Part 7

1073 Words
PRESS conference. Iyon ang unang agenda nina Ailyn sa araw na iyon ayon kay Jeremy. Kailangan daw iyon para mabigyang linaw ang kumakalat na video ng away nila ni Riki. Hindi naman daw kailangang magsalita ni Ailyn dahil si Jeremy na ang bahala sa lahat. Ang kailangan lang niyang gawin ay umupo sa tabi ni Riki habang nasa press conference sila at umakto bilang bodyguard ng binata. Huwag lang daw kalilimutan ni Ailyn ang nabuo nilang kuwento tungkol sa engkuwentrong iyon. Kanina, nang dumating si Jeremy sa pad ni Riki ay alam na ni Ailyn na napansin ng lalaki ang tensiyon sa pagitan nila ni Riki pero hindi ito nagkomento. Umakto pa ring propesyonal si Jeremy habang ipinapaliwanag ang lahat ng dapat niyang malaman. Iniabot nito kay Ailyn ang maliit na organizer kung saan nakalagay ang lahat ng schedule ni Riki. Pulos tango lang ang isinagot ni Ailyn kay Jeremy kanina dahil nanginginig pa rin ang mga kalamnan niya sa inis kay Riki at hindi siya sigurado na magiging kalmado siya kung magsasalita siya. Ayaw ni Ailyn na magpakita ng inis at bugso ng emosyon dahil ikatutuwa iyon ni Riki at matatalo siya. Napakurap si Ailyn nang mag-flash ang mga camera. Alam niyang wala siyang dapat ipag-alala pero naiilang pa rin siya sa kislap ng mga camera at sa mga matang nakatutok sa kanila. Samantalang si Riki ay halatang sanay na sanay sa atensiyon at walang anumang sinasagot ang lahat ng ibinabatong tanong ng mga reporter. “Why a female bodyguard?” tanong ng isang reporter na hindi matanaw ni Ailyn ang mukha dahil sa labis na liwanag. “Because the last time I was with a male bodyguard I was accused of being gay. At least ngayon mas mukha na talagang security ang kasama ko at hindi ako mapagkakamalang nakikipagrelasyon sa kanya,” sabi ni Riki na ikinakuyom na naman ng mga kamay ni Ailyn lalo pa at nagtawanan ang mga naroon. Sige, mang-insulto ka lang. Makakaganti rin ako sa `yo, gigil na sabi ni Ailyn sa sarili kahit pa kating-kati na siyang suntukin si Riki. Ilang minuto pa niyang tiniis ang press conference bago iyon natapos. Makakahinga na sana nang maluwag si Ailyn nang may isang reporter na biglang nagpahabol ng tanong sa kanya. “How sure are you that you can really protect Riki, Miss? Kahit na babae ka?” tanong ng reporter sa kanya. Bahagyang ngumiti si Ailyn dahil agad na gumana ang isip niya. “Sapat na ang video na napanood ninyong lahat para mapatunayang mas malakas ako kaysa kay Riki. Marami pa akong kayang gawin bukod sa magpatumba ng lalaking kasinlaki niya kaya nasisiguro kong kayang-kaya ko siyang protektahan,” sagot ni Ailyn. Natawa ang mga reporter. Naramdaman naman ni Ailyn ang pagkainis ni Riki sa tabi niya, patunay na hindi gusto ng binata ang sinabi niya. Hindi tiningnan ni Ailyn si Riki dahil baka kapag nagtama ang mga mata nila ay mag-away sila sa harap ng press. Saglit pa ay tuluyan nang natapos ang press conference at magkasabay pa silang tumayo ni Riki. Kahit nang naglalakad na sila patungo sa backstage ay nararamdaman pa rin ni Ailyn ang tensiyon sa katawan ng binata. Kaya nang mawala sila sa paningin ng press ay agad siyang dumistansiya kay Riki. Pero mas mabilis ang kamay nito na nahablot kaagad ang braso ni Ailyn. “Riki,” maawtoridad na tawag ng kung sino rito dahilan kaya hindi naituloy ng binata ang akmang sasabihin nito. Sabay pa silang napatingin sa nagsalita. Nawala ang inis ni Ailyn kay Riki nang makita ang lalaking nakatayo di-kalayuan sa kanila. Matangkad at maganda ang pangangatawan ng lalaking nakasuot ng three piece suit. Guwapo at mukhang misteryoso ito. May hawig ang lalaki kay Riki pero kung mukhang bad boy na gangster si Riki, mukhang seryoso at mature naman ang lalaking ito. Kahit walang ekspresyon ang mukha ng lalaki ay kay sarap nitong titigan. “Raiven, what are you doing here?” tanong ni Riki at binitiwan ang braso niya. Sinamantala iyon ni Ailyn at mabilis na lumayo sa binata. “Nasa opisina ko sina Papa at Mama. They want to see you and your bodyguard,” sabi ng lalaking nagngangalang Raiven at tumingin pa kay Ailyn. “I’m his brother,” pakilala ni Raiven sa sarili. Sa pagkamangha ni Ailyn ay lumapit ang lalaki sa kanya at inilahad ang isang kamay. Sa sinabi nito ay nakilala niya kaagad ito na si Raiven Montemayor, ang kasalukuyang presidente ng Montemayor Communications. Bihirang magpakita sa madla si Raiven kaya hindi kaagad nakilala ni Ailyn ang panganay na Montemayor. Mukhang nakakatakot ang lalaki pero base sa paglahad nito ng kamay nito para makipagkamay ay di-hamak na mas gusto ni Ailyn si Raiven kaysa kay Riki na napakasama ng ugali. Nakangiting tinanggap ni Ailyn ang pakikipagkamay ni Raiven. “I’m pleased to meet you, Sir. I’m Ailyn Salazar.” Tumango si Raiven at umangat ang isang sulok ng mga labi. Kompara sa madalas makita ni Ailyn kay Riki, alam niyang ngiti iyon. “I know. At alam ko rin na hindi magiging madali sa `yo ang pakisamahan si Riki but please bear with it.” Umismid si Riki ngunit hindi na lang niya iyon pinansin. May pakiramdam si Ailyn na hindi gagawa ang amo niya ng kahit na anong hindi magugustuhan ng kapatid nito. Ngumiti na lang si Ailyn kay Raiven. “Gagawin ko ho ang makakaya ko.” Binitiwan ng lalaki ang kamay niya at tumango. “Now, follow me. Nasabi ko na kay Jeremy na sumunod na lang siya sa itaas pagkatapos niyang gawin ang dapat niyang gawin.” Iyon lang at tumalikod na si Raiven. Narinig ni Ailyn ang pagbuga ng hangin ni Riki. Nang sulyapan niya ang binata ay bahagya pa nitong ginugulo ang buhok bago bumaling kay Ailyn. “I don’t like what you said to the press.” Tumaas ang isang kilay ni Ailyn. “At lalong ayoko ng sinabi mo,” ganting sagot niya. Naningkit ang mga mata ni Riki. “I expect you not to be that haughty when you meet my parents,” banta ng binata. “Kung magiging mabait ka magiging mabait din ako sa `yo,” sabi ni Ailyn. May sasabihin pa yata si Riki ngunit tinawag uli ito ni Raiven. Tinapunan si Ailyn ng binata ng matalim na tingin bago sumunod sa kapatid nito. Pasimpleng bumuntong-hininga siya bago sumunod kay Riki.
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD