alaga nilang hayop, sa anak at dito umiinog ang mundo niya. Maalam siya sa lahat ng gawaing bahay at walang maipipintas sakaniya ang ina nito na hindi boto sakaniya. Si Cruz ay isang half-Filipino, half-German. German ang tatay nito at Pilipina naman ang ina. Ngunit mas matimbang ang pagiging German sa itsura nito with a bit accent of Asian feature. Magandang lalaki ang kanyang asawa. Mabait din naman ito at alam niyang mahal na mahal siya. Kailanman hindi siya pinagselos nito at walang third-party involved. Tanging ang trabaho talaga nito ang main issue nila. Akala niya, sapat na ang mahal nila ang isa't-isa. Akala niya sapat nang mag-asawa sila. Pero lahat pala iyon ay akala lang niya. Sa pagsasama nila, siya na lamang ang laging umuunawa at nag-a-adjust. Isinantabi niya ang pamilya niya sa Pilipinas at pangarap sa sarili dahil gusto niya itong makasama. Hindi ito ang buhay na pinangarap niya sa pag-aasawa. May malaking parte sakaniya na nagsasabing sumuko na siya. Hindi na niya kayang magtiis. Sobrang pagod na pagod na siya. Napakaraming bagay ang nawala sakaniya dahil sa lintek na pagmamahal niya kay Cruz. Her dream, her friends, her family... and her son. Ayaw na niya. Pagod na siyang maging asawa nito. Ayaw na niyang maging Mrs. Emily Winters. Gusto na niyang ibalik ang dating siya -- si Emily Barrientos. ~ PAGKAPASOK PALANG ni Cruz sa loob ng bahay nila ay sinalakay na agad siya ng kakaibang kaba. Galing siya University, kung saan may kinuha siyang ilang impormasyon na gagamitin niya para sa research niya. Hindi niya alam, pero agad siyang nakaramdam ng kakaiba. Dati-rati kasi tuwing uuwi siya ay maayos ang salas at may nakahanda ng hapunan sa mesa at nakatakip ito upang initin nalang sa microwave oven. Pero ngayon iba. Kung ano ang ayos kanina ng sala ng iwan niya ito kaninang umaga, ay ganoon pa rin ito ngayon. Ang hapag-kainan nila ay walang nakatakip na pagkain kahit alas siyete na ng gabi. Nagtuloy-tuloy si Cruz sa kwarto nilang magasawa at ganoon na lamang ang panglalaki ng mga mata niya nang makitang nagbabalot na ang asawa niya. Inilalagay na nito ang damit sa maleta galing sa closet nila. Hindi bago sakaniya ang ganoong tanawin. Dahil tuwing papapuntahin siya ng kanyang boss sa ibang lugar o probinsya na kailangan niyang manatili ng ilang araw doon, si Emily ang laging naghahanda ng kanyang gamit at damit na dadalhin. Ganoon ito kabuti at kaulirang asawa. Napakadomestic nito. Pero iba ang kaso ngayon, alam niyang hindi niya damit ang nilalagay nito sa maleta at isang malaking duffel bag -- gamit na nito iyon. At hindi naman siya tanga o ipinanganak kahapon para hindi malaman bakit nito ginagawa 'yon. Hihiwalayan na siya ng asawa. Lalayasan na siya nito. Pakiramdam ni Cruz ay tila nilamutak ang dibdib niya sa sobrang sakit. Hindi lang sila basta mag kasintahan o nag-li-live in. They are married, for Christ's sake! Mahirap sakaniya ang isiping tuluyan na nga silang maghihiwalay. Nanghihinang naglakad si Cruz palapit sa asawa. "Iiwan m-mo na ba talaga ako...?" iniwasan niyang hindi pumiyok ang tinig. Tinignan siya nito at nagsalita. "Yes, noong isang araw pa ako nakakuha ng ticket pabalik ng Pilipinas, pagkatapos ma-cremate ni Angelo, inayos ko na rin ang papeles ko." walang emosyong sabi nito. Gustong masaktan ni Cruz sa pinapakitang kalamigan ng asawa. Hindi siya sanay na ganito ito. Emily is known as his sweet and bubbly wife. "Talagang gustong gusto mo nang makipaghiwalay saakin," "Siguro ito na ang takdang panahon para maghiwalay tayo, Cruz. Napakarami kong bagay na hindi nagawa dahil sa pagsasama natin. Ilang taon kong hindi nakapiling ang pamilya at mga kaibigan ko sa Pilipinas." malat ang boses na sagot nito. Walang lakas ng loob si Cruz para pigilan ang asawa. Alam niyang malaki ang pagkukulang niya rito. At kahit naman pigilan niya ito ay tiyak na hindi ito papapigil. "Siguro naman hindi masama kung samahan man lang kita bukas sa