“Ahm, k-kuya! N-Nandito ka pala.” Nauutal niyang wika kay Jayvee nang malapit na malapit na ito sa kanila ni Sandro.
Paano kaya nito nalaman na nandoon siya? Nagkataon lang kayang nandoon din ito at nakita siya? Pasimple siyang tumingin-tingin sa likod nito kung nakasunod dito si Sophie at ang mga mga magulang ng huli. Baka kasi doon din nagkita-kita ang mga ito, o baka magkikita-kita pa lang kasi kapapasok pa nga lang ni Jayvee.
“Jayvee, kumusta?” tanong naman ni Sandro na kunwari lalaking-lalaki.
Nilingon niya ang bakla at tiningnan ito ng masama. Nagkukunwari na naman itong lalaki dahil gusto lang yatang lapitan at tsansingan si Jayvee.
“Pauwi na ako. N-Nasaan na si Sophie?” Tanong niya naman kay Jayvee at pilit binalewala ang matalim pa rin nitong tingin sa kanila ni Sandro.
Hindi sumagot si Jayvee at nagulat siya nang bigla na lang siya nitong hilahin palayo kay Sandro.
“K-Kuya!”
Walang salitang hinila siya ni Jayvee papunta sa exit ng mall at dire-diretsong lumabas.
Napalingon na lang siya sa nagulat ding baklang si Sandro.
“Bye, beb! Una na ako!” pahabol niya kay Sandro at kinawayan ito.
Lalo namang humigpit ang pagkakahawak sa braso niya ni Jayvee at nasasaktan na siya sa sobrang higpit niyon.
“K-Kuya, n-nasasaktan ako. Masyadong mahigpit—"
Marahas siya nitong nilingon at tiningnan ng masama. Ano ba ang problema nito? Nagkaroon ba ito ng problema kasama ang Sophie na iyon? Tapos sa kanya nito ibabaling ang inis nito?
“Kuya! Masakit na ang—”
“I don’t care! Sana naisip mo yan bago mo naisip makipag-date sa lalaking yan!”
Nasa labas na sila nito ng mall pero masama pa rin nitong nilingon at itinuro ang loob ng mall kung saan sila nanggaling.
Hindi naman siya makapaniwala sa sinabi nito. Nag-date? Sila ni Sandro?!
“Kuya, anong date? Bakla si Sandro-“
“Don’t try to explain, Luna. Let’s go home!”
“Pero bakla nga—”
“Just shut up!”
Doon na siya natigil at tulalang napatitig dito dahil talagang sinigawan na siya nito. Iyon ang pinakaunang beses na sinigawan siya nito ng ganoon. At galit na galit ito ngayon.
Pero ano ba ang ikinagagalit nito kay Sandro? Palagi na lang mainit ang dugo nito kay Sandro, kahit pag nagku-kwento siya tungkol sa klase niya at mabanggit niya si Sandro ay bigla na lang nasisira ang mood nito.
Nagpaalam naman siya rito kanina na kasama niya si Sandro pero hanggang sa natapos na ang klase nila ay wala naman itong reply sa kanya.
Dahil ba inabot siya ng lampas alas otso sa mall kaya ito nagagalit? At sinisisi nito si Sandro?
Nakayuko na lang siyang nagpaubaya sa paghila nito sa kanya papunta sa nakaparadang kotse nito. Pinagbuksan siya ni Jayvee ng pinto sa harap at tahimik naman siyang sumakay sa kotse. Mabilis lang din itong nakaikot at sumakay na rin sa driver’s seat.
Hindi na rin ito nagsalita pa at sinimulan nang paandarin ang kotse.
Pagdating nila sa bahay ay halatang galit pa rin si Jayvee. Hindi na siya naghintay na pagbuksan nito ng pinto at bumaba na kaagad siya pagkatapos ay dumiretso siya paakyat sa hagdan.
Gutom na siya kanina kagaya ni Sandro pero nawala na ang gutom niya dahil sa inakto ni Jayvee. Galit na galit ito dahil lang pumunta siya sa mall kasama ni Sandro! Nagpaalam naman siya kanina! Oo nagsinungaling siya at hindi niya namalayan ang oras pero dapat bang magalit ito ng ganoon at umabot pa sa puntong masasaktan na siya nito?
Porket ikakasal na ito kay Sophie, bigla na lang itong nagbago sa kanya. Wala na itong concern sa kanya!
