Lucio’s POV
Alas sais pa lang ng umaga ay gising na ako. Nauna pa nga akong magising sa alarm clock ko dahil sa sobrang excited ko sa unang work ko bilang care giver kay Miss Skyla Ivy. Naligo akong mabuti, sa ilang araw na nagdaan ay gumamit na rin ako ng mga skin care kahit hindi naman talaga ako mahilig sa mga ganoon. Ewan ko ba kay Freya na pinsan ni Skyla at sinabi pa niya na kailangan kong mag-skin care. Pero napansin ko na lumambot ‘yung kutis ng balat ko, tapos nawala rin ‘yung mga white heads sa mukha ko. Lalo nga ring lumabas ang pagiging pogi ko kaya natuwa rin naman ako kahit pa paano. Tila hindi tuloy ako nakatira sa bukid dahil aminado akong pumusyaw ang balat ko dahil sa paggamit na rin ng mahal na lotion na ginamit ko. At dahil doon, itutuloy-tuloy ko na ang paggamit sa mga skin care dahil maganda naman ang effect sa akin.
Bumukas ang pinto ng kubo ko. Niluwa nito si Lola Igna na may dala-dalang kape at tinapay. Ngayon lang siya nagising kaya akala niya ay hindi pa ako nag-aalmusal.
“Oh, apo, nag-almusal ka na ba?” tanong niya habang nag-aayos ako ng bag ko. Magdadala kasi ako ng toothbrush at ilang damit. Baka kasi pagpawisan ako, kapag nangyari ‘yun may pamalit ako. Nagdala rin ako ng mga pabango at kung ano-ano pa para sakaling mag-amoy pawis ako, may pabango ako na sasagip sa akin para hindi ako bumaho. Mayaman pamilya ang pupuntahan ko kaya dapat lang na maging maarte ako sa katawan ako para hindi ako pandirian doon.
“Salamat, lola, pero nag-almusal na po ako kanina pagkagising ko,” sagot ko sa kaniya nang maghanda ko na lahat ng dapat kong ihanda.
“Oh, eh, mag-almusal ka pa rin para malakas na malakas ka sa unang work mo,” sabi pa niya at saka binaba sa lamesa ang kape at tinapay.
“Lola, nag-toothbrush na po kasi ako. Mag-aamoy kape pa ang hininga ko niyan eh, nakakahiya naman kay Miss Skyla kung mabaho ang hininga ko kapag inalagaan ko na siya mamaya,” sagot ko sa kaniya.
“Oo nga, naku, akin na nga ito, tutal ay ‘di pa naman ako nag-aalmusal. Oh, basta, galingan mo ang pagtatrabaho mo doon, ha! Huwag kang gagawa nang hindi maganda para hindi ka agad mawalan ng trabaho,” paalala pa niya kaya tumango ako.
“Kayo rin ho, tumawag kayo sa akin kapag may naging problema dito sa farm. Saka, huwag kayong magpapakapagod. Huwag niyo ring kalimutang inumin ang maintenance ninyong gamot,” paalala ko rin sa kaniya. Tinapik niya ang braso ko at saka tumango.
“Hindi mo na kailangang ipaalala ‘yan at ayoko rin namang matigok ng maaga. Mahal ko pa ang buhay ko. Isa pa, gusto ko pang makita ang pagpapatayo mo ng malaking bahay. Hindi ako puwedeng mamatay nang hindi ‘yun nakikita,” sabi pa niya kaya siya naman ang pinalo ko sa braso, pero mahina lang.
“Hintayin niyo lang po at malapit na,” sagot ko na lang kaya nagtawanan kaming dalawa. Kahit si Lola Igna lang ang kasama ko sa buong buhay ko, hindi ako nakakaramdam ng lungkot dahil sobra-sobra kung iparamdam niya sa akin kung gaano niya ako kamahal. Kaya nga mahal na mahal ko rin siya. Kapag nawala siya, baka mabaliw na ako. Hindi ko kakayanin dahil nasanay na ako na palagi siyang nariyan sa tabi ko. Nasanay na ako na palagi niya akong napapatawa sa tuwing may mga joke siya.
Maya maya pa ay may dumating ng sasakyan sa harap ng farm. Tinawag ako ng isang tauhan namin dito sa farm para sabihing may magarang sasakyan sa labas na naghihintay sa akin. Sa hiya ko naman na paghintayin ito ng matagal doon ay dali-dali akong humalik sa pisngi ni Lola Igna at saka na ako tumakbo palabas.
