Prologue
Vladimir
Noong ako ay Beinte Tres Anios, nagbago ang buhay ko.
Sa edad kong 23, napakarami ko nang napagdaanang hirap at pagsubok sa buhay. Sa edad kong ito ay masasabi kong sinubok na ako ng panahon at dahil sa katatagan ko ay napagtatagumpayan ko ang mga ito.
Sa murang edad ay nawala ang ina ko sa akin dahil sa sakit. Ako ang nag-iisang anak nila. Hanggang sa makahanap si tatay ng magiging asawa niya na noong una ay mabait sa akin habang wala ang tatay sa tabi ko na abala sa pagtatrabaho sa ibang bayan. Ngunit nagbago ang lahat nang magkaanak na sila. Tatlo ang naging kapatid ko sa madrasta ko at masasabi kong naging mahirap ang buhay ko dahil hindi man lang ako nabigyan ng atensyon.
Nakapagtapos ako ng high school ngunit hindi na ako nabigyan man lang ng oportunidad para pag-aralin sa kolehiyo. Dahil sunud-sunod din ang gastusan sa bahay dahil sa mga maluluho kong kapatid.
Kaya’t gumawa ako ng paraan para makapag-aral. Maaari akong husgahan ng nakararami dahil sa gawaing ito pero hindi ko naman ginagawang paraan ng pagkakakitaan ang pakikipag-ugnayan sa mga binabae na lapit ng lapit sa akin.
Hindi ito tulad ng iniisip ng nakararami na nagpapagamit ako. Hindi ko iyon magagawa.
Hanggang sa makagawa ako ng bagay na hindi ko inaasahang mangyari na maaaring maging dahilan para hindi ko matupad ang pangarap kong makapagtapos ng pag-aaral.
Ngunit naging matatag ako. Dahil binigyan ako ng panahon ng rason para magpatuloy sa buhay.
Pag-ibig.
Ito ang naging rason para lumaban ako. Ngunit ito rin ang naging rason para isantabi ko ang pangarap ko.
Tunay na Pag-ibig.
Dahil dito, naisip kong hindi pa pala huli ang lahat para sa katulad ko. Hangga’t may pagmamahal at nagmamahal sa akin, mayroon at mayroong pag-asa.
Paano nabago ang buhay ko? Simple lang. Natagpuan ko ang taong tatanggap sa kung sino at kung ano ang mayroon ako.