Karen
"Lola gusto n'yo po talaga ako matulad sa inyo na dito na sa lugar na ito tatanda? Paano ko na po makita ang idol kong si Lee Min Ho niyan." Reklamo ko kay Lola habang abala ang mala-armalite nitong bibig sa kakaturo sa akin ng tamang sukat at timpla sa paggawa ng gamot.
"Bakit? nagsasawa ka na ba sa akin kaya lalayasan mo na ako?" tanong pa nitong muli at nilayasan ako.
"Lola Engrasya, pinagdadabugan mo ba ako?" pakunwa'y galit kong sabi. Alam ko naman na mawawala ang pagtampururot niya. Pero lalo ko yatang ginalit.
"Aba! Karen, nakalilimutan mo yata na ako ang Lola mo? Nag-aruga sa 'yo nagpa-aral, tapos ngayon na malaki ka na at ikaw na ang naghahanap buhay sinisigawan mo na ako?" nakapamaywang nitong sumbat sa akin at umakyat sa second-floor ng bahay naming na dalawang baiting lang naman.Kaya naman pagganitong totoong tampo na ang nararamdaman ni Lola ko'y kailangan na niya ng yakap at halik mula sa akin. Umakyat ako sa itaas at nadatnan ko itong nakahiga sa papag naming higaan na tanging banig lang ang sapin.
Sa totoo lang gusto kong dalhin si Lola sa magandang lugar. Iyong bang hindi na niya kailangan mag-tanim ng iba't ibang halamang gamot. Gusto ko siyang dalhin sa tabing dagat dahil nakakalakas daw ito ng katawan.
"Lola, hindi ko ho magagawa sa inyo ang layasan kayo. Baka po kayo magpa-layas sa akin. At saka, biro lang naman po iyong sinabi ko," sabi ko at nahiga sa tabi niya at niyakap siya mula sa likuran. Maya-maya na nga'y isang kurot sa singit ang pinakawalan niya sa akin.
"Ikaw na bata ka, masyado kang pasaway," nanggigigil nitong ani habang nanlalaki ang mata at ilong nito. Kaya pagganito si Lola, alam kong hindi na siya galit o nagtatampo kaya nagkunyari na lang akong namimilipit kuno sa sakit para mapasaya lamang siya.
"Aray,aray! Lola baka mangingitim na ang singit ko nito sa kakakurot ninyo." Tumigil naman ito at niyakap na lamang ako.
"Hay, naku! Apo, mahal na mahal kita kaya ayaw kong mapariwara ka. Alam kong may pagkukulang ako sa iyo bilang lola mo. Dapat sana nag-aaral ka na ng Kolehiyo, pero kailangan mo pang mag-tinda para lamang makakain tayo sa araw-araw. Alam kong nagsisikap ka para maging Guro, pagpasensyahan mo na ako Apo," mahabang turan nito habang tinatapik ako sa likuran.
"Lola, hindi po ako kailanman magrereklamo. Kaya ako nagsisikap para makapag-tapos at madala naman kita sa magandang lugar. Oo at maganda sa lugar na ito pero hindi ba kayo nagsasawa? Mula nang pinanganak kayo hanggang ngayon nandito pa rin kayo sa Baryo Pag-asa," sagot ko sa kanya pagkaharap nito..
"Sa totoo lang Apo, gusto ko rin naman makapunta sa ibang lugar, pero kailanman hindi ako aalis dito. Maraming magagandang alaala ang nabuo sa lugar na ito kasama ang aking mga magulang at ang Nanay mo Apo. Kaya dito rin ako hanggang sa mamatay ako." Bakit tila ako nalungkot sa kaisipang iiwan na ako ni Lola balang araw. Kaya hindi ko mapigilan ang pagbuhos bigla ng aking mga luha habang nagkanda-haba na ang aking nguso.
"Bakit ka umiiyak Apo ko?
"Kasi sabi po ninyo iiwan mo na ako. Ayaw ko Lola, gusto ko makita mo muna akong makapag tapos at aalagaan mo pa ang mga Apo mo sa akin. Kaya bawal kang mamatay," sabi ko at niyakap siya’t tuluyang napaiyak.
"Karen, Apo ko. Tanggapin mo na na balang araw iiwanan din kita. Kaya ang gusto ko bago ako mamatay ay nakatagpo ka na ng lalaking makakasama mo sa buhay. Kahit hindi mayaman at magandang lalake ayos lang basta alam kong mahal ka niya. Siguro panatag na akong mamaalam sa mundong ito." Lalo akong napaiyak sa habilin ni Lola sa akin. Pero dahil ako si Karen na masayahin kaya dinaan ko na lamang sa biro ang lahat. Kahit ang totoo nasasaktan ako at aaminin kong nawawalan na ako ng pag-asa kung minsan.
"Tahan na, at papangit ka niyan," sabi niya pa. Inayos ko ang aking mukha bago humarap ng naka-ngiti kay Lola.
"Lola, bakit hindi kaya natin subukan ang paggawa ng pampaputing sabon, iyong bang Kojic? Ang sabi ni Ning-ning sa akin ay nakakaganda raw iyon at nakakaputi, palagay n'yo po kakayanin kaya natin?" pagbibiro kong sabi kay Lola, bago kami nagtawanan na dalawa.
Nang mag-hapong iyon ay masaya kaming nag-bonding ni Lola habang gumagawa ng halamang gamot para maibenta ko naman ito sa Bayan kinabukasan.
♫♬♪♩♭
Kayo ba'y nalulungkot?
Nababalut pa ng poot
Maraming An-An ang nakatago?