Pagdating ko doon ay nagulat nga ako dahil isang magarang sasakyan ang sumundo sa akin. Bumukas ang bintana at saka ko nakita ang masungit na si Freya. Tinitigan niya ako mula ulo hanggang paa habang nakataas ang isang kilay. Sa tingin ko ay sinusuri niya ang suot ko. Hindi ako mapapahiya rito dahil nag-search akong mabuti sa internet kung paano ba pumorma ng pang mayaman. Inaral kong mabuti ang mga dapat kong suotin para bumagay ako sa mansiyon na ‘yun kaya hindi siya mapapahiya sa akin.
“Okay, sige, approve na ang suot mo. May taste ka naman pala sa mga damit kahit pa paano. Halika na’t sumakay ka na sa sasakyan,” sabi niya at saka agad sinara ang bintana ng sasakyan. Natuwa ako sa papuri niya. Dahil doon ay sumakay na ako sa likuran ng kotse. Dapat nga sa tabi ni Freya ako uupo, umangal nga lang siya bigla at sinabing sa likuran daw ako sumakay. Ang arte talaga.
Habang paalis na kami sa farm, nag-umpisa na agad magpaliwanag si Freya sa mga magiging trabaho ko para kay Skyla.
Una, kailangan ko raw ipaghanda ng almusal si Skyla tuwing umaga, alas siyete ito kung mag-almusal. Bababa raw ako sa kusina para dalhan siya ng makakain sa kuwarto nito. Hindi raw kasi ito sumasabay kumain sa pamilya nila.
Pangalawa, alas nuebe ng umaga ang oras nang ligo nito. At doon ako nagulat dahil maging ‘yun ay ako rin ang gagawa. Oo, ako ang magpapaligo kay Skyla. Hindi ko naman daw ito paliliguan ng nakahubu’t hubad, nakadamit pa rin naman kaya walang magiging problema. At kung bibihisan naman daw ito ay tatawag ako ng isang kasambahay na babae at ito ang magbibihis kay Skyla para raw hindi ko makita ang mga maseselang bahagi ng katawan nito.
Sa tanghali, ganoon din, kailangan kong bumaba sa kusina para ikuha siya nang makakain. Ala una hanggang alas dos naman ng hapon ay babasahan ko ng libro si Skyla. Mahilig daw kasi itong magbabasa ng libro noong hindi pa ito bulag. Alas tres at hanggang alas kuwatro naman ang oras nang tulog niya kaya may pahinga pala ako kahit pa paano.
Alas singko, kailangan ko raw ibaba sa ibaba si Skyla dahil tatambay ito sa may garden nila para magpahangin. Noong hindi pa ito bulag ay mahilig daw kasi itong mamita ng mga bulaklak sa garden nila.
At alas sais ng gabi, iaakyat ito ulit sa kuwarto niya para pakainin naman ito ng dinner niya. Nagulat nga lang ako nang marinig ko kay Freya na alas dose ng gabi ang maaaring uwi ko. Hangga’t hindi raw ito nakakatulog sa gabi ay hindi ako puwedeng umuwi. Hindi na ako umangal dahil malaki naman ang sahod ko, ayos lang sa akin ‘yun. Wala namang problema, lalaki naman ako at kahit hating gabi na ako umuwi, matatakot ang gagawa nang kalokohan sa akin dahil sa laki ng katawan ko.
“Maliwanag na ba ang lahat sa iyo, Lucio? Wala ka ng tanong” tanong ni Freya matapos niyang ipaliwanag ang lahat.
“About sa food ko? May pakain naman siguro doon?” tanong ko kaya nagulat siya at saka napailing.
“Kakaiba ka talaga, Lucio. Talagang pagkain talaga ang tinanong mo, akala ko naman ay tungkol sa work ang itatanong mo. Anyway, siyempre mayroon naman. Pero dapat magpaalam ka kay Skyla kapag kakain ka. Hindi mo kasi ito puwedeng iwanan nang bigla-bigla dahil minsan kapag nabo-boring siya ay may mga iuutos siya nang biglaan sa iyo.”
“Ah, okay po. Ngayon, maliwanag na sa akin ang lahat, Ma’am Freya,” sagot ko.