Dire-diretso siya sa pag-akyat sa hagdan kahit naramdaman niyang nakasunod sa kanya si Jayvee.
“Eat if you’re hungry. But don’t expect me to say sorry to you.”
Natigil siya sa paghakbang dahil sa sinabi nito hanggang sa nilampasan na lang siya nito.
Wala na nga itong paki sa damdamin niya.
Bigla na lang siyang tahimik na napaluha. Ang bilis naman nitong magbago!
Sabagay, sino nga ba siya? Pinulot lang siya nito kaya mabilis lang siya nitong itatapon.
“Bahala ka! Gusto ko lang namang maglibang saglit kaya lang di ko namalayan ‘yong oras, galit na galit ka na agad!”
Binilisan niya ang paglakad at halos takbuhin na niya ang pag-akyat sa hagdan kaya ito naman ang nalampasan niya.
Hindi naman sobrang sakit ng pagkakahawak nito sa braso niya kanina. Pero iba ang sakit na dulot niyon sa puso niya.
“That’s not what I’m not mad about! I told you na pag-aaral muna ang unahin mo. Nangako ka sa’kin! Pero ano, patago kang makikipagrelasyon sa lalaking ‘yon? Kailan pa, ha, Luna? Since when did you start lying to me?!”
Tumigil siya sa paghakbang at hinarap niya ito. Inis na inis na siya kay Jayvee pero hindi na siya masyadong lumapit dito dahil baka hindi siya makapagpigil at magkasakitan pa sila tapos ay maaksidente pa sila sa hagdan.
“Bakla nga si Sandro! Ilang beses ko bang sasabihin sa’yo?!” Nanggagalaiti niyang tanong dito. Gusto niya itong sapakin sa sobrang inis niya dahil napakakitid ng utak nito! Noon pa man ay hindi na ito naniniwalang bakla si Sandro. At ngayon ay iniisip pa nitong may relasyon sila ni Sandro? Ang tanga yata ni Jayvee sa part na inisip nitong may relasyon sila ni Sandro. Hindi ba nito napapansin ang totoong pagkatao ng baklang yon? Tsk!
“Yah, right! May endearment ka pa nga sa kanya, di ba? What’s that? Beb? Baduy!” anito at mabilis na ulit naglakad hanggang sa malampasan na naman siya nito.
“Tawagan lang namin ‘yon bilang magkaibigan, Jayvee, ano ka ba?!” Saglit siyang natigilan nang marealize niyang hindi niya ito tinawag na kuya. Natigilan din si Jayvee at gulat itong napalingon sa kanya ngunit muli lang din itong naglakad paakyat hanggang sa makarating na ito sa 3rd floor.
“Yah, right.” Walang gana nitong tugon. Obviously ay hindi ito naniniwala sa mga sinabi niya at mukhang wala na itong balak makinig sa kanya.
“Nasanay na kaming ganon ang tawagan kasi… kasi minsan nagpapanggap siyang boyfriend ko ‘pag may gusto akong itaboy na gustong manligaw sa akin..” aniya pero lumingon lang ito sa kanya habang masama pa rin ang tingin. Kaya muli ay napaliwanag na lang siya rito.
“Iyon ang totoo. I want to keep my promise to you na magtatapos muna ako bago ako magkakaroon ng lovelife. Kaibigan ko si Sandro at maniwala ka sa akin na lalaki din ang gusto niya. At hindi kami nag-date kanina! Nandoon kami sa mall dahil—”
“You lied to me. Sinabi mong may project kayo pero wala naman talaga, am I right?” sumbat nito sa kanya kasabay ng muli nitong paglingon sa kanya.
“Sorry kung sinabi kong may bibilhin ako kahit wala naman… pero iyon lang ang kasalanan ko. Nandon kami dahil niyaya ako ni Sandro na abangan ‘yong mga artistang pumunta doon. Binigyan pa nga ako ng bulaklak. Andon sa kotse.” Aniya pagkaalala sa bulaklak na naiwan pala niya sa kotse nito.
Pero mukhang buo na ang paniwala ni Jayvee na boyfriend nga niya si Sandro at nag-date sila nito.
Nilingon lang siya nito para bigyan ng matalim na tingin tapos dumiretso na ito papunta sa pinto ng kwarto nito.
Sarado na talaga ang isip nito!
Sabagay, bakit pa nga ba niya ipipilit na maniwala ito sa kanya, gayong di magtatagal ay aalis na rin siya sa pamamahay nito?