Di alam anong gagawin kundi ubusin ang oras sa gin
Akala mo'y iya'y mawawala.
Hoy kaibigan ko!
Pakinggan mo ang bulong ko sa 'yo.
Ito'y di galing kung kanino
Kundi galing lang kay Miss Quack
Kanina pa ako kumakanta habang hawak ang iilang bote ng paninda ko sa aking kamay at pa kunwa'y may hawak na mikropono para makakuha ng atensyon sa mga taong dumaraan. Ngunit wala ni isang lumapit sa akin at may pagmamadali ang mga ito papunta sa iisang direksyon.
"Aba'y saan ba kayo pupunta, at lahat doon ang direksyon?" tanong ko sa mga ito. Pero walang sinuman ang sumagot sa akin. Kahit si Aling Mameng ay may pa kendeng-kendeng akong nilagpasan.
"Karen, hindi ka papansinin ng mga ‘yan. Kasi nag-uunahan iyang mga kababaihan dito papunta sa basketball court diyan sa may barangay," sagot sa akin ni Mang Tonio, ang asawa ni Aling Mameng.
"Barangay? Bakit may namimigay ba ng salapi roon? Aba'y pupunta rin ako."
"Mali ka, hindi ka ba nagtataka mahina ang benta natin, kahit ang kainan namin ni Mameng?"
"Bakit ho? Sabihin n’yo na kasi," napapa-iling kong sagot kay Mang Tonio.
"Eh, kasi Karen my loves may magaganda at mga guapong Nars at Doktor diyan sa basketball court at kaya walang kumakain kasi may libre rin pakain itong si Kapitana," Biglang sulpot ni Mando sa aking harapan.
"Tumpak," sang ayon naman ni Mang Tonio.
"Wala akong pakialam sa mga Doktor na 'yan. Kailangan kong makabenta at maubos ang paninda ko," sagot ko lang bago binalingan si Mang Tonio upang ihabilin ang paninda ko.
"Mang Tonio, pakibantayan na lang ho ito, sisilip lang po ako. May mga presyo din ho riyan at para saan ang gamot."
"Sige Karen, alang-alang sa 'yo babantayan ko 'yan. Pero bantayan mo rin ang Mameng ko ha? Baka biglang sumama iyon sa kanila. Ang hilig pa naman sa mga pogi." Itinaas ko na lang ang aking kamay bilang sang-ayon kay Mang Tonio. Akala naman kasi nito may aagaw pa kay Aling Mameng.
"My loves, hintayin mo ako," sigaw ni Mando mula sa aking likuran.
"Huwag ka ngang lumapit sa akin, baka mapagkamalan pa akong kasabwat mo," saway ko kay Mando, baka kasi biglang mandukot dito at mapagkamalan pa akong kasabwat niya.
Umalis na nga rin ito sa aking harapan at maghahanap na naman ng mabibiktimang dayuhan.
"Ano bang mayroon dito?" Tama nga si Mang Tonio at nandito halos ng mga tao para pumila ng libreng pagkain at ang iba ay hindi ko alam ano bang ginagawa ng mga 'yan? Mas mabisa naman di hamak ang mga gamot ko no! Herbal pa.
Lumapit ako sa mga nakapilang kumukuha ng pagkain. Sayang naman kasi, grasya na tatanggihan ko pa. Habang naka pila ako'y nag-iisip ako ng paraan para mapa-alis ang mga tao dito at nang makabenta ako. Kaya pa linga-linga ako at nagkahaba-haba na ang aking leeg sa kakasilip sa mga nakaputing uniporme na pinagkakaguluhan ng mga babaeng naroon kasama na si Aling Mameng ni Mang Tonio na bukod tanging naiiba dahil sa suot nitong kulay rosas na masakit sa mata.
"Nagpalit pa talaga," napapailing kong ani bago sana tatalikuran sila pero tuluyan itong naantala sa mga anghel na aking nasilayan. Awang ang aking bibig habang nakatingin sa tatlong nag-gagwapuhang Doktor na magkakasing kisig at tangkad.
"Sunod? Ano Miss hindi ka ba kakain? " tanong sa akin ng taga-bigay ng pagkain, ako na pala ang susunod.
"Tubig na lang po, may mas masarap ho roon na pagkain," sagot ko lang bago kinuha ang tubig saka lumapit sa mga ito.
"Kaya naman pala," ani ko sa sarili habang pinagmamasdan sila mula dito sa kaliwang bahagi kung saan ako sumingit para mapunta sa unahan.
"Saglit lang po, pumila po kayo. Lahat kayo ay may libreng kunsulta sa amin, basta huwag lang ho kayo mag-tulakan," nakangiting tugon ng isang Doktor na ubod din ng pogi. Ang kaso napansian ko ang singsing sa daliri nito kaya ako nawalan ng gana.
"Hindi pwede, may sabit." Kaya nilingon ko ulit ang isa pang guapo ngunit kunot-noo ang kilay nito, halatang masungit kaya erase din siya sa akin kahit walang singsing ang kamay nito. Hanggang magawi ang tingin ko sa isa pang Doktor na pinagkakaguluhan ng mga babae pero hindi pa rin ito kakikitaan ng pagka-irita. So, check na siya sa akin, isa na lang, kailangan wala akong makitang singsing na nagpapatunay na kasal na siya. Kaya namin halos maduling na ang aking mata sa kaka-sunod ng daliri nito upang makita lamang ang bagay na iyon, at nang makompirma kong wala.
"He's the one," sigaw ko. Naagaw ko ang atensyon nila, lalo na ang matipunong Doktor na ito na hindi masungit at single na kagaya ko.
"Doc, magpapatingin po sana ako."