“Anyway, bukas wala nang susundo sa iyo. Pahihiramin ka ng sasakyan ng family Ivy kaya sana ay sanay kang magmaneho ng sasakyan,” sabi niya kaya nagulat ako.
“Sanay naman ho ako kaya walang problema,” mahinahon kong sagot kahit sa loob-loob ko ay tuwang-tuwa ako dahil magkakaroon pa ako ng sasakyan, kahit pa sabihing hiram lang ‘yun, hangga’t may work ako sa kanila, nasa akin ang sasakyan na ‘yun. Ang saya naman ng work na ito.
“Good, mag-ready ka na at malapit na tayo sa mansiyon ng pamilya Ivy,” sabi niya at saka hinagis sa akin ang isang susi. Nagulat pa ako roon, pero hindi na ako nagtanong dahil alam kong susi na ito ng sasakyan na iuuwi ko mamaya kapag umuwi na ako sa gabi.
Maya maya pa ay nakarating na nga kami sa harap ng mansiyon ng pamilyang ivy. Bumukas na ang malaking gate. Nakakatuwa. Tumataas ang balahibo ko dahil noong bata pa ako, kapag napapadaan kami rito, iniisip ko kung ano ba ang itsura ng loob nito. Ngayon, matutupad na ‘yun dahil makakapasok na ako sa loob.
Mahaba-haba pa ang nilakbay namin bago nakapasok sa pinakaloob, puro puno at mga halaman ang nakita ko sa daan. Naisip ko, kawawa ang hardinero o hardinera dito sa dami ng halaman na inaalagaan at dinidiligan nila. Eh, pero kung malaki naman ang sahod, why not. Wala naman kasi talagang madaling trabaho, kung mayroon man, ito na atang magiging work ko kay Skyla. Oo, alam kong madali lang ito kaya hindi ako dapat ma-challenge.
Huminto na ang sasakyan. “Bumaba ka na, Lucio at pagbuksan mo ako ng pinto,” utos ni Freyang masungit.
“Yes po,” sagot ko at saka ako nagmadaling lumabas ng sasakyan. Paglabas ko ay agad kong binuksan ang pinto niya. Kaya lang ay napakunot ang noo ko dahil hindi pa rin ito lumalabas. Mataray nito akong tinignan kaya nagtaka pa ako.
“May kailangan pa po ba kayo? Heto na po, bukas na po ang pinto kaya puwede na kayong lumabas,” sabi ko kaya umirap na siya nang tuluyan sa akin.
“Ah, iharang niyo po kasi ang isang kamay ninyo sa may itaas ng kotse para kapag lumabas siya, hindi siya mauuntog sa itaas ng kotse,” sabat ng driver kaya napangiwi ako.
“Ah, ganoon ba. Sorry, hindi ko alam eh,” sagot ko at saka ko na ginawa ang sinabi nito. Hinarang ko na nga ang kamay ko sa itaas at doon na siya tuluyang lumabas. Again, may pairap na naman siyang ginawa kaya mukhang normal na sa babaeng ito ang madalas magtaray.
“Sumunod ka sa akin at ipapakilala kita sa kanila. Pupuwede ka pa kasing hindi tanggapin dito kapag hindi ka nagustuhan ng pamilyang Ivy,” sabi niya kaya kinabahan tuloy ako. Titig na titig ako at nakatingala sa mataas na mansiyon na ito. Grabe, parang palasyo ito sa sobrang lakai. Tama nga ang sabi-sabi noon sa amin na para kang nasa ibang bansa kapag napasok itong mansiyon ng Pamilyang Ivy.
Ang bilis niyang maglakad, habang ako naman ay nakabuntot lang nang nakabuntot sa kaniya. Kung maglakad siya ay talagang masasabi mong mayaman dahil may class. Pati paghawak sa bag at paghawi sa buhok ang sosyal-sosyal.
Pagpasok namin sa loob ng mansiyon ay nakaramdam agad ako ng lamig. Putcha, parang mall dahil naka-aircon ang buong bahay. Puputi pala ako lalo rito eh. Isa pa, tila ginto lahat ng kagamitan dito. Pinipilit kong hindi maita, pero nakakaita talagang tignan ang lahat. Kung susuriin ko ay tila pati ang mga gamit dito ay milyon ang halaga. Ang dami ngang kasambahay. Lahat sila ay nakatingin sa akin at para bang kumikinang ang mga mata. Malamang sa malamang ay crush na nila agad ako. Nagbubulungan nga agad ang mga ito. Nag-aagawan na siguro sila sa akin kaya ang ginawa ko ay tinangungaan ko sila at saka nginitian. Ayon, para tuloy silang mga bulateng sinabuyan ng asin dahil sa pangingisay nila.