Akala niya noon pagkagraduate niya ng college saka siya aalis sa mansiyon nito, pero mukhang mapapaaga na iyon dahil malapit nang ikasal si Jayvee. Siguradong ayaw ni Sophie na makikitira pa siya roon.
“Sige, wag ka nang maniwala sa’kin. Naiintindihan ko naman. Ikakasal ka na kay Sophie kaya siya na lang ang isipin mo. Pasensiya na at salamat sa mga tulong mo. Siguro aagahan ko na lang ang pag-alis ko rito para hindi na ako maging problema sa’yo. Babayaran na lang kita sa lahat kapag—”
Nagulat siya nang bigla nitong hinablot ang braso niya at marahas siyang isinandal sa pader.
“Don’t change the topic. Aalis ka huh? Is that your excuse to be with that man?”
Tila bigla na namang umakyat ang dugo sa ulo niya at inis na inis na naman siya kay Jayvee. Bakit ba hindi ito naniniwala na bakla nga si Sandro?
“Bakla nga si Sandro! Bakla siya! Beki, bading, binabae! Bakit ba di mo maintindihan?! Hindi siya lalaki! Gay siya! Gay!” frustrated niyang sigaw sa mukha ni Sandro.
“Siguro nga bagay talaga kayo ni Sophie! Desperada siya at ikaw naman tanga! Magsama kayong dalawa!”
Tinabig niya ang mga kamay nito sa sobrang inis niya!
Oo tanga talaga si Jayvee dahil hindi nito napapansing ito lang naman ang nag-iisang lalaking gusto niya! Masyado itong manhid! Hindi man lang nito napapansing napipilitan lang siyang tawagin itong kuya!
Bwisit!
Nagsimula na siyang humakbang ulit palayo kay Jayvee. Siguradong palalayasin na siya nito nang oras na iyon mismo dahil sinabihan niya itong tanga.
Ngayon lang sila nag-away nang ganito at hindi niya akalaing dahil pa iyon kay Sandro.
Ngunit nagulat na naman siya nang bigla siyang hilahin muli si Jayvee at isinandal ulit sa pader. Ang hilig nitong manghila at mang-corner, ha!
“You’re not leaving!” pasigaw din nitong wika sa mukha niya habang hawak na ngayon ang dalawang braso niya at idinidiin siyang lalo pasandal sa pader.
Medyo nalito pa siya dahil akala niya ay palalayasin na siya nito dahil tinawag niya itong tanga.
Pero dahil inis na inis pa rin siya ay sinubukan niyang magpumiglas kay Jayvee.
Hindi naman ito naniniwala sa kanya, tapos ikakasal na ito kay Sophie. Masasaktan lang siya kung makikita niyang nagsasama na ito at si Sophie kaya dapat lang sigurong agahan na lang niya ang pag-alis niya. 3rd year college naman na siya. Magtratrabaho na lang siya at siguro ay lilipat na lang siya sa mas murang paaralan para lang makapagtapos siya. For the mean time ay magpapatulong na lang muna siguro siya sa mga kaibigan niya.
“Yes, I am! Doon na lang ako sa BOYFRIEND ko at ‘yong fiancée mo na lang ang isipin mo!” diniinan niya pa ang pagkakasabi ng salitang ‘boyfriend’ tutal ay iyon naman ang paniwala nito. Nakakapagod lang magpaliwanag, hindi naman siya pinakikinggan.
“And you think I’ll allow that, huh?”
Pagkasabi niyon ay bigla itong yumuko at hinalikan ng mariin ang mga labi niya!
Pakiramdam niya ay tila biglang tumigil ang oras. Tila napasailalim siya sa isang mahika at hindi niya masabi kung nananaginip ba siya o nag-iimagine lang siya.
Hinahalikan siya ni Jayvee?
Imposible….
Pero agad din siyang nagising sa sandaling pagkatulala nang maramdaman niyang kinagat ni Jayvee ang pang ibabang labi niya pagkatapos ay mabilis nito iyong sinipsip!
“Mmmnn!” Sinubukan niyang kumawala mula sa marahas nitong paghalik ngunit tila lalo lang itong nanggigil sa paghalik sa kanya.
Pakiramdam niya ay nangangapal na kaagad ang mga labi niya nang mga sandaling iyon kaya hinayaan na lang niya itong halikan siya kahit naguguluhan pa rin siya kung bakit nito iyon ginagawa.
