Chapter 1 – Shelter

830 Words
“Parang awa niyo na po ate, kahit taga-hugas lang po ng pinggan o taga-walis. Kailangan ko lang po ng matutulugan.” Halos maiyak na si Luna sa pakikiusap sa may-ari ng karinderya na bigyan siya nito ng kahit anong trabaho basta payagan lang siya nitong matulog sa loob ng karinderya nito. Ilang araw na rin kasi siyang nagpapalaboy-laboy at kung kani-kanino humihingi ng tulong matapos ang trahedyang nangyari sa mga kasamahan niya. May sumunog lang naman sa lugar na kinalakihan niya na halos nasa gitna ng kagubatan at siya na lang ang natira dahil wala siya roon nang sunugin ang lahat ng bahay, pati mga tao sa lugar nila. Isa iyong kumunidad na kung saan ay may sarili silang batas. Namumuhay naman sila ng payapa at hindi sila namemerhuwisyo ng iba kahit may mga kaugalian silang hindi normal sa labas ng kumunidad nila, kaya hindi niya maunawaan kung bakit may mga taong sumira sa mapayapa nilang pamumuhay. Ngayon tuloy ay wala na siyang ibang maaasahan kundi ang sarili niya. Kailangan niyang buhayin mag-isa ang sarili niya dahil may sumira at tumapos na sa lugar na pinagmulan niya. Kahit isa bukod sa kanya, wala nang natira. Puro abo na ang kanyang inabutan. Malagim ang sinapit ng mga kasamahan niya, kasama na roon ang nanay at tatay niya. Pero wala siyang oras na magluksa dahil kahit mag-isa na lang siya ay kailangan niya pa ring ituloy ang buhay niya. Ang mahalaga ay buhay pa siya. Wala rin siyang lakas, paraan at pera para hanapin kung sino ang may gawa niyon sa kanila. Kaya heto siya’t kung kani-kanino na nakikiusap para lang magkaroon siya ng kahit maayos na matutulugan man lang. Dese-sais anyos na siya, at kahit napakarungis na niya at hindi agad mahahalatang babae siya dahil maiksi ang buhok niya ay nag-aalala pa rin siyang baka may mangyari sa kanyang masama. Kaya niyang tiisin ang gutom ng ilang araw. Pero kapag ganitong panahon na maulan ay hindi siya ligtas sa mataas na kagubatan. Hindi rin siya ligtas sa lugar na bukas sa mga tao kaya naghahanap siya ng matutuluyan at magpagtatrabahuhan. “Hindi nga puwede. Ang kulit mo ring bata ka! Nakailang balik ka na rito, ah! Hindi ko na kailangan ng dagdag na tao dito sa karinderya ko!” “Maawa na po kayo-“ Tinangka niyang hawakan ang ale pero itinulak siya nito. Agad din nitong hinawakan ng mahigpit ang damit niya at kinaladkad siya papunta sa tabi ng kalsada. “Wag na wag ka nang babalik dito dahil sinisira mo ang negosyo ko!” bulyaw nito sa kanya bago siya tinalikuran. Napaupo siya sa kalsada at tuluyan nang napaiyak. Nawawalan na rin siya ng pag-asang may tutulong sa kanya. Nag-iisa na lang siya sa buhay at natatakot siyang pag nagpalaboy-laboy pa siya ng matagal ay may manamantala sa kanya, o baka dukutin siya, saktan at ibenta. Bigla na lang may magarang sasakyan na tumigil sa bandang harap niya. Agad niyang pinunasan ng nanlilimahid na mga kamay ang luha niya, tumayo siya at kinatok ng ilang beses ang salaming bintana ng kotse. “Sir, Maam, maawa po kayo, tulungan niyo po ako.” Malakas niyang pakiusap sa kung sinumang nasa loob ng kotse. Mayaman ang may-ari ng kotseng iyon, panigurado. At magbabaka-sakali siyang matulungan siya nito. Kahit pansamantala lang, kailangan niya ng matutuluyan at trabaho. At kapag may naitabi na siyang pera ay maaari na siguro siyang maghanap ng panibagong trabaho at lilipatan niya. Nagulat naman siya nang bigla na lang ay may nagbabaang mga lalaki mula sa isa pang kotseng nakasunod dito pero bago pa ang mga iyon tuluyang makalapit sa kanya ay bumukas ang salaming bintana ng kotse sa harap niya. Bumungad doon ang isang napakagwapong lalaki at tumitig ito sa kanya. “Maawa ka po Sir, wala na po akong uuwian. Magtratrabaho po ako sa inyo. Masipag po ako. Kaya ko lahat ng trabaho.” Pakiusap niya rito. Tinitigan siya ng lalaki hanggang sa bumaba ang tingin nito sa mga paa niyang sugat-sugat na paakyat muli sa mukha niya. “Sige na po Sir… Marunong po akong maglaba, magluto, maglinis ng bahay. Kailangan ko lang po ng matutuluyan. Nag-iisa na lang po ako sa buhay…” “What’s your name?” Nanlaki ang mga mata niya sa tanong nito at agad siyang sumagod. “Luna po, Sir. Luna Selis ang buo kong pangalan.” Sagot niya. “Ilang taon ka na?” tanong pa nito maya-maya. “Sixteen po…” “You’re underage to be a housemaid.” Bigla naman siyang nataranta. Ramdam niya kanina na mukhang mapapapayag na sana niya ang lalaki kaso ay mukhang hahadlang pa yata ang edad niya. “Hindi po ako magsusumbong! Wala pong magsusumbong. Please Sir… kunin niyo na po akong katulong.” Nanatili itong nakatitig sa kanya habang nakakunot-noo. Pero maya-maya ay may isinenyas ito sa mga tao nito. “I’ll give you shelter. But you have to obey my orders.” “Opo, opo! Maraming salamat po!”
Free reading for new users
Scan code to download app
Facebookexpand_more
  • author-avatar
    Writer
  • chap_listContents
  • likeADD