airport?" sabi na lamang niya. Tumingin sakaniya si Emily na tila nawe-weirduhan sakaniya. "Para saan pa? Huwag na, ‘di ba may meeting ka bukas sa boss mo? Unahin mo na 'yon. Ayaw kong makasagabal sa napakaimportante mong trabaho. Isa pa, sa tinagal-tagal nating mag-asawa sanay na akong mag-isa. Kaya ko na ang sarili ko, salamat na lang." Wala sa sariling nakagat ng lalaki ang ibabang labi sa narinig buhat dito. Nasasaktan siya na ganito ang inaakto ng asawa at ganito ito kalamig sakaniya. Hindi siya pwedeng magreklamo na huwag ito mag-inarte dahil alam niyang dahil din naman sakaniya bakit nagkakaganoon ito. Sa buong apat na taong pagsasama nila, napakabilang sa daliri na makapag-moment silang dalawa. At kahit magkasama man sila sa bahay, tila estranghero naman sila dahil madalas ay sa laptop siya nakatutok. At tatabi siya rito sa kama kung kailan tulog na ito. Maaga naman itong gigising at siya'y tulog pa. Maging sa anak nilang si Angelo ay hindi siya naging hands-on dad at hindi siya naging malapit. Hindi nga yata siya naging magulang sa anak. Sinanay niya sa kalungkutan at kamiserablehan ang asawa, kaya ngayon ay wala siyang magagawa kundi hayaan na lang ito mawala sa buhay niya. May maganda man siyang dahilan, ay hindi niya pwedeng isumbat 'yon sa asawa. Totoo namang trabaho lamang ang inaatupag niya, at kailanman ay hindi siya nangbabae o tumingin man lang sa iba. One woman-man siya. Pero hindi niya ito kayang gawing priority. His career will always be his number 1 on the list. May choice naman siya na piliin na lamang ang mga proyektong hindi na kailangan lumabas ng bansa, pero pakiramdam niya'y hindi ma-e-enhance ang galing niya at hindi siya tuluyang nakakalipad. Kaya naman kahit pamilyadong tao na siya ay pinili niya pa rin ang mapadestino sa iba't ibang lugar kada taon. "S-Sige. Mag-iingat ka na lang, Emily," tanging nasabi niya na lang sa asawa. ~ MABILIS NA iniwan ni Cruz ang asawa. Dahil kapag hindi niya ginawa 'yon ay baka mapigilan niya pa itong umalis. Alam niyang iyon ang gusto ng asawa. At hindi niya ito pipilitin na mag-stay pa sa piling niya. Maraming katanungan ang pumapasok sa isipan niya. Gusto niyang malaman dito kung talaga bang maghihiwalay na sila ng tuluyan. Magfi-file ba ito ng divorce? Dahil hindi naman sila sa Pilipinas ikinasal. O gusto lamang nito ng panahon para makapag-isip isip? Sila pa rin ba? May hihintayin pa ba siyang asawa? At... mahal pa rin ba siya nito? Pero dahil siya iyong tipo ng lalaki na hindi matanong at ayaw ng drama, ay pinili na lamang niyang sarilinin ang mga tanong. Siya kasi iyong tipong hindi magsasalita hangga't hindi tinatanong. Nasanay siyang sakanilang dalawa, si Emily lagi ang nagtatanong para sa future at mga balak nila. Bukod pa roon, ayaw niya itong tanungin dahil baka masaktan lang siya. Alam niyang hindi naman magde-desisyon si Emily na iwan siya dahil gusto lang nito ng space. Walang ganoon sa pag-aasawa. Para sa mga mag nobyo lamang iyon. Isa pa, may asawa nga bang kayang tiisin ang kaya niyang ibigay na buhay? Na hindi ito ang priority? Na laging trabaho at career niya ang pinakamahalaga? Isang normal na babae lang si Emily na naghahangad na mahalin, magkaroon ng masaya at payapang pamilya. Ng mga anak. Pero sa pagkawala ng anak nila, malabo na ngang magkaroon pa sila ng ganoon. Alam naman niyang may kakayahan siya na baguhin ang sitwasyon nila. Nasakaniya ang kapangyarihan. Mahal na mahal niya si Emily. Ito lamang ang tanging babae na minahal niya at kailanman hindi na siya tumingin pa sa iba. Ito ang babaeng tinuring niyang pedestal. Bukod sa ina niya, si Emily ang babaeng napakaimportante sakaniya. Ayaw niya itong mawala sakaniya. Pero hindi niya rin kayang iwan at ipagpalit ang career para rito. Sakabila ng apat na taong pag-aasawa nila, ang mindset pa rin niya ay parang mindset ng isang binata na walang asawa at anak na inuuwian.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD