Tahimik akong naglalakad papasok sa loob ng bahay at maingat ko ring binuksan ang pinto. Nagtataka ako dahil sobrang tahimik ng loob ng tahanan namin.
Kahit ang dalawang kapatid ko na ay hindi ko naririnig ang boses nila o baka nasa school pa sila. Ngunit bigla akong nakaramdam ng kaba para sa aking Ina. Alam kong wala pa rito si Itay dahil mamaya pa ang uwi nito.
Agad ko na lang binuksan ang pinto ng kwarto ng mga magulang ko. Biglang nanlaki ang mga mata ko nang makita ko si Inay na umiiyak ito habang nakasalampak sa sahig. Nagtataka tuloy akong lumapit dito.
“Inay, ano pong nangyari? Bakit ka umiiyak?” Agad kong hinawakan ang kamay ng aking Ina. Ramdam kong nanginginig ito.
Muling humagulhol ng iyak ang aking Ina. Kaya naman mahigpit ko itong niyakap at ramdam ko ang sakit ng dibdib nito.
“Ang Itay mo may ibang babae! Ang sakit-sakit ng ginawa niya sa akin, Black,” narinig kong anas ng Inay.
Mariin kong ikinuyom ang aking mga kamao. Ngunit hindi muna ako nagsalita. Unti-unti kasing nilolokob ng galit ang aking dibdib. Lalo at umiiyak ngayon si Inay dahil sa pangbabae ng ama ko.
“Nag-usap na po kayo ni Itay?”
“Hindi pa, dahil nang makita ko sila sa bayan kanina na kasama ang babaeng ‘yon ay agad kong sinugod sila at binigyan ko ng sampal ng babae at ang ama mo. Ngunit ang Itay mo pa ang nagalit sa akin at sinampal din ako. Sobrang sakit ng ginawa niya sa akin, Black. Hindi ko akalain na lolokohin ako ng tatay mo!” At muling humagulhol ng iyak ang Ina.
Napalingon naman ako sa dalawang kapatid ko na lalaki na kararating lamang. Nakita ko rin ang pagtataka sa mukha nila. Dali-dali rin silang lumapit kay Inay at mahigpit nilang niyakap ang Inay ko.
“Hindi na tayo mahal ng Itay mo may ibang babae na siya!” umiiyak na sabi ng aking Ina. Kitang-kita ko ang galit sa mukha ng dalawang kapatid ko. Kahit naman sinong anak ay magagalit kung ganoon ang ginawa ng kanilang ama.
“Kung ganoon naman pala ang ginawa ni Itay dapat na tayong umalis dito!" galit na sabi ng bunso kong kapatid.
“Hindi tayo aalis dito. May karapatan tayo rito dahil tayo ang tunay na pamilya ng Itay mo! Hindi natin iiwan ang tatay ninyo. Alam kong nalason lang ng babaeng ‘yong ang utak ng ama ninyo. At kailangan nating tulungan siya. Walang aalis!” mariing sabi ng Inay ko. Agad din itong tumayo.
Nagkatinginan na lamang kami ng mga kapatid ko habang si Inay ay papalabas ng silid nila ng tatay ko. Malungkot na lamang akong humakbang para pumunta sa aking silid.
Pabagsak akong nahiga sa kama nang makapasok ako sa aking silid. Mataman akong nakatingin sa labas ng bintana. Sa Totoo lang ay ilang buwan ko nang napapansin na malamig ang pakikitungo ng aking ama kay Inay. Minsan kung ano’ng oras na ito umuwi. May gabi rin na hindi talaga ito umuuwi ng bahay at wala itong sinasabi kay Inay kung saan ito nagpupunta.
Labis akong naaawa kay Inay lalo at nakikita ko na sobrang lungkot ito at alam kong umiiyak ang Nanay ko at ‘yon ay dahil sa aking ama. Dati naman masaya ang pagsasama nina inay at itay. Hindi ko alam kung bakit nagkaroon ng lamat.
Maganda rin ang trabaho ng Itay ko sa isang kompanya, maayos ang sahod kaya hindi kami masyadong nagigipit pagdating sa pera. At sa mga gastusin naman sa bahay ay palaging present kung magbigay ang Itay. Ngunit nitong mga nakalipas na buwan ay halos tipirin na kami ng Tatay ko. Minsan nga ay naririnig ko na sinasabi ng itay sa nanay ko na magtipid-tipid daw si Inay. Wala naman akong naririnig na pag-angal mula sa aming Ina.
Ngayon ay nauunawaan ko na kung bakit biglang nagbago ang aking Ama. Dahil mayroon itong kinahuhumalingan na isang babaeng maharot.
Balak ko na sanang matulog nang marinig ko ang boses ng aking Ina at ito’y umiiyak na naman. Mukhang dumating na ang magaling kong Ama. Maingat akong bumangon sa kama. Dahan-dahan din ang mga hakbang ko papalapit sa pinto ng aking silid. Marahan ko itong binuksan at agad na humakbang.
Ngunit bigla akong napahinto sa paglalakad nang makita kong may kasamang babae si itay, ang aking ina naman ay nakaupo lang sa isang sulok ng sofa. Agad akong nagtago upang hindi nila makita lalo't nagsalita si Itay.
“Simula ngayon ay rito na titira si Jaya, sana ay igalang mo siya lalo at buntis siya. Kausapin mo ang mga anak ko Blakelyn. Baka masaktan ko sila oras na hindi nila igalang si Jaya!” mariing sabi ng aking ama. Tumingin ako kay Inay at kitang-kita kong umiiyak ito. Ramdam ko ang sakit sa dibdib nito. Kung puwede lang pumatay ng ama. Ginawa ko na sana ngayon din.
“Siya nga pala Blakelyn. Simula ngayon ay roon ka na matulog sa kwarto ni Black Lipstick. Dahil si Jaya na ang matutulog sa kwarto natin. Sige na umalis ka na sa aking harapan at linisan mo ang kwartong tutulugan namin ni Jaya---!” utos ng itay ko sa aking Ina. Hindi na ako nakatiis. Dali-dali akong lumapit sa kanila. Wala akong pakialam kung maging bastos na ako sa edad ko pa lang na labing apat na taong gulang.
“Hindi mo utusan ang aking Ina. Wala kang kwentang Ama!” Nakita kong balak akong sampalin ni Itay. Ngunit mabilis na humarang ang Nanay ko kaya ito ang natamaan ng palad.
“Maawa ka sa anak natin, Kulas!” umiiyak na sabi ng aking Ina.
“Maawa? Bastos ang anak mo, Blakelyn!” sigaw ng Itay ko. Nakita kong umangat ang kamay ng aking Ama. Ngunit agad kung kinuha ang maliit na unan at agad kong binato sa babae ng aking Ama.
“Subukan mong saktan si Inay. Alam kong puwede kayong makulong dahil sa panloloko mo kay Inay! Madali lang akong paniniwalaan ng mga pulis oras na magsumbong ako sa kanila!” Agad kong hinawakan ang kamay ng Nanay ko para dalhin sa aking silid. Hindi ko na hinintay na magsalita ang walang kwenta kong ama.
“Black, baka lalong magalit sa atin ang tatay mo dahil nagbanta ka pa sa kanya.”
“Diyos ko naman, Inay. Hindi mo ba nakikita niloloko ka na ng asawa mo! Ngunit nag-aalala ka pa rin sa kanya?!”
“Anak Black. Hindi mo ako nauunawaan. Mahal ko ang Itay mo at ayaw kong nagkawatak-watak tayo. Naniniwala ako na muling babalik siya sa atin, please! Huwag natin siyang sukuan. Sa ngayon ay susundin ko ang mga pinag-uutos niya. Hayaan mo na lang ako!” Kakamot-kamot na lamang ako sa aking ulo habang sinusundan ko ng tingin si Inay na lumabas sa kwarto ko.
“Gosh!” At basta na lang bumagsak sa kama. Medyo na-stress ako na dapat hindi mangyari dahil malapit na ang exam namin. Halos isang oras din akong nakatulala rito sa aking kwarto hanggang sa muli akong lumabas ng silid ko.
“Ito ang lalabhan mo bukas, ayusin mo ng laba dahil ayaw ko ng mabaho. Siya nga pala, sinabi sa akin ni Kulas na kanya ang bahay na ito at wala kang ambag dito, so, puwede niya kayong palayasin kapag ginusto niya. At sasabihin ko rin sa ‘yo na simula ngayon ay ako na ang hahawak ng budget!”
Gigil na gigil ako nang marinig ko ang mga pinagsasabi ng babae ng Itay.