Marahil ay parusa nito iyon sa kanya sa lahat ng sinabi niya kanina.
Ninamnam niya ang bawat hagod ng mga labi at dila nito sa bibig niya hanggang sa hindi niya namalayang tumutugon na pala siya sa mga halik ni Jayvee. Ibinuka niya ang bibig niya at hinayaan niya ang dila nitong makapasok doon, naglumikot ito sa loob ng bibig niya hanggang sa salubungin niya iyon ng sarili niyang dila.
Tila nalalasing na siya sa sarap ng paghahalikan nila ni Jayvee at nawaglit na bigla sa isipan niya na nag-aaway nga pala sila. Ngayon, ang tanging mahalaga na lang sa kanya ay palayain ang damdamin niya para rito, ang malaman nitong may pagmamahal na siya para rito hindi bilang isang kamag-anak kundi bilang isang babae sa isang lalaki.
Matagal na niyang gusto si Jayvee. Pero paulit-ulit niyang sinasabi sa sarili niyang wala siyang karapatang magkagusto rito. Pinulot lang siya nito, binihisan at pinakain. Utang na loob niya rito ang buhay niya ngayon kaya wala siyang lakas para ipaalam dito ang nararamdaman niya.
Pero noon iyon.
Ito na mismo ngayon ang humahalik sa kanya. Halik na alam niyang hindi na lang dahil sa galit at para parusahan siya kundi halik na may pagsuyo, halik na may ibang dahilan.
Saglit pa ay bumagal at naging masuyong halik na ang pinagsasaluhan nilang dalawa. Hindi niya alam kung gaano na sila katagal naghahalikan hanggang sa bigla na lang muling naging mapusok ang paghalik nila sa isa’t-isa. Naging mapag-angkin ang bawat hagod ng mga labi ni Jayvee sa kanya, paulit-ulit na rin nitong sinisipsip ang mga labi niya maging ang dila niya.
Ayaw niyang umasa pero isa na lang ang nararamdaman niya sa mga halik ni Jayvee sa kanya. May nararamdaman din ito para sa kanya.
Dahan-dahang naghiwalay ang mga labi nilang dalawa. Saka lang din niya napansin na parehas na silang hinihingal at nakayapos na ang mga braso niya sa leeg ni Jayvee, ang mga kamay naman nito ay mariin nang nakahawak ngayon sa baywang niya.
“Ahm…” sinubukan niyang mag apuhap ng sasabihin pero tila nablangko na bigla ang utak niya!
“Don’t talk.” paanas na sabi ni Jayvee at muli nitong sinakop ang mga labi niya. Ramdam na ramdam niya ngayon ang pananabik nito at ang tila pagkauhaw nito sa kanya.
Muli, hinayaan niya si Jayvee na angkinin ng lubos ang mga labi niya. Tinugon na rin niya ang mapusok nitong paghalik at ipinaramdam niya sa pamamagitan niyon kung ano ang totoong damdamin niya para rito.
Naramdaman niya ang unti-unting paglipat ng mga kamay ni Jayvee mula sa baywang niya papunta sa kanyang pang-upo. Hindi niya ito pinigilan at sinamantala na rin niya ang pagkakataong iyon para damhin ang malalapad nitong balikat… Ibinaba pa niya ang mga kamay niya at hinaplos niya ang dibdib nito.. Pangarap lang niya iyon dati, pero ngayon ay nagkatotoo nang bigla.
Naramdaman niya ang maririing pagpisil ni Jayvee sa pang-upo niya hanggang sa dahan-dahan nitong pinutol ang nakakabaliw na paghahalikan nila.
“If you let me kiss you again, there’s no turning back.” Bulong nito habang ikinikiskis ang tungki ng ilong sa ilong niya.
Titig na titig siya kay Jayvee. Hindi pa rin siya makapaniwalang naghalikan sila ng napaka-intense! Not just once, but twice already! At hanggang sa mga sandaling iyon ay ramdam na ramdam pa rin niya ang isinisigaw na paghahanap ng katawan at puso niya para kay Jayvee.
Kahit ano pa ang mangyari, hinding-hindi siya magsisising nakaramdam siya ng ganoong klaseng pagmamahal para rito.
Nang hindi siya sumagot sa sinabi nito ay dahan-dahan itong yumuko lalo para halikang muli ang mga labi niya kaya’t napapikit na lang siya at hinintay na lumapat muli ang mga labi nito sa mga labi niya…