Ang bango dito sa loob, amoy mayaman talaga. Nakarating kami ni Freya sa living area na sobrang ganda. Grabe sa laki ang mga sofa dito, parang kama na nga ang mga ito sa sobrang laki.
“Good morning po, Don Simon at Donya Kyla, narito na po ang magiging care giver ni Skyla,” anunsyon ni Freya kaya sabay nahinto sa mga ginagawa nila ang mag-asawa. Nang tignan ko ang mga ito ay nakaramdam ako ng takot dahil ang seryoso ng mga mukha nila. Ang gara lang dahil kahit nasa bahay lang sila, akala mo ay may mga lakad ito dahil sa mga magagara nilang kasuotan. Hindi ngumingiti ang mga ito nang tignan ako, ang seryoso talaga kaya parang may mga dagang naghahabulan sa dibdib ko sa sobrang kaba nang nararamdaman ko.
“Magpakilala ka na, Lucio,” bulong ni Freya sa akin.
Tumango ako at saka lumapit ng kaunti sa kanila.
“Good morning po. I’m Lucio Sarmiento po, gagawin ko po ang lahat nang makakaya ko para maalagaang mabuti si Miss Skyla,” sabi ko at saka ko nilahad ang kamay sa kanila. Agad naman akong hinila ni Freya at saka hinampas nang mahina ang kamay ko. Sa tingin ko ay pinababa niya ang kamay ko kaya ganoon ang ginawa niya.
“Hindi ka dapat makipagkamay sa kanila, tanga ka ba!” galit niyang bulong sa akin kaya nahiya ako bigla.
“Sorry, hindi ko alam,” sagot ko sa kaniya.
“Okay, malaki ang katawan at pogi naman siya, sapat na ang dalawang nakita kong magandang katangian sa kaniya para masabi kong bagay naman siya sa mansiyon na ito, kaya sige, tanggap ko na siya kahit parang medyo bobo ito. How about you, honey?” sabi ni Donya Kyla at saka tumingin sa asawa niya. Napangiwi ako nang sabihin niyang parang bobo ako. Aminado naman ako doon pero naka-graduate naman ako at kung sa english-an lang ay nakakaintindi naman ako.
“Ang weird lang talaga at lalaki pa ang nais ni Skyla na mag-alaga sa kaniya. Ganoon pa man ay narito na, gusto mo na rin naman siya at gusto rin ni Skyla na ang lalaking ‘yan ang mag-alaga sa kaniya, kaya sige, tanggap ko na rin siya kahit mukhang bobo nga ang isang ito,” sabi naman ni Don Simon kaya lalo na akong napangiwi. Tanggap nga ako pero may panglalait naman. Nakakasura lang.
“Maraming salamat po,” sabi ko na lang at saka na nila tinuloy ang mga ginagawa nila. Halos hindi na nga nila ako pinansin kaya hinila na ako ni Freya.
“Mag-i-start ka na, kaya halika na sa itaas. Mag-aalas siyete na ng umaga kaya gisingin mo na si Skyla para makapaghilamos at toothbrush na siya,” sabi ni Freya.
Habang umaakyat kami sa hagdan, nakakaramdam na naman ako ng kaba dahil isip-isip ko kung ano ba ang itsura nitong magiging alaga ko. Maganda si Donya Kyla at pogi rin naman si Don Simon kaya baka maganda din itong si Skyla. Sana nga, baka kasi ma-inlove sa akin si Skyla. Naku, maganda kung mangyayari ‘yun. Aba, kackpot na ako dito ‘no. Kapag kami ang nagkatuluyan, ibig sabihin lang niyon ay dito na rin ako titira. Ay, teka, bulag nga pala siya kaya malabong mangyari ‘yun. Bigla tuloy akong napangiwi. Ganoon pa man, heto na, mag-uumpisa na akong magtrabaho kaya isang buntong-hininga na ang pinakawalan ko.
Kaya ko ito!